“NAHANAP mo na ba `yong bracelet mo?” tanong ni Jeff Mitchel kay Cecilio.
Ipinagpatuloy ni Luisita ang pagwawalis at parang wala siyang narinig na anuman sa usapan nina Cecilio, Jeff Mitchel, at Eduardo. Hapon na at karamihan sa mga estudyante ay nagsiuwian na, ngunit naroon pa rin sila bilang kaparusahan sa late nila. Sinamahan na sila nina Jeff Mitchel at Eduardo sa pagwawalis.
“Paano ko hahanapin kung narito ako at nagwawalis?” sarkastikong tugon ni Cecilio. Kahit na hindi niya ito nakikita, alam niyang salubong na salubong na naman ang mga kilay nito. Kanina pa ito ganoon. Hindi pa niya ito nakitang ngumiti.
Pagkatapos ng unang subject nila ay dumating ang isang kawaksi ng Villa Cattleya dala-dala ang pamalit na uniporme ni Cecilio. Kahit nakapagpalit na ito ng uniporme, masama pa rin ang timpla nito.
“Relax ka lang kasi,” sabi ni Eduardo rito. “Matatapos din ang lahat ng ito.”
“I hate this day!” tila batang himutok ni Cecilio. “Hindi na ako makakapaghintay na matapos ito. Pero hindi pa tapos. Pagkatapos natin dito, kailangan pa nating iuwi ang mga alaga natin. Nakakainis talaga! Kasalanan ng isa diyan kung bakit minamalas ako, eh.”
“Sorry na nga, eh,” hindi niya napigilang sabihin kahit nais na lang sana niyang manahimik hanggang sa matapos ang parusa nila.
Gusto rin sana niyang sabihin dito na minalas na ito bago pa man niya ito mabangga. Nawala na ang bracelet nito at wala siyang kinalaman doon. Hindi rin niya kasalanan kung estrikta sa latecomers si Miss Macaraeg.
Hindi nga lang niya maiwasang humingi ng paumanhin. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na niyang naiusal ang “I’m sorry.” Magpasalamat ito na naging apo ito ni Doña Venancia, kung hindi ay nakatikim na ito sa kanya. Hindi niya maintindihan kung paano nagkaroon ng ganitong apo ang isang napakabait na matanda. Tuwing nakikita siya ni Doña Venancia ay magiliw ito sa kanya. Ang totoo, magiliw at mabait ito sa lahat. Kaya naman mahal na mahal ito ng lahat ng tauhan nito.
“Whatever,” masungit na sabi nito.
Lumabi na lang siya. Bahala ito sa buhay nito. Iyon na ang huling paghingi niya rito ng tawad.
Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang paglapit ni Jeff Mitchel sa kanya. Nginitian siya nito. Hindi niya mapigilan na ngitian din ito. Tila ito ang pinakamabait sa tatlong magpipinsan.
“Pagpasensiyahan mo na si Ces. Ganyan talaga `yan `pag hindi umaayon ang lahat sa gusto niya. Masama lang ang gising niya. Mabait naman `yan kahit na ganyan `yan. Nag-iisang anak lang kaya medyo spoiled. Ako nga pala si ‘Jeff Mitchel.’”
“Ganoon? Kasalanan ko naman talaga na nabangga ko siya pero ang hirap naman niyang magpatawad. Para namang ikamamatay niya kung patatawarin niya ako. ‘Luisita’ nga pala ang pangalan ko.”
Lumapit na rin sa kanya si Eduardo. Inilahad nito ang kamay sa kanya. “Mapapatawad ka rin niyan. ‘Eduardo’ nga pala.”
“`Oy, `oy, ano `yan?” ani Cecilio. “Mga taksil! Ako ang pinsan n’yo. Bakit n’yo kinakampihan ang babaeng `yan? Muntik na niya akong mapatay.”
“Ang OA naman nito,” hindi napigilang sabi niya rito.
“She’s right, Ces. Stop it, okay? Masamang d**o ka kaya hindi ka agad mamamatay. She looks nice naman. Ilang beses na rin siyang humingi ng sorry sa `yo. Alam kong nakakainis pero nangyari na. Tapos na,” ani Jeff Mitchel.
“Tama si Mitch,” pagsang-ayon ni Eduardo bago pa man ito makasagot. “Mukha namang mabait itong si Luisita. Kung manggigigil ka diyan, lalo ka lang maiinis. Lalong masisira ang araw mo. Let’s be friends na lang para mas masaya. World peace, you know.”
Umasim ang mukha ni Cecilio. “Ano tayo, nasa kindergarten? Kailangang friends na kaagad? Hindi man lang ako makakaganti? Ikaw talaga, Dudes, ang hilig mo sa babae kahit na kulot na kulot ang buhok. Kulot na nga, buhaghag pa. Mitch, I understand that you’re trying to be friendly, but come on, she’s... she’s kulot.”
Natatawang binatukan ito nina Eduardo at Jeff Mitchel. Halos umusok ang ilong niya sa sobrang inis. Ngalingaling hampasin niya ito ng walis na hawak niya. Alam niya na kulot siya. Mula pagkabata ay tinutukso na siya at nakasanayan na niya iyon. Kung bakit naman kasi kulot na kulot ang buhok niya mula nang isilang siya?
Hindi na dapat niya alintana ang panunukso ni Cecilio, ngunit hindi niya maipaliwanag ang sobrang inis na naramdaman niya. Iba kasi ito sa lahat. Iba ang dating sa kanya ng pagkakasabi nito ng “kulot.” Hindi naman na siya batang munti upang maapektuhan ngunit inis na inis talaga siya.
Tiningnan niya ito nang masama. Hindi naman niya inasahan na ngingiti ito, hanggang sa ngumisi. Nagningning ang magandang mga mata nito. Parang sinasabi nitong nakaganti na ito sa kanya.
Parang may kung anong kumislot sa dibdib niya dahil sa ngiti nitong iyon. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. Hindi rin niya gusto na mas naging makisig ito sa paningin niya nang mga sandaling iyon. Mas pinili na lang niyang mainis dito kaysa hangaan ito.
“SERIOUSLY?” panggagaya ni Luisita sa madalas na sabihin ni Cecilio tuwing naiinis ito o hindi umaayon ang lahat sa kagustuhan nito o hindi nito gusto ang ipinapagawa rito.
Nakatingin siya sa uod na inilagay nito sa mesa niya. Ang akala yata nito ay matatakot siya nito sa isang uod? Wala na yata itong maisip na iba upang inisin siya.
Ang aga-aga ay nag-uumpisa na naman ito. Dalawang buwan na silang magkaklase. Naging mabuting kaibigan na niya sina Jeff Mitchel at Eduardo. Nagkamali siya nang inakala niya noon na hindi niya magiging kaibigan ang mga ito. Halos hindi niya namalayan na naging malapit na siya sa mga ito.
Marahil dahil iyon kay Cecilio na hindi niya masabi kung kaibigan niya o ano. Hindi niya alam kung ano ang itatawag sa relasyon nilang dalawa. Ipinanganak yata ito upang maging kontrabida sa buhay niya. Ginulo nito ang dating tahimik na buhay niya. Wala na yatang araw na lumipas na hindi siya naiinis dito.
“Hoy, Kulot!”
Iyon na ang tawag nito sa kanya kinabukasan pagkatapos ng nangyaring banggaan sa pagitan nila. Ang akala niya ay hindi na siya nito kakausapin pagkatapos ng unang araw ng pagkakakilala nila.
Sa tabi ng bisikleta niya ipinarada ng tatlong lalaki ang bisikleta ng mga ito. Kinausap din ni Eduardo ang adviser nila na kung maaari ay umupo siya sa tabi ng mga ito. Kung maaari din daw sana ay siya na lang ang magturo ng lahat ng mga leksiyong na-miss ng mga ito. Sa palagay niya ay hindi na niya kailangang turuan ang mga ito. Nilampasan agad ni Jeff Mitchel ang pinakamatalino sa kanila. Wala itong ka-effort-effort sa mga aralin nila. Parang alam na nito ang lahat. Siya pa nga ang tinuturuan nito.
