“WHAT’S up with you and Ces?”
Kinabahan si Luisita sa tanong ni Jeff Mitchel sa kanya nang banggitin nito ang pangalan ni Cecilio. Ilang araw na silang hindi nagpapansinan at nagkikibuan ng binata. Kahit na pilit niyang kinakalimutan ang nangyari nang gabing iyon ay hindi niya lubos na magawa. Naaalala niya ang pakiramdam ng mga labi nito bago siya matulog sa gabi at sa paggising niya. Hindi na nakakalma ang puso niya tuwing nasa malapit lang ito.
Iniiwasan din siya nito. Hindi siya iniinis nito. Ni hindi siya kinikibo nito. Hanggang maaari ay sinusubukan nitong makalayo sa kanya. Galit na siya sa ginagawa nito. Kahit na siya man ay umiiwas, hindi niya gusto ang nangyayari sa kanilang dalawa.
Hindi na marahil siya dapat magtaka kung bakit nagtanong si Jeff Mitchel. Matalino ito. Malamang na sa unang araw pa lang na nag-iiwasan sila ni Cecilio ay napansin na nitong may nangyaring kakaiba sa kanila. Nahiya lang marahil itong magtanong o makialam.
“Wala,” pagsisinungaling niya, sabay iwas ng tingin dito.
“Liar,” sabi nito.
Napabuntong-hininga siya.
“Ces must have done something terrible,” sabi nito nang hindi siya sumagot.
“Nagkapikunan lang kami,” aniya na sinikap na maging convincing. Ayaw niyang magkahinala ito tungkol sa talagang nangyari sa kanila ni Cecilio. “M-magkakaayos din kami. Babalik din kami sa dati.”
Nginitian siya ni Jeff Mitchel. “I’m sure. Hindi lang namin maiwasang magtaka ni Dudes. Parang may kakaiba sa inyong dalawa. Iba rin ang ikinikilos ni Ces nitong mga nakaraang araw. Siguro, iniisip niya ang college. Speaking of college, here, fill this up,” utos nito habang iniaabot sa kanya ang ilang mga papel.
Tinanggap niya iyon at binasa. Nakahinga siya nang maluwag dahil nabago na ang kanilang paksa.
Alam niya na magkokolehiyo siya ngunit hindi niya dati inasahan na sa Maynila siya makakapag-aral. Kontento na siya sa state university sa probinsiya. Mataas din naman ang kalidad ng edukasyon doon at hindi pa gaanong mahal ang tuition fee. Hindi gaanong mahihirapan ang mga magulang niya sa pagpapaaral sa kanya.
Ngunit nakumbinsi ni Lola Ancia ang kanyang ama na sa isang unibersidad sa Maynila siya magkolehiyo. Tutulungan ng matanda ang mga magulang niya sa pagpapaaral sa kanya. May hinala siya na ang magpipinsan ang nagsabi sa matanda ng tungkol doon. Gusto ng mga ito na mag-aral din siya sa unibersidad na pag-aaralan ng mga ito.
Ayaw rin niyang mahiwalay sa mga kaibigan niya ngunit kinakabahan siya sa magiging gastos. Iba ang pamumuhay sa Maynila kaysa pamumuhay sa probinsiya. Walang libre sa lungsod. Bawat kibot doon ay may bayad. Hindi rin niya sigurado kung nais talaga niyang sa lungsod mag-aral. Buong buhay niya ay ginugol niya sa Mahiwaga. Makakaya ba niyang manirahan sa lungsod na mas masukal pa yata sa kagubatan doon?
Naisip niya na mas magkakaroon siya ng maraming oportunidad sa Maynila. Iba pa rin ang mga nakatapos sa kilalang unibersidad sa lungsod sa mga nakatapos sa probinsiya. Mas pinapaboran ang mga nakatapos sa Maynila pagdating sa mga trabaho. Matagal na niyang pangarap na maiahon sa hirap ang pamilya niya. Hindi man sila gaanong naghihirap kagaya ng iba, gusto pa rin niyang magkaroon ng maalwan na buhay ang mga magulang niya. Gusto niyang mabigyan ang mga ito ng magandang bahay at sariling lupa na sasakahin.
