Chapter 20

2920 Words
"ANONG NANGYARI sa iyo at lalo yatang humaba 'yang nguso mo, ha?" takang tanong ni Kuya Henry sa akin nang makasalubong ko sa hallway. Katatapos ko lang sa huling room na cheneck ko at sa opisina ni Ma'am Deina ang punta ko ngayon. "Hoy, Lala!" Sa halip kasi na pansinin ito ay nilampasan ko lamang ngunit humabol ito. "Sino bang umaway sa iyo at bad mood ka?" "Wala, Kuya." "Anong wala? Kahit sinong magaling na pintor ay hindi kakayaning iguhit 'yang mukha mo." "H'wag mo na akong kulitin, Kuya, baka madamay ka pa sa inis ko." Lihim akong napangiti nang tumigil ito sa kakasunod sa akin. Hmp! Takot din naman palang mapagbalingan ng inis ko. Ngunit nakakailang hakbang pa lamang ako nang maramdaman ko na naman siyang sumunod sa akin. "Bawas-bawasan mo ang kakasimangot mo, lalo kang sumasamang babae eh--,ahh!" Napahiyaw ito nang walang sabi-sabi kong sikmuraan. Nakangiwing lumayo ito sa akin. "Masakit iyon, ah." "Ang kulit mo eh. Mainit ang ulo ko at hindi ka dapat pahara-hara sa harapan ko." "Bakit mainit ang ulo mo?" Sapo ang sikmura na sumabay siyang maglakad sa akin. "Sinong umaway sa iyo? Sabihin mo at tatanggalan ko ng ngalangala ang kung sinong umaway sa iyo." "Yabang, bakit kaya mo?" Paghahamon ko habang pigil ang ngiti. "Oo naman! Sabihin mo kung sino at tatanggalan ko ng ngalangala. Bilis, sino?" "Talaga lang, ha?" Paghahamon ko. "Oo nga. Sino ba at anong sinabi niya sa iyo?" "Sinabihan niya akong lumalandi sa oras ng trabaho ko, Kuya." Sumbong ko. "Ano?! Sinabi talaga sa iyo iyon?" "Oo. At hindi ako malandi, 'no? Sabihan na ako ng loka-loka at siraulo, h'wag lang malandi!" "Eh, siraulo pala iyon eh. Sino ba iyon?" Inis na pinaputok pa nito ang mga daliri na akala mo ay lalaban ng suntukan. "Anong gusto mong gawin ko sa kan'ya? Gusto mong turuan ko ng leksyon?" Nakalabing tumango ako. Lihim akong natawa nang sa gilid ng mga mata ko ay makita ko ang taong pinag-uusapan namin. Nasa gawing likuran ito ni Kuya Henry kaya hindi nito nanakita. "Lala, ano na? Anong gusto mong gawin ko para makabawi ka sa pagsasabi sa iyo na isa kang malanding babae? Gusto mong tanggalan ko siya ng ngalangala o gusto mong ipanghiram ko siya ng mukha sa aso? Ano?" Pasimple kong tiningnan si Sir Matt at nakita kong mas lumapit siya sa amin para siguro makinig. "Gusto kong tanggalan mo siya ng itlog." Pinigilan ko ang mapabunghalit ng tawa nang manlaki ang mga mata ni Kuya Henry. Nang sulyupan ko si Sir Matt ay nanlalaki rin ang mga mata nito. "Hindi ngalangala ang gusto kong tanggalin mo sa taong nagsabing malandi ako kung 'di 'yong itlog niyang kulubot!" Tinakpan ko ang bibig ko dahil aalpas na ang tawang pinipigilan ko. Wala eh, umiral na naman ang pagiging loka-loka ko. "Kulubot na itlog? Nakita mo na?" Manghang tanong ni Kuya Henry habang nagpipigil din ng tawanin. "Oo, Kuya. Kaya mo bang tanggalin?" "Oo naman. Walang puwedeng umapi sa iyo kaya gagawin ko. Ilan ang tatanggalin ko?" "Iyong dalawang itlog niya ang tanggalin mo. Tapos ihagis mo sa dapat para kainin ng mga pating ang itlog niyang kulubot!" Sinadya kong lakasan para mas marinig ni Sir Matt, na ngayon ay hindi maipinta ang mukha. Hmp! Makaganti man lang sa mga masasakit na sinabi mong unggoy ka! "Samahan mo ako sa nagsabi sa iyo na iyon para matanggalan ko na ng kulubot na itlog!" Kinagat ko ang ibabang labi ko para h'wag