bc

The Untold Love Story

book_age12+
302
FOLLOW
1.3K
READ
badboy
goodgirl
drama
bxg
lighthearted
first love
spiritual
discipline
naive
sacrifice
like
intro-logo
Blurb

Amethyst was forsaken by her parents when she turned her back at the golden life that she had and decided to be a nun. Asher was a sheep who decided to take the dark path in order to live and survive through the ill-fated life. When a twist of fate made their paths stumbled, their credence and beliefs also stumbled. Grew up at both different kinds of adversity in life, their ways of living also differ. After meeting each other they would find out the nature of both light and dark sides, but their own adversities and the situation itself would raise questions and doubts against their convictions. With love finding its way despite the dilemma, how were they going to believe that love really exists even in the midst of dark days?

"But God demonstrates his own love for us in this: While we were still sinners, Christ died for us." Romans 5:8 NIV

chap-preview
Free preview
Chapter One "Unlike Lives"
Chapter One “Unlike Lives” It was the fastest and most horrific ride that happened to Amethyst and she swore to heaven that she's not going to ride any carnival ride. Half-sickened, she got off from the octopus ride and joined the other rider that was going out from the ride. Some were laughing, some were muttering they still want more, but the thought of riding again on that ride made her stomach sick. Still in haze, she looked around and quickly walked away from the carnival. She had to leave the place before they found out that she tricked her bodyguards. Hindi pwedeng malaman ng mga bodyguard niya na humiwalay siya sa mga pinsan. Walang maaaring makaalam ng mga gagawin niya. Malamig ang gabi at hindi sapat ang jacket para pawiin ang lamig ng hangin at kabang nadarama ni Amethyst lalo pa't ang ibang panlalamig ay nakuha niya pagkatapos sumakay sa octopus ride. Wala sana siyang balak sumakay doon pero dahil sa kagustuhan na makatakas mula sa mga bodyguard ay nakisabay siya sa nakitang mga taong nakapila sa harapan ng rides. Nang makalabas siya sa carnival at makakita ng taxi ay walang lingong-likod niyang pinara iyon at nagpahatid sa lugar kung saan niya gusto talagang magtungo. Wala pang bente minutos ay dumating siya sa destinasyon. Pagkatapos magbayad ay bumaba siya ng taxi at pinagmasdan ang papalayong sasakyan hanggang mawala sa paningin. Muli ay nabalot ng katahimikan ang gabi nang tuluyang makalayo ang sasakyan. Hinarap ni Amethyst ang mataas na gate at tiningala ang malaking pangalan na nakasulat sa itaas ng tatlong palapag na gusali. Lumakas ang kabog ng dibdib niya at mahigpit na napahawak sa laylayan ng jacket niya. Heto na. Heto na. Andito na ako. Kumakabog ang dibdib na binasa niya muli ang nakasulat sa itaas ng gusali. ‘Sisters in Faith’ May luhang unti-unting namumuo sa mga mata niya. Simula sa araw na ito ay magiging bahagi na siya ng lugar na ito at matutupad na ang pangarap niyang maging isang madre. Maglilingkod siya sa Diyos hanggang sa kahuli-hulihang hininga niya. Hindi na mahalaga kung tutol ang buong mundo. Hindi na mahalaga kung itakwil siya ng pamilya o ng buong angkan niya. Ang tangi lang mahalaga sa kaniya ngayon ay masunod ang pangarap at ang layunin. Dahil sa nsaisip ay napapikit siya. Hindi niya mapigilan ang sariling alalahanin maalala ang mukha ng mga magulang na nanlilisik ang mga mata sa galit nang tumanggi siya sa nais ng mga ito. Bumaha ang takot at pag-aalala sa puso niya na mabilis rin niyang pinalis. Naniniwala siyang hinayaan ng Diyos na makarating siya sa lugar na iyon nang maayos kaya mas buo ang paniniwala niyang tama ang landas na tinatahak niya. Sa hindi na mabilang na beses, nagpakawala siya nang malalim na buntonghininga at puno nang pag-asang pinatunog ang maliit na bell sa may gate. Hindi rin nagtagal, tuluyan nang napawi ang munting takot at lamig na nararamdaman niya nang matanaw niya ang isang nakaputing babaing naglalakad patungo sa direksiyon niya. MARIING kinukuyomus ni Amethyst ang laylayan ng suot na puting bestida habang nakatingin sa labas ng bintana ng kumbento. Mula sa kinatatayuan niya ay malinaw na nakikita niya ang mukha ng ina kasama ang mga bodyguard nito habang nakikipag-usap kay Mother Superior. Naroroon din ang Kuya August niya, isa sa mga nakakatandang kapatid niyang lalaki na tila pinapakalma ang kaniyang ina na hindi maipagkakailang nanggagalaiti sa galit. Sa kabila ng pagpipilit nitong manatili ang composure, ang mabilis na pagkumpas ng mga kamay nito at ang pamumula ng buong mukha nito dala ng inis ay sapat na para masira iyon. Isang linggo na halos ang mga itong pabalik-balik sa kumbento para pauwiin siya. Noong una ay nakipag-usap siya sa mga ito at dahil hindi na siya minor de edad, at ayon sa batas ay may karapatan na siyang magdesisyon ay walang nagawa ang mga ito para pauwiin siya. Matagal na siyang desidido na magmadre. Hinintay niya lang ang tamang panahon upang makapagsabi sa mga magulang na nais niyang pumasok sa kumbento—isang bagay na matinding tinutulan ng mga magulang niya. Ngunit pagkaraan ng ilang araw ay bumalik na naman ang ina niya. Ipinagpapasalamat na lang niya at hindi nagsasawa si Mother Superior na kausapin ang mga ito at hindi rin naggagalit sa kaniya ang huli. “Andito ka lang pala, Amethyst.” Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig at nakitang palapit si Sister Tirzah. Labing-siyam na taon na siya at sampung taon naman ang tanda nito sa kaniya. Noon pa man ay ito na ang nagtuturo sa kaniya ng mga gawi, gawain at mga bagay na dapat matutunan ng isang madre. Kapag may pagkakataon siya noon ay pumupuslit siya sa mga bodyguard para makipagkita rito. Ngayong nasa tamang edad na siya’y tuluyan na niyang naisipang sundin ang pangarap—ang maging isang ganap na madre. “Hindi mo kailangang mag-alala,” masuyong pagpapakalma sa kaniya nito at tuluyang nilapitan siya. “Alam ni Mother Superior kung gaano kalaki ang hangarin mong maging isang madre. Gagawin niya ang lahat para maipaliwanag sa mga magulang mo ang lahat. Sisikapin nating ayusin ang lahat at idaan sa tamang proseso.” “P-paano kung gumawa sila ng g**o?” nag-aalalang tanong niya. Ngumiti ito sa kaniya at hinawakan ang magkabilang balikat niya. “Amethyst, kumbento ito. Alam nilang hindi nila maaaring basta gawin ang gusto nila. Isa pa, sa tingin ko,” tumigil ito sa pagsasalita at sumulyap sa labas ng bintana bago nagpatuloy, “alam nila ang hangganan nila.” Ibinalik nito ang tingin sa kaniya. “Ito ang tandaan mo, itiwala mo ang lahat sa Diyos at Siya ng bahala sa lahat.” Tumango siya habang sa loob ay tahimik siyang nagdarasal na maunawaan ng kaniyang pamilya ang lahat. Hindi niya gustong iwan ang mga ito na masama ang loob sa kaniya pero ilang beses niya nang nasaksihan kung gaano kagusto ng mga magulang niya na itigil niya ang kagustuhang pagmamadre. Labag sa loob niya ang suwayin at iwan ang mga ito pero mas malaki ang kagustuhan niyang maglingkod sa Diyos kesa ang magpadala sa pagbabanta ng sariling mga magulang. “Gusto mo ba silang kausapin?” Ilang minuto niyang tinitigan niya ang ina at kapatid mula sa bintana bago tahimik na umiling. “Hindi nila ako pakikinggan, Sister.” Pinagmasdan siya ni Sister Tirzah. “Kung iyan ang desisyon mo, igagalang ko. Pero kung gusto mo silang puntahan at kausapin, hindi ka namin pipigilan.” Binigyan siya nito nang nakakaunawang ngiti bago nagpatuloy. Nilingon niya muli ang ina. Tila pinipiga na naman ang puso niya pero buo na ang desisyon niya at iyon ang susundin niya. Tumalikod siya at naglakad palayo. Mabigat man ang bawat paghakbang na ginagawa niya, nananalangin siyang dumating ang araw na maunawaan ng kaniyang mga magulang ang lahat. ISANG linggo pa ang mabilis na dumaan. Sa buong linggong iyon, tanging Kuya August na lang niya ang nakakausap ni Amethyst. Ilang beses siya nitong tinanong kung hindi na ba talaga siya sasama pabalik sa mansion pero dahil buo ang loob niyang sundin ang pangarap ay nagdesisyon ang kapatid na tulungan siya. “Kung ito talaga ang gusto mo. Ako na ang kakausap kina mommy,” saad ng kaniyang Kuya August. “Hindi ko sigurado kung makikinig sila pero umaasa ako, Kuya.” “Amethyst…” Hinuli ng kaniyang kuya ang isang kamay niya upang gagapin iyon. “Kung naniniwala ka sa ganda ng pangarap mong ito, naniniwala ako na makikita rin nila iyon. Hindi man ngayon, darating din ang araw na iyon.” Umaasang ngumiti siya sa kapatid. Ilang sandali pa itong nanatili bago tuluyang nagpaalam. Hinahatid ng tanaw ni Amethyst ang papaalis na kapatid nang siya namang pagdating ni Rosanna na katulad niya ay nagsisimula pa lang mag-aral bilang isang madre. “Bakit parang nagmamadali ka?” salubong niya dito. “I-Ipinapatawag ka ni Mother Superior sa itaas. Gusto ka raw niyang makausap,” humuhingal na tugon nito. “M-May problema ba?” nag-aalalang tanong niya. Ilang araw man na hindi pumupunta ang mommy niya sa kumbento, hindi pa rin niya maiwasang hindi kabahan. Kilala niya ang mga magulang niya. Tatahimik ang mommy niya sandali pero tiyak na ang daddy naman niya ang kikilos. Kapag nagkataon ay baka gamitin nila ang kapangyarihan ng angkan nila. Hindi basta-basta ang mga Montenegro. “Huwag ka munang mag-isip ng kung ano. Umakyat ka na,” putol ni Rosanna sa pag-iisip niya. Wala siyang naggawa kundi ang tumango bago nagmamadaling umakyat papuntang opisina ni Mother Superior. Kinakabahan siya pero pilit niyang pinakalma ang sarili. Walang mangyayari kung magpapadala siya sa kaba at takot na nararamdaman. Nang marating niya ang opisina ni Mother Superior ay kumatok siya bago pumasok. Ang kabang kanina pang nararamdaman ay tila lalong nadagdagan nang makitang andoon rin si Sister Tirzah. “Ipinatawag ninyo raw po ako,” magalang niyang ani pagkatapos bigyan ng malumanay na ngiti ang mga ito. “Maupo ka muna, Amethyst,” alok ni Mother Superior. Sumulyap siya kay Sister Tirzah na may mabining ngiti sa labing tinanguan siya. Hindi inaalis ang tingin ditong naupo siya