Chapter 4
*Saycie*
Habang nasa biyahe kami ay tahimik si Kara. Himala, hindi yata maingay ang baklang ‘to. Kinalabit ko siya. Hindi gumalaw. Inulit ko, hindi pa rin. Hinawakan ko ang braso niya para hilain paharap sa’kin nang biglang...
“Bulaga!” Sigaw niya at napahawak ako sa dibdib dahil sa gulat.
Kahit ang driver at si Mommy ay nagulat din. Lalo na ako, napatalon yata ako sa kinauupuan ko. Tumawa siya ng malakas nang makita ang mga reaksyon namin. Sumimangot ako sa kaniya at matalim siyang tinitigan. Kung may isa sa’min ang may sakit sa puso dito, malamang may inatake na.
“Sorry tita.” Sabi niya kay Mom saka nag-peace sign.
Pinalo ko ang kanang braso niya.
“Gaga! Muntik na ako ma-cardiac dahil sa’yo.” Wika ko at mas lalong lumakas ang tawa niya na umaalingawngaw sa loob ng sasakyan.
Napailing na lang si Mom pati na ang driver sa’min. Ang lakas din mang-trip nitong si Kara eh. Palaging may pasabog.
Pagkarating namin sa grocery ay agad kaming naghanap ng mga ingredients para sa lulutuin mamaya. Mabuti na lang at hindi masiyadong marami ang tao. ‘Yong mga lalaking staff ay namimilipit pa ang leeg kakalingon sa’kin. Siguro ang karamihan sa kanila ay nakikilala ako at ang iba naman ay kakaiba ang titig na ginagawad sa akin. Well, sanay na ‘ko sa mga ganitong tagpo. Kaya nga dagsa ang manliligaw ko na kahit isa sa kanila ay walang pinalad na sagutin ko. Feeling ko kasi, sakit lang sila sa ulo at dagdag sa stress ko in life. At hindi ko naman minamadali ang sarili ko para sa love-love na ‘yan. Merong tamang time para sa’kin at meron tamang tao para sa akin.
Si Kara ang nagtutulak ng cart namin. Seryoso siya habang nagtutulak, hindi ko na lang pinansin dahil kapwa kami tumitingin ni Mommy ng mga bibilhin. Nasa helera na kami ng mga gulay nang biglang umutot si Kara. Mabilis ko siyang binalingan. Hanggang dito ba naman, Kara?! Kaya pala tahimik ang baklang ‘to.
“OMG! Bakla, pang isang taon na yata ‘yan? Kailan mo ilalabas? Ang baho. P*nyeta!” wika ko habang napatakip sa ilong.
Pati si Mom ay napatakip din ng ilong. Ang lakas pa naman ng utot niya kaya napalingon ang ibang mga nag-go-grocery. Sana lang hindi nila maamoy.
Tinignan ni Kara ng matalim ‘yong mga namimili. Napatingin kasi sila sa kaniya nang umutot siya. Baka naamoy nila at hindi rin malabong narinig nila ‘yon. Pati yata sahig dito sa grocery store ay nayanig sa lakas ng vibrate ng utot ni Kara. Nameywang siya at nagtaas ng kilay. Naku po, ito na at nagsisimula na naman siya.
“Wow! Kung makatingin akala mo naman hindi sila umuutot,” wika ni Kara sabay irap sa mga mamimili.
Imbes na awatin ay tumawa pa ako dahil sa inasal niya. Para siyang nahuling kriminal at hindi umaamin sa kasalanan. Samahan mo pa ng maarte niyang pananalita na malayong-malayo sa malaking katawan niya. Nasanay na siguro akong gan’yan siya. Pilosopong bakla.
“Lalo ka na ‘te! Tumingin ka pa at sa mukha mo sasabog ‘to,” wika ni Kara sabay angat ng maliit na bag niya.
Ano’ng kinalaman ng bag niya? At ginawa niya pang panakot sa isang babae.
Nakita kong nag-panic ‘yong babae at tumakbo. Napahawak si Kara sa tiyan niya dahil sa nakakatawang reaksyon ng babae. Hindi ko alam kung bakit iyon ang sinabi ni Kara pero pati si Mom ay natawa na rin. Paulit-ulit na lang akong napailing dahil sa kalokohan ni Kara. Sana lang ay huwag seryosohin no’ng babae.
Nasa helera na kami ng karne nang may lumapit sa aming dalawang guard. Kinabahan ako bigla. Mukha kasi silang seryoso habang nakatunghay sa amin.
“Paumanhin po. Pwede po ba namin kayong maimbitahan sa opisina?” wika no’ng isang guard.
Ang isa naman ay pasulyap-sulyap sa dibdib ko kaya pumunta ako sa likod ni Kara. Ang lakas makabastos ng mga titig niya.
“At bakit?!” pagtataray ni Kara at humalukipkip.
Mabilis ko siyang siniko dahil sa inasta niya. Pero hindi siya nagpatinag at mas nakipagtitigan pa sa dalawang guard na kulang na lang ay sabunutan niya.
“Ano bang problema?” banayad na tanong ni Mom sa dalawang guard.
“Sa opisina na lang po kayo magpaliwanag,” wika no’ng isang guard at inakay si Kara na agad namang pumalag.
“Ano’ng ginawa ko?!” naiinis niyang wika. Bahagya pang tumaas ang boses niya kaya ang ibang namimili ay napatingin sa kinaroroonan namin.
Bigla akong nahiya. Kung hindi maaawat itong si Kara ay magkaka-iskandalo dito. At mas malaking problema ‘yon kapag nagkataon.
“Sumama na lang tayo Kara para malaman natin,” mahinang bulong ko sa kaniya. Wala siyang nagawa at sumama kaming tatlo doon sa dalawang guard.
Pinapasok kami sa isang kwarto. Nakita namin ang babae kanina. Bigla siyang natakot kay Kara. Umayos siya ng pagkakaupo nang pagtaasan siya ng kilay ni Kara. Kahit na mukhang lalaki itong si Kara ay nilalabas talaga niya ang pagiging asal bakla niya. Kaya napaghahalataan talagang bakla. Mataray pa sa babae. Mas masungit pa sa suplada.
“Ano po bang problema?” mahinahong tanong ni Mom.
Kahit na mahahalata sa mukha niya na kinakabahan din siya at walang idea sa nangyayari. Agad kaming napabaling sa isang guard nang magsimula siyang magsalita.
“May nakapagsabi po kasi sa amin na may isa sa inyo ang may dala ng bomba,” panimula no’ng isang guard.
Humagalpak sa tawa si Kara dahil doon. Naaalala ko ‘yong sinabi niya kanina sa babae. Tinaas niya ang maliit niyang bag at dahil doon tumakbo siya palayo. Hay naku, Kara.
“Sino’ng nagsabi? Siya?” natatawang saad ni Kara sabay turo sa babae.
Hindi makaimik ‘yong babae nang lingunin namin siya. Bakit naman niya isusumbong ‘yon? Binibiro lang siya ni Kara. Masiyado naman niyang sineryoso. Kung sabagay, seryoso kasi ang mukha ni Kara kanina kaya malamang akala niya totoo. Gano’n lang talaga magbiro si Kara. Napailing na lang ako sa inisip.
“Ito ba ang bomba ate?” wika ni Kara sabay abot ng maliit na bag niya.
“Kahit kalkalin niyo pa po. Walang bomba diyan. Diyos ko! Sa ganda kong ito mukha ba akong suicide bomber? Mukha ba akong terorista para magdala ng bomba? Kaloka!” maarteng turan ni Kara. Napailing na lang ako.
Nagkatinginan ang dalawang guard. Nilingon din nila ‘yong babae na parang kinakabahan na din.
Dahil sa bunganga ni Kara may nag-panic tuloy. Ni-check ng mga guard lahat ng mga bag namin at wala silang nakitang bomba. Bakit naman kami magdadala no’n? Namimili lang kami para sa bulalo at lumpiang toge. At hindi magpapasabog ng grocery store. Natawa na lang ako sa isip.
Ang laking perwisyo ng utot ni Kara. Grabe, nadala pa kami dito sa opisina at napagkamalang may bomba. Eh, sumabog na nga ‘yon kanina. Nakakatawa talagang isipin ang mga nangyari.
“Sa susunod ‘te, alamin mo muna kung ano ang totoo. Kahit joke ginagawa mong totoo. Na-fake news ka tuloy,” wika ni Kara at padabog na lumabas sa kwartong ‘yon.
Hindi na inantay ang sasabihin ng dalawang guard na walang napala sa pag-check sa bag ni Kara. Well, wala naman talaga. Humawak nga ng baril, wala sa’min ang may alam. Bomba pa kaya?
Humingi ng paumanhin ‘yong dalawang guard sa amin at ‘yong babae naman... hindi na nakapagsalita. Napahiya yata. Nakayuko na lang siya sa gilid at hindi makatingin sa amin.
Pagkatapos naming mag-grocery, agad din kaming umuwi dahil masama ang panahon. Mukhang uulan at tumagal kami sa grocery dahil sa pasabog ni Kara.
Pagkarating namin sa bahay, nagpaalam saglit si Mom para makapaghanda ng mga lulutuin para sa tanghalian mamaya. Siguradong busog na naman ‘tong si Kara at ako naman, masisira na naman ang diet ko.
Nanunuod lang kami ng tv ni Kara nang bigla siyang umutot. Agad kong tinakpan ang ilong ko. Grabe parang bugok na itlog. ‘Yan na naman siya! Hay, bwesit!
“Bakla ka! Itlog mo nabugok. Ang baho!” singhal ko sa kaniya.
“Magbanyo ka na kaya!” dagdag ko pa at mabilis siyang tumayo patungong banyo. Napailing na lang ako. Hindi na niya siguro kayang pigilan. Kain kasi nang kain.
Ilang minuto lang ang lumipas at lumabas siya at bumalik sa kinauupuan kanina. Napangisi na lang ako.
“Success,” wika niya sabay hawak sa tiyan niya.
“Lamon ka nang lamon. Hindi ka naman nagbabawas,” wika ko at umasim ang mukha niya. Humalukipkip pa at nagsisimula na namang magtaray at mang-asar. Here we go again.
“At least lumalamon. Ikaw kasi, para kang hindi tao. Minsan ayaw kumain at madalas naman ay tipid lang ang kinakain. Minsan na nga lang kumain puro dahon-dahon pa,” wika niya.
“Kung hindi lang kita kaibigan malamang iisipin ko na talagang kambing ka. Goat on a diet,” wika niya at hinaluan pa ng nakakabwesit na tawa.
Katawan ko na naman ang binara nitong baklang ‘to. “At least sexy!” tila pagmamalaki ko sabay pose sa harap niya.
Umakto naman siyang parang nasusuka. Humahawak pa siya sa lalamunan niya na parang hindi kakayanin ang pag-pose ko sa harapan niya.
“Girl! Nakakasuka!” wika niya kaya hinampas ko siya ng unan.
“Aminin mo na kasing naiinggit ka sa katawan ko,” tudyo ko sa kaniya. Ako naman ang hinampas niya ng unan.
“Yuck! Never!” kunwaring nandidiri pa siya kaya mas malakas ko siyang hinampas ng unan.
Kasalukuyan kaming naghahampasan ng unan nang tawagin kami ni Mom para kumain na. Kaloka itong si Kara at nauna pa sa kusina. Baboy talaga ‘yon. Ang tamad-tamad pa mag-exercise. Puro macho lang naman ang habol kaya masipag sumama sa’kin sa gym.
Habang kumakain ay pinag-uusapan namin ‘yong nangyari kanina sa grocery. Kasabay namin ang ilan naming kasambahay.
“Utot ko lang naman ang tinutukoy ko tita kanina. Trip ko lang itaas ang bag ko kanina para tignan ang reaksyon niya. Hindi ko inaasahang pagkakamalan niya akong terorista!” wika ni Kara at natawa kami ni Mom.
Mahina ring natawa ang mga maid namin. Muntik ko pang mabuga ang hinihigop kong sabaw ng bulalo nang maalala ang mga nangyari kanina.
Grabe talaga ‘yong nangyari kanina dahil lang sa mabahong utot ni Kara, pinatawag kami sa opisina para tignan kung may bomba. Mga mukha ba kaming terorista?
“Tsismosa siguro si Ate,” dagdag niya pa at mabilis na sumubo ng lumpiang toge.
“Next time Kara, ‘wag kang magbibiro sa ibang tao. Kagaya kanina, sineryoso no’ng babae,” wika ni Mom at napatango ako.
Tama si Mom. Hindi sa lahat ng oras ay magandang magbiro. Lalo na kung seryoso mag-isip ‘yong tao. Bunganga kasi ng baklang ‘to mahirap ipreno. Kung sa amin ay okay lang dahil immune na kami pero ‘yong babae kanina, hindi.
“Yes tita,” pagsang-ayon naman ni Kara.
Natapos ang tanghalian at busog na busog na naman ako. Nasa garden kami ni Kara at nagpapahinga dahil katatapos lang naming kumain. Pero itong si Kara ay hindi pa yata tapos. May hawak na naman siyang dessert.
“Baboy na bakla,” pang-aasar ko. Umirap lang siya sa’kin.
Bigla siyang napaigtad nang mag-ring ang phone niya. “Bakla, tumatawag si Sir Rick,” wika niya at mabilis na sinagot ang tawag.
Si Sir Rick ang manager ko. Siya ang sasama sa’min sa Pangasinan next week. Pinaalala lang ni Sir Rick kay Kara ang shooting next week. Two weeks daw kami doon. Pero baka magtagal kami nila Mom at Dad dahil magbabakasyon sila doon. Tutal, ayos lang naman ‘yon dahil pagkatapos ng shoot ay wala pa akong schedule. Mas makakasama ko sila Mom at Dad.
Excited na ako for next week. Kaya inaya ko si Kara para kunin ang ibang gamit ko sa bahay ko para makapag-ayos ng mga dadalhin. Nainis pa ako nang ayaw niyang bitawan ang kinakain.
“Ginugutom ba kita sa bahay?” taas kilay kong tanong sa kaniya. Akala mo gutom na gutom palagi.
Inaantay ko siya ngayon dito sa kotse dahil hindi pa rin siya tapos kumain. “Oo! Wala kang bigas sa bahay mo. Walang karne ng baboy, manok at baka. Puro green foods ang nandoon kaya nagmumukha ka ng kambing,” wika naman niya. Inirapan ko siya.
“Bilisan mo na kaya,” wika ko. Ayoko na siyang patulan dahil hindi nagpapatalo ang baklang ‘to.
Tinapos niya ang pagkain at mabilis na sumakay sa kotse. Ako na ang nag-drive. Pagkarating sa bahay ko, kinuha namin ang mga damit na magagamit ko sa shooting. At sempre mga make-up ko. Dalawang maleta agad ang nakuha naming damit ko bago bumalik sa bahay.
Kailangan ko pa lang pumunta sa grocery para kumuha ng mga babaunin ko. Gaya ng shampoo, sabon, mga sunblock at iba pang mga pang-hygiene ko. Importante sempre ang para sa balat ko. Lalo na at shooting namin ‘yon. Puhunan ko ‘to kaya dapat palaging maganda ang katawan at mukha ko.