“SINO ang date mo sa prom?”
“Pakialam mo,” tugon ni Luisita kay Cecilio. Nasa bukid sila nang hapong iyon ng Linggo. Kasama rin nila sina Jeff Mitchel at Eduardo. Binabantayan ng mga ito ang mga alagang hayop ng mga ito. Hindi sana niya gustong sumama sa mga ito ngunit wala naman siyang gagawin sa bahay nila.
“Wala kang ka-date. No one has asked you,” nang-iinis na sabi nito.
Pinigil niya ang kanyang sarili na batuhin ito ng kung anong madadampot niya.
Inakbayan siya ni Eduardo. “Someone will ask her,” anito sa pinsan nito. Tumingin ito sa kanya at kinindatan siya. “Me. Will you be my date to the prom?”
Nginitian niya ito. Madalas niyang tanungin ang kanyang sarili kung bakit hindi siya naaakit dito kagaya ng halos lahat ng mga babae. Isang napakabuting kaibigan ang tingin niya rito. Isang lalaki na handa siyang ipagtanggol palagi mula sa pang-aapi ng pinsan nito.
Masuyong pinindot niya ang ilong nito. “May girlfriend ka po,” aniya. Dalawang linggo na lang ay prom night na nila. Dalawang buwan na lang din ay graduation na nila sa high school.
Nang ibalik niya ang kanyang paningin kay Cecilio ay napansin niyang lukot ang mukha nito habang nakatingin sa braso ni Eduardo na nakapatong sa balikat niya.
“O, eh, ano? Mas gusto kong ikaw ang ka-date ko. Alam mo namang hindi kita ipagpapalit kahit na kanino, eh,” sabi ni Eduardo.
“Hindi ako pupunta,” sabi niya. Noong nakaraang taon ay hindi rin siya dumalo.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Jeff Mitchel na kanina pa tahimik. “Kung hindi mo gustong kasama si Dudes, ako na lang.”
Nginitian niya ito nang matamis. Komportable rin siya rito kagaya ng nararamdaman niya kay Eduardo.
“Kasi wala naman akong hilig sa mga ganoon. Ano ba ang mapapala ko kung pupunta ako? Wala naman yatang makikipagsayaw sa `kin,” aniya.
“Kill joy ka talaga,” sabi ni Cecilio. “You don’t know how to have fun.”
“Sorry, ha?” sarkastikong sabi niya rito. “Eh, sa hindi ko naman talaga hilig ang mga ganoon. Saka nanghihinayang din ako sa gagastusin para lang makipagsayaw. Magrerenta pa ng gown. Bibili ng sapatos na hindi naman magagamit pagkatapos. Magpapaayos sa parlor. Pagkatapos ng gabing `yon, ano ang mangyayari? Wala lang. Sayang lang ang pera. Ipambibili ko na lang ng halaman `yong panrenta ko ng gown.”
“You rent gowns? Kung sino-sino ang gumagamit `tapos isusuot mo? Kadiri.” Kunwari ay kinilabutan pa ito.
“Hindi po lahat ay kasingyaman n’yo,” nakaingos na sabi niya. Ipinamukha na naman nito sa kanya ang pagkakaiba nila.
“Kung ibibili ka namin ng gown at sapatos?” tanong ni Jeff Mitchel sa kanya. Nakangiti ito nang masuyo. “Si Lola Ancia na lang ang maglalagay ng makeup mo.”
Tinapik ito ni Eduardo. “Ang brilliant mo talaga, Mitch. Sige na, Lui, um-attend ka na sa prom. Walang masasayang. May mapapala ka. Maisasayaw mo kaming tatlo. Mag-e-enjoy ka, I promise. You’ll be our princess. Kaiinggitan ka ni Cinderella.”
Cecilio snorted. Tiningnan ito nang masama ng mga pinsan nito.
“Sige na,” pamimilit ni Eduardo.
“Kunwari lang `yang si Ces pero gusto ka ring maisayaw niyan,” ani Jeff Mitchel.
Tiningnan niya si Cecilio. Mukhang nababagot ito sa pinag-uusapan nila. Nakatingin na ito sa baka nito na abala sa pagnguya ng d**o. Hindi niya magawang maniwala sa sinasabi ni Jeff Mitchel na gusto siyang isayaw ni Cecilio. Alam niya na hindi siya isasayaw nito.
Ngunit masarap pa ring isipin na nagsasayaw silang dalawa sa isang bulwagan. Hindi ito nang-iinis. Masuyo ang mga tingin at ngiti nito sa kanya. Tila gusto niyang mangyari iyon sa totoong buhay. Bigla ay gusto niyang magtungo sa prom upang magkaroon siya ng pagkakataon na maranasan iyon. Kahit na malabong mangyari iyon sa totoong buhay, hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na umasa.
“Pag-iisipan ko,” aniya.
SA BANDANG huli, hindi rin naka-attend ng prom si Luisita. Hindi dahil sa hindi siya napilit nina Jeff Mitchel at Eduardo. Napilit siya ng mga ito. Kinausap ng mga ito ang mga magulang niya para pilitin din siyang pumunta. Pati si Lola Ancia ay nakigulo. Ibinili siya nito ng magandang damit at sapatos. Nahiya na siyang igiit na ayaw niyang magpunta sa prom.
Dahil sa mga ito, bigla ay naging excited siya para sa prom.
Pinili niyang date si Jeff Mitchel. Ayaw niyang lalong mainis sa kanya ang nobya ni Eduardo. Hindi niya alam kung may ka-date si Cecilio. Pilit niyang sinasabi sa kanyang sarili na wala siyang pakialam. Matindi ang pagpipigil niyang magtanong.
Pilit din niyang ikinakaila sa kanyang sarili na ito ang talagang nais niyang date sa prom. Para sa kanya, perpekto si Jeff Mitchel. Hindi siya nito iinisin. Hindi siya makukunsumi. Magiging maganda at memorable ang gabi niya kapag ito ang kasama niya. Bakit niya gugustuhin na maka-date ang isang lalaki na ang hobby ay pikunin siya?
Ngunit naaksidente si Mitch sa araw mismo ng prom. Hindi naging maganda ang pagbagsak nito nang tumalon ito pababa sa isang puno. Napilayan ang isang paa nito. Hindi ito makalakad kaya hindi rin ito makakadalo sa prom night nila.
Pinilit pa rin siyang dumalo ng mga ito. Inialok ni Cecilio ang sarili nito bilang date niya. Namilog ang mga mata niya nang kaswal nitong sabihin iyon sa kanya. Bigla rin daw nagsabi ang date nito na hindi makakadalo. Nang tanungin niya kung sino ang date nito, ang sabi nito ay hindi na raw importante na malaman niya. Ang importante ay hindi na raw siya magmumukhang tanga.
Kung hindi lang nila kasama ang lola nito ay nabatukan na niya ito. Pati si Jeff Mitchel ay sang-ayon na dumalo pa rin siya. Wala raw siyang dapat na ma-miss sa high school life niya. Sa villa siya nag-ayos dahil sa hiling ni Lola Ancia. Ito ang naglagay ng makeup niya. Ito rin ang nag-ayos ng buhok niya. Halos hindi niya nakilala ang kanyang sarili nang matapos siyang ayusan nito.
Hindi niya maiwasan ang mapangiti nang matulala si Cecilio pagkakita sa kanya. Hinintay niyang maka-recover ito at asarin siya ngunit hindi nito ginawa. Nanatili ang paghangang nababasa niya sa mga mata nito. Nailang siya.
Habang patungo sila sa pagdarausan ng prom, hindi siya mapakali. Lalong tumindi ang pagkailang na nararamdaman niya. Tahimik lang silang dalawa. Hindi niya maintindihan kung bakit ito umaakto nang ganoon. Bakit hindi na lang siya inisin uli nito? Mas magiging komportable yata siya sa ganoon.
Iniisip din niya si Jeff Mitchel. Kawawa naman ito. Magpapakasaya sila sa prom habang ito ay bagot na bagot na nakahiga sa kama nito at nanonood sa telebisyon. Parang hindi iyon tama.
“Bumalik na lang tayo,” sabi niya kay Cecilio bago pa man sila makarating sa pagdarausan ng prom.
“Sigurado ka?” tanong nito.
Tumango siya. Hindi niya gusto ang hindi komportableng pakiramdam na patuloy niyang nararamdaman. Mas titindi pa iyon kapag nagtagal. Hindi niya kayang maging kaswal kasama ito. Ayaw niyang mapansin nito na may kakaiba sa kanya. Sa palagay niya ay hindi rin niya kayang makipagsayaw rito. Mas mabuti nang umuwi sila sa villa at samahan si Jeff Mitchel sa panonood nito ng TV.
Nagulat si Lola Ancia nang bumalik sila sa villa at sinabing hindi na sila tutuloy. Ipinaliwanag niya rito na hindi niya kayang magsaya sa prom na wala si Jeff Mitchel kaya doon na lang nila palilipasin ang prom night. Nagulat din si Jeff Mitchel sa naging pasya nila ngunit hindi maikakailang natuwa rin ito.
Tinabihan niya ito sa kama nito. Bahagyang nawala ang hindi komportableng pakiramdam niya. Napatingin siya kay Cecilio nang umupo ito sa isang couch. Tila may nababasa siyang pagkadismaya sa mga mata nito.
“Puwede ka pa ring pumunta,” aniya. Ayaw niyang makulong din ito roon. Kahit na ayaw niyang umalis ito, ayaw rin niyang ma-miss nito ang lahat ng kasiyahan.
Nalukot ang mukha nito. “Don’t be silly, Lui. I’m staying right here. Prom won’t be fun anymore. Hayaan na natin si Dudes doon,” sabi nito habang hindi tumitingin sa kanila.
“Thanks, guys,” ani Jeff Mitchel. “I appreciate it.”
Isinuhestiyon ni Cecilio na sa recreation room na lang sila. Nanood sila ng mga lumang pelikula na koleksiyon ni Lola Ancia. Nagdala ng maraming makakain ang isang kawaksi. Hindi pa man natatapos ang isang pelikula ay dumating si Eduardo.
“Seriously?” natatawang sabi nito. Umupo ito sa tabi niya. Napapagitnaan na siya ng dalawa. Si Cecilio ay nakaupo sa pang-isahang couch. “What did I miss?” tanong nito habang inaabot ang isang supot ng sitsirya.
Masaya na siya sa ganoon. Hindi naman niya kailangang dumalo sa prom upang maging masaya at espesyal ang gabing iyon. Ang kailangan lang ay makasama ang mga kaibigan niya.