sa katapat nitong upuan sa harap ng mesa ni Mother Superior bago binalingan ang huli. “Hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa, Amethyst,” simula ni Mother Superior habang matamang nakatitig sa kaniya. “Kung susumahin, kwalipikado kang manatili dito sa kumbento ngunit may mga bagay pa rin tayong panuntunang dapat sundin bago ka namin tuluyang hayaang manatili dito.” Tumigil ito sa pagsasalita at inabot ang sobre na nasa ibabaw ng mesa. “ At nasa loob ng sobre na ito kung maaari ka bang magpatuloy sa pagmamadre,” pagpapatuloy nito sabay abot ng sobre sa kaniya. Nanginginig ang mga kamay na kinuha niya iyon. Punong-puno ang isip niya ng kung ano-anong isipin. Panay ang dasal niyang sanay positibo ang makuha niyang sagot ngunit sa loob niya’y hindi niya maiwasang hindi mag-isip ng negatibo. Oh Lord, let your will be done… Sumulyap siya kay Sister Tirzah na blangko ang mukhang nakatitig sa kaniya bago kay Mother Superior na binigyan siya ng isang munting tango. “Kahit ano pa ang makuha mong sagot diyan, palaging may paraan kung paano tayo maglilingkod sa Diyos,” mahinahong wika ni Mother Superior. “Nasa loob ka man o labas ng kumbento, maaari kang maglingkod sa kaniya.” May kung anong mabigat na dumagan sa dibdib niya dahil sa sinabi nito. Gayunman, sinikap niyang ngumiti at dahan-dahang binuksan ang sobre. Nang tuluyang makuha ang papel na nasa loob ng sobre ay iyon naman ang binuklat niya mula sa pagkakatupi. Binasa niya iyon mula sa itaas pababa, ang bawat letra, numero, at salita. Tiniyak niyang wala siyang nakaligtaan kahit isa. Ngunit sa huli, isang salita ang nagpatigil sa kaniya. Nahigit niya ang paghinga kasabay ng pagkagat sa pang-ibabang labi upang pigilan ang pagkawala ng hikbi. Oh Lord… ***** “KUYA, gutom na ako,” nagsisimula nang humikbi ang anim na taong bata na si Ashley sa kaniyang kuya Asher. Naaawang nilingon ni Asher ang kapatid na nakahiga sa sira-sirang banig na nakalatag sa malamig na sahig. May pilit na ngiting hinaplos niya ang ulo nito at marahang bumulong, “Sige, kukuha lang si Kuya nang makakain natin.” “Saan ka kukuha ng pagkain, kuya?” tanong naman ng kakambal ni Ashley na si Ashton. Nakaupo ito sa tabi ni Ashley habang hawak ang tiyan. Halatang gutom na gutom na ito pero pilit nagkukunwaring ayos lang. Maggagabi na at nang huling kumain pa ang mga ito ay umaga pa. Hindi kaagad nakasagot si Asher sa tanong ng kapatid. Hindi rin niya alam kung saan kukuha ng pagkain. Wala na siyang pera dahil ang munting kinita niya sa pagdi-dispatcher at paglilinis ng mga sasakyan ay kinuha ng nanay niya para ipangsugal. Wala naman siyang aasahan sa amang nagko-construction dahil tiyak na inubos lang nito ang pera sa babae at sugal. Ni hindi nga niya alam kung nasaan na naman ang ama. Umuwi at hindi ito sa sira-sira nilang bahay. Naaawa siya sa sarili dahil sa buhay at klase ng mga magulang na meron siya. Ngunit higit siyang naaawa sa mga kapatid na kumakalam ang sikmura. Hinaplos niya ang ulo ni Ashton. “Gagawa ng paraan si kuya,” pilit na pinatatatag ang tinig na aniya. “Dito lang muna kayo at pagbalik ko’y may dala na akong pagkain.” Bumangon si Ashley at gamit ang payat na kamay ay inabot ang braso niya. “Kuya, kapag wala kang nakitang pagkain, okay lang. Basta, wag kang gagaya doon sa mga kuya nina Lulu.” Nagsalubong ang kilay niya dahil sa sinabi ng kapatid. “Sabi ni Lulu, may tindang gamot na nakakapagpasaya daw ang kuya niya,” sabat naman ni Ashton. “Pero, kung pampasaya iyon, bakit binubugbog ng kuya ni Lulu sila. Bakit lagi niyang sinasaktan silang magkakapatid?” “Tsaka may mga pulis kanina sa kanto, kuya. Hinahanap nila ang kuya ni Lulu,” naaalarmang bigkas ni Ashley. Wala sa loob na naikuyom ni Asher ang kamao. Hindi niya gusto ang isipin na sa murang edad ng mga kapatid niya ay kung ano-anong nasasaksihan ng mga ito. Sabagay, sarili nga nilang magulang, hindi man lang itinatago na lulong sila sa sugal, alak, at babae. Ibang tao pa kaya ang gumawa. “Huwag kayong mag-alala, basta maghahanap si kuya ng pagkain ninyo,” pangako niya bago tumayo na. “Dito lang kayo at hintayin ninyo ako.” Sabay na tumango ang kambal. Mabibigat ang hakbang at tila may nakadagan sa dibdib ni Asher na lumabas ng maliit na bahay nila. Wala talaga siyang alam na makukunan ng pagkain. Tiyak na wala ring magpapautang sa kaniya dahil mahaba pa yata sa traffic sa EDSA ang listahan nila ng utang. Nanghihinang hinilot niya ang sentido habang patuloy na naglalakad sa maliit at mabahong eskinita. Sari-saring tao ang nakikita niya sa paligid. May grupo ng nag-iinom, nagsusugal, mga babaing may kargang mga bata habang abala sa pagtsitsismisan, at may ilan namang para bang may sariling mundo kung magtukaan at maglingkisan. Gusto man niyang ialis ang mga kapatid sa lugar na iyon ay hindi niya maggagawa. Wala siyang sapat na pera at lakas para gawin iyon. Lumiko siya at hinanap ang ina. Magbabaka-sakaling may aabutan pa siyang pera. Pagkakita niya sa isang gigiray-giray ng kubo na puno ng mga taong nagsusugal ay mabilis siyang naglakad patungo roon. Nahagip ng mga mata niya ang ina na nakabusangot at naghahampas sa mesa. Halatang natatalo na naman ito pero wala siyang pakialam. Kinuha nito ang pera niya na dapat ay pambili ng pagkain ng mga kapatid niya. “Inay!” tawag niya sa ina. Nilingon siya nito at tila nagliwanag ang mukha nito. “Asher! Mabuti at dumating ka! Kapag sinuswerte ka nga naman,” malakas na sigaw nito at tumayo bago halos magkandarapang naglakad patungo sa kaniya. “Baka may pera ka diyan, akin na lang muna at natatalo na naman ako. Hayaan mo at kapag nanalo ay ibabalik ko sa—” “Hindi ho ba’t kinuha ninyo ang kinita ko kanina?” putol niya sa sasabihin pa sana ng ina. “Naubos na! Hindi pa nga nag-iinit sa kamay ko’y natalo na. Baka meron ka pa diyan,” nakangising wika nito at akmang kakapkapan ang bulsa niya pero mabilis siyang lumayo dito. Hindi siya makapaniwalang napakadali lang para dito na ubusin ang perang hindi naman ito ang nagpakahirap at mas lalong hindi siya makapaniwalang nanay niya ang babaing ito. Ang nanay na walang pakialam kung kumakain ba o ayos lang ba ang mga anak niya. Anong klase ng ina ang naaatim na makapagsugal habang ang mga anak ay halos mamatay sa gutom? Anong klaseng ina at ang mas pinahahalagahan pa ang makamundong bagay kesa sa kanilang mga anak? “Wala na ho akong pera!” malakas niyang saad. “At kailangan ko po ng pera, hindi pa kumakain sina Ashley at Ashton,” nagpipigil sa inis na dugtong niya. “Umaga pa po sila kumain.” Naglaho ang nagbabaitang mukha ng nanay niya at kaagad na nanlisik ang mga mata nito sa kaniya. “Eh di mangutang ka kay Ka Dabiana at ika mo’y bago mo bayaran,” naiiritang sabi