NAGISING si Ella na lampas alas-sʼyete na nang umaga. Sa aga ba naman niyang matulog ay hindi niya lubos akalain na tatanghaliin siya nang bangon.
“Bakit inaantok pa ʼko? Eh, samantalang maaga naman ako natulog kagabi.”
Naririnig niya ang ilang kabataan na naghihiyawan sa labas ng kaniyang bahay. Habang ang bawat lapat ng bola sa lupa ay tila mas lalong nagpapagising sa kaniyang diwa.
“Hindi ba sila naiingayan sa kanilang mga ginagawa?” inis na wika ni Ella. Dala ang basong tubig na gagamitin niyang pangmumog sa kaniyang bibig.
“Ella! Ella!” paulit-ulit na tawag ng isang lalaki.
Napahinto sa ginagawa ang dalaga. Sabay pagdungaw nito sa bintana ng kusina.
“Bakit?! Anong problema mo?” mataray na inis ni Ella sa mga kabataang tila walang naririnig sa kaniyang mga sinabi.
“Sabi ni Aling Belen. Ikaw raw ang magiging muse namin sa liga ngayon.”
“A-ako . . . T-talaga lang, ha?”
“Hindi ba sinabi sa ʼyo ni Aling Belen?”
“Pasensʼya na, pero hindi ako interesado sa liga na sinasabi nʼyo. Marami pa akong gagawin. At ayokong masayang lang ang oras ko.”
“Sige na, Miss Ella. Minsan lang naman ito. Isa pa wala talaga kaming muse para sa aming laro. Saka malay mo. Manalo tayo sa competition at kagandahan ng muse. Malaki rin ang makukuha kapag nagkataon.”
Nakapamay-awang lumabas ng bahay si Ella. At matapang nitong hinarap ang mga kabataan.
“Totoo ba iyang sinasabi mo? Baka naman niloloko nʼyo lang ako.”
“Eh, ikaw pa lolokohin namin sa ganda mong iyan.”
“Wala akong tiwala sa mga itsura niyo. Lalong-lalo na sa mga kalalakihan,” pagbibiro nitong wika. Habang may ngiti sa kaniyang mga labi.
“Don't worry, miss. Hindi kami magiging bitter na tulad mo,” pagbibiro naman ng isang lalaki. Hawak nito ang bolang kanina pa tumatalbog sa kaniyang harapan.
“At ikaw! Itigil mo nga ang pagbobola mo. Masakit na ang tainga ko. Dadagdag pa kayo!”
“Ang taray mo naman. Hindi ka naman kagandahan.”
“Wow! Ha? Kanina lang ang babait nʼyo. Ngayon naman nang-bu-bully na.”
“Sige na, ate Ella. Ikaw lang naman ang alam namin na makakasama ngayong araw.”
“Oh, sige na. Ano baʼng isusuot ko?”
Mabilis na itinaas ng binata ang damit na ternong isusuot ni Ella. Maiksi ito na halos kita na ang gandang hugis ng hita ng dalaga.
“Ano?! Napakaiksi naman niyan!” pag-irap ni Ella sa mga kabataan.
“Ito lang kasi ang available, na ternong damit ang maaari mong isuot. Hindi na kasi kami nakapamili pa at halos ubos na ang oras namin.”
“Okay, basta ang usupan ay magkakapera ako rʼyan.”
“Oo, ate Ella. Walang problema roon. Basta ba galingan mo sa question and answer. Kasi bago mag-umpisa ang laro. May contest, munang sasalihan ang mga muse ng bawat lalaban.”
“Ibig mong sabihin. May judges din nababatay kung sino ang mananalo.”
“Ganoʼn na nga, ate Ella.”
Walang sabi-sabi ay kinuha niya ang ternong damit na kaniyang isusuot. Saka niya pinaalis ang mga kabataan sa labas ng kaniyang inuupahan. Hindi kasi siya komportable kapag maraming kalalakihan. Nakita niya ang pag-upo ng mga ito sa ilalim ng punong mangga. Doon kasi ay maginhawang nakapaghihintay. Lalo na't natatakpan ang matinding init nang araw.
