3

1298 Words
ISINUKBIT ni Luisita ang bag niya sa balikat at nagmamadaling dinampot ang mga libro niya na nagkalat pa sa mesita nila sa sala.  “Papasok na po ako!” sigaw niya habang tumatakbo palabas ng kanilang bahay. “Baon mo, Lui!” sigaw rin ng kanyang ina. Napapreno siya sa pagtakbo at bumalik agad sa loob ng bahay. Nagmamadaling kinuha niya sa kanyang ina ang baon niyang pagkain at beinte pesos na iniabot nito sa kanya.  “Hindi mo kasi binabantayan ang orasan. Mahuhuli ka na naman niyan sa pagpasok. Mag-iingat ka. Huwag masyadong mabilis ang pagpapatakbo mo at baka madisgrasya ka. Madalas nang masira ang bike mo. Nangako ang tatay mo na ibibili ka ng bago sa anihan.” Hindi na niya gaanong pinakinggan ang sinasabi nito dahil abala siya sa pagtakbo palabas. Mahuhuli na nga siya sa klase niya kung hindi siya magmamadali. Inilagay niya ang mga libro at bag sa basket ng bisikleta niya. Nagmamadaling sumakay siya at nagpedal. Madalang ang dumadaang tricycle sa kanila kaya kahit na gustuhin niyang mag-tricycle na lang upang mas mabilis siyang makarating sa eskuwelahan ay hindi maaari. Lalo siyang mahuhuli kung maghihintay siya. Nawili siya masyado sa mga tanim niya sa maliit nilang hardin sa bakuran kaya hindi niya namalayan ang paglipas ng oras. Tuwing inaalagaan at kinakausap niya ang mga halaman niya ay nakakalimutan na niya ang lahat. Hinawi niya ang mga hibla ng buhok na tumatabing sa mukha niya. Hindi na niya naitirintas ang buhok niya dahil sa pagmamadali. Hindi niya gusto ang kanyang buhok. Kulot na kulot iyon. Madalas siyang tuksuhin na “Ita” noong bata pa siya kahit na hindi naman siya maitim. Pagdating niya sa eskuwelahan ay ipupusod niya iyon. Binilisan pa niya ang pagpapatakbo. Ayaw niyang mahuli sa klase dahil napakasungit ng unang guro nila sa umaga. Hindi niya gusto ang ginagawa niyang pagmamadali. Ang sabi ng lola niya noon, sa madalas na pagmamadali ng isang tao ay hindi na nito makikita ang ganda ng kapaligiran. Hindi raw nito maa-appreciate ang mga dinaraanan nito. Marami raw mga bagay na nakakaligtaan dahil naka-focus ang isip na makarating sa paroroonan sa lalong madaling panahon. Naniniwala siya rito. Tuwing nagmamadali siya, hindi niya gaanong ma-enjoy ang magandang kapaligiran. Napakaganda ng Mahiwaga. Ang buong kapaligiran niyon ay halos berde. Napakasariwa ng hangin doon. Kahit araw-araw na niyang nakikita ang paligid, hindi pa rin niya pagsasawaan ang lugar na iyon. Kahit na hindi pa siya nakakarating sa ibang lugar, alam niya na wala nang papantay sa ganda ng Mahiwaga. Doon ang tahanan niya.  Hindi pa man siya nakakapasok sa gate ng eskuwelahan ay naririnig na niya ang warning bell para sa flag ceremony. Pinaspasan niya ang pagpepedal. Napapalatak siya nang muling tumabing sa mukha niya ang buhok niya. Sandaling naharangan niyon ang kanyang paningin. Nang hawiin niya ang mga buhok patalikod ay napatili siya. May lalaki sa gitna ng daan. Nakayuko ito at tila may hinahanap. Tila hindi nito nakita ang bisikleta niya hanggang sa mapatili siya. Nanlaki ang mga mata nito at tila hindi makagalaw. Sinikap niyang magpreno ngunit ayaw kumagat ng preno. Kinabig niya pakanan ang bisikleta, ngunit kasabay niyon ang paggalaw rin ng lalaki pakanan. Tila intensiyon nitong umiwas na masagasaan ngunit huli na. Napapikit na lang siya. Napatili uli siya nang bumangga ang bisikleta niya at tumilapon siya. Masuwerte siya na sa makapal na damuhan sa gilid ng daan siya nalugmok. Dumilat siya at pinakiramdaman ang kanyang sarili. Wala naman gaanong masakit sa katawan niya. Bahagyang nadumihan ang uniporme niya dahil basa ang damuhan ngunit ayos lang siya. “f**k! Damn it! Damn it!” Namilog ang kanyang mga mata sa kanyang narinig. Madalas niyang nababasa ang mga ganoong salita sa mga pocketbook na ipinapahiram sa kanya ng mga kaklase niya. Tila galit na galit ang lalaking nasagasaan niya. Nag-aatubiling bumangon siya sa kinalugmukan niyang d**o at tumingin dito. Muntik na siyang mapasinghap nang makitang puno ito ng putik. Minalas itong nalugmok sa putikan. Malakas kasi ang ulan nang nagdaang gabi kaya maputik ang daan. Pamilyar na uniporme ang suot ng lalaki ngunit hindi ito gaanong pamilyar sa kanya. Pulos putik na ang puting polo nito. Mas namilog ang kanyang mga mata nang mapatingin siya sa mukha nito. Salubong na salubong ang mga kilay nito. Namumula ang mukha nito sa galit. Ngunit hindi natakpan ng galit ang kaguwapuhan nito.  