nito. “Inay, wala na hong magpapautang sa’tin. Napakarami na nating utang.” Malapit nang maubos ang pasensiya niya pero pinilit niyang magpigil. Kahit pagbali-baligtarin niya ang mundo ay ina pa rin niya ang nasa harap. “Aba’y kasalanan ko ba? Hala! Sabihin mo doon sa kambal na bukas na kumain!” bulyaw nito sabay talikod sa kaniya. Nagtawanan ang mga kasama nitong magsusugal at napuno ang paligid nang sipulan. Nang balingan niya ang mga ito ay tila iisang taong nakangisi habang pinapanood silang mag-ina. Ang tingin niya sa mga ito’y mga ulupong habang nagsisigawan at nagtatawanan. Kinukunsinte ang sugarol niyang ina. Itinutulak ang ina niyang magpalamon sa bisyo nito. At doon na humulagpos ang pagtitimpi niya. Lumapit siya sa ina at pinigilan ito sa braso. “Inay! Hindi ho ba kayo naaawa sa mga kapatid ko? Umaga pa sila kumain at ha—“ “Lumayas kang tarantado ka!” putol ng nanay niya sa mga sasabihin sana niya. Ipiniksi nito ang braso at nagpatuloy sa pagbalik sa kinauupuan kanina at bumalik sa pagsusugal. “Hala! Pautangin ninyo nga muna ako at iyang walang silbi kong anak ay wala pala namang pera,” iritadong sabi ng nanay niya sa mga kasamahang magsusugal. “Hindi ko ba maintindihan at nagkaroon ako ng ganiyang anak.” “Sigurado ka ba? Parang ayaw naman ng anak mo?” nakakalokong ani ng isa sa magsusugal. “Oo. Hayaan mo iyang batang iyan!” padaskol na tugon ng kaniyang ina. “Inay naman! Hindi pa ba kayo nadadala! Mababaon lang kayo sa utang sa ginagawa ninyo,” pagpupumilit niya sa ina at nagtangka muling lumapit rito. “Lumayas ka, Asher dito ha at baka kaya ako’y minamalas ay dahil sa’yo.” “Inay, wala nga pong pagkain sina Ashley at Ashton,” halos magmakaawa na niyang sambit. Tumalim ang tingin sa kaniya ng ina niya lalo na’t nagsimula na itong kantsawan ng mga kalaro sa sugal. “Ano ba iyan? Malas iyang ganiyan dito,” ani ng isa. “Sinabi mo pa. Sumama ka na kaya kay Asher,” segunda naman ng isa pa. “Mabuti pa at nang mag-iba naman ang ikot.” “Magsitigil kayo!” palahaw ng kaniyang ina sa mga kalaro. “Maglalaro ako at walang makakapigil sa akin.” Nilingon siya nito. “Isa pang sabi at talagang tatamaan ka sa’kin. Lumayas ka na rito,” babala nito sa kaniya. Umiling-iling siya. Hindi siya aalis doon hangga’t hindi siya binibigyan ng ina ng pera. “Inay, kahit naman ho ka—“ “Sinabi nang lumayas ka!” bulyaw nito sa kaniya sabay bato ng isa sa mga tiles ng majong sa mukha niya. Hindi niya inaasahan ang ginawa nito at huli na bago pa siya nakailag. Sumapol ang tiles sa gilid ng mata niya at halos mapahiyaw siya sa sakit. Napaluhod siya sa lupa habang hawak ang kaliwang mata. “Hoy, Asher, ayos ka lang ba?” tanong ng isang lalaki. “Hala, may dugo,” sabat naman ng isa pang nakikiusyuso. May ilang mga taong lumapit sa kaniya para tulungan siya pero ang magaling niyang nanay ay binulyawan lang ang mga ito. “Hayaan ninyo siya at nag-iinarte lang iyan. Parang hindi lalaki, ah. Napakawala talagang kwenta,” nakaismid na parunggit nito. Naghahalo-halo ang sakit na nararamdaman niya sa mata at sa puso dala ng sobra-sobrang hinanakit sa ina. Bakit pa sila isinilang nito kung gaganituhin lang pala siya? At nasaan ang magaling nilang ama? Ano bang nagawa niya at ganito ang buhay niya? Nagpupuyos sa galit na nilisan niya ang lugar. Sa takot na rin na kung ano pang magawa niya sa ina, pinili niyang kimkimin ang bigat at sakit na nararamdaman. Mga bigat at sakit na hindi niya na mabilang kung gaano katagal niyang dinadala sa loob ng dibdib niya. Magulang niya pa rin ito sa kabila ng lahat ng ginawa nito. Habang daan, marami siyang nakasalubong na natitigilan pagkakita sa kaniya pero wala siyang pakialam. Namamanhid na ang katawan niya dahil sa paulit-ulit na ginagawa ng mga magulang niya. “Hala! Bakit may dugo siya sa mata?” “Asher! Anong nangyari sa’yo?” “Baka binugbog ng nanay niya at wala na namang sulit.” Ilan lang ito sa mga naririnig niya habang daan pero diretso lang siya sa paglalakad. Nanlalabo ang kabilang mata niya. Hindi niya tiyak kung dala ng dugong dumadaloy doon o dahil sa lakas ng tama. Hindi na rin iyon mahalaga. Ang mahalaga ngayon ay may mahanap siyang pagkain para sa kambal at hindi nila pwedeng makita siya sa ganoong estado. Mag-aalala na naman ang mga ito sa kaniya. Lumabas siya ng eskinita at tinunton ang bahay ng isa sa mga kaibigan niya. Magbabakasakaling makahingi siya ng tulong. Pagkakita pa lang nito sa kaniya ay nagmamadaling sinalubong siya nito. “Anong nangyari sa’yo, Asher?” nag-aalalang tanong ni Julio. “Wala ito,” balewalang aniya. “Nakakahiya man sa’yo ay baka may pera ka. Kinuha ni inay ang kinita ko at hindi pa kumakain sina Ashley at Ashton.” “Naku, iyon lang. Wala rin akong pera,” kakamot-kamot sa ulong anito. Tiningnan nito ang mata niya. “Hintay lang at kukuha ako ng maipupunas mo diyan sa mata mo,” paalam nito at pumasok sa maliit na bahay nito. Pagbalik nito’y inabutan siya ng basang puting tela at maliit na yelo. “Heto, punasan mo. Sino ga namang dumali niyan? Talagang sa dinami-dami ng pupuntiryahin ay iyan pang gilid ng mata mo.” Naupo siya sa mahabang bangko nito habang ipinupunas ang tela sa kumikirot na gilid ng mata. “Mukhang mabigat ang idinali diyan sa mata mo. Sino ngang may dahil diyan at reresbakan natin?” pangguguyo pa ni Julio ng hindi siya nagsasalita. Tiningnan niya ito at naiiling na tumugon, “Kung mabubogbog mo si inay ay hindi na kita pipigilan pa. Bahala ka na sa kaniya.” Napamulagat ito sa kaniya sabay bulalas, “Ang inay mo ang may gawa niyan?” “Sa kasamaang-palad,” sarkastikong sagot niya. “Langhiya! Ano bang klaseng mga magulang sila? Hindi na nga kayo mapakain o maintindi man lang ay ginaganyan pa kayo?” Hindi siya sumagot dahil hindi rin naman niya alam ang itutugon. Alam ng kaibigan niya lahat ng baho ng kanilang pamilya. “Wala akong pera, Asher. Pero may tirang bahaw sa loob, kung gusto mo’y ibabalot ko at dalahin mo na,” naaawang sambit ng kaibigan niya. Nahihiya siya dito dahil sa dami na ng utang niya dito: utang na pera at utang na loob. At sa klase ng buhay nila’y mahirap makahanap ng matino at maasahang kaibigan na katulad nito. Ibinaba niya ang telang nabahiran ng pulang mantsa at binalingan ang kaibigan. “Pasensiya ka na at tala—“ “Sus, wala iyon. ‘Di ga’y sadya namang kapag magkaibigan ay nagtutulungan.” Napakamot na lang siya sa batok habang pinapanood ang kaibigang pumasok muli sa loob. Hindi nagtagal ay lumabas itong may dalang supot. “Pagpasensiyahan mo na ito ha,” nahihiyang despensa nito. “Ito na lang talaga ang natira dito. Ibinili namin nina ina at ama ang konting kita kanina.” “Ang mahalaga lang ay makakain iyong kambal.” “Konti lang iyan, paano ka pala?” Umiling-iling siya. “Bahala na. Kung makikita ko si itay ay susubukan kong humingi kahit konting pera.” “Ang itay mo?” humina ang boses nito na para bang nag-aalala. Binalingan niya ito at sa una pa lang tingin ay nauunawaan na kaagad niya ang ibig sabihin nito. “Bakit? Nakita mo ba si itay?” May umahong pag-asa sa dibdib niya. Umaasa siyang kahit papaano ay makakahingi ng pera sa ama. Kakapalan na niya ang mukha para sa mga kapatid. “Magkaibigan tayo, Asher, at ayaw ko namang maglihim sa’yo,” nag-aalangang saad pa rin nito kasabay nang paglikot ng mga mata. “Saan mo siya nakita?” naiinip niyang urirat. May ideya na siya pero umaasa siyang sa pagkakataong ito’y maiiba ang kadalasang pangyayari na sa kanila. “Andiyan siya, eh,” nguso nito sa katapat na bahay, “kanina’y pumasok sila diyan at mukhang lasing na naman sa alak at sa alam mo na.” Ang kaninang galit na unti-unting humuhupa na ay nagsimula na namang bumangon. Tumayo siya at hinarap ang katapat na bahay. Kilala niya ang may-ari ng bahay na iyon at tiyak niyang doon na naman inubos ng itay niya ang perang kinita. Nagagawa nitong ibigay ang luho ng ibang babae pero ang pakainin ang sariling anak ay hindi magawa. Bakit ganoon ang mundo? Bakit tila hindi patas ang lahat? “Oy, Asher. Wag mo nang pun—“ “Hindi, Julio. Tapos na ang pagtitimpi ko sa kanila. Nakakapagod na.” Magkakahalo na ang sakit, lungkot, hinanakit, at galit sa loob niya. Humakbang siya patungo sa bahay at walang sabi-sabing binuksan iyon. Agad sumalubong sa kaniya ang ingay ng mga ungol ng babae at lalaki. Tiyak na nasa kalagitnaan ang mga ito ng masayang parte dahil tila hindi man lang pansin ang kalabog ng pinto nang buksan niya iyon. “Asher,” tawag sa kaniya ng kaibigan pero hindi niya pinansin iyon. Pumasok siya bahay at naglakad patungo sa silid na tanging kurtina lang ang nakatabing. Ito lang ang parte ng maliit na bahay na may ilaw at doon rin nagmumula ang mga ungol. Alam niya na ang nasa likod ng kurtinang iyon. Ilang beses na ba niyang nahuli ang ama na may kinakalantaring iba? Ilang beses na bang tila sadyang ipinapakita sa kaniya ng ama ang mga kalokohan nito? Hindi na niya halos mabilang. At sa lahat ng pagkakataong iyon, kalahati sa mga kawalanghiyaan ay sa bahay nito ginagawa. Bulag na sa emosyong hinawi niya ang kurtina. Bumulaga sa kaniya ang dalawang h***d na katawan. Nasa ilalim ang ama niya habang ang babae ay nasa ibabaw. Parang mga hayok sa laman ang mga ito. Sa kabila ng kagustuhan niyang masuka dahil sa naabutan, pinigil niya ang sarili at sa halip ay malalaki ang hakbang na lumapit siya sa mga ito. Natigilan at nanlaki ang mga mata nila parehas. Akmang babangon ang kaniyang ama pero hindi niya binigyan ito ng pagkakataon. At sa kauna-unahang pagkakataon, nakinig siya sa bulong ng ulupong sa tenga niya. Wala silang halaga! Oras na para tapusin ang wala nilang kwentang buhay… Lumaban ka para mabuhay ka… Tumayo ka at ikaw naman ang umapak sa kanila… Asher, ito ang tamang daan… Sa mga oras na ito, wala na siyang nakikita pang tama…

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
96.6K
bc

The Cold Billionaire

read
17.9M
bc

His Obsession

read
104.8K
bc

De Silva's Temptation

read
22.7M
bc

MAGDALENA (SPG)

read
31.0K
bc

ISAGAD MO, OH ISMAEL (SSPG)

read
5.8K
bc

Journey with My Daughter

read
1.2M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook