“BAKIT sa iba gentleman ka, pero sa `kin, hindi?” naiinis na tanong ni Luisita kay Cecilio habang inililigpit niya ang mga baunan nila. Nasa ilalim sila ng isang umbrella tree sa eskuwelahan ng mga pinasadyang upuan at mesa. Katatapos lang nilang kumain ng tanghalian. Nakahilata na ito sa mahabang upuan at hindi siya tinutulungang magligpit.
Gusto sana niyang ibato ang baunan nito sa lupa ngunit hindi niya magawa. Kahit na malapit siya sa tatlong magpipinsan, hindi pa rin niya nakakalimutan na señorito ang mga ito. Iba pa rin siya sa mga ito.
Sa estado nila marahil siya naiinis at hindi sa hindi nito pagtulong sa kanya. Wala siyang karapatang mainis. Hindi nito kasalanan na ipinanganak itong nakakaangat sa kanya. Hindi rin nito kasalanan na ipinanganak siyang dukha.
Ilang gabi na niyang kinakastigo ang kanyang sarili. Gabi-gabi na lang kasi niyang naiisip si Cecilio. Minsan ay kung ano-ano ang mga nai-imagine niya. Ni hindi niya masabi kung ano ang nag-trigger ng mga imahinasyon na iyon. Lately ay napapansin niyang nahahaluan na ng kakaibang damdamin ang inis niya rito kapag pinipikon siya nito.
At palagi bago siya makatulog, naaalala niya ang kaibahan nilang dalawa. Palaging lungkot ang huling nadarama niya sa gabi. Tumitindi rin ang pagnanais niyang umangat. Nais niyang mas maging maganda ang buhay niya—nilang pamilya.
“Hindi mo na kailangan ng tulong, kaya mo na `yan,” anito na hindi talaga gumalaw upang tulungan siya. Pumikit ito. Kung naroon sana sina Jeff Mitchel at Eduardo, hindi na niya kailangang gumalaw. Ang kaso, kasama ni Eduardo ang girlfriend nito nang mga sandaling iyon. Si Jeff Mitchel naman ay ipinatawag ng isang teacher kaya mabilis nitong tinapos ang pagkain ng tanghalian. Palaging naiiba si Cecilio sa dalawang pinsan nito. Ang dalawa, palaging inaako ang mga gawain niya kahit na magaan lang naman ang mga iyon. Ang palaging dahilan ng mga ito, babae raw siya.
Walang pakialam si Cecilio kahit na babae siya. Ang nakakainis, sa kanya lang ito ganoon. Sa ibang babae ay charming ito. May mga pagkakataon na nais niya itong sabunutan tuwing tinutulungan nito ang iba sa mga munting gawain ng mga iyon. Kagaya na lang ng pagtulong nito kay Alicia—ang pinakamagandang dalaga sa eskuwelahan—sa pagbibitbit ng mga libro nito. Samantalang sa bag niya minsan nito inilalagay ang mga libro nito.
Imbes na mainis ay binilisan na lang niya ang ginagawa. May gagawin pa siyang assignment. May sapat na oras pa siya bago matapos ang lunch break nila. Binuksan niya ang bag ni Cecilio upang ilagay ang baunan nito roon. Natigilan siya nang makakita siya ng isang tangkay ng puting rosas at isang balot ng tsokolate.
“Gusto mo? Sa `yo na,” sabi nito habang nakapikit pa rin.
“H-ha?”
Bumilis ang t***k ng puso niya. Binibigyan siya ni Cecilio ng rosas at tsokolate? Bakit? Hindi niya maipaliwanag ang matinding kaligayahan na dumagsa sa kanyang buong pagkatao.
“May nagbigay sa `kin niyan kanina,” sabi nito. “Hindi ako makapaniwala noong una. Ang akala ko ay sa Maynila lang forward ang mga babae, sa probinsiya rin pala. Liligawan daw niya ako.” Ngumisi ito. “Ang guwapo ko naman kasing talaga.”
Tila bulaklak na bigla na lang nalanta ang kaligayahan niya. Bigla ay parang gusto niyang pumalahaw ng iyak. Sa katunayan, nahihirapan na siyang pigilin ang kanyang mga luha. Madalas siyang tinutukso nito na iyakin. Sa sobrang inis niya rito minsan ay napapaiyak siya. Ngunit kakaiba ang nadarama niya ngayon. Hindi lang iyon basta inis. Hindi niya malaman kung ano ang gusto niyang iyakan.
Dismayado ba siya na hindi naman para sa kanya ang mga bulaklak? Bakit siya madidismaya? Gusto ba niyang bigyan siya ni Cecilio ng bulaklak? Ano ngayon kung may manliligaw ito? Malamang na napakatanga ng babaeng iyon kung sino man iyon.
Bakit ayaw makalma ng kalooban niya? Bakit lalo siyang naiiyak?
Inilagay niya sa bag nito ang baunan nito. Wala siyang pakialam kahit na masira ang magandang puting rosas. “Bakit mo ibibigay sa `kin ang mga bagay na ibinigay sa `yo?” naiiritang tanong niya. Padarag na binuksan niya ang bag niya at inilagay roon ang baunan niya. Inilabas niya ang isang notebook at isang libro. “As if naman gusto ko `yang rosas mo. Mas gusto ko ang nakapasong halaman. Iyang pinitas, sayang lang. Malalanta rin lang mamaya. Hindi ko rin gusto `yang tsokolate mo. Mas masarap ang kakanin ni Nanay kaysa diyan.”
Dumilat ito. Nakaguhit ang matinding inis sa mga mata nito. Pinagtakhan niya iyon. Hindi naman ito madaling mainis. Wala namang nakakainis sa sinabi niya.
“As if naman na may magbibigay sa `yo ng bulaklak at tsokolate. Ikaw na nga ang binibigyan, aayaw ka pa. Nag-aalala lang naman ako na baka hindi mo ma-experience ang mabigyan ng kahit na anong bulaklak o tsokolate. Kung ayaw mo, di `wag. Ang arte-arte ng kulot na `to.”
Napikon na siya nang tuluyan. Para na rin nitong sinabi na walang lalaking magkakagusto sa kanya kahit na kailan. “Talaga! Isaksak mo sa baga mo `yang bulaklak mo!” Ibinalik niya ang notebook at libro niya sa bag at marahas siyang tumayo. Iniwan niya ito roon.
Nagtungo siya sa comfort room. Pagkasara niya ng cubicle ay dumaloy agad ang kanyang mga luha. Lalo siyang napaiyak dahil hindi niya alam kung bakit siya nagkakaganoon. Pilit niyang pinatahan ang kanyang sarili pagkalipas ng ilang sandali. Kapag nakita ni Cecilio na namumugto ang kanyang mga mata, alam niyang lalo siyang aasarin nito.
Hindi niya pinansin buong maghapon si Cecilio. Kahit na nang-aasar at nagpapapansin ito ay hindi niya ito kinibo o nilingon man lang. Itinuon niya ang buong atensiyon niya kay Jeff Mitchel at sa mga aralin.
Hindi rin siya nagpaalam sa mga ito nang umuwi siya. Kadalasan ay sinasabayan siya ng mga ito, ngunit sa pagkakataong iyon ay nauna siyang umuwi. Pagdating niya sa bahay ay hinarap niya ang mga halaman niya. Binunot niya ang mga d**o kahit na kakaunti pa lang ang mga iyon. Paulit-ulit niyang sinabihan ang mga bulaklak niya na di-hamak na mas maganda ang mga ito kaysa sa bulaklak na ibinigay kay Cecilio ng kung sinong tangang babae.
Tinulungan niya ang kanyang ina sa paghahanda ng hapunan. Nag-igib siya at pinuno ang lahat ng lalagyan nila ng tubig. Inako niya ang paghuhugas ng mga pinggan. Gusto niyang abalahin nang husto ang kanyang sarili upang hindi niya maisip si Cecilio. Gusto rin niyang mapagod siya nang husto para makatulog agad siya.
Gagawin na sana niya ang mga assignment niya nang matigilan siya. Pagbukas niya ng kanyang bag ay nakita niya ang puting rosas at tsokolate na naroon. Hindi niya alam kung paano nailagay ni Cecilio ang mga iyon doon na hindi niya namamalayan.
Naiinis na inalis niya ang mga iyon sa kanyang bag. Binuksan niya ang kanyang bintana upang ibato ang mga iyon palabas. Hindi niya gusto ng bulaklak at tsokolate kung galing kay Cecilio. Nakataas na ang kamay niya, ang tanging gagawin na lang niya ay ibato ang mga iyon palabas ngunit hindi niya magawa.
Bumuntong-hininga siya at isinara uli ang bintana ng silid niya. Umupo siya sa kanyang papag. Pinagmasdan niya ang bulaklak at tsokolate sa mga kamay niya. Halos wala sa loob na dinala niya sa kanyang mga labi ang puting rosas.
Napangiti siya. Parang bulang nawala ang inis na kanina pa niya nararamdaman. Hinayaan niya ang kanyang sarili na maging masaya at kiligin. Hindi na niya gaanong isinaisip na hindi talaga siya binigyan ni Cecilio ng bulaklak at tsokolate. Hindi talaga galing dito ang mga iyon. May ibang tao na nagbigay niyon dito at hindi marahil nito alam ang gagawin sa mga iyon. Inilagay marahil nito ang mga iyon sa bag niya upang inisin lalo siya.
Gayunman, natagpuan pa rin niya ang kanyang sarili na maingat na iniipit ang rosas sa isang makapal na dictionary. Nais niyang mapreserba ang bulaklak.