PROLOGUE
Faith
Dinungaw ko mula sa windshield ng oto ko ang isang lumang two-storey na bahay. Sa nagdaang panahon na walang tumingin doon, napakalayo na ng itsura nito kumpara sa litratong hawak ko. Matataas na talahib ang nasa paligid nito at gumapang na rin sa pader ang mga ligaw na d**o.
Eto ba talaga ‘yong bahay na sinasabi ng tatay ko?
Umiling ako. Mukhang hindi naman ako nagkakamali. Sa likod ng litrato ay may nakasulat na address. Naipagtanong ko na ito sa lalaking tambay sa dulo ng kalyeng ‘to at positibong siyang ito nga ang hinahanap ko.
“Salamat, boss!” sabi ko at saka siya inabutan ng bente pesos. “Kunin mo na, pangmeryenda!” at saka ako ngumisi.
Rumehistro ang tuwa sa kanyang mukha nang abutin niya ang perang hawak ko. “Tenkyu, madam! Sa susunod kung may kailangan ka, magsabi ka lang saken!” makumpyansa niyang sinabi.
“Sige lang!” sagot ko.
Dalawang beses akong bumusina at saka pinaandar na ang sasakyan ko paalis sa tindahan na ‘yon. Hamog na alaala na lang ang natitira sa akin sa lugar na ito. Tumira rin yata kami rito noong bata pa ako o nagbakasyon lang.
Lumabas ako sa kotse ko. Sumandal ako at humalukipkip ako sa gilid nito habang mataman kong pinagmamasdan ang bahay. Matitirhan pa ba ‘to? Para isang buga lang ng malakas na hangin, matitibag na ‘to eh.
Nilabas ko ang pakete ng sigarilyo at lighter mula sa bulsa ng pulang checkered na polo ko. Tinanggal ko na ‘yon mula sa pagkakabutones dahil nakasuot naman ako ng itim na racerback sa ilalim kaya hindi diyahe kung maisipan ko mang hubarin.
Hinithit ko ang sigarilyo at ibinuga ang usok no’n sa ere. Nag-iisip kung saan ako tutuloy ngayon. Hindi naman pwedeng dito sa bahay na ‘to dahil obviously, hindi pa naaayos.
“Tangina…” anas ko habang hinihilot ang aking batok. Pinitik ko ang hawak kong stick ng sigarilyo at saka humithit ulit.
Maghahanap na lang muna ako ng hotel sa bayan na ‘to. Bukas ko na uumpisahan ang pag-aayos. Bibili rin ako ng mga kailangan para sa gagamiting paglilinis…at sino’ng makakasama ko?!
Tumaas ang kilay ko nang maalala ko ‘yong lalaki kanina sa tindahan. Siguradong may kilala ‘yong trabahador na pwedeng makasamako sa paglilinis. Saka…kailangan ko rin yata ng engineer o architect o sinumang pwedeng makatulong sa akin para maibalik ko ang ganda nitong bahay.
Matapos kong maubos ang isang stick ng sigarilyo ay tinapon ko ang upos no’n at inapakan iyon gamit ang suot kong itim na ankle boots. Kinabig ko ang sasakyan pabalik sa kantong iyon. Tanaw ko pa rin siya habang kumakain ng sitsirya at nakaupo sa maliit bangko.
Kumunot pa ang noo niya nang hininto ko ang kotse sa harap ng tindahan. Tinapon niya sa basurahan ang plastic at nagmadaling uminom ng softdrinks. Pagkatapos, patakbo siyang lumapit sa akin.
Sumilay ang ngisi sa labi ko. Lumabas ako sa kotse para salubungin na siya. Itinaas ko ang aviators ko at inilagay sa aking ulo. Maluwang ang ngiti niyang lumapit sa akin habang pinupunasan ang bibig niya gamit ang laylayan ng kanyang t-shirt.