umalpas ang tawa ko. Lumapit ako kay Kuya Henry, saka bumulong. Hindi ko na napigilan ang mapabunghalit ng tawa nang makita ko ang hitsura nito matapos kong ibulong kung sino ang nagsabi sa akin niyon. "Si Sir Matt ang nagsabi sa iyo na malandi ka?" Tumango ako at mayabang na pinaputok na naman nito ang mga daliri. "Humanda sa akin ang Sir Matt na iyan. Hindi porke't tauhan lang tayo rito ay sasabihan ka niya ng malandi. Hindi katangggap-tanggap iyon, mas matatanggap pa natin kung sinabihan ka niya ng pangit. Kaya humanda sa akin ang--" isang tikhim mula sa likuran ni Kuya Henry ang nagpatigil dito. Lumingon ito sa likuran nito at mabilis na napaatras nang malingunan si Sir Matt. "Sir!" Mariin kong kinagat ang labi ko para h'wag matawa. Namutla kasi si Kuya Henry. "A-Ah, Sir, kanina pa po ba kayo riyan?" "Long enough para marinig ko ang pinag-uusapan ninyo tungkol sa kulubot na itlog." Tiim-bagang na sabi ni Sir Matt habang sa akin nakatingin. "A-Ah eh kasi-" hindi malaman ni Kuya Henry kung paano at ano ang sasabihin. Sa huli, tumungo na lamang ito at tila hiyang-hiya. Habang ako naman ay dahan-dahang umaatras para makaalis na. Nang makailang hakbang na ako mula sa kanila ay saka ako mabilis na umalis. Narinig ko pang tinawag ako ni Kuya Henry at Sir Matt pero hindi na ako nag-abalang lumingon sa kanila. Lakad-takbo ang ginawa ko habang parang timang na tumatawang mag-isa. Naalala ko kasi ang mukha ni Sir Matt. Nakaganti rin ako sa talas ng dila niya, hmp! Dumiretso ako sa opisina ni Ma'am Deina at ibinigay ang record book na dala-dala ko. Paalis na rin sana ako nang may tumawag sa pangalan ko mula sa kung saan. Lumingon ako sa pinanggalingan niyon at nakita ko si Mich na nakatayo at mukhang galing sa banyo. "Mich!" Naglakad ito palapit sa akin. "Hi, Lala. Kumusta?" Hinalikan pa nito ang pisngi ko dahilan para mapangiwi ako. Galing ako sa trabaho at malamang hindi na fresh ang amoy ko. "Okay lang ako. Ikaw kumusta?" "I'm good." Ngumiti ako rito at nagpaalam nang aalis na. Nasa may pintuan na ako nang magsalita ito. "Okay na kayo ni Kuya Matt?" "H-Ha? O-Okay naman kami ah." "Nag-usap na kayo tungkol sa sinabi niya sa iyo noong nasa bahay ka? Nag-sorry na ba siya sa iyo?" "Naku, hindi naman na kailangan iyon." "Nag-away sila ni Kuya Marco, Lala." Nagulat ako sa sinabi nito. Baka kaya mainit na naman ang ulo nito sa akin kasi nag-away pala sila ni Gian. "Nalaman ni Kuya Marco ang pangbabastos na ginawa niya sa iyo sa bahay. Kaya ayon, nag-away silang dalawa. Ewan ko ba naman diyan kay Kuya Matt, halata namang nagseselos lang pero ayaw pang aminin." Nangarap na naman ako nang gising sa tinuran ni Mich. Iyong ayaw ko na ngang umasa tapos iyong mga tao sa paligid ko pinagpipilitang nagseselos sila Sir Matt? Paano ako makaka-move on sa pagsintang purorot kong ito? "Bakit naman magseselos si Sir Matt? Nagpapatawa ka na naman niyan, Mich." Umiling ito at hinawakan ang kamay ko. "Hindi ako nagpapatawa, Lala. Gusto ka ni Kuya Matt, maniwala ka." Ako naman ang umiling. "Imposible naman iyang sinasabi mo, Mich. Sa hitsura kong ito, gusto ako ng Kuya mo? Imposible iyon. At saka maniniwala lang ako kapag siya na mismo ang nagsabi sa akin pero hangga't wala siyang sinasabi ayaw kong paasahin ang sarili ko. "Hindi ka niya hahalikan kung hindi, Lala. At saka puwede ba, h'wag mong maliitin ang sarili mo." "Hindi ko minamaliit ang sarili ko ah. Ayaw ko lang paasahin ang sarili ko sa mga bagay na alam ko namang imposibleng mangyari." "Pero nag-sorry na siya sa iyo? Kasi nangako siya kay Kuya Marco na mag-so-sorry sa iyo." Tumango ako. Nag-sorry naman talaga siya sa akin noong sinundan niya ako sa terminal eh. Pero do'n sa mga sinabi niya sa akin nitong mga huling araw at kanina ay hindi pa. At mukhang malabong mangyari iyon. Mayamaya nama'y nagpaalam na ako kay Mich na aalis na dahil maglilinis pa ako ng katawan ko pero bago ako makaalis ay sinabi nitong samahan ko siya mamayang gabi sa dalampasigan para tumambay. Pumayag naman ako dahil wala rin naman akong gagawin sa kuwarto ko. Pagsapit ng alas siyete ng gabi ay may kumatok sa labas ng pinto ng kuwarto ko. Si Mich iyon, malamang. Bumangon ako mula sa kama ko at binuksan ang pinto para lang mapatda nang makita si Caden sa labas. "Caden!" Bulalas ko. Totoong nagulat ako dahil hindi ko naman siya inaasahang makikita sa labas ng kuwarto ko. "Hi!" Malawak ang ngiting bati nito sa akin. Nanlaki pa ang mga mata ko nang kunin nito ang kanang kamay ko at dalhin sa mga labi nito para halikan. "Caden, jusko!" Kaagad kong binawi ang kamay ko mula rito. "Anong ginagawa mo rito? At paano mo nalaman ang kuwarto ko?" "Pinagtanong ko," hindi pa rin nabubura ang ngiting tugon nito. "Bukas ang simula ng session namin ni Martin, so, ngayon na ako pumunta para makapag-bonding naman tayo. Hindi na tayo nakapag-usap the other day kasi nagmamadali akong bumalik sa Manila eh." "A-Ah o-oo nga eh." Nauutal na sabi ko. Hindi ko alam kung paano kikilos sa harap ni Caden dahil nakaka-intimidate ang hitsura nito. "Hey, okay ka lang ba? Hindi ka ba kumportable sa akin? Relax, Lala, I don't bite you." Hinamig ko naman ang sarili ko. "Wait lang, Caden, ha? Hmm, ano kasi bawal ka rito kaya baka mapagalitan na naman ako. Hintayin mo na lang ako sa may dalampasigan o kahit saan. Susunod na lang ako sa iyo, ha?" Pinagtulakan ko na ito paalis dahil baka malintikan na naman ako kay Sir Matt kapag nagkataon. Pakalat-kalat pa naman ang unggoy na iyon at parang kabute na bigla na lang sumusulpot. Mabilis kong ini-lock ang pinto ng kuwarto ko at pabagsak na umupo sa kama ko. "Lord, alam ko pong humiling ako na ibigay Niyo na ang taong para sa akin pero bakit naman po sabay-sabay? Hindi po ako handa, at iyong mga pinadala Mo po ay sobrang hindi bagay sa akin. Sobrang guguwapo naman po nila para sa kagandahan ko." Napatitig ako sa pinto nang muling may kumatok. Binuksan ko ang pinto at si Mich pala iyon. "Tara na?" Nakangiting bungad nito sa akin. "Tara." Sang-ayon ko pero kaagad din akong natigilan nang maalala ko si Caden. "May problema ba?" Usisa ni Mich nang hindi ako sumunod sa kaniya. "A-Ah, ano kasi Mich, narito si Caden--" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang makita ko si Caden na palapit sa amin. "Caden." "Tara na?" anito habang nakatingin sa amin ni Mich. "Parang kilala kita," ani Mich na titig na titig kay Caden. "Tama! Ikaw iyong naghatid sa amin sa bahay, hindi ba? What are you doing here? Don't tell me, sinundan mo talaga si Lala rito?" Prangkang usisa nito kay Caden. "Yes and no. Yes, ako iyong naghatid sa inyo and no, hindi ko siya sinundan dito, but I think destiny brought me here." Diretsang sagot ni Caden na ikinasamid namin ni Mich. Hindi ko kinakaya ang bilis ni Caden. May pa-destiny ba man kaagad. Gusto ko na talagang maniwala na maganda ako. "Nanliligaw ka ba kay Lala? Sorry for asking but I think mas'yado kang mabilis-" "I'm planning to," diretsang sagot na naman nito kay Mich habang sa akin nakatingin. "Lala told me that she is not in a relationship, so I don't see anything wrong why I shouldn't pursue her." Lalo kaming nasamid ni Mich dahil sa pagiging straight forward ni Caden. Hindi ko alam kung paano magre-react, nakakagulat ang mga sinasabi nito. Si Mich ang madaling nakabawi. "Nakapa-straight forward mo naman. I have nothing against it, but Lala is the type of woman who isn't into it. Hindi ba, Lala?" Binalingan ako nito at pinisil ang braso kong hawak nito. "'Di ba, La? Ayaw mo sa mas'yadong straight forward?" "H-Ha, oo, medyo." "See?" Ngumiti lang naman si Caden dito at tila hindi naapektuhan sa sinabi ni Mich. Matapos nitong ngitian si Mich ay ako ang binalingan nito. "I understand, Lala. 'Di bale, next time babagalan ko para hindi ka nagugulat, okay?" "Ah, eh, bahala ka." Tanging nasabi ko. Ramdam ko kasing medyo mainit ang ulo ni Mich kay Caden at hindi ko alam kung bakit. "Tara na, La." Pagyayaya ni Mich at hinila na ako paalis. Nagahol naman sa paghabol si Caden sa amin. "Wait lang! Pumayag na si Lala na sumama sa akin." Hinarap ito ni Mich. "Mas nauna kaming nag-usap ni Lala. Kanina pa siya umuo sa akin," giit ni Mich. "But--" "Caden, pasensya ka na, ha? Pero nauna akong umuo kay Mich kanina na sasamahan ko siya." Nakita ko ang pagdaan ng panlulumo sa mukha nito. Mayamaya ay sumusukong bumuntong-hininga. "Okay. 'Di bale, magiging madalas naman ang pagpunta ko rito, so marami pa akong pagkakataon para makausap at makasama ka." Prangkang sabi nito na ikinasimangot ni Mich sa tabi ko. "Tara na nga, Lala." Inis na sabi nito at muli akong hinila paalis. Hindi na ako nakapagpaalam nang maayos kay Caden dahil hindi ako binigyan ng pagkakataon ni Mich. Hindi nito binitawan ang braso ko hanggang sa makarating kami sa dalampasigan kung saan ito nagyayang tumambay. "Papayag ka bang ligawan ng Caden na 'yon, Lala?" Kapagkuwa'y basag nito sa aming katahimikan. Nilingon ko ito. "Sa tingin mo, totoo ang pakay niya sa akin?" "Hindi!" "H-Ha?" "I mean, hindi ko alam. Hindi ko naman kilala ang Caden na 'yon eh. Kung si Kuya Matt pa, kilalang-kilala ko." Pagmamaktol nito na ikinatawa ko. "Bakit naman napasok sa usapan ang Kuya Matt mo? Si Caden ang pinag-uusapan natin, Mich." "Alam ko, pero kahit masungit si Kuya Matt at madalas maangas sa iyo, mas boto pa rin ako sa kaniya para sa iyo kaysa sa Caden na iyon. Nagsusungit lang naman si Kuya sa iyo kasi nagseselos 'yon eh. Gago lang talaga dahil sa halip na sabihin sa iyo ang feelings niya, dinadaan niya sa pagsusungit." "Eh malay mo, wala naman talaga siyang feelings sa akin. Ikaw lang 'tong nag-a-assume na mayro'n pero ang totoo wala naman pala talaga." "Ah basta, malakas ang kutob ko na nagseselos iyon at gusto ka niya. Ipapaputol ko ang daliri ko kapag mali ako--" kusa itong natigilan nang makarinig kami ng hagikhik mula sa di-kalayuan sa puwesto namin. Sabay kaming napalingon sa pinanggalingan niyon at biglang kumirot ang dibdib ko nang makita kung sino ang naglalakad palapit sa amin. Si Matt, may nakaangklang babae sa braso nito. "s**t!" Ani Mich habang nakatingin sa kapatid at sa babaeng kasama nito. "Ano? Ipapaputol mo pa ang daliri mo? Sabi sa iyo eh, ikaw lang ang nag-a-assume na gusto ako ng Kuya mo eh," mahinang sabi ko. "Nagmo-move on na nga ako, tapos pinaasa mo na naman ako." Tumayo si Mich at sinalubong ang kapatid nito, na nagulat yata nang makita si Mich. Nag-usap ang dalawa ngunit hindi nag-abalang tumingin sa akin si Sir Matt. Pinilit kong magpakatatag kahit ang totoo ay parang isang nauupos na sigarilyo ang pakiramdam ko. No, I wasn't going to cry in front of these people. I had to be strong. Inalis ko ang tingin sa kanila at tumanaw sa dagat. Pinilit kong aliwin ang sarili ko pero lalong kumirot ang puso ko nang marinig ko ang sinabi ni Sir Matt kay Mich. Ipinakilala lang naman ni Sir Matt na nililigawan niya ang babaeng kasama nito. Nakahinga ako nang maluwag nang hindi ko na sila marinig na nag-uusap. Muling umupo si Mich sa tabi ko at hinagilap ang kamay ko. "Lala, pasensya ka na--" Humarap ako rito at tumawa. "Ano na? Ako na ba ang puputol ng mga daliri mo?" Pinilit kong pasiglahin ang boses ko kahit parang pinupunit ang puso ko. "Assume pa more." Kantiyaw ko rito habang tumatawa pero hindi tumawa si Mich. "H'wag mo akong tingnan na parang naaawa ka sa akin, 'no? Okay lang ako, ano ka ba?" "Pasensya ka na sa pabago-bagong ugali ni Kuya," anito habang may simpatyang mababakas sa mga mata nito. "Sana okay ka lang." Tumawa ako. H'wag sana niyang mahalata na punit-punit ang puso ko ngayon. "Of course," mabilis na sagot ko. "'Di ba nga, sabi ko sa iyo maniniwala lang ako na gusto ako ng Kuya mo kapag siya na mismo ang nagsabi? Ayos na ayos lang ako, 'no? Alam kong hindi niya ako magugustuhan kaya bakit naman hindi ako magiging okay?" Hindi ito umimik. Kaya tumayo na ako. "Tara ro'n, Mich. Mukhang nagkakasiyahan sila ro'n eh, makigulo tayo, dali!" Pagkasabi ko niyon ay naluluhang naglakad na ako. Nakita ko kasi ang umpukan sa 'di-kalayuan mula sa kinaroroonan namin. Mayamaya nama'y sumunod na rin sa akin si Mich. Mukhang magbabarkada ang mga nagkakagulo dahil nakapuwesto sila paikot habang may isang bote sa gitna. Naglalaro sila ng truth or dare. Nanuod kami ni Mich dahil masaya ang larong iyon. Hanggang sa may isang lalaking natapatan ng bote at ng Truth ito. Pumuwesto ito sa gitna at biglang lumuhod sa harap ng isang babae. Mula sa liwanag ng buwan ay kita ko kung gaano ito kaganda at kumislap din ang mga mata nito. Marahil ay dahil sa luha. "Anthonette Villarama, will you marry me?" Anang nakaluhod na lalaki. Maging kami ni Mich ay nakisali sa sigaw na mag-yes ito. Hindi naman nabigo ang guwapong lalaki dahil tumayo ang babae sa gitna at nag-yes. Napasigaw rin kami ni Mich sa labis na tuwa para sa dalawang nilalang na itinadhana para sa isa't isa. Ang daming naki-sana all sa sweet couple na ngayon ay nagtutukaan sa harap ng mga taong naroon. "Sana all! Whoa!" Sigaw ko habang nakataas pa ang dalawang kamay dahilan para mapatingin sila sa akin. "Sana all may love life! Mamamatay yata ako na hindi man lang mararanasan ang ganiyan. Kaloka!" Nagtawanan ang mga tao dahil sa paghihimutok ko. Hindi sinasadyang napatingin ako sa kanan ko at nakita ko si Sir Matt. Siyempre, kasama pa rin nito ang babaeng nakaangkla sa braso nito. Isang pamatay na irap ang ibinigay ko rito bago niyaya paalis si Mich.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD