Kahit na halos binibiyak ang kanyang ulo dahil sa kirot, pinilit ni Keith na magmaneho mula Taguig hanggang Q.C. Pilit niyang hinahanap sa pagod niyang isipan kung ano ang nagtulak sa dalaga upang umalis nang hindi man lang nagpapaalam. Dahil ba sa ninakawan niya ito ng halik na tiyak niyang nagustuhan naman nito? Dahil ba sa pagpilit niya sa totoong relasyon? Ngunit kung gayon ay dapat kagabi pa ito umalis. "Hindi kaya…" Wala sa sariling napangiti si Keith, bagama't hindi siya sigurado sa kanyang konklusyon. Alas-onse ng gabi nakarating si Keith sa Santiago Residence. Ang naka-duty na security guard ang nagpapasok sa kanya hanggang sa main house. Walang lingon-lingon ay pumanhik siya diretso sa silid ni Irish. Hindi siya nag-alinlangan na kumatok nang paulit-ulit sa pinto nito hangga'