Hindi niya maiwasang mapatitig sa mukha nito. Pretty boy. Iyon ang paulit-ulit na naiisip niya habang nakatingin dito. Masarap itong titigan kahit na galit ito sa kanya. May pakiramdam siya na tila hindi niya ito pagsasawaang titigan. Tila nais niyang tumigil na lang sa pag-inog ang mundo. Bahagyang magulo ang itim na itim nitong buhok. Hindi niya masabi kung sadyang ginulo iyon o nagulo lang dahil sa nangyari. Matangos ang ilong nito, manipis ang mapulang mga labi, at maganda ang mga mata nito kahit na nagsisiklab ang mga iyon sa inis at galit. Perpekto ang pagkakaarko ng mga kilay nito. Mahaba ang mga pilikmata nito. Hindi niya masabi kung ano ang dahilan ng pagbilis ng t***k ng kanyang puso. Dahil ba iyon sa kaba? Dahil sa takot niya sa galit nito? O epekto iyon ng pagtitig niya sa guwapong mukha nito? “What are you staring at?” sikmat nito sa kanya. “s**t, I’m filthy. This is all your fault!” Tila bigla siyang nagising sa isang magandang panaginip. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi nang tumimo sa isip niya ang kanyang nagawa. Habang nakatingin dito ay nagkaroon siya ng pakiramdam na tila nakita na niya ito dati pa, hindi lang niya maalala kung saan at kung kailan. Ngunit nasisiguro rin niya na ngayon lang niya ito nakita sa kanilang eskuwelahan. Wala pa siyang nakikilala na ganoon magsalita sa kanilang eskuwelahan kahit pa masasabing maykaya ang mga nag-aaral doon. Tila natural na natural dito ang pagsasalita ng wikang Ingles. Hindi ito katulad ng ibang estudyante na pilit na nagsasalita ng wikang banyaga para lang masabing marunong ang mga iyon.  “Paano pa ako papasok nito?” himutok nito habang tumatayo. “Kasalanan mo `tong lahat!” anito habang nakatingin nang masama sa kanya. Napapangiwi ito habang pinupunasan nito ng panyo ang polo nito. Muli itong napamura nang kumalat lang ang putik. “Sorry,” aniya sa mahinang tinig. Nilapitan niya ang bisikleta niya at itinayo iyon. Napangiwi siya nang mapansing naputikan din ang bag at ilang libro niya. “Ganoon na lang `yon?” angil nito. “Ang malas naman, o!” “Pasensiya ka na talaga,” aniya, saka kinagat ang ibabang labi niya. “Hindi ko naman sinasadya, eh. Hindi kita nakitang nakaharang sa daan.” “Hindi nakita! Ang laki-laki ko, hindi mo ako nakita? Bulag ka ba?” “Natakpan ng buhok ko ang mga mata ko, eh. Bakit naman kasi hahara-hara ka sa daan?” “Kasalanan ko pa ngayon?” “Hindi naman, nagpapaliwanag lang ako.” “Kahit na ano ang paliwanag na gawin mo, marumi na ako. Ang bilis-bilis mo kasing magpatakbo.” “I’m sorry,” hinging-paumanhin uli niya. “Ako na lang ang maglalaba ng uniform mo.” “Hindi kita patatawarin. Ano ka, sinusuwerte?” Awang ang mga labing nakatingin siya rito. Hindi niya mapaniwalaan ang ugali nito. Naglaho agad ang paghangang naramdaman niya para dito. Nagpakumbaba na siya at humingi ng tawad. Hindi naman niya sinasadya ang lahat. Hindi niya kagustuhan ang nangyari. Hindi lang naman ito ang narumihan sa kanilang dalawa. Kung makaasta ito ay tila napakalaki na ng nagawa niyang kasalanan na hindi siya nito mapapatawad. Tila daig pa nito ang nasagasaan ng truck sa iniaasal nito. Mukhang hindi naman ito nasaktan. Alam niyang kasalanan niya ngunit may kaunting kasalan din ito. Pakalat-kalat ito sa kalsada. Napapitlag silang dalawa nang marinig nila ang ikalawa at final bell sa eskuwelahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD