Kabanata I
Sa hindi mabilang na sasakyang dumaraan sa abalang kalsada ng Metro Manila, nangingibabaw ang ingay ng makina ng nagmamadaling kulay berdeng Lamborghini Aventador SV. Lulan nito ang pinakakilala at tinitiliang binata na nagngangalang Wolf Prosper. May taas siyang anim na talampakan at edad na tatlumpu't isang taong gulang. Kayumanggi ang kaniyang mga mata, may makapal na kilay, matangos na ilong at parisukat na hugis ng mukha. Maskulado, matalino, mayaman subalit galit sa mga kababaihan. Matapos niyang mabigo noon sa pag-ibig ay sumumpa siya sa sariling hindi na siya muling magmamahal.
Pag-aari niya ang pinakamalaking mobile company sa Pilipinas, mayroon din siyang rancho, pabrika ng sardinas at corned beef, fast food restaurant at isang five star hotel. Mag-isa siyang namumuhay. Hindi malabong mayroon siyang mga kamag-anak pero hindi niya alam kung saan ba sila hahanapin.
Ilang minuto pa ang lumipas at nagawa na niyang marating ang lugar kung saan siya madalas nagpapalipas ng oras: sa isang Casino. Iginarahe niya ang kaniyang sasakyan sa isang parking garage, kasama ang iba pang magagarang mga sasakyan. Nang makababa na siya'y inagaw naman ng isang limited edition na Lamborghini Veneno ang kaniyang atensyon. Nilapitan niya ito, pinasadahan ng kaniyang kamay ang bawat kanto ng sasakyang matagal na niyang gustong sakyan.
"Isasama kita pauwi kaya maghintay ka muna dito... pangako 'yan."
Isang malakas na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago siya maglakad patungo sa gambling hall. Malakas na palakpakan ang sa kan'ya'y sumalubong nang makita siya ng mga taong naroroon. Tanyag siya sa lugar, dito kasi niya nakuha ang kaniyang kapital para sa kaniyang fast food restaurant.
"Maligayang pagdating, Wolf," wika ng isang kumakaway na babae.
Nagpatuloy sa paglalakad si Wolf. Huminto lang siya nang marating ang pusod ng gambling hall at pinagmasdan ang bawat mukha ng mga taong naroroon.
Kan'ya-kan'yang pa-cute ang lahat ng mga kababaihang na halatang nanghihingi ng kaunting atensyon. Kahit nga mga matrona ay hindi maiwasang mapakagat labi habang nakatingin sa kan'ya. Malas na nga lang nila dahil wala siyang pakialam sa kahit na sino pang naroroon. Pumunta siya sa Casino para magpalipas ng oras at hindi para maghanap ng asawa.
"Salamat sa mainit na pagsalubong," aniya na nagpahinto ng palakpakan. "Meron bang gustong subukan ang kaniyang swerte ngayong gabi?"
Pansamantalang nanahimik ang lahat.
"Sa pagkakaalala ko walang kahit na isang taong naririto ang nagawa kang talunin sa isang card game," wika ng isang babae.
Isang malakas na halakhak mula isang lalaki ang nangibabaw at nagpatahimik sa lahat. Sa mesa na kaniyang kinaroroonan ay nakangiti niyang kinakabig ang lahat ng chips na naroroon, sinundan ito ng pagtayo ng kaniyang mga kalaban.
"Mukhang maswerte ako ngayong araw... pang sampu na sila sa mga natalo ko pero hindi pa din ako kuntento," wika ng nasabing binata na tila mayroong pinariringgan.
Siya si Jonathan Mercedes, dalawampu't siyam na taong gulang. May taas siyang limang talampakan at walong pulgada, kilalang babaero at ang pinakahambog na binata sa buong bayan. Mas matipuno ang katawan sa kaniya ni Wolf, pero hindi maikakailang may angkin din itong kakikisigan.
Sa gawi niyang likuran ay naroroon ang dalawa niyang kaibigan na napanood ang katatapos na laro. Sila sina Dexter at Jefferson na pareho ding bachelor. Kasing-tangkad nila si Wolf; may katabaan si Dexter na paboritong kumain ng potato chips, mas mataba naman si Jefferson na paboritong kumain ng tsokolate at matatamis na pagkain.