“Liligo lang ako nang mabilis. At mag-aayos na rin. Baka sabihin nʼyo hindi ko man lang naayos ang sarili ko.”
Ilang minuto lang ang lumipas ay tila gano'n na lamang kabilis nakapag-ayos si Ella. Pagdating nila sa basketball court ay tanging hiyaw ng mga tao ang kaniyang naririnig.
“Ate Ella. Sa unahan lang po kayo at huwag aalis hanggang walang sinasabi sila,” magalang na wika ng isang binata sa kaniya.
Sinang-ayunan naman ito ng dalaga. Habang pinanonood ang ilang muse, na rumarampa sa gitna.
“Ano baʼng alam ko sa pagkembot na ʼyan?” pagmamaktol ng dalaga na tila hindi niya alam ang gagawin.
Inalalayan naman siya ng kaniyang mga kasama. At itinuro ang kaniyang dapat gawin. Hinintay lang niya ang pagtawag ng kaniyang pangalan.
“Blue eagles . . . Are you ready?!” malakas na sigaw nang may hawak ng mikropono. Kasabay nang pag-rampa ni Ella sa gitna nito.
Hiyawan at sigawan ang kaniyang naririnig. Iyong iba ay may kanʼya-kaniyang, bet. Kung sino ang mananalo. Napabaling ang tingin ni Ella sa bandang kanan niya. May halong pagtataka sa sarili. Hindi nga siya nagkakamali mga judges ito na talagang sʼwerte mo kapag ikaw ang napili nila. Nakita niya ang pamilyar na mukha na nagpakunot ng kaniyang noo.
“Parang kilala ko sʼya, ah,” wika ni Ella. Nang mas titigan niya ito nang malapitan.
“Oo nga, hindi ako nagkakamali. Siya iyong lalaking na sa hinagap-hagap ay ayaw kong makita. P-pero bakit narito sʼya? Ibig sabihin hurado rin s'ya,” wika ni Ella na parang hindi pa niya gamay ang bawat step ng mga sumasayaw na kasama nʼya.
“Miss Ella! Galingan mo para manalo tayo!” sigaw ng binata.
Wala siyang pakialam sa hiyawan ng iba. Ang hindi niya maintindihan ay bakit palagi na lang niya nakikita ang lalaki.
“Taga-rito ba sʼya? P-pero sa itsura nʼya. Hindi ito basta-basta lang. Eh, ano naman kaya ang ginagawa nʼya rito? Bakit sa dinami-dami ay siya pa ang napiling maging hurado?” wikang tanong ni Ella sa kaniyang sarili.
Ngunit napatigil ang lahat ng isang babae ang nagsalita sa unahan. Kasabay nang pagtahimik ng mga taong kanina ay nagsisigawan.
“Bago ang lahat, ay gusto ko sanang ipakilala sa inyo. Ang taong nagbigay suporta sa larong ito. Siya ang umaagapay at tumutulong sa mga kabataan na nangailangan dito sa ating barangay at sa iba pang lugar. Kaya naman salubungin po natin siya ng masigabong palakpakan. Walang iba kundi si Mr. Lance Sebastian.”
Sunod-sunod na palakpakan ang iginawad ng mga tao. Subalit para kay Ella ay taliwas ito dahil tila ba ay hindi siya masaya na makita ang lalaking kaniyang kinaiinisan.
“ Naku! Pakitang tao lang ʼyan. Akala nʼyo mabait pero balatkayo iyan.” Sabay pag-irap ni Ella sa lalaki. Habang papalapit ito sa babaeng nagsalita sa unahan.
Tila ba isang hangin ang bawat bigkas ng mga tao na kaniyang naririnig. Ang iba ay kinikilig pa sa itsura at tindig ng lalaking kanilang nakikita.
“Grabe! Ang gwapo naman nʼya,” ani ng isang babae.
“Naku, sinabi mo pa. Kapag ganʼyan ang mapapangasawa ko tiyak mayaʼt maya kaming dalawa. Gabi at araw pa! Hahahahaha,” sambit ng babaeng tila may paghanga sa lalaki.
“Basta sa akin lang sʼya. At walang kahit sinong mang-aangkin kundi ako lang.”
“Ang haba naman ng buhok mo, girl. Asa ka pang patulan ka nʼyan!”
Halos takpan ni Ella ang kaniyang dalawang tainga. Naiinis siya sa dalawang babaeng akala moʼy may binigay na ganda sa katawan.
Unti-unting lumapit si Ella. Kasunod nang matapang niyang salita.
“Tama na ang pagpapantasʼya nʼyo. Boyfriend ko lang naman ang pinag-uusapan nʼyo!”
Hindi niya ba alam kung bakit sa dami niyang sasabihin, ay iyon na lamang ang lumabas sa kaniyang bibig.
“As if, naman na boyfriend ka nʼya. Eh, mas maganda naman kami kaysa sa ʼyo, girl . . .”
Napataas ang kabilang gilid ng kilay ni Ella.
“Hindi ba talaga kayo naniniwala, ha?!”
“Eh, bakit naman kami maniniwala sa ʼyo? Hindi ka naman kagandahan. Pumuti ka lang naman at kuminis ng kaunti.”
“Sige, ayaw nʼyo maniwala, ha? Sino ang pupusta?”
“Oh, sige na! Pupusta kaming dalawa. Limang daang piso . . . Kapag hinalikan mo ang lalaking ʼyon.”
“S-sandali hahalikan ko pero limang daang piso lang. May bayad ang halik ngayon. Dapat tig-limang daan kayong dalawa. Para hindi naman ako lugi sa gagawin ko!”
Napasimangot ang dalawang babae. “Boyfriend mo naman sʼya. Eh, bakit need pang malaki ang pusta namin sa iyo?”
“Bakit ang halik ko ba naiibalik? Whether, na boyfriend ko man siya o, hindi. May bayad na ang paghalik ngayon.”
“Grabe ka! Mautak ka girl.”
“Ugh . . . Matagal na!” wika ni Ella na halos mainis siya sa babaeng panay titig sa binata.
“Pumapayag na kami. Basta ba sa labi ka hahalik para naman sulit ang ibabayad namin.”
“Okay, no problem.”
Nagkamayan pa silang tatlo na tila nagkasundo sa kanilang pinag-usapan.
“Ano girl? Go na!” sabay sambit ng dalawa.
Limang hakbang lang ang kailangan ni Ella para makalapit sa binata. Sumugal talaga siya sa pustahan dahil kulang na rin ang natitirang pera niya para sa mga susunod na araw. Naisip niya na hindi masasayang ang kaniyang halik. Sapagkat may ka-gwapuhan naman ang lalaki. Ngunit ang bilis ng pintig ng puso niya ay tila nagkakaroon ng hindi maayos na kaniyang paghinga.
Isang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan. Naririnig pa niya ang hiyaw ng mga tao sa paligid. Napapakagat labi siya sa hindi niya maiwasan na paraan.
“Isang halik lang naman. Wala naman sigurong magiging masama,” bulong ni Ella sa sarili. Pinagpapawisan na rin siya. At ang kaba nito ay halos naging triple pa kaysa kaninang doble ang kabog ng puso nʼya.
“Kaya ko ʼto. Please . . . Lord . . . I-isa lang naman, eh,” pikit mata niyang wika. “I-sa . . . D-dalawa . . . T-tatlo . . .”
Matapos niyang makapagbilang ay mabilis niyang tinakbo ang lalaking abala sa pagsasalita nito. Walang pag-aalinlangan niyang hinawi ang hawak nitong mikropono. Kasunod nang pag-angat ng kaniyang mga paa at paghalik sa lalaking hindi niya inaasahan na magagawa niyang gawin sa lahat ng maraming tao.
Pakiramdam ni Ella ay huminto ang bawat oras. Ang ingay na kanina lang ng mga tao ay bigla na lang nawala. Para bang sila lang dalawa ang naroroon. Walang alintana sa isip ng dalaga na imulat ang nakapikit niyang mga mata. Hanggang sa maramdaman niya ang paglapat ng dalawang kamay ng binata sa kaniyang baywang. At ang tunog na pagbagsak ng mickropono lamang ang kaniyang tanging naririnig.