Habang may pagkakataon ay dapat niyang samantalahin ang lahat. Hindi lahat ay nabibiyayaan ng ganoong klaseng tulong. Hindi rin niya kailangang mag-alala kung kakayanin niyang mabuhay sa lungsod dahil naroon naman sina Jeff Mitchel at Eduardo. Hindi siya pababayaan ng mga ito.
Patapos na siya sa pagpi-fill up ng mga form nang may maalala siya. Sinalakay ng kakaibang kaba ang dibdib niya.
“Saan mag-aaral ng kolehiyo si Ces?” tanong niya kay Jeff Mitchel. Minsan ay nasabi na nito sa kanila na sa ibang bansa ito mag-aaral. Hindi kasi niya alam kung nakapag-apply na ito sa unibersidad na papasukan nilang tatlo nina Mitch at Dudes.
Parang gusto niyang mag-panic. Gusto niyang puntahan si Cecilio nang mga sandaling iyon at pilitin itong doon na rin sa university na papasukan nila ito mag-apply. Sa wakas ay inamin na niya sa kanyang sarili na bahagi si Cecilio sa kapasyahan niyang sa Maynila magkolehiyo. Ayaw niyang malayo rito. Nais niyang nakikita ito araw-araw.
Nagkibit-balikat si Jeff Mitchel. “Hindi ko alam. Hindi pa siya nakapag-apply sa kahit na saang university. Siguro, kaya siya balisa nitong mga nakaraang araw ay dahil iniisip niya ang pag-a-apply sa art school sa ibang bansa. Noon pa kasi, sa ibang bansa na niya gustong mag-aral. Kapag tinatanong naman namin siya ni Dudes, hindi sumasagot.”
Nanlumo siya. Tila nawalan siya ng gana na ituloy ang ginagawa niya. Hindi rin naman niya makakasama si Cecilio. Bakit ba ganoon ang pakiramdam niya? Maano kung sa ibang bansa mag-aaral si Cecilio? Kasama pa rin naman niya sina Eduardo at Jeff Mitchel. Mas magiging masaya siya kung wala ito sa paligid. Mas matatahimik ang buhay niya. Hindi na magkakagulo ang buong sistema niya dahil malalayo na ito sa kanya.
Kahit ano ang sabihin niya sa sarili niya, kahit ano ang gawin niya, hindi pa rin mawala ang pangit na pakiramdam sa kanya. Ayaw pa rin niyang malayo sa kanya si Cecilio. Kahit na inisin siya nito at paiyakin araw-araw, okay lang sa kanya. Huwag lang itong lalayo.
Ang sabihing nagulat siya sa itinakbo ng isip niya ay kulang. Ano na ang nangyayari sa kanya?
“PUWEDE ka bang makausap saglit?” nag-aatubiling tanong ni Luisita kay Cecilio. Nasa bungad siya ng work area nito. Ayon dito, iyon ang dating work area ng ama nito. Nadatnan niya ito na may binubuong mesa na yari sa kawayan.
Kahanga-hanga ang husay nito sa paggawa ng mga kasangkapan. Pulido ang lahat ng gawa nito at magaganda ang mga disenyo. Maaari na nitong ibenta ang mga ginagawa nito ngunit madalas ay ipinami-migay lang nito ang mga iyon sa mga taga-hacienda.
Itinigil nito ang ginagawa at hinarap siya. Nakita niya na bahagya itong nagulat. Hindi na siya nagtaka. Hindi niya ugaling istorbohin ito tuwing naroon ito at abala sa paggawa ng kung ano. Marahil ay nagulat din ito na siya ang unang lumapit at kumausap dito. Tuwing matindi ang pikunan nila ay ito palagi ang unang lumalapit at nakikipag-usap.
“P-puwede?” tanong uli niya habang hindi umaabante. Kung hindi pa rin siya nito gustong makausap ay madali siyang makakaalis.
“Of course,” sagot nito, saka itinuro ang isang bangkito na malapit dito.
Nag-aatubili siyang lumapit at umupo sa bangkito.
“That’s yours. You can bring it home later,” sabi nito pagkaupong-pagkaupo niya.
“S-salamat,” tanging nasabi niya. Madalas talaga siya nitong bigyan ng mga bangkito. May koleksiyon na siya ng mga iyon. Karamihan sa mga iyon ay hindi niya nagagamit.
“Mga pinagtabasang kahoy lang naman ang ginamit ko sa paggawa niyan. Sayang kaya iginawa na lang kita ng bangkito,” kaswal na sabi nito bago itinuloy ang ginagawa nito.
“Maraming salamat pa rin.”
Katahimikan ang sunod na namagitan sa kanila. Nawala sa isip niya ang lahat ng mga inensayo niya kanina bago niya ito puntahan. Walang matinong bagay ang tumatakbo sa kanyang isip. Ang tanging naiisip niya ay na-miss niya ang pakikipag-usap niya rito. Na-miss niya ang mga pang-iinis nito. Abnormal yata siya.
“Do you want to talk about the kiss?” biglang tanong nito.
Literal na nahulog siya sa kinauupuan niya. Hindi niya inasahan na magiging ganoon ito kaprangka. Hindi na niya pinigilan ang kanyang sarili, hinampas niya ang braso nito. Alam niyang namula ang mukha niya kahit na hindi niya tingnan sa salamin.
“Akala ko ba ay napagkasunduan nating lasing ka at wala kang maalala?” naiinis na sabi niya. Hindi naman talaga ang tungkol sa halik ang dahilan ng pagpunta niya roon. May nais lang siyang itanong dito.
Banayad itong natawa. Masuyong pinisil nito ang ilong niya. Bahagya nitong inilapit ang mukha nito sa mukha niya. Nakaramdam agad siya ng pagkailang. Habang inilalapit nito ang mukha nito ay inilalayo naman niya ang kanyang mukha.
“Ces,” naiilang na sabi niya. “Lumayo ka nga.”
Natatawang inilayo nga nito ang mukha nito. Hindi niya mapaniwalaan ang pagkadismayang naramdaman niya. Ano ba ang nangyayari sa kanya?
Umayos na lang uli siya ng upo sa kanyang bangkito. “Gusto mo bang pag-usapan `yon?” seryosong tanong niya. Naisip niya na wala sigurong masama kung pag-uusapan nila ang tungkol sa naganap. Baka maayos nila ang lahat at hindi na sila mag-iwasan pa. Mas maigi na rin iyon para hindi na siya nagtatanong kung ano ang maaaring maging ibig sabihin niyon.
Mas madali niyang maaanalisa ang kanyang damdamin.
Tumango ito. “Nahihirapan na ako na iwasan ka. Hindi ko gusto ang ilangan na nakapagitan sa `ting dalawa. Hindi naman kailangan. I realized something after I kissed you.”
“Bakit mo ba ako hinalikan in the first place?” Ang akala niya ay wala siyang lakas ng loob na itanong iyon dito ngunit nagawa pa rin niya.
“Hindi ko alam.”
Nagdududang tiningnan niya ito.
Pinandilatan siya nito. “Totoo! Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa `kin na gawin iyon. Siguro, talagang nalasing ako sa Coke. Seryoso,” sabi pa nito nang hindi niya inaalis ang nagdududang tingin niya rito. “What, you think I’m in love with you?” Tumingin ito sa ibang direksiyon pagkatapos nitong sabihin iyon.