"Palagay ko maganda ang magiging laban ninyo nang mayabang na as—"
"Ssshhhh! Tahimik Dexter," aniya sa kalmadong pananalita. "Hindi tama ang gan'yang paghamon. Manood ka."
Tumayo si Jonathan. Nagbigay naman ng daan ang mga taong nakaharang sa kaniyang daraanan. Tumayo siya sa harapan ni Wolf at sinipat ang kaniyang karibal mula ulo hanggang paa. Nakasuot din ito ng itim na suit. Walang kahit na isang alahas na makikita sa kaniyang katawan. Kabaliktaran niya na tadtad ng gintong singsing ang bawat daliri ng kamay, may mamahaling relo at gintong kwintas.
"Ako ba ang tinutukoy ng malusog mong pet?" tanong ni Wolf.
Marami ang natawa sa mga sinabi ni Wolf. Nagdulot naman ito ng kahihiyan at labis na pagkainis para kina Dexter at Jefferson. Totoong malusog sila, pero hindi sila mga pet ni Jonathan.
Lumingon si Jonathan sa dalawa niyang kaibigan. Sabay silang napatayo nang marinig ang mga sinabi ni Wolf. Sinenyasan naman sila kaagad ni Jonathan na kumalma para makaiwas sa gulo. Naunawaan naman ito ng dalawa kaya muli silang naupo.
"Pasalamat kang asong gala ka!" bulong ni Dexter.
"Pagpasensyahan mo na ang mga kaibigan ko, Wolf. Maglaro tayo ng poker."
Tumango si Wolf. "Mukhang nakahanap na ako ng mapapaiyak."
"Wow! Game na!" sigaw ng madla.
Napuno ng ingay ang loob ng gambling hall na kaagad din namang nilamon ng katahimikan matapos itaas ni Wolf ang kaniyang kamay at isinara ang kaniyang palad. "Maglalaro ako, pero... kung papayag kang magiging unggoy ang matatalo habang lumalabas ng Casino."
"Ayos din!" sigaw ng isa.
Napatawa ang marami at halatang mga nasasabik sa paparating na laban ng dalawa sa pinakamahuhusay sa card game.
"Tinitiyak kong hindi ako ang magiging unggoy... asong gala," tugon ni Jonathan. "Sumunod ka... tsu tsu!"
Napipikon man ay hindi niya pinatulan si Jonathan. Ayaw niyang masira ang magiging diskarte niya sa kanilang laro, na sinimulan ni Jonathan sa pang-aasar.
Bumalik si Jonathan sa mesa kung saan siya naglaro kanina, sinundan naman siya ni Wolf at naupo sa harapan nito. Pinaligiran sila ng mga taong naroroon para panoorin ang magiging laban ng dalawa sa pinakakilalang card players.
"Two point five million dollars para sa small blind at five million naman para sa big blind," mapanghamong saad ni Jonathan. "Siguro naman may ganoon ka kalaking pera, tama ba?"
"Walang problema. Mas makakabuting gumamit tayo ng tseke dahil siguradong mapupuno ng chips ang table."
"Game!"
"Walang iyakan huh!" ani Wolf na may mapang-asar na ngiti.
"Sabihin mo yan mamaya sa sarili mo," sagot ni Jonathan. "Whoof! Whoof!"
Nagsimula ang laro. Si Jonathan ang small blind, si Wolf naman ang big blind. Tumanggap sila tig-dalawang baraha at marahan itong sinilip. Jack of Spades at Nine of Diamonds ang hawak ni Jonathan. Hindi man kagandahan ay pinili pa din niya itong ilaban.
"Five million."
"Call!" mabilis na tugon ni Wolf.
Naglagay ng tatlong face up cards ang dealer sa gitna ng mesa: isang Ten of Cloves, Jack of Hearts at Nine of Cloves.
"Ten million dollars," wika ni Jonathan na may hawak na two pairs. Kalmado ang kaniyang itsura para hindi mahalata ni Wolf na maganda ang kaniyang baraha.
