“SERIOUSLY?!” bulalas ni Cecilio nang ilagay ng isang tauhan sa kamay niya ang mga lubid. Nawala yata ang lahat ng antok sa sistema niya nang makita ang malaking baka at tatlong kambing na nasa harap niya. Hawak na niya ang lubid ng mga iyon.
“Dad,” angal ni Jeff Mitchel sa ama nito na si Uncle Utoy. Si Eduardo ay kusa nang inabot ang mga tali ng mga hayop nito.
Hindi niya mapaniwalaan na ginagawa sa kanila ng tiyuhin niya iyon. Hindi nito sinabi sa kanila kung bakit sila nito ginising nang ganoon kaaga hanggang sa makarating sila sa kulungan ng mga hayop. Bawat isa sa kanilang tatlo ay may tig-iisang baka at tatlong kambing.
“Mula ngayon, alaga n’yo na ang mga hayop na `yan,” sabi ni Uncle Utoy sa pormal na tinig. Ito ang namamahala sa hacienda. “They will be your responsibility from now on. Bago kayo pumasok sa eskuwelahan ay kailangang maipastol n’yo muna sila. Sa hapon ay kayo ang mag-uuwi sa kanila. Walang pakialam sa kanila ang ibang mga tauhan. Binilinan ko na sila sa bagay na `yon. Kailangan n’yo silang alagaan nang maigi. Kapag may namatay sa mga alaga n’yo, kayo ang mananagot sa `kin. Kapag namayat ang mga `yan, babawasan ko ang allowance n’yo.”
“You can’t be serious,” aniya, sabay iling. He spent almost all his summer vacations in Mahiwaga. Lumaki siya na nakikita ang maraming hayop sa lugar na iyon. Some of his cousins were fond of them. Lumaki rin siya na nakikita na nagtatrabaho sa bukid ang mga tao roon. Gayunman, hindi niya inakala na kailangan niyang danasin ang lahat ng iyon. Hindi siya marunong mag-alaga ng hayop. Ni kuting ay wala sila sa bahay nila sa Maynila. Hindi rin siya marunong magtrabaho sa bukid.
Talagang tinotoo ng mga magulang nila ang parusa nila. Ang akala niya ay ipinadala lang sila ng mga ito roon upang iiwas sa kaguluhan sa lungsod. Hindi niya inisip na seryoso ang mga ito sa parusa. Nagkaroon kasi ng two-timer na girlfriend si Eduardo. Napakahilig kasi sa babae ng pinsan niya. May iba pa palang boyfriend ang girlfriend nito na miyembro ng isang gang. Mahilig sa gulo at away ang lalaki kaya napag-initan sila. Hindi nila maaaring pabayaan si Eduardo. Kailangan nila itong ipagtanggol ni Jeff Mitchel.
Mula pa pagkabata ay malapit na silang tatlo sa isa’t isa. Daig pa nila ang magkakapatid. Dahil nag-iisa lang siyang anak, ang mga ito ang itinuturing niyang mga kapatid.
Ilang linggo na halos araw-araw silang napapaaway. Halos himatayin ang kanyang ina tuwing umuuwi siya na may pasa sa mukha. Sa galit ng kanyang ama ay nasabi nitong ipamimigay na siya nito sa Uncle Utoy niya para maging alila sa hacienda. Natawa siya sa kabila ng galit ng kanyang ama. His father had always been funny without even trying. Noong mga panahong iyon ay hindi niya inisip na seryoso ito sa sinabi nito.
Apparently, Uncle Intoy, Eduardo’s father, had agreed with his father. Ipinadala silang tatlo roon upang matuto ng leksiyon. Doon na sila hanggang matapos ang school year. Sa probinsiya sila magtatapos ng high school. Si Uncle Utoy na raw ang bahala kung sa paanong paraan sila paparusahan sa pakikipag-away nila.
Hindi nila kasalanan iyon kung tutuusin. Kahit si Eduardo ay walang kasalanan. Likas na babaero ito ngunit ang babaeng iyon ang two-timer. Hindi alam ng pinsan niya na may isa pa itong nobyo na war freak. Hindi rin maaaring magpabugbog na lang sila. Hindi niya kayang manahimik na lang habang sinasaktan ng mga lalaking iyon ang mga pinsan niya.
Napatingin siya sa baka. It was huge. Kapag nangayayat daw iyon ay mababawasan ang allowance niya. Araw-araw hanggang sa Marso ay gigising siya nang ganoon kaaga upang ilabas ang mga iyon? July pa lang nang buwan na iyon! Tuwing weekend daw ay tutulong pa sila sa mga gawain sa bukid. Nais niyang magwala katulad ng ginagawa niya noong bata siya tuwing hindi niya nakukuha ang kanyang gusto, ngunit alam din niyang hindi iyon uubra. Matanda na siya upang umakto nang ganoon. Ang tingin na sa kanya ng lahat ay spoiled brat dahil nag-iisa lang siyang anak. Lalong titimo iyon sa utak ng mga ito kung magwawala siya.
“Kaya n’yo `yan,” anang Uncle Utoy niya sa kanila. “Madali lang naman, eh. Magpapastol lang kayo.”
Halos sabay silang napaungol ni Jeff Mitchel. Nang mapatingin sila kay Eduardo ay tila humihingi ng tawad ang mga mata nito. Pilit niyang itinago ang inis niya. Ayaw niyang sisihin si Eduardo. Ayaw niyang mainis dito.
“Tatlo ang alagang baka ng Uncle Nigel ninyo noong high school siya,” sabi uli ng tiyuhin niya. “Kung kinaya niya, kaya n’yo rin.”
“Dad, he grew up here,” pangangatwiran ni Jeff Mitchel sa ama nito. “Puwede bang itong kambing na lang muna? Saka na `tong baka. Baka suwagin ako nito.”
“Ako na lang ang mag-aalaga ng baka mo, Mitch,” sabi ni Eduardo. Inabot nito ang tali ngunit inilayo agad iyon ni Jeff Mitchel.
“Shut up, Dudes,” sabi niya. “Kung sinabi ni Uncle na kaya natin, kaya natin. Tara na, may pasok pa tayo mamaya.” Iyon din ang unang araw nila sa bago nilang eskuwelahan.
“Gusto kong isipin n’yo na hindi ito parusa,” sabi ng tiyuhin niya bago sila tuluyang iniwan nito. “Gusto kong malaman n’yo kung paano ang buhay dito. Gusto kong mas mapamahal kayo sa hacienda.”
Napabuntong-hininga si Jeff Mitchel. “I know, Dad.”
“Thank you, Uncle,” ani Eduardo.
Pinasamahan na sila ng tiyuhin nila sa isang tauhan. Ipinaliwanag nito sa kanila ang mga dapat na gawin. Itinuro nito kung saan nila maaaring ipastol ang mga alaga nila na hindi makakapaminsala sa mga tanim.
Nang maayos na ang mga alaga nila ay umuwi na sila sa villa. Kailangan na nilang maghanda sa pagpasok sa eskuwelahan. He was not really excited about going to school. Ayaw niyang maging sentro ng atensiyon. Hindi siya komportable sa mga tingin ng ibang estudyante. Ngunit wala yata siyang magagawa dahil alam niyang mapapansin silang tatlo.
Eduardo had always been popular with the girls. Girls ogled, drooled, and swooned over him. Jeff Mitchel was the genius. He was famous because of his brain.
He was an extra. He was famous because Jeff Mitchel and Eduardo were famous. Siya ang pinsan ng lalaking pinakaguwapo sa lahat. Siya ang pinsan ng pinakamatalino sa lahat.
Hindi na niya hinayaan ang kanyang sarili na mag-isip pa ng kung ano-ano. Wala siyang panahong ma-insecure sa kaguwapuhan at katalinuhan ng mga pinsan niya. Kailangan niyang magmadali sa pagpasok. Hindi niya gaanong gusto ang uniporme niya ngunit wala siyang magagawa.
Paglabas niya sa silid niya ay nadatnan niyang handa na rin ang dalawang pinsan niya. Jeff Mitchel looked like the typical nerd. Eduardo was his usual charming self.
“Ready na kayo sa pagpasok sa school? I have a surprise for you!” masiglang sabi ng lola nila.
Binati at hinagkan nila ito. Tila masiglang-masigla ang abuela nila nang araw na iyon. Mukhang excited itong ipakita sa kanila ang sinasabi nitong sorpresa. Paglabas nila ng villa ay nalaman nila kung ano ang sorpresa nito.
He eyed the three mountain bikes. Tila alam na niya ang silbi ng mga bike na iyon. Wala silang sasakyan na maaaring gamitin sa pagpasok at pag-uwi galing ng eskuwelahan. Malayo rin ang bayan sa villa. Natitiyak niyang pagdating nila sa eskuwelahan ay hinihingal na sila.
“Great,” ani Jeff Mitchel. Alam niyang pinipigil lang nito ang sarkasmo sa tinig nito. Ayaw nito ng pinapawisan.
“Cool,” natutuwang sabi ni Eduardo na sumakay agad sa bike nito.
“Seriously, Lola?” angal niya.
“Maganda sa katawan ang exercise. Hindi naman gaanong malayo ang eskuwelahan dito sa atin. Noon ngang nag-aaral ang mga ama n’yo ay nilalakad lang nila ang pagpasok sa school. Maganda rin iyan para makatipid tayo sa gas. Mababawasan ang polusyon. Sige na, lumakad na kayo at baka mahuli pa kayo.”
Wala na siyang nagawa kundi ang sumakay sa bike niya. Nais na naman niyang magwala ngunit alam niyang mapapalo siya ng lola niya kaya nanahimik na lang siya. Malamang na mahuhuli sila sa unang araw nila sa klase.