Chapter 10 (José Hidalgo)

2449 Words
Hinabol nga ni Madam Jean ang asawa niya sa labas ng kanilang mansyon. Alam niya kasi na nagalit si Richard sa kanyang ginawa. “Richard. Utang na loob. Kausapin mo naman ako” “Bakit pa, Jean??” sambit ni Richard “Ano na naman ba ang katangahan na ginawa mo?? Binayaran mo sila para manahimik??” “Oo. Ginawa ko lang naman yun para manahimik nga sila at para wala na silang may sasabihin kapag andito na ang taga Hidalgo sa Pilipinas” rason ni Madam Jean “at bukas na yon. Ayaw ko naman na masira ang pangalan natin sa mata nila nang dahil sa maling balita na yan” “Pero pinalala mo pa, Jean” pagdidiin niya “Hindi ka ba nag-iisip?” “Sorry na nga, okay?? Alam ko na kasalanan ko” “Mabuti naman na alam mo” sabat ni Richard “So anong plano mo?” “Hindi ko pa alam” “Ano?? Hindi mo pa alam??” ulit ng asawa niya “E paano na yan? Bukas na sila darating” “Ewan ko. Basta hindi nila dapat malaman at marinig ang balita laban sa akin” “E paano nga? Lantad na lantad na sa istasyon na yan ang bad image mo” “Pero hindi sa ating istasyon” dugtong ni Madam Jean “May laban pa din tayo dahil tutulungan pa din tayo ng Walid Broadcasting Network na pagandahin at pabangohin muli ang pangalan ko” “Hmmm.. Tama ka Jean. Mabuti ay may kumpanya din tayo sa media para pambato sa naninira sa atin” pagsang-ayon ni Richard sa mungkahi ng asawa “Ang talino mo talaga” “Salamat. Mahal kong asawa” sagot niya sa asawa “Alam ko na sinisiraan lang tayo ng kalaban natin sa ibang network. They’re not playing fair. Kung gusto nila ng away. Ibibigay ko yon sa kanila” “Very good, Jean. Sana nga ay magawan mo ito ng paraan” “Huwag kang mag-alala mahal kong asawa. Sigurado na talaga ako dito” “Siguraduhin mo lang” sabat ni Richard “At kung may maririnig naman ako sa mga Hidalgo at hindi sila pumayag, alam mo na ang kasunod, okay?” Tumango na lamang si Madam Jean sa pagbabanta ng kanyang asawa. Kaagad pumasok si Richard ng mansyon samantala ang isa naman ay nakatayo pa rin at nasindak sa sinabi ng asawa. *** Nagtungo si Cindy sa kwarto ng kanyang anak para magtanong tungkol sa kanyang ama. “Anak. May sinabi ba ang Daddy mo kung saan pupunta pagkatapos ng trabaho niya?” “Hindi ko po alam Mommy eh. At tsaka, hindi naman ako interesado kung saan siya pumupunta” sagot ng anak “Bakit mo po naitanong?” “Kasi ilang araw na kasi na gabi umuuwi ang Daddy mo eh. Tapos kagabi, hindi pa siya nakauwi ng bahay” paliwanag ni Cindy “Andito na siya kanina pero umalis din papunta ulit sa kanyang trabaho” “Baka busy po talaga” “Hindi din anak eh” pagkontra ni Cindy sa sinabi ng anak “Kasi kapag marami siyang gagawin sa trabaho ay nagpapaalam siya sa akin” sabay hinga ng malalim “Nag-aalala na talaga ako sa Daddy mo, anak” “Baka may ginagawa na hindi dapat natin malaman” “Ano ang ibig mong sabihin?” “Baka may babae siya… o di kaya kabit na bakla” uminit ang tenga ni Cindy at sinampal ang kanyang anak “Aray po..! Bakit ninyo ako sinampal??!” “Huwag ka kasing mag-isip ng ganyan sa Daddy mo” sabat niya sa anak “Nagbago na ang Daddy mo. Dahil mahal niya