Ngumiti si Wolf, "Call!"
Isang Jack of Hearts ang ikaapat na barahang nagpakita sa mesa. Labis itong nagpahalakhak sa isipan ni Jonathan, ngayon na meron na siyang full house.
"Twelve million," mapanghamon nitong sambit.
"Call!" mabilis na tugon Wolf.
Pansamantalang nag-isip si Jonathan nang makita ang huling baraha na isang Six of Cloves. Maaaring flushes ang baraha ni Wolf, maaari din naman straight flush na siguradong tatalo sa kan'ya.
"Ang aga mo naman atang matahimik," pang-aasar ni Wolf. "Umurong na ba ang dila mo? Pwede kong hilahin gamit ang pliers."
Nanatiling tahimik si Jonathan habang nakatingin sa limang barahang nasa gitna ng mesa. Ilang sandali pa nga ang lumipas at gumawa na siya ng isang desisyon.
"Check!" aniya bago umiling.
Nakarinig si Jonathan ng mga mumunting tawa mula kay Wolf, matapos niyang mag-check. Para sa kan'ya ay isa lamang itong maingat na galaw. Alam din niyang inaasar lang siya ng kaniyang kalaban kaya ito tumawa.
"Twenty million," ani Wolf.
Malaki-laking pera na ang nabitawan ni Jonathan. Maganda man ang hawak niyang baraha ay aminado siyang nakakaramdam siya ng matinding kaba. Huminga siya nang malalim bago gumawa ng desisyon. "Ok! Call!"
Nagpalakpakan ang mga nanonood matapos niyang magsalita. Kasunod noon ang paglabas niya ng dalawa niyang baraha na isang Jack of Spades at Nine of Diamonds; isang fullhouse para kay Jonathan.
Natawa si Wolf nang makita ang baraha ni Jonathan. Binuklat niya ang hawak niyang mga baraha na isang Eight of Cloves at Seven of Cloves. Isang straight flush para sa kan'ya na tumalo sa full house ni Jonathan.
"Mukhang maganda ang gabing ito para sa akin," wika ng nakangiting si Wolf. "Halos fifty million para sa sandali kong pananatili dito."
Tumango lang si Jonathan habang masamang tinititigan si Wolf. "Wag ka munang magpakasaya. Sadyang mahilig magpatalo sa una ang mga bida."
"Wag mo ding kalilimutan na may mga bidang kapag nakakauna na ay hindi na pinapaporma ang kalaban. Ganoong klaseng tao ang kaharap mo ngayon."
"Tingnan natin sa susunod na round," gigil na tugon ni Jonathan.
Muling tumanggap ng tig-dalawang baraha sina Wolf at Jonathan. Isang Ace of Diamond at Ace of Spades ang natanggap ni Jonathan. Malaki na agad ang kalamangan niya kay Wolf sa simula pa lang.
"May problema ka ba?" tanong ni Jonathan nang mapunang walang kibo si Wolf.
"Wala naman."
"Sumusuko ka na ba?"
"Hindi pa. Gusto ko lang kasing malaman kung may dala ka pang pera."
Napangiti si Jonathan habang matalim na tinititigan ang taong nang-mamaliit sa kan'ya. "Huwag mo nga akong asarin, asong gala."
Dalawang cheque book ang inihagis ni Wolf sa gitna ng mesa na ikinabigla ni Jonathan. "One hundred million dollars."
"Hindi ko napansing sinilip mo na ang baraha mo. Patunay lang 'yan na sugarol ka talaga."
Dalawang cheque book din ang inihagis ni Jonathan sa gitna ng mesa. Hinubad din niya ang lahay ng kaniyang alahas kasama ang isang susi na kinuha nito mula sa bulsa ng kaniyang suit. "All in!"
Napangiti si Wolf nang makita ang susi na inihagis ni Jonathan. Alam niyang iyon ang susi ng Lamborghini Veneno na nakita niya sa parking garage. Iyon ang susi na matagal niyang gustong hawakan. "Kanina ko pa 'yang hinihintay... call!"
Umiling si Jonathan. "Naghintay ka lang sa wala."