Kahit kailan ay hindi sumagi sa isipan ni Keith ang mag-workout. Noong tumungtong nga siya ng highschool at kolehiyo, mas paborito niya ang nakakabagot na Physics kaysa sa P.E. Tuwing breaktime, lumalabas pa siya ng school, makabili lang ng isang kahon na pizza. Samantalang ang mga kaklase niya’y kuntento na sa biscuit at softdrink. Wala pa naman siyang masyadong problema noon sa katawan dahil kahit anong kain niya’y hindi siya tumataba.
Ngunit nang magreview siya para sa board exam, nagsimulang lumobo ang kanyang katawan. Halos buong araw siyang nakatutok sa libro habang may katabing pagkain sa mesa. Hindi man lang niya naiisipang mag-ehersisyo. Nakakapag-unat lang siya ng mga braso sa tuwing may ididikit na manila paper sa dingding at kisame-nakasulat dito ang sandamakmak na formula na kanyang kinakabisado. Dahil sa pagsusumikap ay nakamit niya ang first place sa board exam.
Naging hamon sa kanya ang pagtatrabaho sa kompanya ng sariling pamilya dahil malaki ang expectations sa kanya. Kailangan niyang patunayan na iniluklok siya sa posisyon hindi dahil siya’y isang De Asis kundi dahil siyang karapatdapat. Kaya naman kahit bisor pa lang siya noon sa Rebar department, siya ang pinakamaagang pumasok at pinakahuling lumabas.
Minsan ay sinasabayan pa niya ang pagpupuyat ng mga construction worker. Dahil dito’y lalo niya’y napabayaan ang sarili. Kung uuwi siya’y pagod na ang katawan at isipan at ang tanging pampaalis ng kanyang stress ay walang iba kundi pagkain o alak. Sabayan pa ito ng panonood ng TV o paglalaro ng online games.
Pagkain ang pinakamalaki niyang tukso. Ngunit ngayon…
Sinisipa ng frustration ang sistema ni Keith habang pinagmamasdan ang slice ng pizza. Napakalaking tukso ito sa kanyang paningin lalo na ang malinamnam nitong amoy. Hindi niya akalaing ganito kahirap ang kanyang pagdaraanan. Isang linggong ay pagsubok na nga ang naganap sa gym, ngayon nama’y maituturing niyang parusa ang tuluyang pag-iwan sa mga pagkaing nakasanayan niya. “Sasabihan ko talaga si Mama na huwag nang mag-grocery.” Dahan-dahan niyang isinara ang pridyider. Inipitan niya ng magnet ang diet plan na ibinigay ni Straberry at tahimik itong binasa.
Bawal ang fast foods, pizza, white bread, fruit juice, fried at grilled, pastries at cake!
Napapailing na lang siya habang binabasa ang mga pagkaing dapat at hindi dapat kainin. Sa kasamaang palad, lahat ng laman ng refrigirator ay nakalista sa bawal. “Hindi naman siguro nila malalaman kung titikim lang ako,” bulong niya. “Pero balewala ang ginagawa kong disiplina kung hindi ako susunod.” Padabog siyang umupo sa mesa at maluha-luhang tiningnan ang agahan niya bago muling sumugod sa gym.
“Kasya ba sa ‘kin ang scrambled egg at oatmeal?”
Dati, samu’t saring pagkain ang hinahain niya sa umaga at lahat ng ito’y nauubos niya. Ngayon, tila lalamunin ng mesa ang maliit na bowl at plato. Isang basong tubig na lang ang katabi nito imbes na kape na pagkatamis-tamis.
Bago pa lumamig ang kakapiranggot na pagkain ay naglaho na ito sa mesa. Pakiramdam niya’y hanggang sa lalamunan lang niya ito nakaabot, gayunman pikit-matang napapatango na lang siya. “Makakasanayan ko rin ‘to. Kung gusto kong bumuti ang katawan ko, kailangan kong sanayin ang katawan ko sa bagong diet.” Ilang segundo niyang inubos ang tubig, binitbit ang workout bag at umalis na.
o0o
Habang humihinga nang malalim, dahan-dahang ibinababa ni Keith sa kanyang dibdib ang barbel. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa bar nito. Muli siyang bumuga ng hangin at itinuwid ang malalaking mga braso upang maiangat ang barbel. Paulit-ulit ito habang ang kanyang paningin ay nasa isang spot lamang sa kisame nang sa gayo’y masigurong hindi gegewang ang kanyang binubuhat at babagsak lamang sa isang lugar.
