“HINDI nga ako marunong,” ani Luisita habang inaalis niya ang kamay ni Eduardo sa kamay niya. Pilit siya nitong hinihila patayo. Nais nitong magsayaw sila para daw kunwari ay um-attend pa rin sila sa prom.
Nakatapos na sila ng dalawang pelikula. Nagpa-tugtog na lang sila ng music kaysa magsalang ng bagong pelikula.
“Sige na,” pamimilit nito. “Tuturuan kita. Sayang naman ang bihis at ayos natin kung hindi tayo magsasayaw man lang. Come on, come on.”
Sa palagay niya ay hindi siya nito titigilan hangga’t hindi siya pumapayag kaya nagpahila na lang siya rito. Wala siyang maramdamang pagkailang nang ilagay nito ang kamay nito sa baywang niya. Ipinatong niya ang mga kamay niya sa balikat nito. Iyon ang unang beses na nakipagsayaw siya sa isang lalaki.
Nakaalalay sa kanya si Eduardo kaya hindi siya nahirapan. Ilang beses niyang natapakan ang mga paa nito ngunit parang hindi nito alintana iyon.
“May kukunin lang ako sa labas sandali,” paalam ni Cecilio nang tumayo mula sa kinauupuan nito. Mabilis itong nakalabas ng silid bago pa man may makatugon sa kanila.
“I would love to claim my dance, but I can’t,” ani Jeff Mitchel nang matapos ang musika. Mukhang dismayadong-dismayado ito habang nakatingin sa may pilay na paa nito.
Bumitiw siya kay Eduardo at tinabihan niya ito. Iniangkla niya ang braso niya sa braso nito. Inihilig niya ang kanyang ulo sa balikat nito. Nagpa-sway-sway sila. Sabay pa silang natawa. Para na rin silang nagsayaw.
“Maraming salamat,” halos wala sa loob na nasabi niya sa mga ito.
“Para saan?” tanong ni Jeff Mitchel sa kanya.
“Maraming salamat dahil dumating kayo sa buhay ko.” Hindi nga niya alam kung paano siya naging masaya noong wala pa ang mga ito sa buhay niya. Ang tatlong lalaki ang nagbigay ng kulay sa mundo niya.
“Kasama ba si Ces diyan?” tudyo ni Dudes.
Lumabi siya. “Siyempre. Pero `wag n’yong sasabihin sa kanya, ha? Aasarin na naman ako n’on, eh.”
Kahit na hindi sila madalas na magkasundo ni Cecilio, napagtanto niya na masaya pa rin siya na naging bahagi ito ng buhay niya.
“Maraming salamat din sa pagbangga kay Ces,” natatawang sabi ni Jeff Mitchel. “Thank you for coming into our lives, too.”
“Group hug!” ani Eduardo nang lumapit ito sa kanila sa sofa. Siniksik siya ng dalawa. Napahagikgik siya. Palaging masaya basta kasama niya ang mga ito.
Noon muling pumasok sa silid si Cecilio. Natigilan ito sa nadatnang eksena.
“Ang tagal mo naman sa labas,” ani Eduardo. “Ano ba ang kinuha mo?”
Tumikhim ito. May inilabas itong bote sa bulsa nito. Namilog ang kanyang mga mata nang mapagtanto niya kung ano iyon. “Tulog na si Lola,” nakangiting sabi nito. “Hindi naman siguro mapapansin ni Uncle Utoy na nawawala ito sa bar.”
“Nice,” sabi ni Eduardo. “Bakit hindi ko naisip `yan?”
Wala siyang komentong narinig mula kay Jeff Mitchel. Dapat ay pagsabihan nito ang dalawang pinsan nito. Sa tatlo, ito ang palaging gumagawa ng tama. Bakit tila may impresyon siya na gusto rin nito ang ideya ni Cecilio?
Isang maliit na bote ng alak ang hawak nito. Sunod-sunod ang naging pag-iling niya. Bumilis ang t***k ng kanyang puso. Hindi pa siya nakakatikim ng alak. Alam niyang mali ang gustong mangyari ni Cecilio. Mali na kumuha ito ng alak sa bar nang hindi nagpapaalam. Ang alam niya ay hindi pa pinapayagan ang mga ito na uminom kaya malamang na maparusahan ito ni Sir Utoy kapag nahuli ang mga ito.
Ang masaklap, hindi lang si Cecilio ang mapapagalitan o mapaparusahan. Ang kasalanan ng isa ay kasalanan ng lahat. Malaki ang posibilidad na madamay siya.
“Ces—”
Naiinis na napatingin ito sa kanya. “`Wag kang KJ, Luisita. Shut up,” anito nang muli sana siyang magsasalita.