“Ano, madam? Nakita mo ba ‘yong bahay na hinahanap mo?” nakangiting tanong niya sa akin.
Tumango ako at muling sinulyapan ang daang pinanggalingan ko kanina.
“May…kilala ka bang naghahanap ng trabaho?” tanong ko sa kanya.
“Ako madam!” presinta niya.
I puckered my lips. “Kailangan mo ng kasama.”
Sandali siyang nag-isip. Ipinilig niya ang kanyang ulo at nang may maisip ay ngumiti ulit ng pagkaluwag-luwag.
“Nanay ko po! Pwede rin madam!”
Kinamot ko ang gilid ng leeg ko at saka ngumiwi. “Lalaki ang kailangan ko pre.”
“Ah…” at saka siya tumangu-tango. “Tatay ko po? Pwede? Akala ko kailangan niyo ng babaeng trabahante. Wala kasing raket si Nanay ngayon, eh.”
Tumaas ang kilay ko. “Lahat kayo? Walang trabaho?” balik-tanong ko sa kanya.
Alanganin siyang ngumiti at saka tumango.
“May cellphone ka ba?”
Tumango lamang siya habang nakaawang ang labing nakatingin sa akin.
Dinukot ko mula sa bulsa ng pantalo ko ang cellphone ko. “Kunin ko number mo. Bukas may trabaho na kayo.”
“T-Totoo madam?” nauutal na sabi niya.
Nag-angat ako ng tingin at walang buhay na tiningnan siya. “Ayaw mo?”
Tumuwid siya sa pagkakatayo. “Gusto! Gustung-gusto!”
“Akina number mo.”
Ibinigay niya sa akin ang number niya. Ilang ulit pa siyang nagkamali dahil mukhang hindi talagang kabisado ang numero niya.
“Final na ba ‘to?” medyo iritableng sagot ko.
“I-ring mo madam para sigurado.” Sagot niya.
Walang buhay ko siyang tiningnan pero naabutan kong nakangiti siya sa akin. Nang subukan kong tawagan ang numero, nag-ring ang cellphone na hawak niya.
“Ayun! Natumbok din natin!” excited niyang sabi sa akin.
Ise-save ko na ang number niya pero naalala kong hindi ko pa pala nakukuha ang pangalan niya.
“Ano’ng pangalan mo?”
Nagkamot siya ng ulo na parang nahihiya pa. I scoffed.
“Banjo, madam!” nahihiyang sagot niya. “Bakit?”
Iwinagayway ko ang cellphone ko sa harap niya. Mukhang iba yata ang pumapasok sa isip ng batang ‘to.
“Ise-save ko, Banjo.” Nakangising sagot ko.
Humalakhak siya. “Joke lang, madam!”
Kasalukuyan akong nagtitipa sa cellphone ko nang muli siyang magsalita.
“Eh madam, saan ba kami magta-trabaho?”
Pagkatapos kong i-save ang number niya, muli kong ibinalik ang tingin ko sa kanya.
“Diyan sa bahay ko. Kailangan kong ipalinis para matirhan ko na.”
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Parang hindi makapaniwala sa sinabi ko.
“I-Ibig mong sabihin, s-sa’yo ‘yong bahay na ‘yon?”
Tumaas ang kilay ko at saka tumango.
“Iyong bahay ng mga Arconado? Sa’yo ‘yon? Nabili mo ba ‘yon, madam? O…” nabitin ang sinabi niya at saka nag-isip ulit. Nang may matanto ay tiningnan niya ako ng may pagkamangha.
“Arconado ka ba madam?”
Humalakhak ako sa sunud-sunod na tanong niya at saka umiling. Ano bang nakakamangha sa apelyido ko? Eh ano ngayon kung Arconado ako?
Tumango ako ng minsan. “Magkita na lang tayo bukas, Banjo!” binuksan ko ang pintuan ng driver’s seat at pumasok na roon. Ibinaba ko ang salamin ko at saka siya muling binalingan.