Ganoon din ang ginawa niya. Napahiya siya. Totoong may tumatakbong ganoon sa isip niya. Paano niya naisip ang kalokohang iyon? Paano magkakagusto si Cecilio sa kanya? Bakit tila kumikirot na naman ang kanyang puso?
“I love you.”
Marahas na napalingon siya rito. Hindi pa rin ito makatingin sa kanya. Seryoso ang mukha nito at hindi nagbibiro o nang-iinis. Tama ba ang kanyang narinig o dinadaya lang siya ng kanyang pandinig? Tila tumigil ang puso niya sa pagtibok. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya rito.
Sa wakas ay tumingin ito sa kanya. Walang kasinsuyo ang mga mata nito. Ngayon lang ito tumingin sa kanya nang ganoon. Ngayon din lang may tumingin sa kanya nang ganoon maliban sa mga magulang niya.
“I love you,” ulit nito. “That’s what I realized that night. I love you as a sister.”
Nakatingin lang siya rito na tila wala siyang naiintindihan sa mga sinasabi nito. Mahal siya nito bilang ano?
“Iniwasan kita nitong mga nakaraang araw kasi mali ang nangyari. Naiinis ako sa sarili ko kasi nagawa ko `yon. It was wrong. That shouldn’t have happened.”
“Ces, hindi kita maintindihan. Tinik ka sa lalamunan ko! Wala ka nang ginawa kundi ang inisin ako. Hindi kompleto ang araw mo hangga’t hindi mo ako napipikon! Hindi mo ako mahal! Hindi puwedeng mahal mo ako! Hindi mo ako kapatid!” Hindi niya maintindihan kung bakit nagagalit siya. Hindi niya maintindihan kung bakit nasasaktan siya nang husto.
Hindi ba dapat ay maging masaya siya dahil may isang taong nagmamahal sa kanya?
“Hindi naman kailangang magkadugo ang dalawang tao para maging magkapamilya. Napatunayan na iyan ng pamilya ko. Wala ka ring kapatid kaya hindi natin alam kung paano ang magkaroon ng kapatid. Tipikal na ang asaran sa magkakapatid. Tipikal na ang hindi pagkakasunduan. Pero sa kaibuturan nila, mahal nila ang isa’t isa.”
“Ayaw kitang maging kapatid!” mariing sabi niya. “Hindi kita mahal at hindi kita mamahalin!” Marahas siyang tumayo at sinipa ang bangkitong ibinibigay nito sa kanya.
Para sa kanya ay pangako ang binitawan niya. Ayaw niya itong mahalin sa paraang nais nito. Hindi niya ito mamahalin bilang kapatid. Hindi niya ito mamahalin, tapos. Kalokohan ang sinabi nito.
Malalaki ang hakbang na naglakad siya palayo rito. Hindi pa man siya nakalalayo ay muli itong nagsalita.
“Mahal kita. Palagi mo `yan tatandaan, Lui. Itatak mo na sa isip mo dahil ito na ang huling pagkakataon na maririnig mo `to.”
Hindi na sana niya ito papansinin at magtutuloy-tuloy na siya sa paglabas, ngunit naalala niya ang nais niyang itanong dito. “S-saan ka mag-aaral ng college?” tanong niya habang nakatalikod dito.
“Saan ka ba mag-aaral?”
“Kung saan ka mag-aaral, doon din ako mag-aaral.”
Tuluyan na siyang lumabas. Sana ay naging sapat ang sagot nito upang gumanda ang pakiramdam niya. Inis na inis pa rin siya rito. Inis na inis siya sa kanyang sarili dahil naiiyak siya.
Bakit hindi na lang siya magpasalamat na may isang tao na ang turing sa kanya ay hindi lang basta kaibigan kundi kapatid? May isang tao na nagmamahal sa kanya.
Ibang uri ba ng pagmamahal ang nais niya, ang inaasahan niya?