Itinikom na lang niya ang kanyang bibig. Wala rin namang magagawa ang protesta niya. May impresyon siya na hindi iyon ang unang pagkakataon na ginawa ng mga ito ang pagpuslit ng alak at pag-inom nang palihim.
“We’re not kids anymore,” sabi pa nito.
Pinanood na lang niya ito nang isalin nito ang laman ng bote sa isang pitsel. Binuksan nito ang isang bote ng Coke at isinalin ang kalahati niyon sa pitsel. Nagsalin ito sa mga baso. Napatingin ito sa kanya. “Gusto mong subukan?”
Nais niyang tumikim ngunit nahihiya siyang magsabi. Curious siya kung ano ang lasa niyon. Alam niyang marami siyang mga kaklase na nakatikim na ng alak. May mga pagkakataon na naririnig niya ang pagkukuwentuhan ng mga ito. Hindi siguro masama kung titikim siya. Hinaluan naman ni Cecilio ng Coke ang alak. Base sa naririnig niyang kuwentuhan ng iba, walang halo ang iniinom ng mga ito.
Sinalinan ni Cecilio ang isang baso—na ang hula niya ay para sa kanya—hanggang kalahati. Inabot uli nito ang Coke at pinuno ang kanyang baso. Napasimangot siya. Kahit na hindi pa niya iyon natitikman, alam niyang parang Coke lang din ang lasa niyon. Nagtawanan sina Eduardo at Jeff Mitchel sa ginawa ni Cecilio. Nakangising iniabot nito sa kanya ang baso.
“Cheers!” ani Cecilio, sabay taas nito ng baso nito.
Napapailing na itinaas na rin niya ang baso niya na ninety-five percent ng laman ay Coke.
“SIGURADO ka bang kaya mong magmaneho?” tanong ni Luisita kay Cecilio habang pasakay sila sa isang sasakyan.
“I’m not drunk, Lui. Kaya ko lang naman hinaluan ng Coke ang alak ay dahil kasama ka namin. Makakapagmaneho pa ako,” sabi nito bago pinaandar ang sasakyan.
Madaling-araw na noon. Sinabihan siya ni Jeff Mitchel na sa villa na siya matulog at maaga na lang siyang ihahatid pauwi, ngunit hindi siya nakapagpaalam sa mga magulang niya. Ni hindi alam ng mga ito na hindi siya um-attend ng prom. Ayaw niyang mag-alala ang mga magulang niya sa kanya. Si Cecilio ang nagprisinta na maghahatid sa kanya.
“Did you have fun?” tanong nito sa kanya mayamaya.
Nginitian niya ito. “Oo naman. Hindi naman mahalaga kung naka-attend ako o hindi. Ang mahalaga, nakasama ko kayong tatlo.”
Isa ang gabing iyon sa pinakamasasayang gabi sa buhay niya.
“Sa aming tatlo, sino ang pinakapaborito mo?”
Nagulat siya sa tanong nito. Ilang sandali muna ang lumipas bago siya nakasagot. Sa unang pagkakataon din ay nag-isip siya kung may paborito siya sa tatlo. “Wala,” matapat na tugon niya.
Sandali siya nitong tiningnan bago nito ibinalik ang paningin sa kalsada. “W-wala?”
Tila may kakaiba sa tinig nito ngunit hindi niya masabi kung ano. “Pantay-pantay kayong tatlo. Walang nakalalamang.”
“Sigurado ka? Walang mas espesyal? Kapantay ko sina Mitch at Dudes kahit na palagi kitang inaasar?”
Napangiti siya nang mapagtanto ang nais nitong malaman. Gusto nitong malaman kung itinuturing niya itong kaibigan kagaya ng mga pinsan nito. Baka naiisip nito na dahil sa mga pang-iinis nito ay hindi niya ito gusto.
“May mga pagkakataon na pakiramdam ko talaga abot hanggang langit ang pagkamuhi ko sa `yo.”
“Whoa! That’s harsh. That’s deep. Pagkamuhi, whew!”
Hindi niya gaanong pinansin ang sinabi nito. “May mga pagkakataon na sumusobra ka naman na talaga. Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay ganoon ka. May iilang pagkakataon naman na mabait ka rin sa `kin. Hindi ko naisip na sana hindi na lang kita nakilala. Para kayong package deal nina Mitch at Dudes, eh. You can’t have one without having the other two. Kaibigan kita.”
“Kaibigan,” tila wala sa loob na nasambit nito.
“Kahit na hindi mo sabihin, alam kong kaibigan din ang turing mo sa `kin.” Sa kaibuturan ng puso niya, alam niya na kahit paano ay may pagpapahalaga sa kanya si Cecilio. Kahit na madalas silang nagkakainisan, malakas ang pakiramdam niya na kaibigan ang turing nito sa kanya.
Malaki ang pagpapahalaga niya rito kahit na kakaunting kabaitan lang ang ipinapakita nito sa kanya.
“Here we are,” sabi nito nang iparada ang sasakyan sa harap ng bahay nila.
“Maraming salamat, Ces,” nakangiting sabi niya. Panalangin niya ay hindi na ito makaisip ng nakakainis na hirit. Bibihira ang mga pagkakataon na ganoon kaganda ang takbo ng pag-uusap nila. Alam niyang bukas din ay babalik na sila sa dati.
Pababa na siya ng sasakyan nang hawakan nito ang kanyang braso. Nagtatakang napatingin siya rito. Bago pa man niya ito matanong kung bakit ay nailapat na nito ang mga labi nito sa mga labi niya.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Ilalayo na sana niya ang kanyang sarili ngunit hinawakan nito ang likod ng ulo niya. Pinigil nito ang paglayo sana niya. Lalong nanlaki ang mga mata niya nang gumalaw ang mga labi nito sa mga labi niya.
Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman niya. Parang sasabog ang dibdib niya sa sobrang bilis ng t***k ng puso niya. Parang umikot ang paningin niya. Hindi rin niya maipaliwanag ang mumunting kuryente na tumutulay sa buong katawan niya.
Hindi niya alam kung ano ang biglang nangyari sa kanya dahil nang ipikit niya ang kanyang mga mata ay kusang gumalaw ang mga labi niya. Hindi siya marunong humalik kaya ginaya na lang niya ang ginagawa nito.
Iyon ang unang halik niya.
Hindi niya inakala na ganoon ang magiging unang halik niya. Hindi sumagi sa isip niya na si Cecilio ang magiging unang halik niya.
Bakit siya nito hinagkan?
Hindi niya ito matingnan nang maghiwalay ang kanilang mga labi. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya.
“Lasing ako,” sabi nito pagkalipas ng ilang sandali. “Hindi ko—”
“Sinasadya,” putol niya sa sasabihin nito. Tila may isang malaking kamay na biglang humawak sa puso niya at mariin iyong piniga. Nahirapan siyang huminga. Nanakit ang kanyang lalamunan at nag-init ang sulok ng kanyang mga mata.
Gusto niyang sampalin si Cecilio. Nais niya itong sabunutan at tadyakan hanggang na mawala ang kalasingan nito. Ang problema ay hindi siya makagalaw. Gusto niya itong bulyawan ngunit hindi niya alam ang mga salitang ibubulyaw niya rito.
Maraming pagkakataon na napikon siya nito. Maraming beses na siya nitong napaiyak. Ngunit iyon ang unang pagkakataon na ganoon katindi ang nadarama niya. Hindi lang siya basta galit. Hindi lang siya basta nasasaktan. Frustrated na frustrated siya. Hindi niya alam kung ano ang talagang damdamin niya. Napakarami niyang hindi maipaliwanag.
Nang mapatingin siya rito ay bahagyang nabawasan ang galit niya. Inasahan niyang makita ang nang-iinis na ngiti sa mga labi nito. Inasahan niyang makita ang kinang sa mga mata nito na tanda ng pagkaaliw at pagkapanalo. Noon lang niya nakita ang ganoong ekspresyon nito.
He looked terrified. Hindi masukat ang takot sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Tila tinakasan ng kulay ang mukha nito. Napansin niyang bahagyang nanginginig ang mga kamay nito.
“L-Lui—”
“O-okay lang,” putol niya sa nais pang sabihin nito. “K-kalimutan na lang natin ang n-nangyari.” Alam niya na hindi niya magagawa ang bagay na iyon ngunit tila iyon ang pinakatamang sabihin nang mga sandaling iyon.
Nakaramdam na rin siya ng takot. Ang totoo, mabilis na lumalago iyon at alam niya na mas mananaig iyon sa galit at frustration na naramdaman niya. Natakot siya sa susunod na mangyayari sa kanila. Natakot siya sa magaganap na mga pagbabago.
Napagtanto niya na ayaw niyang mawala ang kung anong mayroon sila ni Cecilio nang dahil lang sa isang halik. Nakainom lang ito.
Tango ang tanging naging tugon nito. Hindi man lang nabawasan ang takot sa mga mata nito.
“Papasok na ako sa loob,” sabi niya rito, saka dali-daling bumaba. Hindi na niya hinintay ang tugon nito. Patakbong tinungo na niya ang bahay nila.