HABANG naglalakad sa hallway ng SJU-HS building ay hindi maiwasan ni Suzie ang mapailing. Kakaibang hapunan kasi ang nangyari sa kanila ni Gelo at Luis kahapon. Nang dumating siya sa bahay ay tapos ng magluto si Gelo. Kahit walong taong gulang palang ito may marunong na talaga itong magluto.
Napagkamalan ni Gelo na manliligaw niya si Luis at nang malaman nitong Luis Alvarez ang pangalan ni Luis na madalas niyang ikuwento rito ay tinitigan nito ang binata ng matagal. Mabuti na lang at hindi naman nagalit ang binata. Nagbihis nga lang siya sandali ay pagbalik niya magkasundong-magkasundo na ang dalawa.
Hindi niya alam kung paano nakuha ni Luis ang loob ni Gelo. Cautious pa naman ang kapatid niya sa mga estranghero.
Naiiling na lang siya habang inaalala ang mga nangyari noong nagdaang gabi.
“Hmm... Ano naman iyang iniisip mo?”
Napatuwid ng tayo si Suzie at napahinto sa paglalakad dahil sa gulat. Nilingon niya ang nagsalita at nakahinga ng maluwang nang makitang si Angela lang pala iyon.
“Ginulat mo ako,” nakasimangot na sabi niya rito.
“Para kasing ang lalim ng iniisip mo at pailing-iling ka pa habang may misteryosong ngiti r’yan sa mga labi mo.” nangingiting sabi ni Angela, nanunukso ang ngiti nito.
Namula siya dahil sa sinabi nito.
“Pupunta ka ba sa SCR-HS?” pag-iiba niya ng usapan.
“Yup. May meeting kami tungkol sa nalalapit na Christmas party.”
“Oh.”
“Balitaan na lang kita mamaya. Ayokong ma-late.”
Iniwan na nga siya ni Angela roon. Ayaw na ayaw talaga ng kaibigan niyang iyon ng mga taong late.
Siya naman ay nagpunta sa SCR-C. High school palang siya pero nakakapasok na siya sa student council room ng college. May usapan kasi sila ni Luis na magkikita.
Kumatok muna siya sa pinto bago pumasok.
“Hey, Ms. Suzie! How are you?” masiglang bati sa kanya ni Lance.
Ito, si Dave, Keith, Vergel at Luis lang ang tao roon.
“Cut the miss, Lance.”
“Okay po, kapatid ko.”
Binati na rin siya ng iba pa pero nailang siya sa klase ng pagkakatitig sa kanya ni Vergel.
“So, ito pala ang apple of the eye mo ngayon, Luis.” Nakangising sabi ni Vergel. “Ah, `yong mamboboso.”
May kumirot sa ulo niya nang dahil sa sinabi nito. “Excuse me, kung hindi mo ginawang motel ang museo ng school na ito, wala sanang makakakita at mang-iistorbo sa kababalaghang pinaggagawa mo. Naturingan ka pa namang peace officer.”
Sa gulat niya ay malutong na tumawa si Vergel na tila aliw na aliw sa kanya.
Kunot-noong tinitigan niya ito. Nababaliw na ba ito?
“Woah! I like your girl, Luis. Smart-mouth.”
Sumimangot naman si Luis. “Shut-up, Vergel. Doon ka na lang sa mga babae mo.”
Kinindatan siya ni Vergel at pakanta-kantang nahiga sa sofa. Yes, may sofa nga sa student council room. Sosyal lang, `no?
Tumabi siya kay Keith na naglalaro pala ng car race. Hindi muna siya lumapit kay Luis dahil mukhang abala pa ito. Nakitingin lang siya noong una pero…
“Sali ako.”
“Ayoko nga.”
“Sungit mo. Sige na, please?”
Bumuntong-hininga si Keith at nakakunot-noong nag-quit sa car race na nilalaro nito. Ang akala niya ay titigil na ito dahil sa panggugulo niya rito kaya ganoon na lang ang gulat niya nang i-set nito sa two players ang laro.
Napangiti na lang siya. Front lang pala nito ang pagiging masungit dahil hindi naman siya nito nilabanan o sininghalan kung ayaw talaga nitong makipaglaro sa kanya.
Napasigaw siya nang walang kahirap-hirap na natalo niya ito. Suki yata siya ng mga computer shop na hulog-hulog piso sa tabi-tabi para lang maglaro kaya naging madali lang sa kanya na talunin ito.
“Paano mo `yon nagawa?” hindi makapaniwalang tanong ni Keith.
Nagkibit-balikat lang siya at naghanap ng ibang lalaruin dahil halos hindi pa rin ma-digest ng utak ni Keith na natalo niya ito.
Lumapit si Lance sa kanila at nakitingin.
“Ano’ng nangyari?”
“Natalo ko si Keith sa car race!” proud na sabi niya.
Laglag ang pangang nilingon siya ni Lance. “What?”
Mas lalo lang siyang naging proud sa sarili dahil sa reaksyon nito. Napangisi siya ng nakakaluko nang makakita ng larong pang-horror.
“Hey, Lance, laro tayo.”
“Sure.”
“Slindrena ang laruin natin.”
“Ano `yon?”
“Horror.”
“Ayoko.” sabi nito at lumayo sa kanya.
“Bakit? Akala ko ba maglalaro tayo?”
Hindi pa rin siya hinaharap ni Lance. “Nawalan na ako ng gana. Kayo na lang ni Keith ang maglaro n’yan.”
“Weh? Takot ka sa multo `no?” nakangising tanong niya.
Nakita niyang nanigas si Lance pero hindi pa rin ito humaharap sa kanya. “Hindi kaya.”
“Takot ka lang eh. Kaya hindi mo magawang pagbigyan ako.”
“Hindi nga!”
“Sus! Deny ka pa. Talaga namang takot ka sa multo simula pagkabata.”
Noon lang humarap si Lance sa kanya. Pansin niya ang pamumula ng mga pisngi nito na umabot hanggang sa tainga nito.
“Who told you that?!”
“Angela.”
Silence….
*****
ARAW ng Sabado, hindi pa sumisikat ang haring araw ay abala na si Suzie sa paghahanda ng kanyang mga lalabhan at gagawing paglilinis ng araw na iyon. Gusto niyang matapos na ang lahat ng gawaing bahay niya sa araw na iyon para bukas ay wala na siyang ibang aalahanin pa.
Natutulog pa ang kapatid niya. Hinayaan na lang niya ito dahil alam niyang kailangan ng mga bata ang sapat na tulog.
Nagluto muna siya ng makakain nila sa almusal para kapag nagising na si Gelo ay hindi na siya maabala pa sa paglalaba kahit na nga ba marunong ng magluto ang kapatid niya.
Scrambled egg lang naman ang niluto niya dahil nagtitipid siya para sa mga biglaang projects ng kapatid niya at matapos niyon ay nagsaing ng kanin.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay pinunasan na muna niya ang mga alikabok na dumikit na sa mga cabinet. Nang maluto na ang kanin ay isinalang na niya ang takuri kung saan siya mag-iinit ng tubig. Habang hinihintay na kumulo iyon ay nagwalis muna siya.
Bagong sikat pa lang ang araw nang matapos siyang magwalis sa bakuran niya. Medyo nanakit ang kanyang likod pero hindi niya iyon pinansin.
“Good morning, Ate!” masiglang bati ni Gelo sa kanya pagpasok niya sa bahay.
Inihahanda na nito ang hapag kainan.
“Kain muna tayo, Ate.”
“Wala ka bang problema sa school mo?” tanong niya sa kapatid habang kumakain sila.
“Wala naman po. Naiintindihan ko naman po `yong leksyon ni Teacher kaya hindi ko pa masyadong memorize ang multiplication table. Nag-recite nga ako kagabi bago natulog pero may kunting nakakalimutan pa rin ako.”
“Dahan-dahanin mo lang iyan.”
“Hindi puwede,” sabi nito at marahas na umiling.
Kumunot ang noo niya. “At bakit?”
Ngumuso ito pero salubong pa rin ang mga kilay habang nakatitig sa plato nito. “Masyado kang nagpupursige para sa ating dalawa. Nag-aaral ka habang nagtatrabaho at may extra-curricular activity ka pa tapos ikaw pa gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Mas kailangan mo ng pahinga kaysa sa akin.”
Parang may bumara sa lalamunan niya nang dahil sa sinabi nito. Naramdaman din niya ang pag-iinit ng kanyang mga mata pero pinigilan niyang may malaglag na luha mula roon. Kailangan niyang magpakatatag para sa kanilang dalawa.
“Hayaan mo, Ate, magsusumikap ako at hinding-hindi kita iiwan ng mag-isa.” sabi nito at ngumiti ng matamis.
Siya naman ay napasinghap na lang sa pagpipigil na huwag umiyak. Tumango na lang siya at pilit na ngumiti.
Nang matapos silang kumain ay si Gelo na ang nagpresintang maghugas ng pinggan kaya inihanda na niya ang mga labahin. Doon na siya naglaba sa tabi ng balon malapit sa bahay nila.
Nasa kalagitnaan siya ng paglalaba nang tawagin siya ni Gelo at nagpaalam ito na bibili lang daw ng bond paper para sa gagawin nitong project. Hindi naman niya pinipigilang lumabas at makipaglaro sa ibang bata si Gelo dahil normal lang iyon para sae dad nito pero ito na rin mismo ang hindi umaalis ng bahay nito.
May mga kaibigan naman ito na ipinagpapasalamat talaga niya. Mahiyain kasi ang kapatid niya kaya hindi ito masyadong naggagagala.
Napahikab siya habang kinukusot ang uniporme niya sa trabaho. Sabado kasi ang day off niya.
Hindi na namalayan pa ni Suzie ang pagdaan ng oras. Tutok na tutok kasi ang atensiyon niya sa paglalaba kaya muntik na siyang mapatalon nang makarinig ng busina.
Napahawak siya sa dibdib at nagpakawala ng malalik na hininga. Malakas pa rin ang t***k ng puso niya pero ipinagpatuloy na niya ang paglalaba.
“Ate!” sigaw ni Gelo at humahangos na nilapitan siya.
Kumunot ang noo niya. “Bakit?”
“Si Kuya Luis nandito.”