NAGMAMADALING tinungo ni Luisita ang gate. Naramdaman niyang nakasunod din sa kanya ang lalaki na patuloy sa pagpalatak.
Napahinto siya nang makitang nakabantay sa gate si Miss Macaraeg, ang vice principal ng paaralan. Matandang dalaga ito at notorious sa kasungitan. Tuwing umaga ay nasa gate ito at nag-aabang ng mga estudyanteng late sa pagpasok.
Lihim siyang napaungol. Parang gusto niyang maglupasay na lang sa mga kamalasang dinaranas niya nang araw na iyon.
“G-good m-morning po, Miss Macaraeg,” bati niya rito kahit na walang good sa umaga niya.
Pinagmasdan siya ng guro pati ang lalaki mula ulo hanggang paa. Kusang tumaas ang isang kilay nito nang makitang putikan sila. Bahagyang nagtagal ang mga mata nito sa lalaking nabangga niya na hindi pa niya alam ang pangalan.
“Mr. Cecilio Castañeda,” sabi nito sa lalaki.
“`Morning po,” bati rin ng lalaki sa guro. Nawala ang inis nito at napalitan iyon ng kaunting paggalang.
Namilog ang kanyang mga mata nang tumimo sa kanya ang pangalang binanggit ni Miss Macaraeg. “Cecilio Castañeda.” Kilala sa buong bayan ang mga Castañeda. Ang mga ito ang may-ari sa halos buong bayan ng Mahiwaga. Kilala ang bayan nila dahil sa pamilya Castañeda.
Siyempre, alam na rin niyang apo ni Doña Venancia ang lalaking ito. Bakit narito ito? Ang alam niya ay tuwing summer vacation lang nagtutungo roon ang karamihan sa mga apo ng matanda. Ngayon lang din niya nakita nang malapitan ang isa sa mga apo nito.
“Taga-Villa Cattleya ka?” tanong niya sa lalaki.
Tango lang ang itinugon nito sa kanya. Tumingin ito kay Miss Macaraeg. “Maaari po bang mag-excuse po muna ako sa unang klase? Uuwi lang po ako sandali upang magpalit,” hiling nito sa malumanay na tinig.
Nagulat siya sa biglang transformation nito. Mukha itong charming nang mga sandaling iyon. Parang hindi ito nagmura at nagalit nang husto kani-kanina lang. Mas guwapo ito ngayong malambot na ang ekspresyon nito.
Muntik na siyang matawa nang sunod-sunod na umiling si Miss Macaraeg. Ito na yata ang pinakaestrikta na guro sa buong lalawigan. Hindi ito basta-basta nakukuha sa charm. Palagi itong sumusunod sa rules at palagi nitong sinisiguro na ganoon din ang mga estudyante nito.
“Ang bilin sa `min ng lola mo ay huwag kayong bigyan ng special treatment. Ituring daw namin kayong tatlong magpipinsan na normal na estudyante para fair. Papasok ka sa unang subject mo,” mariing sabi ni Miss Macaraeg.
“But I’m filthy!” naiinis na sabi nito. “Po,” mabilis na dagdag nito at naging malambot uli ang ekspresyon nito. “Hindi ko po kayang pumasok na ganito ang hitsura ko.”
“Tatawag ako sa bahay n’yo upang makapagpadala sila ng bagong uniporme para sa `yo. Marami naman siguro kayong tauhan upang gawin iyon. Hindi mo na kailangang umuwi. I don’t want you to miss anything on your first day in school. Sige na, pumasok na kayo at baka nasa classroom na ang unang teacher n’yo. Baka naroon na ang dalawang pinsan mo. Mamayang uwian ay tatlumpung minuto kayong magwawalis sa bakuran.”
“Why?” nagugulumihang tanong ng lalaki kahit na obvious naman ang dahilan.
Lalong tumaas ang isang kilay ng guro. “Because you’re both late. Hindi maaaring walang kaparusahan ang late. Paano kayo gaganahang pumasok nang maaga sa school kung alam n’yong wala namang consequence kung papasok kayo nang late?” Pagkasabi niyon ay naglakad na ito papasok sa eskuwelahan.
“Hindi po ako late,” giit ni Cecilio. “Narito na po sa loob ang bike ko. Nahulog ko lang po ang bracelet ko at hinanap ko lang po sa labas. Baka po kasi doon ko nahulog. That bracelet is important to me. It was my mom’s gift to me. Pagkatapos po ay binangga po ako ng bike niya,” sabi nito, sabay turo sa kanya. “Siya lang po dapat ang may parusa.”
“You’re both late,” ani Miss Macaraeg sa malamig at matatag na tinig. Tumingin ito sa kanya. “Luisita, show Cecilio around. Magkaklase kayong dalawa kaya ikaw na ang bahala sa kanya.”
“Opo,” tanging naitugon niya.
Ipinarada muna niya ang bike niya bago niya sinundan si Cecilio na nagpatuloy sa paglalakad. Tila wala itong balak na magpasama sa kanya at hahanapin nitong mag-isa ang classroom nito.
Hindi nabanggit sa kanya ng kanyang ama na nasa Mahiwaga ang mga apo ni Doña Venancia. Lalong hindi niya alam na doon na mag-aaral ang mga ito. Ang alam niya, sa isang prestihiyosong high school sa Maynila nag-aaral ang mga apo nito. Bakit napadpad ang mga ito roon? Hindi naman sa pipitsugin ang eskuwelahan nila. Iyon ang nag-iisang pribadong high school sa Mahiwaga. Isa rin ang eskuwelahan sa pinakamahusay sa buong lalawigan. Siniguro ng mga Castañeda na magkakaroon ng de-kalidad na eskuwelahan ang bayan. Pag-aari ng pamilya ang kalahati ng eskuwelahan. Isa siya sa mga scholar ng pamilya Castañeda.
“Hindi diyan ang daan,” sabi niya kay Cecilio nang akmang liliko ito sa isang pasilyo. “Dito,” itinuro niya ang kabilang pasilyo.
Walang-kibong sumunod ito sa kanya.
“I’m sorry uli,” sabi niya. Sa palagay niya ay wala siyang karapatang mainis nang husto rito kahit na hindi talaga kaaya-aya ang ugaling ipinakita nito.
Magsasaka ng mga Castañeda ang kanyang ama. Nakatirik ang bahay nila sa lupain ng mga ito. Naging mabuti sa kanyang ama si Sir Utoy. Sa lupa ng mga ito sila nabubuhay. Kahit ang scholarship niya ay utang niya sa pamilya nito. Malaki ang utang-na-loob ng buong pamilya niya sa pamilya nito.
“Whatever,” anito sa nasusuyang tinig.
Pagpasok nila sa loob ng classroom ay napansin agad niya ang mga nagkakagulong kaklase niya—lalo na ang mga babae. Nakita niya ang ilan sa mga babae na halos mamilipit sa kilig. Ang ilan ay dumako ang tingin kay Cecilio. Namilog ang mga mata ng ilan sa mga ito. Naroon ang matinding pagtataka dahil sa maputik na polo nito ngunit mas nangibabaw ang paghanga.
Nilagpasan siya ni Cecilio at naglakad ito patungo sa bandang likuran ng classroom. Napatingin siya sa dalawang lalaki na noon lang din niya nakita. Nakaupo ang mga ito sa bandang likuran. Marahil ang mga ito ang dahilan ng kaguluhan sa classroom nila.
Magkaiba ang dalawang lalaki ngunit katulad ni Cecilio ay may sariling charm ang mga ito. Ang isa ay nakasalamin at tila walang pakialam sa kapaligiran nito. Sa unang tingin pa lang ay “matalino” na kaagad ang papasok sa isip ng kahit na sino na makakakita rito. Ang pangalawa ay iyong tipo ng lalaking masarap titigan. Nakangiti ito sa lahat. Guwapo pa ito sa salitang “guwapo.” Sa tatlo, ito ang pinakaguwapo.
Umupo sa pagitan ng dalawa si Cecilio.
“What happened to you?” nagtatakang tanong dito ng lalaking nakasalamin.
Tiningnan siya nang masama ni Cecilio. Umiwas na lang siya ng tingin dito. Nagtungo siya sa upuan niya. Mabuti na lang at malayo iyon sa tatlong lalaki.
Nalaman niya ang pangalan ng mga ito nang magpakilala ang mga ito bago mag-umpisa ang unang subject nila. Ang lalaking nakasalamin ay si Jeff Mitchel at ang lalaking ubod ng guwapo ay si Eduardo. Magpipinsan ang tatlong lalaki.
Hindi sinabi ng mga ito kung bakit lumipat ang mga ito sa eskuwelahan nila. Hindi na marahil niya malalaman iyon. Sa palagay niya ay hindi sila magiging mabuting magkaibigan.