In-adjust ni Keith ang pares ng shades habang tinititigan ang bibilhing Concept2 Model D Indoor Rowing Machine. Pagtango lang tinutugon niya sa babaeng nagde-demo nito habang pinapaliwanag ang expecs ng gym equipment.
“Sir, ang PM5 performance monitor nito ay nagdi-deliver ng real-time reliable data. Wireless din itong nagko-konekta sa heart rate belts and apps.” Hinawakan ng babaeng naka-micro mini at sports bra ang itaas na bahagi ng equipment. “Then we have the unit itself, which breaks down into two pieces for easy storage. 14 inch ang seat height, 500lbs ang user capacity. Meron din itong adjustable footrests and ergonomic handle.”
Pinagsalikop ni Keith ang mga braso sa kanyang dibdib. Tatlong mall na ang kanyang napuntahan at sa tingin niya’y ang nasa harap ngayon ay pinakamagandang nakita niya, mas maganda pa sa saleslady na kulang na lang ay maghubad para lamang bilhin ang produkto.
“Sige, kukunin ko na ‘yan.”
Abot-tainga ang pagkakangiti ng babae. “Sige po, sir. Ipapa-process ko lang po ang payment. You may take your seat po muna.” Itinuro siya nito sa malaking sofa na malapit sa cashier area.
“Salamat,” ani Keith at tumalikod na.
Limang araw na matapos ang huling training day niya kay Strawberry. Dahil pinayagan na siya nitong ipagpatuloy sa bahay ang training, agad siyang bumili ng mga equipments. Sa tulong ng kaibigang si Gabe ay nag-set up na siya sa bahay ng gym. Mayroon na siyang weight bench, rowing machine, knee raise station, resistance bands, stationary bike, at punching bag. Gayunman, bukod sa nakuha niya sa araw na ito ay may naalala pa pala siyang bibilhin.
“Um, miss?”
Sumenyas siya sa sales lady at malugod itong lumapit. Halos tumalon sa kanya nang magtanong ito.
“Yes, sir? Anything else?”
“Oo. Nakalimutan kong ‘yong Theragun G3PRO. Available ba rito?”
“Oo naman, sir! Available ako… este ‘yong Theragun.” Halata ang pagkasabik nito habang pumapalakpak sa harap niya.”
Napapailing na lang si Keith. Unang kita pa lang ng saleslady sa kanya ay tila nais na siya itong sunggaban. “Pwedeng patingin naman ng pinakamagandang brand n’yon?”
“Right away, sir!”
Bagaman umaapaw ang pagka-flirt ng saleslady ay nasisiyahan naman si Keith sa pagiging maliksi nito. Wala pa kasing isang minuto at nasa harap na niya ang hinahanap. Hindi nawawala ang poise ng saleslady habang maingat na tinatanggal sa kahon ang produkto at nagsimulang i-demo ito.
“Ito, sir. The best ‘to for percussive muscle therapy.” Saglit siyang sumulyap sa mga braso ni Keith at napakagat ng labi. “Madali ‘tong hawakan. Scientifically calibrated pa to deliver deep muscle massages para ma-relieve ang muscle pain mo at ma-enhance pa ang energy level ng katawan mo, sir.” Sinimulan niya itong paganahin. “May kasama ‘tong G3PRO, travel case, 2 Samsung lithium-ion batteries at syempre charger.”
“Sige, pakidagdag na lang ‘yan sa kukunin ko,” ani Keith at binunot sa bulsa ang kanyang wallet. Nag-angat siya ng mukha nang mapansing nakatingin pa rin ang saleslady. “May problema ba?”
“Ako, sir? Hindi ba ako kasama sa mga kukunin mo?”
Napakunot ng noo si Keith. Bago siya magkomento ay tumakbo na palayo ang saleslady papunta sa cashier. Naalala tuloy niya si Strawberry na magpahanggang sa ngayon ay nagpapahaging sa kanya. Ito na rin ang dahilan kung bakit sinikap niyang magtayo sa bahay ng sariling gym. Mabuti na lang at malawak ang kanyang study room sa apartment. Sa tulong ng kaibigan niyang interior designer at sariling kaalaman, maayos na nai-set up ang kanyang home gym.
Sumulyap siya sa wristwatch at nagmamadaling tinungo ang cashier. Malapit nang mag-seven p.m. kaya hindi na dapat siyang nagtatagal pa. Linggo naman iyon at wala siyang opisina. Gayunman, kailangan niyang tumungo sa tahanan ng kanyang mga magulang dahil espesyal na araw ito para sa kanyang ina na si Dr. Imelda. Nasa sixty na ang edad nito ngunit aktibo pa rin sa veterinary clinic nito. Mahilig kasi sa mga hayop ang kanyang ina ngunit sa kasamaang palad ay kabaliktaran niya. Isa nga sa dahilan kung bakit bumukod siya ay dahil sa allergy sa mga aso at pusa na nagsimula rin noong tumaba siya.