“Huwag kang talkshit ah?” pabiro kong babala sa kanya.
“Sisipot kami, madam!” paniniguro niya.
I smirked at him. Pinasibad ko na ang oto ko para pumunta sa sentro ng San Nicholas. Dayuhan ako sa lugar na ito kaya kailangan kong aralin kung paano ang mamuhay sa probinsyang ‘to.
Gusto ko munang iwan ang dating buhay ko. Siguro dito sa lugar na ‘to, baka magkamilagro’t tumuwid ang landas ko.
“Ma’am, 2,800 pesos lahat.” Sabi sa akin ng kahera matapos niyang mai-punch ang lahat ng pinamili ko.
Dinukot ko ang wallet at saka inabot sa kanya ang card ko.
“Icha-charge ko na po ba lahat dito?” magalang na tanong niya sa akin.
Tumango ako ng hindi ko siya tinitingnan. Busy ako sa pag-scroll sa cellphone ko para maghanap ng inns o hotel.
Ibinalik niya sa akin ang card ko at saka nagpasalamat. In-assist ako ng bagger at inihatid ang mga pinamili ko sa kotse.
“Salamat.” Ani ko at saka siya inabutan ng tip.
Nahihiya pa siyang tanggapin ‘yon. “Thank you, Ma’am.” Mahinang sagot niya sa akin.
Tumango ako at saka luminga-linga. Madilim na pero wala pa rin akong mahanap na tutuluyan. Kung gusto ko ng siguradong lugar na may hotel, kailangan ko pang mag-drive papunta sa katabing lungsod.
Pucha. 45 minutes din ‘yon!
Nakita ko ang bagger na unti-unting lumalayo sa parking area. Magtanong kaya ako?
“Tol! Sandali!” pigil ko sa kanya.
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ako. I waved my hand and directed him to come near me.
“Bakit po?” tanong niya matapos niyang takbuhin ang pagitan namin.
“May alam ka bang hotel dito? Kahit mumurahin?”
Tumango siya. “Meron po. Sa mga Cabañero po. Sa boundary ng San Nicholas at San Pablo.”
Ngumiwi ako. “Malayo?”
Umiling siya. “Malapit lang po. Kapag nakita niyo ‘yong maliwanag at mataas na building, ‘yon na po ‘yon.” Magalang niyang sagot sa akin.
Tumangu-tango ako. “Sige. Thanks!”
Hindi mahirap hanapin itong hotel. I’m quite impress with the location and the structure of the hotel. Hindi ko aakalaing makakahanap ako ng hotel dito na kasing modernized ng ibang hotel sa siyudad.
Ibinagsak ko ang katawan ko sa malambot na kama matapos kong maipasok ang ilang gamit ko sa kwarto. Pagod na pagod ang katawan ko sa maghapon biyahe. Madaling araw akong umalis ng Manila. Ngayon ko lang na-realize na…sobrang haba pala ng ibinyahe ko.
Hotel and resort pala ‘to. Kaya pwede rin akong mag-swimming sa maluwang na pool na pinag-gitnaan ng building ng hotel. Pero wala sa isip ko ngayon ang maligo. Mas gusto kong…tumambay sa veranda at uminom ng beer.
Hawak ng kanang kamay ko ang isang stick ng sigarilyo at sa kabila naman ay ang lata ng beer, tumingin ako sa kawalan. Naglakbay ang utak ko sa mga naiwan sa Manila. Kaya ko ba ‘to?
Sabagay. Ngayon lang ako ulit bumuo ng plano simula nang…mawala sa buhay ko si Earl.
Ibinuga ko sa ere ang usok ng sigarilyo at saka sumimsim ng alak. Para akong buhay na patay. Humihinga pa pero hindi alam kung bakit nagpapatuloy sa buhay.
“I miss you.” Anas ko habang nakatingin sa mga bituin sa langit.