Dinampot niya ang uod na nasa mesa niya at ibinato kay Cecilio.
“Eeww! Kadiri!” anito habang pinapagpag ang uod na napunta sa polo nito.
Iningusan niya ito. “Kadiri? Alam mo palang kadiri, bakit mo inilalagay sa mesa ko?”
Umupo siya sa armchair niya. Inilabas niya ang suklay sa bag niya. Hindi na niya naitirintas ang buhok niya dahil nagmamadali siya. Ayaw na niyang ma-late uli.
“Bakit ba ganito ang buhok mo?” tanong ni Cecilio, saka hinila ang buhok niya.
Naiinis na hinampas niya ng suklay ang braso nito. Hindi na talaga siya masasanay sa mga pang-iinis nito sa kanya. “Huwag mo kasing hawakan at baka lalong bumuhaghag!”
Napasipol ito. “Kung may mas ibubuhaghag pa `yan, ewan ko na lang.”
“Manahimik ka na, Cecilio, puwede ba? Kahit isang araw lang, tigilan mo ako!”
Nitong mga nakaraang buwan ay hindi niya alam kung paano niya natagalan si Cecilio. Kung may paghanga man siyang nadarama para dito noong una silang magkita, tuluyan na iyong naglaho. Hindi niya maintindihan kung bakit patuloy siyang iniinis nito. Kung ginagantihan pa rin siya nito dahil sa hindi sinasadyang pagbangga niya rito, sobra na ito.
Madalas, ayaw na niya itong pansinin. Ayaw na niyang makipag-inisan dito dahil hindi naman siya nananalo. May isang pagkakataon na napaiyak na siya nito. Ngunit mientras na nanahimik siya o umiiwas, lalo itong nang-iinis. Kung ano-ano ang inilalagay nito sa loob ng bag niya. Kung ano-ano rin ang inilalagay nito sa buhok niya na tila hindi pa ito kontento sa pangungutya nito.
Gayunman, kakatwang itinuturing niya itong kaibigan. Paminsan-minsan ay natatagpuan niya ang kanyang sarili na masaya sa company nito lalo na kung nanalo siya sa inisan nilang dalawa o tuwing naiisahan niya ito. May kaunting kabaitan din ito sa katawan. Nang masira ang bike niya isang uwian ay ito ang umayos niyon. Mas madalas lang na iniinis siya nito kaya natatabunan ang kabaitan nito at nakakalimutan niyang kaibigan na ang turing niya rito.
Hindi rin niya maikakaila na naging mas masaya siya nitong mga nakaraang buwan. Dati ay wala siyang masasabing malapit na kaibigan. May mga kaibigan siya ngunit wala siyang maituturing na best friend. Hindi pa niya lubos na matatawag na best friends sina Jeff Mitchel at Eduardo, ngunit sa kakaunting panahon ay napalapit na ang mga ito sa kanya nang husto. Parang napakadaling magsabi sa mga ito ng mga bagay-bagay.
Hindi na siya naiilang sa mga ito. Walang ere sa katawan ang mga ito. Kahit na ganoon si Cecilio ay hindi masasabing arogante o mayabang ito. Marunong itong gumalang sa mga nakatatanda. Hindi rin ipinapangalandakan ng tatlo na lola ng mga ito ang nagmamay-ari ng halos buong Mahiwaga. She felt lucky to be friends with them.
Tila nagkaroon ng ibang kulay ang mundo niya mula nang dumating ang mga ito. Kahit na madalas na nang-aasar si Cecilio, naisip niyang mas maigi na iyon kaysa naman walang nangyayari sa kanya. Ilang taon din na pakiramdam niya ay hindi siya napapansin ng lahat. Bago naging malapit ang tatlo sa kanya, may sarili siyang mundo sa isang sulok. Itinuturing siyang kaibigan ng lahat ngunit hindi siya nakakasama sa mga katuwaan ng mga iyon. Hindi siya sinasabihan ng mga problema. Hindi siya isinasali sa kahit anuman.
