AJ POV
Nandito ako ngayon sa school dahil may pasok na naman. At dahil mamaya pa naman 'yong first subject ko, tumambay muna ako rito sa library kasama si Gabby.
Pareho kami ni Gabby na financial management course ang kinuha. Pareho rin kaming third year college at last semester na rin namin ngayong taon kaya medyo busy din dahil sa dami naming paperworks, quizzes, at isama pa research thesis.
Gusto ko sanang mag-absent ngayon dahil weekend din naman bukas. Pero baka masigawan lang ako 'don sa bahay at puro quizzes kami ngayong araw kaya hindi p'wede.
At gusto ko na sanang makalimutan lahat ng nangyari kahapon, pero may isa ka talagang kaibigan na pilit uungkatin 'yong gusto mo nang makalimutan.
"Uy Bessy, kuwento ka na kasi. Dali na,” pamimilit ni Gabby habang inaalog ako.
"Manahimik ka nga! Wala akong iku-kwento sa'yo dahil wala namang nangyari,” sabi ko.
Well, sana nga wala.
"Dali na kasi. Kuwentuhan mo 'ko tungkol ‘don sa guwapong guy na si Matt," pamimilit niya pa.
Isa't isa na lang talaga tatamaan na 'to sa'kin.
"Tantanan mo nga ako! Tsaka may quiz pa tayo mamaya, kaya magreview ka," paalala ko sa kan’ya.
Napapatingin na rin sa'min 'yong ibang mga estudyante at librarian na masama ang tingin sa'min kaya natahimik na rin si Gabby sa tabi ko.
Habang nagbabasa ako ay may naalala akong tanungin kay Gabby.
"Gabby, 'di ba pinahawak ko sa'yo 'yong phone ko 'nong isang araw nang pumunta tayong bar?" Tanong ko.
Tumango naman siya.
"Sa’n pala 'yong kasama ng phone ko na susi?" tanong ko.
"Susi?"
"Oo. Nakita mo naman kung anong itsura 'non, 'di ba? 'Yong may keychain na may dalawang flower. Kung na sa'yo, akin na wala akong susi sa bahay eh."
"Ah 'yon ba? Hindi niya ba nabigay sa'yo?" sabi niya kaya naguluhan ako.
"Niya? Sino?"
“Iyong guwapong chef na tumulong sa’yo, si Matt."
"ANO?!" sigaw ko.
Mabuti na lang na-control ko 'yong lakas ng sigaw ko kun'di, mapapaalis kami rito.
"No'ng time na bigla kang nawala sa table natin, hahanapin sana kita pero nakita kong buhat ka na ng isang guy na palabas ng restaurant," sabi niya.
"Sinundan ko kayo agad kasi medyo kinakabahan ako na baka may gawin siyang masama sa'yo. Pero hindi naman pala, tinulungan ka lang niya kasama 'nong Tita niya.
“Pinaliwanag niya sa akin 'yong nangyari sa'yo. At dahil anong oras na, pinabantayan kita sa kan’ya at binigay ko 'yong phone kasama ng susi mo sa kan’ya,” paliwanag niya.
"At bakit naman iniwan mo 'ko at sa lalaki pa talaga? Kaibigan ba talaga kita? Puwede namang ikaw ang magbantay sa'kin, ‘di ba?" taas kilay kong tanong sa kan’ya.
"Eh mukha namang mabait eh. At isa pa, guwapo siya," kinikilig niyang sabi na may kasama paghampas sa braso ko.
"Pero medyo mailap siya sa'kin. May pagkasungit pero ayos lang,” dagdag pa niya.
“Hindi siya masungit, bastos siya,” bulong ko naman sa sarili ko.
"Kung ga’non, ikaw kumuha ng susi ko sa kan’ya," utos ko sa kan’ya.
"Anong ako? Kahit naman gusto ko ulit siyang makita, hindi puwede. Pupunta ako mamaya sa probinsya namin sa Pangasinan. So, ikaw na ang kumuha sa kan’ya," nang-aasar niyang sabi.
Kung minamalas nga naman oh! Ba't kasi 'di niya isinamang ibalik 'yong susi ko.
"Hindi na. Hihingi na lang akong duplicate ‘kila Mama," sabi ko.
"Talaga ba?" sarkastikong tanong ni Gabby.
Sinamaan ko naman siya nang tingin pero tinawanan lang niya ako.
---
Pumasok na kaming pareho sa klase pero ang ending pareho kaming bagsak sa quiz.
"Ayan! Bagsak tuloy tayo! Ingay mo kasi kaya 'di tayo naka-review ng maayos," sabi ko sa kan’ya.
"Oy! Sinisi mo pa 'ko, eh ikaw kaya nagtanong kung nasaan 'yong susi mo!" sagot niya.
"Whatever."
Naghiwalay na kami ng landas dahil magkaibang room kami sa next class.
Habang nagle-lecture 'yong prof namin eh nakaramdam ako ng antok. Hindi lang ako, pero halos karamihan din ng mga kaklase ko.
Napatingin naman ako sa may bintana at napansin kong umaambon.
Naku naman! 'Di ako nagdala ng payong.
Pagkatapos ng klase ko ay umalis na agad ako habang mahina pa 'yong ulan. Pero napatigil ako nang may tumatawag sa cellphone ko.
Si Mama.
Sinagot ko naman agad at sumilong muna saglit.
"Aiden, hindi kami makakauwi ng papa mo ngayon. Kayo muna bahala sa bahay ng kapatid mo," sabi niya sa kabilang linya.
"Po? Bakit po? May nangyari ba? Eh si papa, ayos lang ba siya kasi hindi siya umuwi kahapon."
"Nasa probinsya ang papa mo. Susunod ako do'n dahil may nangyaring masama sa Lola Nena niyo at sinugod siya sa ospital."
"Ano nangyari kay Lola? Sama na rin kami, weekend din naman bukas," nag-aalalang tanong ko.
"Huwag na. Magiging maayos din ang Lola mo. At isa pa, nasa biyahe na ako. Kaya kayo muna ang bahala sa bahay. Ikaw na rin ang bahalang magsabi sa kapatid mo,” sabi niya.
At ibinaba na niya 'yong tawag.
Sana maayos lang kalagayan ni Lola Nena at maging sila Mama at Papa.
Kaya pala hindi umuwi si Papa kahapon kasi bumiyahe siya sa probinsya. Sayang gusto ko rin sanang sumama.
Umalis na 'ko sa sinisilungan ko at tumakbo papunta sa sakayan ng dyip.
Nang makauwi na 'ko ay nagulat ako nang madatnan ko si Jake sa labas ng bahay.
"Anong ginagawa mo, d'yan? Ba't ‘di ka pa pumasok sa loob?" tanong ko sa kan’ya.
"Wala akong susi. Hiniram ni Mama 'yong susi ko, ipapa-duplicate niya raw pero 'di pa niya binabalik. Buksan mo na 'yong pinto, nilalamig na 'ko rito," sabi niya na ikinagulat ko.
Bakit sa lahat ng pagkakataon eh ba't ngayon pa?!
"Nawala ko 'yong susi ko," sabi ko sa kan’ya.
Hindi siya sumagot at niyakap 'yong mga tuhod niya. Kaya nilapitan ko siya at sinipat ang noo.
"Nilalagnat ka! Alam mo namang mabilis kang magkasakit kapag mabasa ka lang ng ulan. Ba’t ka nagpaulan?" taranta kong sabi.
Hinubad ko 'yong suot kong jacket at pinasuot muna sa kan’ya.
Kinuha ko 'yong phone ko para tawagan sana si Gabby pero naalala kong pupunta pala siyang probinsya nila ngayon.
Paano na 'yan? Wala na akong kakilalang puwedeng malapitan. Ayoko rin namang istorbohin ang mga kapitbahay namin dahil ‘di naman kami close o magkakilala.
Mas lalo pa akong nataranta nang lumakas 'yong ulan.
Napapakagat na 'ko ng labi dahil wala akong maisip na gawin.
Kung ga’non, kailangan ko munang lakasan ang loob at ibaba ang pride ko. Lalo na't ayokong may masamang mangyari sa kapatid ko.
"Jake?" pagtawag ko sa kapatid ko habang tinatapik ko siya para medyo magising siya.
"Hintayin mo 'ko ah? May pupuntahan lang ako saglit. Babalik din ako kaagad," sabi ko sa kan’ya habang hawak 'yong nanginginig niyang kamay.
Aalis na sana ako pero ayaw niyang bitawan 'yong kamay ko. Nanginginig na siya nang sobra.
"A-Ate..."
"Shhh. Babalik din ako. Hintayin mo ‘ko,” sabi ko sa kan’ya.
Pagkaalis ko ay dali-dali akong pumunta ng sakayan ng dyip, pero may nahagilap akong taxi kaya 'don na lang ako sumakay.
"Manong, wala pa po ba tayo 'don?" tanong ko nang mapansin kong 'di umaandar 'yong kotse.
"Pasensya na, miss. Mukhang may nagkabanggaan po kasi kaya 'di tayo umuusad."
"Ga’non po ba?"
Napatingin ako sa oras sa phone ko at nakitang halos kalahating oras na ang nakakalipas mula nang umalis ako sa bahay.
'Jake... Hintayin mo 'ko.'
Tiningnan ko 'yong contacts ko baka sakaling may kakilala pa akong maaari kong hingan ng tulong pero may nakita akong hindi inaasahang contact number.
"Matthew?"
Sino naman kaya ang naglagay dito ng contact number niya?
Dahil desperada na rin ako ay tinawagan ko siya. Pero hanggang sa maka-lima akong tawag ay hindi niya pa rin sinasagot.
"Jerk."
Hindi na ako makapaghintay pa at bumaba na 'ko ng sasakyan pagkatapos kong magbayad.
Mas lalo pang lumakas 'yong ulan habang tumatakbo ako papunta sa destinasyon ko.
No’ng mapansin kong medyo malapit na 'ko ay mas binilisan ko pa 'yong takbo ko. Pero napatigil ako nang magring 'yong phone ko kaya sumilong muna ako saglit.
Si Matthew.
"Hello? Aiden, baby? I didn't expect you to call me first. Miss mo na ba 'ko? Sorry kung hindi ko nasagot mga tawag mo, may tra---"
"Nasa'n ka?" pagputol ko sa kan’ya.
"Miss mo na agad ako? Gusto mo aga---"
"WHERE THE HELL ARE YOU?!" sigaw ko sa kabilang linya na nakapagpatigil sa kan’ya.
"O-Okay, I'm here at work. Nasa restaurant kung saan kita nakilala."
"Hintayin mo 'ko d'yan. Papunta na ‘ko," medyo malabo 'kong sabi dahil sa naiiyak na 'ko.
Naaawa na ako sa kapatid ko, sakitin iyon at madalas siyang isinusugod sa ospital dahil sa mahina niyang pangangatawan.
"S-Sige. Umiiyak ka ba? Nasaan ka? Pupuntahan na lang ki---"
Pinatayan ko na siya nang tawag at nagpatuloy na tumakbo sa kinaroroonan niya.
Nang makarating ako roon ay pumasok agad ako ng restaurant kahit na basang-basa na 'ko kaya nagsitinginan lahat ng customer sa'kin at ilang staffs.
"Nandito ba si Matthew?" agad kong bungad sa isang waitress doon.
"P-Po? Nasa loob pa p---"
Hindi ko na siya pinatapos at nagkusa na akong pumasok sa loob pero bago pa ako tuluyang makapasok ay may nabunggo ako.
"Aiden?"
Napaangat naman ako nang tingin at nakita ang kanina ko pa hinahanap. Pero bigla na lang akong napaiyak.
"Anong problema? Ayos ka lang ba?" Nilapitan niya ako at inalo.
"Ibalik mo sa'kin 'yong susi ko."
"Susi?"
"Kailangan ko 'yong susi ko," pakiusap ko sa kan’ya at mas napapaiyak pa 'ko.
"Umiiyak ka dahil lang sa isang susi? Ano b---"
"Hindi lang basta susi 'yon! Kung sana binalik mo 'yon, hindi sana mahihirapan 'yong kapatid ko! Hindi mo alam kung gaano na nahihirapan ang kapatid ko ngayon! Kung may mangyaring masama sa kan’ya..." sigaw ko sa kan’ya na nakapagpatahimik sa kan’ya.
OA ko man tingnan pero desperada na ako. Ayoko lang malagay ulit sa alanganin ang kapatid ko.
"Then... wait for me here." Sabi niya at umalis.
Napansin kong nakatingin 'yong mga tao sa'kin pati na rin 'yong mga nasa may kitchen.
Dumating naman siya at may isinuot siya sa'king jacket.
"You’re drenched," sabi niya pagkatapos ay pinunasan niya 'yong mukha ko.
"Mas mahirap siguro kung pati ikaw malagay sa panganib. Kailangan ka ng kapatid mo, 'di ba?” dagdag niya pa.
Kinuha niya 'yong kamay ko at ibinigay 'yong susi sa'kin. At nagulat ako nang bigla niya akong hinila palabas.
"Hoy! Bitawan mo 'ko, ano ba! Kailangan ko nang umuwi!" sigaw ko sa kan’ya habang hinihila 'yong kamay ko mula sa kan'ya.
Pumara siya ng taxi at pinagbuksan niya 'ko at tumingin ako sa kan’ya nang nagtataka.
"Pasok na. Ihahatid na kita,” sabi niya.
"Hindi mo na kaila---"
Itinulak niya ako papasok ng taxi at sumunod naman siya. Magrereklamo pa sana ako pero wala akong lakas gawin 'yon.
"Sa panahon ng wala ka nang malapitan, puwede naman sigurong lunukin mo muna 'yong pride mo para sa ikabubuti ng iba," sabi niya na nakapagpatahimik sa'kin.