1
“HINDI gaanong nagsasabi sa `kin ang mga apo mo pero alam kong masaya na sila. Sinisikap nilang ilihim ang nangyayari pero malakas ang pakiramdam ko,” pagkukuwento ni Venancia sa kanyang asawa. Kakaiba ang sigla niya nang araw na iyon. Maganda ang gising niya. Magaan ang pakiramdam niya.
“I can always see right through them. Mga apo ko sila at kilala ko sila. Sina Dudes, Ces, at Mitch ang mga unang apo nating dalawa. Malalaman ko kung may itinatago sila sa `kin. Mitch and Dudes were trying to hide their happiness. But the happiness was just too intense and they couldn’t contain it. Hindi ko nga inakala na makikita ko sila nang ganito. Higit pa sa inasahan ko. At masayang-masaya ako dahil masaya ang mga apo natin. Sana ay nakikita mo rin ang kaligayahan nila diyan sa kinaroroonan mo.”
Hinaplos niya ang mga orkidyas na inilagay niya sa puntod nito. Mga paborito nitong cattleya ang naroon. Hindi niya maiwasan ang mapangiti nang matamis nang bumalik sa alaala niya ang ilang matatamis na sandaling pinagsaluhan nila ng kanyang asawa. Facundo had not been the sweetest man in the whole world, but he had his special moments. Marami rin itong nagawa kaya muling napaibig siya nito. Madalas na katulong nito ang mga cattleya nito tuwing pinapatibok nito nang mabilis ang kanyang puso.
Falling in love with her husband all over again had been the greatest thing of all.
“Hindi pa lubos ang kaligayahan ni Cecilio. Naramdaman ko mula pa sa simula na may kakaiba kina Cecilio at Luisita. Hindi ko rin gaanong maintindihan kung bakit kailangang ilihim nina Mitch at Dudes ang tungkol kina Hannah at Yllen Stacy. Hindi nila nais na sabihin ko sa iba, lalo na kay Ces, ang tungkol sa mga relasyon nila. Ayaw naman nilang sabihin sa `kin ang totoong dahilan. Magtiwala na lang daw ako. I know something is still going on but I’m not worried at all. I know things will be okay soon. Malaki na ang mga apo mo. Alam na nila ang ginagawa nila at nagtitiwala ako sa kanila. Alam ko na magiging lubos na rin ang kaligayahan nina Cecilio at Luisita. They will be together.”
Nanatili siya sa mausoleum hanggang sa kailangan na niyang umuwi sa villa. Hindi niya pagsasawaan ang pagbisita sa kanyang asawa araw-araw. Hindi pa man siya nakalalayo sa mausoleum ay natanaw na niya si Cecilio na palapit sa kanya.
“Sorry po kung natagalan po ako sa pagsundo,” anito habang palapit sa kanya. “Nawili po ako sa ginagawa ko sa workroom. Nakalimutan kong nagtungo si Glanys kina Cameron.” Ang Cameron na tinutukoy nito ay matalik na kaibigan nina Glanys at Damian. Malapit ito sa pamilya nila.
“Ano ba naman kayong mga bata kayo?” natatawang sabi niya. Bahagya niya itong itinulak palayo sa kanya nang akmang aalalayan siya nito. “Kung ituring n’yo ako ay tila napakatanda ko na. Kahit na hindi mo ako sunduin, kaya kong umuwi sa villa. Hindi pa ako ganoon kahina.”
“Kahit na po. Dapat ay may kasama pa rin po kayo sa pagpunta kay Lolo at pag-uwi sa villa. Maigi na `yong hindi kayo naiinip sa paglalakad.”
Alam niyang hindi gaanong naniniwala ang mga apo niya tuwing sinasabi niyang malakas pa siya. Aminado siya na madali na siyang mahapo ngunit kaya pa talaga niyang magparoo’t parito sa puntod ni Andoy. Hindi siya gaanong napapagod sa paglalakad. Hindi naman gaanong malayo ang libingan nito sa Villa Cattleya. Hindi na nga dapat siya inihahatid at sinusundo ng mga apo niya. Wala namang mangyayaring masama sa kanya.
Hindi marahil maiwasan ng mga anak at apo niya ang mag-alala. Hindi na nga naman siya bumabata. Madali na siyang mahapo hindi katulad ng dati kaya hindi na siya makapaglakad nang malayo. Hindi na siya makalibot sa bukid kagaya ng dati.
“Kumusta ang ginagawa mo? Maghapon kang nasa workroom mo kahapon.” Noong una, inakala niya na magiging kagaya ni Cecilio ang ama nito na isang iskultor. Bata pa lang itong munti ay mahilig na ito sa pag-uukit. Mahusay rin ito sa pagguhit at pagpinta. She had always been very proud of him.
Hindi na siya nagtaka kung bakit kinikilala na ito sa buong mundo ngayon bilang mahusay na furniture designer. Noong bata ito ay madalas nitong panoorin ang Lolo Andoy nito sa paggawa ng kung ano-ano sa workroom nito. Mahilig din si Andoy sa paggawa ng mga kagamitan na maaaring magamit sa bahay. He only knew the basics though. Madalas nitong ipamigay ang mga natatapos nito sa mga tauhan sa hacienda dahil hindi raw bagay iyon sa bahay nila. Masyado raw simple.
Hindi niya makakalimutan ang unang pagkakataon na nakabuo si Cecilio ng isang bangkito. Tinulungan nito sa paggawa ang lolo nito at tuwang-tuwa na ipinakita sa kanya. Cecilio was just a little boy back then. Simpleng bangkito lang iyon na bata lang ang maaaring umupo, ngunit lubos ang naging kasiyahan ng maglolo.
“Mahusay, apo!” nagmamalaking bulalas ng asawa niya noon. “Darating ang araw, kikilalanin sa buong mundo ang husay mo.”
Hindi niya alam kung nagkaroon ng pangitain ang asawa niya na magiging kilala sa buong mundo ang apo nila dahil sa talento nito o sadyang in-encourage lang nito ang bata. Walang makapapantay sa pagmamahal ni Andoy sa mga apo nito.
“Iginagawa kita ng tumbatumba,” anito sa malambing na tinig.
Natawa siya. “Na naman?” Napakarami na niyang tumbatumba. Marami na rin siyang mga upuan. Mahilig gumawa ng mga kakaibang upuan si Cecilio para sa kanya.
“Para sa `kin, ikaw ang reyna, `La. Dapat lang na may maganda kang trono. Igagawa kita ng maraming-maraming trono,” ang sagot nito nang tanungin niya kung bakit napakahilig nitong igawa siya ng mga upuan.
“Aba, nagrereklamo ang lola,” natatawang sabi nito. Inakbayan siya nito at hinagkan sa ibabaw ng ulo. Natutuwa siya na kahit na malalaki na ang mga apo niya ay malambing pa rin ang mga ito sa kanya.
“No, hindi ako nagrereklamo, apo. Maraming salamat.”
“You’ll love it. Malapit ko nang matapos.”
“I know I’ll love it. I always do. Oo nga pala, anong oras daw darating si Mitch?” Itinawag sa kanya ng kanyang apo na uuwi ito sa villa nang araw na iyon. Natutuwa siya na napapadalas ang pag-uwi ng mga apo niya sa villa. Si Jeff Mitchel ang namamahala ng kabuhayan nila sa lungsod. Noong mga nakaraang buwan ay abalang-abala ito at hindi ito makahanap ng panahon upang magbakasyon.
Si Eduardo, ang isa pa niyang apo, ay siyang namamahala sa hacienda kaya ito at sina Glanys at Damian ang kasa-kasama niya sa villa. Si Cecilio ay iilang linggo pa lang nananatili sa villa. He had been busy traveling.
Sa magpipinsan, sina Eduardo, Cecilio, at Jeff Mitchel ang pinakamalapit sa isa’t isa. Daig pa ng mga ito ang magkakapatid. Nitong mga nakaraang linggo ay naligalig siya sa alitan nina Jeff Mitchel at Eduardo. Dahil iyon sa isang babae na kapwa gusto ng mga ito—si Luisita. Mula nang magbalik si Cecilio ay naging maayos naman ang magpipinsan—maliban na lang sa iilang pagkakataon na labis na nainis sina Jeff Mitchel at Eduardo kay Cecilio.
“Mamaya po siguro bago magtanghali. Isinabay na niya sa pag-uwi si Lui. Madaling-araw pa lang ay nasa daan na sila.”
“That’s good,” aniya. Malapit din sa puso niya si Luisita. Itinuring na niya itong apo noon pa man. Alam niya noon pa na magiging bahagi ito ng kanilang pamilya. Hindi lang niya sigurado sa kung paanong paraan, kung sino sa tatlong apo niya ang makakatuluyan nito. Ngayon ay halos sigurado na siya kung kanino mapupunta ang dalaga.