“CONGRATS, kapatid!”
Nabigla si Suzie nang yakapin siya ni Lance nang silang dalawa lang sa loob ng van. Nasa labas pa kasi ang iba para i-congratulate si Luis dahil sa inianunsyo nitong sila na.
“T-Thanks!”
“Luis always wants to be alone. Sinasarili niya ang mga problema niya kahit alam niya na nandito lang kaming mga kaibigan niya na handang tumulong. Alam mo ba, laging malungkot `yon kahit ngumingiti. Sinabihan nga ni Keith na huwag na siyang ngumiti dahil halatang fake.”
Naalala niya ang mga panahong hindi pa sila masyadong close ni Luis. Totoong ngumingiti nga ito pero halatang pilit.
“Kahit kaming mga kaibigan niya hindi siya magawang patawanin ng wagas pero noong dumating ka, whoa! Nabawasan katalinuhan niya.”
“Nabawasan ka r’yan,” aniya. “Ano namang nagawa ko?”
“Kapag pinagti-tripan naming tatlo ang isang iyon, palagi `yong may nahahanap na butas. Agad nakakapag-counter back sa mga salitang binabato namin. Pero kapag ikaw? Koh! Umuurong ang dila no’n. Hindi alam kung paano lulusutan ang mga hirit mo.”
Sumaya bigla ang puso niya. Talaga bang ganoon ang epekto niya kay Luis? Ganoon din naman ang epekto nito sa kanya. Natatameme rin siya kapag kaharap ito.
“Malaki ang pasasalamat namin sa iyo. Nagawa mo siyang patawanin hanggang sumakit ang tummy niya. Kapag kailangan mo ng tulong, huwag kang mahihiyang lumapit sa knights of love. Tutulungan ka namin.”
“Knights of love? Si Dave siguro tutulong pero si Keith? Nah! Himala `yon.”
“Subukan mo. Humingi ka nang tulong sa kanya. Keith will surely help you. Pero bago iyon, titignan ka muna niya ng matalim.”
Talagang ginaya pa nito kung paano tumingin ng matalim si Keith. Natawa na lang siya sa hitsura nito.
“Kaya please, Suzie. Treasure our friend. Huwag mo siyang saktan.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit ko naman siya sasaktan? Isa pa, hindi ba dapat lalaki ang sinasabihan n’yan?”
Ngumiti ito. “Kahit walang nagsasalita sa amin, alam na iyon ni Luis. At saka malabong saktan ka ng lalaking iyon. Mahal ka no’n eh.”
Hindi niya alam ang sasabihin kaya tumahimik na lang siya. Mahal din naman niya si Luis. Sana lang magtagal ang relasyon nila kung hindi man iyon panghabang-buhay.
Inakbayan siya nito. “Now that you’re love life is done, love story naman namin ni Angela, okay? Tulungan mo akong maligaw sa kanya.”
“Tuso ka rin, ano?”
“Syempre!”
“Ano’ng pinag-uusapan ninyong dalawa?” tanong ni Luis na nakapasok na pala sa van.
“Sekreto,” sagot ni Lance.
Sumimangot naman si Luis.
Pumasok na ang iba pa sa loob ng van. Si Keith ang nasa likod ng manibela dahil ito ang nagsisilbing driver nila. Si Dave naman ang naupo sa passenger's seat.
Sa gitna sila ni Luis. Magkatabi. Si Lance at si Angela naman ang nasa huli na pinapagitnaan ni Gelo. Kinausap niya kanina si Gelo para kay Angela tumabi. Hindi lang dahil gusto niyang makatabi si Luis kundi para may harang kay Angela.
Alam niyang mabait si Lance at talagang gusto nito ang kaibigan niya. Dahil kung hindi ay matagal na itong sumuko sa pangungulit nito kay Angela. Kaya lang, kay Angela pa rin ang desisyon kung gusto nitong sagutin ang mga pagpapa-cute ni Lance. So, for now, si Gelo muna ang ginawa niyang protective barrier.
Gets naman kaagad ni Gelo ang gusto niyang mangyari. Kaya nga sumisiksik ito kay Angela, na pinapabayaan naman ng kaibigan niya. Nakita niya si Gelo na binilatan si Lance nang tumingin ang binata sa kapatid niya na tila ba naiinggit. Lance gritted his teeth at masama ang tingin sa kapatid niya.
Natawa siya sa nasaksihan.
“Ano’ng nakakatawa?” tanong sa kanya ni Luis.
“Wala.” sagot niya na nakangiti. “Secret ‘yon.”