“Magkano, miss?”
Hinarap ng babae sa ang monitor kay Keith. “You’re so lucky, sir dahil discounted po ang purchased equipments. Ang total ng regular price ay Fifty thousand. Pero, fifteen thousand pesos na lang po ang dalawa. Cash po ba kayo or card?”
“Wow, malaki din ang nabawas, ha,” namamanghang bulong ni Keith. Maingat niyang inabot sa kahera ang kanyang itim na credit card. Pinirmahan niya ang ilang slips ng papel at nakangiting bumaling sa babae. “May appointment pa kasi ako kaya hindi ko madadala. Pwede bang mai-deliver na lang bukas? Nasa resibo naman ang complete address ko.”
Tumango ang cahier. “Yes, sir. Asahan n’yo po bukas.”
“Kung gano’n, mauuna na ako.” Kaliwa’t kanan ang bati sa kanya ng mga saleslady nang papalabas siya sa store na iyon. Kahit naririnig pa niyang nais magpa-picture ng mga ito’y hindi na niya pinansin. Ilang beses na niyang sinabi kanina na hindi siya ang Brazilian model na tinutukoy nila ngunit sadyang hindi naniniwala ang mga ito.
Habang naglalakd sa pasilyo ng mall ay napukaw ang atensyon ni Keith ng isang jewelry store. Tumingala siya sa umiilaw na pangalan ng shop. “Love’s World Jewelry? Tamang-tama, dito ako bibili ng ireregalo kay Mama.” Isang silver na kwintas ang pinili ni Keith at agad na pinabalot ng gintong wrapper. Dumaan pa siya sa flower shop bago tuluyang linasin ang mall.
Si Ginang Imelda ang sumalubong sa kanya pagpasok pa lang sa front door. Sumilay agad ang masiglang ngiti at halos mangiyak-ngiyak nang makita siya. “Hijo, akala ko hindi ka na darating?” Niyakap niya ang anak at binigyan ng magkabilang halik sa pisngi.
“Pwede ba naman ‘yon? Kahit busy ako, gagawa ako ng paraan para makapunta, okay?” Inilagay niya sa mga braso ng ina ang pinaghalong iba’t ibang klase ng bulaklak. “Happy Mother’s day,” bulong niya.
“Thank you. You are really a sweet boy. At napaka-gwapo pa!” Tinapik niya sa pisngi ang anak. “Alam mo, noong una talaga, nag-aalala ako nang magsimula kang mag-diet. Iniisip ko baka magkasakit ka. Pero sa nakikita ko ngayon, mukhang malaki ang naitulong sa ‘yo! Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala na ikaw ang anak kong si Keith.”
Nakaakbay siya sa ina habang papunta sila sa dining room. “Ma naman. May iba pa bang Keith? Ako pa rin ang anak mo. Pero hindi pa rin ako sang-ayon kapag itinuturing mo akong bata kahit lagpas na ako sa kalendaryo.”
“Basta, baby pa rin kita.” Kinurot ni Gng. Imelda ang binata sa braso nito. “Hangga’t hindi mo ako binibigyan ng apo, ikaw ang ituturing kong baby.”
“Heto na naman tayo sa usapang apo,” natatawang bulong ni Keith. “Hindi pa nga ako nag-aasawa, apo na agad ang hinihingi ninyo?” Inangat niya ang upuan para sa ina. Bago umupo sa tabi nito ay niyakap niya ang ama at tinapik sa likod. “Hello, Papa.”
“Tama ang mama mo, hijo,” ani Horacio at hinawakan ang kamay ng kanyang asawa. “Totoong masaya ako at napapatakbo mo nang maayos ang kompanya. Pero hindi naman iyon para sa amin. Gusto rin namin ng mama mo na magkaroon ka ng sariling pamilya.”
Nagkibit-balikat lang si Keith habang nagsasalin ng tubig sa kanyang baso. “Huwag kayong mag-alala. Darating din tayo sa bagay na ‘yan. Magkakaroon din kayo ng mga apo kapag handa na ako,” aniya sabay kindat sa kanila.
Nagkatinginan ang mag-asawa at malawak ang pagkakangiti na lumingon muli sa kanya. “At gusto naming si Irish ang ina ng mga apo namin,” sabay na tinuran nila.
o0o
Mabagal na nagbubuga ng hangin si Irish habang tinatanggal niya ang stilettos. Kahit naka-evening gown pa’y nahiga na siya kaagad. Pagod ang katawan niya dahil sa buong araw na paglilibot sa limang branch ng Love’s World sa New York ngunit hanggang ngayon, nakaguhit pa rin ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Hindi niya akalaing ang isang katulad niya na dayuhan sa America ay tatanggapin ng mga tao doon. Kabubukas pa lang kasi ng mga boutique ngunit dinudumog na agad.
Nakatitig man siya sa chandelier habang nakahilata, wala naman dito ang diwa niya. Sa isip niya’y sinasariwa ang bawat tagumpay na nakakamit niya. Hindi niya minana sa mga magulang ang karangyaan na natamo niya. Batid niyang natupad ang kanyang mga pangarap dahil na rin sa kanyang sipag at pagsusumikap. Gayunman hindi magkakaroon ng kaganapan ang pagiging self-multimillionaire niya kung hindi dahil sa tulong ni Mr. Jared Thompson, ang Fil-Am na businessman na unang naging investor niya. Ang lalaki rin ang dahilan kaya malakas ang loob niya na palaganapin ang negosyo niya hanggang abroad. At kanina nga’y buong araw din niya itong kasama pati na ang mga bantay-saradong mga guwardiya.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Irish nang tumunog ang kanyang cellphone na hawak-hawak lang niya. Nakagat niya ang labi nang makita ang pangalan ng tumatawag. “Bakit tumatawag si Mr. Thompson?” Ilang saglit pa niya itong tinitigan bago sagutin. “Hey…”
“Hey,” anang paos at mababang boses. “Have you enjoyed this day, Irish?”
Napangiti siya. “Of course, Mr. Thompson…” Gumulong siya hanggang sa ang dibdib na niya ang nakalapat sa higaan. “Until this moment, I thought everything was surreal. This day is amazing.”
“And so do you.”
“I owe you these things, Mr. Thompson.” Bumangon siya at lumakad papuntang dresser upang kumuha ng susuoting pantulog. Nakadikit pa rin sa kanyang tainga ang telepono. “We’ve been business partners for almost eight years now but I’ll never get tired of telling you how thankful I am. You’re an angel, you know that. Not to mention a real friend.”
Ilang sandaling natahimik sa kabilang linya ngunit rinig ni Irish ang malalim na paghinga ng kausap.
“Um, are you still there?
“Yes, Irish,” natatawang bulong na kausap. “It’s just that… I call you because I wanna tell you something.”
Napakunot ng noo si Irish. “Oh yeah? What is it? Can’t it wait until tomorrow? You sound a bit exhausted.”
“I’ll doze off after I spill the beans, Irish.”
Napatango siya. “Okay. Tell me.”
Ilang pagkalansing ng baso ang naririnig ni Irish sa background. Pagkatapos nito’y tunog ng mga bloke ng yelo. “I like you, Irish. I’ve been into you since that day I offered my investment in your business.”
Hindi sinasadyang nabitiwan ni Irish ang cellphone. Ilang saglit siyang natulala sa pader habang inaalisa ang pag-amin ng kausap. Totoo ba ang narinig niya? O sadyang pagod lang siya? Maaari ding nasabi iyon ng lalaki dahil nakainom ito.
Agad niyang dinampot ang cellphone nang bumalik siya sa ulirat. Ngunit nang tiningnan niya ang phone ay lowbat na ito. Tila biglang nagkagulo ang bawat celyula ng kanyang isipan habang nakatulala na hinuhubad ang gown sa harap ng salamin. Nagpalit agad siya ng kamison na ubod ng dulas. Huminga siya at mariing ipinikit ang mga mata ngunit umaalingawngaw pa rin sa isipan niya ang sinabi ni Mr. Thompson.
Hindi niya akalaing sasabihin ito ng lalaki. Kaya pala sobrang bait nito sa kanya. At kahit kailan ay hindi niya nakitaan na may kasamang ibang babae. Aminado siyang makisig ito at perpekto magdala ng damit. Hindi rin naman nalalayo sa edad niya. Twenty-nine siya, thirty-four naman ito. Gayunman, kahit kailan ay business partner talaga ang tingin niya rito.
“Oh, God. Paano ko siya haharapin bukas?!” Napatakip siya ng unan sa mukha. Mayamaya’y isang ideya ang sumagi sa kanyang isipan na dahilan kaya halos mapatalon siya sa higaan.
Kung may gusto siya sa ‘kin, ano kaya kung siya na lang ang kausapin ko na magpanggap bilang asawa ko? Para kapag umuwi na ako sa Pilipinas, hindi na ako ipilit ni Mommy sa Keith Levi De Asis na ‘yon!
Biglang dumagundong ang kanyang dibdib dahil sa planong hindi siya sigurado kung kaya niyang gawin. “Oh, God! Bakit ba ako naiipit sa ganito?!”