Hinahayaan lang niyang pawisan ang kanyang katawan. Pakiramdam niya’y kapag dumadaloy ito’y nababawasan din ang lahat ng kanyang alalahanin at lalong lumilinaw ang kanyang isipan.
“Four, three, two, one.”
Ibinalik niya sa handle ang barbel at huminga ilang ulit siyang huminga nang malalim. Kalmado ang puso niya pati na ang isip. Ilang linggo na rin niyang ginagawa ito at hindi niya maikakaila ang magandang pakiramdam ng buong katawan. Dama niya na lalo siyang lumalakas at sumisigla. Maluwag na rin ang kanyang paghinga at pag-iisip hindi katulad noong mga nakaraang linggo.
“Towel?”
Marahang bumangon si Keith sa bench at nakangiting kinuha ang iniabot sa kanya ni Strawberry. “Iniisip ko talagang dadalhan mo ako nito. Salamat, ha.”
“Oh, wait!” Binawi ni Strawberry ang bimpo. “What if, ako ang magpunas sa ‘yo? Tumayo ka na diyan. Dali!”
“Seryoso ka?”
“Yes!”
Napapailing si Keith nang tumayo sa tapat ng babaeng gym instruction. Yumuko siya rito at bumulong, “Ano na? Pupunasan mo ba ako o babalik na lang ako sa locker ko.”
“Ito na. Huwag kang mainip.”
Maingat na idinampi ni Straberry ang malambot na tela sa mukha ni Keith. Pansin niya ang nahubog na cheeckbones at jawline ng binata. “You know what, I really want to tell you that your best features are those dark-gray eyes. They could smile alone. Another is your roman nose. Your jawline is also enhanced. I never knew I could be captivated by your square-shaped face. You are just amazingly handsome.”
“Salamat. Ikaw pa lang ang nagsabi n’yan.”
“Maybe. But I bet, marami na sigurong nakakapansin sa pagbabago mo, Keith. Aminin mo. Hindi ba totoo?”
“Totoo,” bulong ni Keith. Pansin niya na sa tuwing papasok siya sa opisina ay lumilingon sa kanya ang mga empleyado. Kahit nga sa tuwing may meeting sila kasama ang mga kliyente o kasamahan sa board at korporasyon, sa tuwing tatayo siya sa harap ay nakaawang na lang ang mga bibig nila sa kanya. Ilang beses na ring nangyari na hindi siya nakikilala kapag bumibisita sa mga site.
Ipinagpatuloy ni Strawberry ang pagpunas sa leeg ng binata. Lahat ng madaanan ng kanyang mga mata’y dinadaanan din ng bimpo nito. Pigil pa ang kanyang paghinga nang dumampi ang kanyang balat sa matigas na dibdib ng binata hanggang sa gumapang pa pababa ang kanyang kamay. “This is the body that I planned for you to have, Papi Kanye,” masuyong bulong ni Straberry. These big biceps, six packs of abs plus a V-shaped adonis line.” Umangat ang mukha niya at tinitigan sa mga mata ang binata. “You’re pefect.”
“Lahat ng ‘to, bunga ng pagtitiyaga mo sa ‘kin, Strawberry,” bulong ni Keith at inilapit din ang mukha sa dalaga. “Kahit siguro umalis na ako sa RnJ, maaalala pa rin kita. Bahagi ka ng pagbabagong buhay ko.”
“Bahagi lang?” Ipinulupot ni Strawberry ang mga braso niya sa leeg ng binata. “Hindi ba ako pwedeng tumagal sa buhay mo?”
Tila huminto ang paghinga ni Keith sa tanong ng dalaga. Hindi niya nais itanong kung ano ang ibig nitong sabihin dahil halata naman sa kilos nito. Ang totoo’y hindi ito ang unang beses na magparamdam sa kanya ang gym instructor. Sa paraan pa lang ng paghawak nito sa katawan niya habang tinuturuan, batid niyang may iba pa itong gusto.
“What if we go out? Hang-out like how normal adults enjoy life?”
Napakunot ng noo si Keith. “Ang ibig mo bang sabihin ay date?”
“Exactly. So, ano? Payag ka mamayang gabi? Free ako.” Kagat nito ang labi na nakangiti sa kaniya.
Mabagal na nagbuga ng hangin si Keith. Tipid siyang ngumiti rito habang kinakalas ang sarili sa halos pagyakap ng dalaga. “Sorry, Strawberry. Gusto ko sana dahil masaya kang kasama. Pero, ikinalulungkot ko. Sa ngayon, wala akong oras sa ganyan. Marami akong hinahabol sa opisina ngayon.”
Nakatitig pa rin si Straberry sa kanya, tila hindi ito kumbinsido sa paliwanag niya. Ilang saglit pa’y mahinhin itong tumawa.
“Oh, God. I can’t believe you just rejected me.”
“Strawberry, hindi sa gano’n.”
“No, it’s fine. Really!” Hinawakan ni Straberry ang mga kamay ng binata. “Tama lang naman talaga ang ginawa mo, Kanye. Kasi actually, bawal kaming ma-attach sa husbando.” Luminga siya at nagkibit-balikat. “Well, ako lang pala ang may problema sa gano’n. Ako lang naman ang babaeng gym instructor sa ngayon.”
Aminado si Keith na nagagandahan sa dalaga. Sino ba naman ang hindi? Mala-anghel ang mukha nito at ang katawan ay tila hinubog ng mga diyosa. Ngunit kahit na nag-improve na ang kanyang katawan, hindi pa rin nagbabago ang pananaw niya sa mga babae. Hangga’t maaari ay dapat iwasan niya ang mga ito. Wala pa rin siyang tiwala sa kahit sino sa kanila maliban na lang sa kanyang ina.
“Mabait ka, Strawberry. At napakaganda. Masuwerte ang lalaking magugustuhan mo. Pero sa tingin ko, hindi ako ‘yon.”
“No problem with that,” ani Strawberry habang iniuugoy na parang duyan ang kanilang mga kamay habang magkahawak. “But at least, you can offer friendship to me?”
Unti-unting sumiryoso ang mukha ni Keith. Bigla na lang kasing bumulaga sa isipan niya si Irish na unang nag-alok sa kanya ng pakikipagkaibigan. Iyon nga lang ay kanyang tinanggihan? Paano nga naman niya maituturing na kaibigan lang ang babaeng nagustuhan niya sa umpisa pa lamang? Sa kasamaang-palad, kailanman ay hindi sila maaaring magsama.
“Oh, come on, Keith. Huwag mong sabihin na pati friendship ko, hindi mo tatanggapin?’
Muling itinuon ni Keith ang mukha sa kaharap niya. Pinisil niya ang pisngi nito na wari’y bata. “Kaibigan na ang tingin ko sa ‘yo simula pa noong una, Strawberry. Hindi magbabago ‘yon.”
“Great!” Yumakap siya sa binata. “By the way, congratulations, Papi Kanye. You passed the chiselling. I’m so proud to be your instructor. Ikaw ang pinaka-memorable na client ko.”
‘Salamat, Strawberry. Salamat talaga sa ‘yo.” Bahagyang tinapik ni Keith ang maliit na likod ng dalaga saka bumitiw.
“Pero pinapaalala ko sa ‘yo, hindi dito nagatatapos ang workout mo. Well, you can visit my gym as long as you want. Pero, pwede ka nang mag-home work out basta susundin mo pa rin ang program ko. Isa pa, lagi mong babantayan ang diet mo, malinaw ba?”
“Yes, ma’am,” ani Keith.
Sabay silang tumungo sa locker area. Hindi naman nalalayo ang mga chambers nila kaya nakakapag-usap pa rin.
Pinahapyawan ni Strawberry ng tingin ang binata. Nangniningning ang mga mata niya sa kabuuang pigura nito. “Oh, well, handa ka na talaga sa Gala. Pero may huling traning ka pa bago ma-deploy.”
Inubos muna ni Keith ang tinutungga na tubig bago magtanong. “Kay Ladine ba ang tinutykoy mo?”
“Yes, Papi Kanye.” Ngumisi si Strawberry. “I hope, maipasa mo rin ang seduction class.”