Hinawakan ni Luis ang kamay niya at dinala iyon sa labi nito para halikan. Kaagad na namula ang pisngi niya dahil sa ginawa nito.
“May utang ka pang kiss sa akin.”
Mas lalo lang nagkulay kamatis ang mukha niya. “Tumahimik ka nga.”
Ngumisi lang ito at umayos na nang upo pero hindi pa rin binibitiwan ang kamay niya.
“Kaya ka siguro nakangiti, ‘no?” nang-aasar ang mukha ni Luis. “Kinikilig ka na r’yan kapag clinaim ko ang halik na premyo ko.”
Itinakip niya sa mukha nito ang kamay niya. Natatawang inilayo naman nito ang ulo sa kanya.
“Eww…” tila diring-diri na bulalas ni Keith. “Hindi ba kayo kinikilabutan d’yan sa harutan n’yo? Nakakangilo.”
“Humanap ka na lang din ng girlfriend, Keith.” suhestiyon niya. “Para naman maka-relate ka rin.”
Umakto itong tila masusuka. She heard Dave snickered beside Keith.
“Huwag na, Suzie,” komento ni Lance. “Ako ang naaawa sa magiging girlfriend niyan. Puro ba naman racing ang alam at hindi kumikilala ng tao.”
“Malay mo naman, baka dumating ang babaeng magpapaamo sa kanya.”
Keith smirked. “Nuh-uh, not gonna happen, Cinderella.”
“Uy, huwag magsalita ng tapos,” hindi na rin napigilan ni Angela na hindi magkomento.
“Bakit ba ako ang pinagtutulungan n’yo?” reklamo ng binata.
“Ikaw kaya ang nauna,” sagot niya.
Sinamaan siya nito ng tingin sa rearview mirror pero tinawanan lang niya ito.
Natahimik sila sandali nang may maalala siya. “Siya nga pala, bakit hindi natin kasama si Vergel?”
Matagal bago sumagot si Luis kaya akala niya hindi nito narinig ang tanong niya.
“Minsan na lang sumama sa amin si Vergel.”
“Bakit?”
“Nag-away kami. Gusto niyang manatili sa mansion pero ayoko. High school palang pinag-aaralan ko na ang pamamalakad sa kumpanya namin. May trabaho na rin ako kaya nakapag-ipon na rin. Wala naman talaga sa intensyon ko na humiwalay ng bahay kaya lang noong mag-college kami, gusto ni Dad na business administration ang kunin kong kurso.
“Architect ang gusto ko. Hindi ko hahayaang kontrolin ng ama ko ang buhay ko kaya umupa ako ng apartment. Ayaw ni Vergel dahil hindi niya gustong iwan ang mga magulang namin pero hindi ko na kaya kaya umalis pa rin ako.”
Humugot ito ng malalim na hininga at tumingin sa malayo. Na para bang may inaalala ito mula sa nakaraan.
“Nagalit ang parents namin sa ginawa ko pero hindi pa rin ako bumalik and I pay for my own tuition. Hindi ko ginagalaw ang allowance na ibinibigay nila sa akin. Hanggang ngayon.”
Napatitig siya rito. Ang laki naman pala ng problema nito. May mga magulang nga ito pero hindi naman nito kasama, at hindi in good terms.
“Nagtatrabaho naman ako sa kompanya kaya medyo malaki rin ang sahod ko.”
“Hindi mo ba mapapatawad ang mga magulang mo?” tanong niya sa mababang tono.
Umiling ito. “Hindi ko alam. Gusto ko silang patawarin pero mahirap. Masyadong masakit ang ginawa nila sa amin. Kung hindi dahil kina Lance baka hindi na namin nasubukan ang ordinaryong kabataan. Iyon naglalaro.”
Pero maayos naman ang pakikitungo nito sa ina nito noong minsang nagpunta sila sa mansion ng mga Alvarez. Iyon nga lang nang sumabay ang ama nito sa hapunan ay tila nagkaroon ng yelo sa paligid dahil sa walang nagsasalita habang kumakain.
Ni hindi nga rin siya nakaimik dahil baka may masabi siyang masama. Sinubukan ng ina ni Luis na mag-open ng topic para magkaroon ng pagkukwentuhan habang kumakain. Kaya lang ay hindi ito nagtagumpay. Paano ba naman ang sagot ni Luis at ng ama nito ay puro direct to the point at hindi na nilalawakan pa ang sagot.
Suzie felt like Luis might not like his father, but they have the same attitude.
Hinimas niya ang kamay nitong nakahawak sa kanya para iparating dito ang pagko-comfort niya. Suzie knew words would be useless, so she was silently telling him that she was there for him.