tayo” “Nagbago nga ba talaga?” ulit ni Stephen “O baka, nagbubulagan ka na naman sa mga ginagawa niya sa’yo” “Tumahimik ka na Stephen. Hindi na maganda ang mga sinasabi mo” “Totoo naman eh. Bakit?? Kailan ba niya tayo tinanggap bilang pamilya?? Kailan ka ba niya minahal? May naaalala ka ba na pangyayari na minahal ka niya? Diba wala??” “Mahal niya tayo, Stephen. Yun ang totoo” pagdidiin pa ni Cindy “At isa pa, matagal na panahon na yun. Sana pinatawad mo na ang Daddy mo” “Pinatawad ko naman po siya” sagot ni Stephen “Pero kung uulitin niya pa ang panloloko niya sa’yo, patawarin ako ng Diyos sa mga magagawa ko sa kanya” *** Doon nga dumerecho si Nathan sa hotel na kung saan naka-check-in si Jeff. Nang pagpasok niya sa silid ay nadatnan niya si Jeff na umiinom ng alak habang nanonood ng TV. “Jeff…” tawag niya dito habang papalapit siya “Andito ka na naman??” pagkunot ng noo ni Jeff. “Oo. Bakit?? Ayaw mo?” “Hindi naman sa ayaw. Pero baka sa parati mong pagpunta dito ay may makakita sa’yo at malaman na buhay ako” “Don’t worry, Jeff. Hindi ko hahayaan na mabuko ka” sabay tingin niya sa palabas sa telebisyon. “Ano ba ang pinapanood mo at nag-iinom ka pa ng wine?” “I’m just celebrating” “Celebrating??” ulit ni Nathan “Nang ano?” “Sa unti-unting pagbagsak ni Jean” “Teka. May ginawa ka na naman ba?” “Hindi ako. Kundi siya” “What do you mean?” “Tinangkaan niyang bayaran ang network para tumahimik na sa mga masasamang balita laban sa kanya” paliwanag niya kay Nathan “Pero hindi siya nagtagumpay, sapagkat binalita kanina ang ginawa niyang pangbabayad sa istasyon. Well, unti-unting nasisira na ang pangalan niya” sabay ngiti ni Jeff na parang demonyo “Napakasaya diba?? Umaayon talaga sa akin ang kapalaran” Ilang saglit din ang pagtahimik ni Nathan sa kwinento sa kanya ni Jeff. Nagaalala kasi siya sa mga ginagawa ng isa. “Jeff?” “Yes?” “Hanggang kailan mo ba ‘to gagawin?? Wala ka bang plano na itigil ‘to?” “Hanggang bumagsak siya sa lupa. Gagapang papunta sa akin at magmamakaawa sa mga ginawa niyang kasalanan” sabi ni Jeff na nanggigigil sa galit. “Yun lang siguro ang panahon na titigil ako” “Hindi ka ba natatakot?” “Natatakot saan?” “Sa karma. Baka babalik sa’yo ang mga ginagawa mo ngayon sa kanya” “Na-karma na ako noon, sa ginawa niya. Kaya siya na naman ang sisingilin ko. Maghanda siya sa pagbabalik ko” *** Kinabukasan. Dumating na nga si Don Rolando Hidalgo sa Pilipinas para ipagpatuloy ang naudlot nilang investment sa bansa. Sakto din na nakabantay doon si Gwen para sundoin siya sa airport. Nagdesisyon na lamang si Don Rolando na kaagad kausapin ang may-ari ng D&T Group of Companies para sa kanyang nasabing investment. Samantala. Naghihintay na si Madam Jean at ang kanyang asawa sa conference room, sa mga bisita niya mula Hidalgo Breweries. Parang kinakabahan si Madam Jean dahil baka narinig na ng matanda ang balita laban sa kanya at baka iuurong niya muli ang partnership ng dalawang korporasyon. “Relax Jean” saway ni Richard sa kanyang asawa “Mahahalata ka sa mga kilos mong yan eh” “Paano ako magrerelax? E buhay ko ang nakataya