Hindi siya kailanman nag-standout hanggang sa umpisahan ni Cecilio ang “pagganti” sa kanya. Nasanay na ang mga kaklase niya sa pagtili niya tuwing napipikon siya kay Cecilio. Hindi na bago sa mga ito na makita siyang tumatakbo habang may hawak na walis at hinahabol si Cecilio na nais niyang hampasin.
“Ces is putting worms in your hair, Lui,” kaswal na sabi ni Jeff Mitchel habang abala ito sa pagbabasa ng libro.
Naiinis na nilingon niya si Cecilio. Nakangisi ito habang hawak ang isang supot na puno ng uod. May suot na plastic gloves ang kamay nito habang nakahawak sa isang uod na akma nitong ilalagay sa buhok niya.
Pinigil niya ang mapatili. Hindi talaga ito titigil hanggang sa tuluyan siyang mapikon. Inagaw niya rito ang supot ng uod at tinapakan iyon.
Umiling-iling ito. “Poor worms. Walang awang tinapakan ng kulot na babae. Mag-ingat ka at baka gantihan ka ng mga kamag-anak ng mga iyan. Baka magsama-sama sila at atakihin ka.” Kunwari ay nangilabot pa ito. “Kadiri.”
Inaalis niya ang mga uod na inilagay nito sa buhok niya nang may isang kamay na tumulong sa kanya. Pagtingala niya ay nakita niya ang nakangiting mukha ni Eduardo. Hindi niya namalayan ang paglapit nito sa kanila. Kanina pa ito abala sa pakikipag-usap sa isang babae sa kabilang section. Sa tatlo, si Eduardo o Dudes ang pinakalapitin ng babae.
“Ikaw ang gagantihan ng mga uod, Ces, sa pinaggagagawa mo,” ani Eduardo sa pinsan nito.
Ginantihan niya ang masuyong ngiti nito at hinayaan niyang alisin nito ang mga uod sa buhok niya. Palaging masuyo sa kanya si Eduardo. Ito rin ang pinakamalambing sa tatlo. May ilang pagkakataon na napagkakamalan itong manliligaw niya.
“Ano ba ang ginawa ng babaeng `yan at lagi n’yo na lang kinakampihan?” nakangusong tanong ni Cecilio sa mga pinsan nito.
“Kasi ikaw naman palagi ang mali,” tugon ni Jeff Mitchel bago isinara ang librong binabasa nito.
“Kung bakit naman kasi ayaw mong magpakabait, Ces,” sabi ni Eduardo habang inaayos ang buhok niya. “Hindi ka naman dating ganyan. Madalas na wala kang pakialam sa iba. Hindi ka naman alaskador. Gusto ko na tuloy magduda sa `yo. Baka naman...”
Nagtatakang napatingin siya kay Eduardo. Hindi na kasi nito itinuloy ang sinasabi nito. Hindi niya alam kung ano ang ipinapahiwatig nito.
Tumawa si Cecilio. “Wala akong crush diyan,” anito, sabay turo sa kanya. “May taste ako.”
Hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. Dinampot niya ang libro ni Jeff Mitchel at ibinato iyon kay Cecilio. Nasapol niya ang mukha nito. Iyon pala ang nais na sabihin ni Eduardo. Hindi rin naman niya ito crush—hindi na! Ngunit bakit tila may kumurot sa kanyang puso dahil sa sinabi nito?
Nasapo nito ang ilong nito na napuruhan yata niya. Akmang gaganti ito ngunit pumasok na sa loob ng classroom nila ang guro nila.
“Mamaya ka,” banta nito sa marahas na tinig.
Binelatan lang niya ito. Nakita niyang nagpipigil lang ng tawa sina Eduardo at Jeff Mitchel.