Isang palaisipan para kina Keith at Irish ang biglaang pagsulpot ni Lee Tsi Kha sa kanilang apartment. Oo’t batid nilang kasama sa arrangement ang pagdalaw ng isang field agent. Gayunman, hindi nila inaasahan na ngayon ang araw na iyon. Kung kailan dalawang linggo na lang at matatapos na ang kanilang kontrata. Kung kailan umusbong ang hindi inaasahang relasyon sa pagitan nilang dalawa. Malalim na nagbuntong-hininga si Irish matapos ayusin ang sarili sa malaking salamin. Nakapagpalit na siya ng pambahay na bestida at naka-high ponytail ang buhok. Sa kabuuan ay napakabait niyang tingnan, iyong tipong tila hindi kayang lumabag ng kahit anong kontrata. Ang problema’y batid niyang simula pa lang noong pinili niyang husbando si Keith ay nalabag na niya—nila—ang lahat ng rules sa libro ng RnJ.