dito” sagot naman niya kay Richard “Kung hindi mo sana ako pinagbantaan, mas okay pa ako ngayon” “Kasalanan mo ‘to eh. Bakit mo pa binayaran ang istasyon na yun?? Bumalik pa sa’yo tuloy” sumbat niya pa kay Madam Jean “Ang bobo mo talaga” “Tumahimik ka na nga, pwede? Alam ko naman ang kasalanan ko eh” sabat niya sa asawa “Ito na oh. Parating na ang may-ari ng Hidalgo Breweries sa atin. Matatahimik ka na” “Tignan lang natin kung ano ang magiging desisyon nila. Alam mo naman ang kasunod kapag ayaw nila diba?” napalunok na lamang si Madam Jean sa muling pagbabanta ng kanyang asawa. Pagkatapos ang isang oras ay dumating na si Don Rolando sa conference room na kung saan sila naghihintay. Unang pumasok si Gwen at nagtungo kaagad kay Madam Jean “Excuse po, Madam. Nandito na po ang taga-Hidalgo” pumasok naman ang isang may katandaan na lalake. Tumayo ang mag-asawa at si Mr. Dwight Chua para sa pagsalubong sa kanya “Madam, this is Don Rolando Hidalgo, the Chief Operating Officer of Hidalgo Breweries” Kaagad naman lumapit si Madam Jean kay Don Ronaldo “Good Afternoon, Don Rolando and welcome to the Philippines again. I am so excited to have business with you. I’m Jeanette Dy-Teng, the owner of D&T Group” “Naalala pa kita. Well, it’s nice to be back, Mrs. Teng” sagot naman ni Don Rolando “Nagulat talaga ako nang malaman ko na nagpakasal pala ang dalawang pinakamayaman na negosyante dito sa Pilipinas” ngiti niya sa mag-asawa “Parang kailan lang na nag-aagawan pa ang mga kumpanya ninyo sa akin. Pero ngayon, you have merged. Maybe it’s a sign na magugustuhan ito ng anak ko” “Well. Nasaan na siya Don Rolando?” tanong ni Madam Jean “He’s already here in the Philippines” sagot naman ng matanda “Pinauna ko siya dito. Andito na siya nung isang linggo pa” Napalaki ang mga mata ni Madam Jean sa kanyang narinig. Nandito na pala sa Pilipinas ang anak ni Don Rolando? Sigurado talaga siya na nakapanood siya ng balita tungkol sa kanya. “Well. I am sure na magustuhan ng anak ninyo ang Pilipinas Don Rolando” “I know” ngiti ni Don Rolando. Nagulat siya dahil tumunog ang kanyang telepono at binasa ang nagtext sa kanya “Oh… andito na pala siya. Papasok na siya dito sa kwarto” Nagulat ang lahat lalung-lalo na si Madam Jean sa kanyang nakita. Hindi niya talaga ito inaasahan ang pumasok na tao. “Jean… this is José Hidalgo. The Owner and the Chief Executive Officer of Hidalgo Breweries” pakilala ni Don Rolando “My son…” “Jeff……??” sambit ni Madam Jean na parang nakakita ng multo. “No Mrs. Teng” pagtatama ni Don Rolando “It’s Jose. Not Jeff” Tulala pa rin sina Madam Jean sa taong nasa harapan nila. Baka nanaginip lang siya at kung anu-ano ang kanyang nakita. “I believe, you are Mrs. Teng” sabay abot ng kamay ni Jeff sa kanya para ikamay ito “I’m José Hidalgo. The owner of Hidalgo Breweries. Nice to meet you” “Jeff. Ikaw ba yan?” sabay pagkamay niya sa kanyang kaharap Ngumiti na lamang si Jeff sa tulalang tanong ng kanyang kaharap “No. I’m not Jeff” sagot nito. Kaagad dumerecho siya sa bakanteng upuan na katabi ni Don Rolando at umupo dito “Well. Andito na tayo. What’s your proposal?” Parang istatwa pa din silang tatlo; si Madam Jean, si Richard at si Mr. Dwight Chua. Hindi nila talaga ito inaaasahan na mangyari. “So ano na?” sambit ulit ni Don Rolando “Magtutunganga na lang ba kayo sa harapan namin?” “Ahmm. Pasensiya na po” sambit ni Madam Jean na nanginginig habang binubuksan ang kanyang laptop. “I guess. Hindi pa kayo ready sa presentation ninyo” dugtong ni Jeff “ We will reschedule this meeting. I’m sorry” sabay tayo niya “Tayo na Papa.” “Wait..!” sigaw ni Madam Jean “Yes?” sabay tingin ni Jeff sa kanya “May sasabihin ka ba, MRS. TENG?” “Wala. Maybe, tama ang sinabi mo na ireresked na lang natin ‘to” habang nanginginig ang boses. “Very well” sagot naman ng isa “Aalis na kami. Magpapahinga pa si Papa mula sa kanyang biyahe” *** Habang papalabas ng gusali ang dalawa ay nandoon pa din si Madam Jean at si Richard sa conference room. Nakahawak siya sa mesa habang nanginginig ang buong katawan nito. “Jean. Bakit mo sila hinayaang umalis??” sabat ni Richard “Baka bumalik na sila sa Espanya at hindi na magbabalik. Hindi mo ba talaga ginagamit ang utak mo??!” “Tumahimik ka nga, Richard!!” sigaw niya sa asawa “Hindi mo ba nakita kanina?? Kung sino ang nasa harapan natin?? Si Jeff yun. Buhay siya” “Hindi siya yun. Marahil kamukha niya lang pero sigurado ako na hindi siya yun. Patay na siya diba??” “Paano kung hindi?? Paano kung siya yun?? Paano kung nagbabalik siya para maghiganti sa ginawa ko sa kanya??” “Pwede ba?? Masyado kang praning” sigaw niya ulit sa asawa “Wala na si Jeff, okay?? Pagtuunin mo ng pansin ang kanilang investment sa atin. Huwag na ang kapatid mo na matagal nang patay” “Hindi mo ako naiintindihan eh” “Hindi talaga” dugtong nito “Marahil kung anu-ano na ang tumatakbo diyan sa utak mo dahil sa mga ginawa mo noon. Kaya hindi ka makapag-isip ng maayos!” “Pwede ba? Huwag mo akong insultuhin?? Isa akong Dy. At asawa mo ako” “Wala akong pakialam kung asawa pa kita. Ang sa akin lang, ayusin mo ang trabaho mo bago ko pa kunin ang shares ko dito. At isa pa pala, hindi ka na isang Dy” pagpaalala niya sa asawa “Asawa na kita. Isa ka nang Teng. At alam mo ba kung ano ang ibig sabihin nun??” “Ano?” habang nanginginig pa din ang kanyang boses “Ang ibig sabihin ay kailangan mong sundin ang lahat ng mga sinasabi at utos ko sa’yo. Naiintindihan mo??!” pagtaas ng boses ng kanyang asawa “Baka nakakalimutan mo, Jean. Ikaw ang lumapit sa akin para magpakasal tayo. Para maibalik ka sa dati mong buhay na mayaman. Kaya pagtrabahuin mo na magtagal pa sa’yo ang karangyaan na nasa harap mo” *** “Masaya ako Papa dahil dumating ka na sa Pilipinas” sambit ni Jeff sa kanyang kinikilalang ama na si Don Rolando habang nakasakay sila sa magarang sasakyan papunta sa kanyang hotel na tinutuluyan “Miss na miss po kita” “Ako din anak. Miss na miss din kita” sagot naman ng matanda sa kanya “Oo nga pala, ano na ang plano mo dahil nagpakita ka na sa kanila?” “Katulad pa din sa plano, Papa. Magpapanggap ako na walang naalala” Itutuloy…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD