6

1545 Words
ABALA si Luisita sa maliit na hardin niya nang marinig niyang tumahol ang kanilang aso. Nagulat siya nang makita si Cecilio na papasok sa loob ng bakuran nila. Ipinarada muna nito ang bike nito sa bakod nila bago siya nito nilapitan. “Ano ang ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong niya. Ang alam niya ay lumuwas ang mga ito. Bibisitahin daw ng mga ito ang mga magulang at kapatid. “I’m fine, thank you. I’m delighted to see you, too. How are you, friend?” sarkastikong tanong nito. Inirapan niya ito. Ang akala pa naman niya ay buong weekend niyang hindi makikita ang nakakainis na mukha nito. “Akala ko ba, luluwas kayo?” tanong uli niya rito. Hindi naman niya ito itataboy. Hindi niya alam kung bakit nakakaramdam siya ng kasiyahan dahil naroon ito ngayon. Kahit na alam niyang iinisin lang siya nito buong weekend at wala roon sina Eduardo at Jeff Mitchel upang ipagtanggol siya, masaya pa rin siya. Hindi na niya sinubukang humanap ng paliwanag kung bakit siya masaya. Nagkibit-balikat ito. “Hindi na ako sumama. Dumalaw naman na sina Mommy at Daddy noong nakaraang linggo. Hindi pa naman nila siguro ako nami-miss. Wala rin akong kapatid na makaka-miss sa `kin.” Pinisil nito nang mariin ang ilong niya. “At saka alam kong mami-miss mo ako kaya hindi na ako sumama. Kawawa ka naman kung hindi mo masisilayan ang kaguwapuhan ko. Ayokong malumbay ka.” Naningkit ang kanyang mga mata. Dinampot niya ang nabunot niyang mga d**o at ibinato iyon dito. Tumatawang nakailag naman ito. “Ang yabang mo talaga! Sana sumama ka na lang sa mga pinsan mo sa Maynila para naman matahimik ang buhay ko rito.” “`Sus, sige i-deny mo pa na mami-miss mo ako kapag sumama ako sa pagluwas. Alam ko naman ang totoo. Sa susunod, sumama ka sa pagluwas para naman may iba kang nakikita. Dito na lang sa Mahiwaga umiikot ang mundo mo. Ayokong maging inosente ka habang-buhay.” Marahas siyang nagbuga ng hangin. “Umuwi ka na nga lang sa villa o kaya bantayan mo ang mga alaga mo. Wala ka bang gagawin sa bukid ngayon?” Hindi niya alam kung seryoso ito sa pagyayaya sa kanya sa pagluwas. Kung seryoso ito, sasama siya basta kasama rin sina Jeff Mitchel at Eduardo. Gusto rin naman niyang mamasyal sa lungsod. Gusto niyang makita ang mga lugar na sa telebisyon lang niya nakikita. Dalawang beses na siyang nakaluwas sa Maynila kasama ang kanyang ama ngunit hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na makapamasyal.  “Bored na ako sa villa. Ang tahimik kapag wala sina Dudes at Mitch. Ano ba’ng ginagawa mo?” tanong nito at umakmang uupo sa isang bakanteng bangkito sa tabi niya. “Huwag mong uupu—” Huli na ang babala niya. Nakaupo na ito at tuluyan nang bumigay ang marupok na bangkito. Bumagsak ang puwit nito sa lupa. Pumalatak ito. “Very cheap, Lui. Very, very cheap. Ganito lang ang maiisip mong patibong?” Natawa siya nang malakas. “Hindi `yan patibong. Malay ko bang darating ka ngayon? Hindi ka kasi nag-iisip. Nakita mong hindi ko inupuan. Marupok na talaga `yan. Sinira mo na nang tuluyan ang bangkito ko.” Napatingin ito sa isang malaking tipak ng kahoy na inuupuan niya. Hindi siya komportable sa pag-upo roon ngunit mas mangangawit siya kung hindi siya uupo habang nagbubunot ng mga d**o. Hindi niya inupuan ang bangkito dahil alam niyang malapit na iyong masira. Ipapagawa sana niya iyon sa kanyang ama pagbalik nito mula sa bukid. Ang kaso, tuluyan na iyong nasira ni Cecilio. Hindi na yata iyon maaayos. Bibili na lang marahil siya ng mumurahin sa bayan. “Wala ka bang ibang bangkito?” tanong nito. Umiling siya. “Sinira mo na. Kumuha ka na lang ng monobloc sa terrace para may maupuan ka.” “Ikaw na ang kumuha,” utos nito sa kanya. “Tayo diyan.” Bago pa man siya makatugon ay nahila na siya nito patayo. Pinigilan niya ang kanyang sarili na magreklamo dahil wala rin namang mangyayari. Kaysa masayang ang enerhiya niya sa pakikipagtalo rito, nagtungo na siya sa munti nilang terrace at ikinuha ito ng upuan.  “Si Cecilio ba ang dumating?” tanong ng kanyang ina bago pa man siya makalabas uli ng terrace. Bukas ang pintuan nila at nakita niyang naglilinis sa sala ang kanyang ina. “Opo,” tugon niya. “Akala ko ba uuwi sila ngayon sa Maynila?” Lumabi siya. “Akala ko nga rin po, eh.” “Sandali lang. Hintayin mo ako at ikukuha ko lang siya ng suman. Paborito niya `yon, eh.” Bago pa man niya masabi na huwag na itong mag-abala ay nagtungo na ito sa kusina. Wala na siyang nagawa kundi hintayin ang suman para kay Cecilio. Malapit ang magpipinsan sa mga magulang niya, lalo na sa kanyang ama. Sa kanyang ama minsan ipinagkakatiwala ni Sir Utoy ang tatlong magpipinsan tuwing may gawain sa bukid. Natutuwa ang kanyang ama sa mga ito dahil sa kabila ng rangya na tinatamasa ng mga ito ay nagagawa pa ring tumulong ng mga ito sa bukid. Hindi alam ng kanyang ama na kaparusahan ng tatlong lalaki ang pagtatrabaho sa bukid. Hindi bukal sa loob ng mga ito ang lahat. Naikuwento na sa kanya ni Jeff Mitchel ang totoong dahilan kung bakit sa Mahiwaga gugugulin ng tatlo ang huling taon ng high school. Madalas ding dumalaw sa kanya ang tatlong magpipinsan kaya napalapit na rin ang mga ito sa kanyang ina. Natutuwa siya tuwing nakikita niya na hindi alintana ng mga ito ang liit ng bahay nila. Ang kanyang ina ay natutuwa rin sa mga ito dahil mabait at magalang ang mga ito. “Ipaubos mo sa kanya ito,” sabi ng kanyang ina nang iabot sa kanya ang isang plato ng puno ng suman. “Magandang klaseng malagkit ang ginamit ko riyan.” Tumango na lang siya at binalikan si Cecilio. Nang makita siya nitong palapit ay nilapitan agad siya nito. Kinuha agad nito ang suman sa kamay niya. “Wow! Thanks `kamo sa nanay mo,” anito. Totoong paborito nito ang suman na gawa ng kanyang ina. Kilala ang kanyang ina sa buong Mahiwaga sa husay nito sa paggawa ng mga kakanin. Tuwing may okasyon—maliit man o malaki—ito ang hinahanap ng mga tao upang magpaluto ng kung ano-anong kakanin. Ibinigay niya kay Cecilio ang upuan nito. Umupo uli siya sa tipak ng kahoy at ipinagpatuloy ang pagbubunot ng d**o.  “In fairness, gumaganda itong garden mo,” sabi nito mayamaya. “Hindi kasingganda ng hardin ng Villa Cattleya.” Pangarap niyang magkaroon ng hardin na katulad ng sa Villa Cattleya. Napapalibutan ang buong villa ng hardin, ngunit pinakamaganda ang sa pinakaharap ng malaking villa. Sa pagkakaalam niya, isang tanyag na landscape architect ang kinuha ni Lola Ancia noon upang maging ganoon kaganda ang hardin. Iginiit ng matanda na “Lola Ancia” ang itawag niya rito mula nang maging kaibigan niya ang mga apo nito. “Naman. Wala nang gaganda pa sa hardin sa villa,” ani Cecilio. “Pero okay na rin itong munting garden mo. Maraming mga bulaklak. Masarap sa mata.” Natatawang napatingin siya rito. “Nagiging mabait ka talaga sa `kin tuwing may suman o kakanin ka galing kay Nanay, `no? Dapat yata, lagi kitang pinapakain ng suman, eh.” “Mabait naman talaga ako. Hindi lang halata. Hindi ka ba nahihirapan diyan sa inuupuan mo? Masakit kaya sa puwit `yan.” Nagkibit-balikat siya. “Okay lang naman. Wala na kaming bangkito, eh.” “Patapusin mo akong kumain. Igagawa kita ng bangkito pagkatapos ko rito.” “Marunong ka ba?” Inismiran siya nito. “Bangkito lang, eh.” Inakala niyang nagbibiro lang ito. Naisip din niya na kung igagawa man siya nito, baka pang-asar lang nito iyon. Isang bangkito na hindi naman niya magagamit. Ngunit nagkamali siya. Pagkatapos nitong kumain ay nagpaalam ito sa kanya na papasok muna sa bahay nila. Medyo natagalan bago ito nakabalik. Napansin niya na may mga dala na itong mga kawayan at tabla na hindi pa nila nagagamit. Nakasunod ang kanyang ina rito bitbit ang ilang tools ng kanyang ama. Maghapon itong nanatili sa bahay nila.  Iginawa siya nito ng dalawang bangkito. Hindi mga simpleng bangkito lang iyon. Iyon na marahil ang pinaka-magandang bangkito na nakita niya. Pulido ang pagkakagawa niyon. Mukha iyon matibay. Pabilog iyon na may magandang ukit ng mga bulaklak mula sa ibabaw hanggang sa mga paa. “Wala man lang ba akong ‘thank you’?” tudyo nito sa kanya habang natutuwang nakatingin siya sa mga bangkitong ginawa nito. “Ang galing mo,” aniya bago hinaplos ang mga nakaukit na bulaklak. Sandali lang nitong ginawa iyon ngunit maganda at malinis ang mga detalye.  “Siyempre magaling ako,” mayabang na sabi nito. “Gagamitin mo ito palagi, ha? Dapat lagi mo akong maaalala tuwing inuupuan mo ito. Utang mo ito sa `kin.” Iningusan niya ito. “Kailangan talaga, maalala kita? Sinusubukan ko ngang kalimutan `yang pagmumukha mo tuwing hindi kita nakikita, eh.” Iyon ang sinasabi ng bibig niya, ngunit alam niya sa kaibuturan niya na tuwing gagamitin niya ang mga bangkito ay maaalala niya ito. Kahit na madalas ay nakakainis ito, espesyal pa rin ito sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD