HABANG kumakain ay panaka-nakang sumusulyap sa akin si Martin dahilan para mailang ako. Hindi ako sanay na ganito niya ako tingnan, o siguro dahil nasanay ako na masungit siya sa akin at laging nakaangil.
"What?" Hindi nakatiis na sita ko sa kan'ya. Mabuti sana kung nakatingin lamang siya, kaso hindi eh, dahil may naglalarong ngisi sa guwapong mukha nito.
"Bakit ganiyan ka makatingin? May dumi ba ako sa mukha ko?"
"Nothing," maikling sagot nito at sumubo ng pagkain niya.
Nakita ko na naman ang palihim nitong pagngisi na para bang may naglalarong kalokohan sa isip nito.
Nagkibit-balikat na lamang ako at pinagtuunan ng pansin ang pagkain ko.
"Ah," ani Martin.
Pag-angat ko ng mukha ay nakita ko na naman ang kutsara nitong nakatutok sa may bibig ko. "Ah."
"Martin, tama na," ingos ko.
"Why? C'mon, this is my way of saying thank you for listening to me."
Inirapan ko ito. "A simple thank you will do." Lihim akong napangiti dahil napa-Inglish din ako nang kakarampot.
"Ah, c'mon, Lala." Wala akong nagawa nang ipagduldulan nito sa bibig ko ang hawak na kutsara.
Namula ang mukha ko nang makarinig ko ang impit na tilian sa paligid namin. At alam kong dahil iyon kay Martin, kahit lumpo ito ay hindi naman iyon nakabawas sa angking kaguwapuhan nito.
Nang tangkang susubuan na naman ako nito ay tumanggi na ako. Hindi ko maintindihan ang trip nito para subuan ako.
"C'mon, Lala. Let me feed you."
"Heh! Tama na, pinagtitripan mo na ako," ingos ko.
"Of course not. Bakit ko naman gagawin iyon?"
"Ewan ko sa iyo. Kumain ka na nga lang, kaya kong kumaing mag-isa dahil may mga kamay naman akong akin."
"Okay, as you wish," sagot nito at tahimik nang kumain.
Habang kumakain ay laman ng isip ko ang ginawa ni Matt kanina. Makailang ulit akong napailing qt pinilit na iwaksi sa isip ko ang nangyari kanina.
Nang matapos kaming kumain ni Martin ay nagpahatid na siya sa kuwarto nito.
Habang naglalakad sa hallway at tulak-tulak ang wheelchair ni Martin ay hindi sinasadyang napatingin ako sa ibang direksyon at nakita ko si Matt. Nakatayo ito sa di-kalayuan habang nakatingin sa aming dalawa. Nakasandal ito sa poste ng ilaw habang nakahalukipkip.
Hindi ko mapangalanan ang emosyong nakapaloob sa mga mata nitong nakatingin sa akin. Iyong gusto kong umasa na baka nagseselos siya kaya nagalit pero pinigilan ko ang sarili ko.
Tumigil ka sa kakailusyon mo, Lala, imposibleng magselos iyan kasi hindi naman ikaw ang tipo ng lalaking iyan. Piping paalala ko sa aking sarili habang nakikipagtitigan kay Matt.
"Ahh! Ouch, ang sakit!" Daing ni Martin dahilan para mapatingin ako sa kan'ya.
"Ouch! Ang sakit," anito habang nakatakip sa mukha ang dalawang kamay.
Pumunta ako sa harapan nito para tingnan kung ano ang nangyari sa kan'ya.
"Anong nangyari? Napaano ka?" Sunod-sunod na tanong ko.
"Napuwing ako, ang sakit."
"Huwag mong kusutin!" Pigil ko sa kamay nito nang kusot-kusutin ang mga mata.
"Lala, masakit."
"Teka, dito ka lang kukuha ako ng tubig para mawala ang puwing mo." Tangka akong aalis nang pigilan niya ang kanang braso ko dahilan para mapatingin ako rito.
"Stay."
"Kukuha ako ng tubig, Martin."
"Hipan mo na lang ang mata ko."
Napatda ako sa sinabi nito. Nag-alinlangan akong gawin iyon dahil ramdam ko pa rin ang mga titig ni Matt sa akin. Sa sulok ng aking mga mata ay nakita kong naroon pa rin ito sa puwesto nito.
"C'mon, Lala. Hipan mo na ang mga mata ko, ang sakit-sakit na," may halong pakiusap na anito.
"M-Martin, k-kasi.."
Hinatak nito ang braso ko dahilan para mapalapit ako sa kan'ya.
"C'mon, alisin mo na." Utos nito. Nang makita kong namumula na nga ang isang mata nito ay wala na akong nagawa kun'di ang hipan iyon.
Nakailang hipi ako sa mata niya bago lumayo nang bahagya. Naiilang na kasi ako dahil may mga matang nakamasid sa amin.
"Mayro'n pa ba?" Tanong ko.
"Yes. Hipan mo pa."
Hinipan ko ulit iyon.
"Kumurap-kurap ka nga, baka wala na." Masunuring kumurap-kurap naman ito. "Ano, wala na ba?"
"Wala na, umalis na siya." Nakangising sagot nito.
"H-Ha?"
"I mean, iyong puwing ko wala na, naalis na."
"Mabuti naman. Tara na?" Pagyayaya ko.
"Yeah, sure."
Bago itulak ang wheelchair ni Martin ay tumingin muna ako sa puwesto ni Matt kanina pero wala na pala ito roon. Hinanap pa siya ng mga mata ko pero maski anino nito ay hindi ko na nakita.
"Let's go, Lala," untag ni Martin. "May hinahanap ka ba?"
"H-Ha, wala ah. Tara na nga," aniko at tinulak na ang wheelchair nito.
Nang makarating sa kuwarto ni Martin ay kaagad ko siyang tinulungang makaupo sa kama nito. Kanina pa kasi ito dumadaing na masakit na ang puwet sa kakaupo.
"Maiwan na kita rito, ha?" Paalam ko nang makita kong ayos na ang pagkakahiga nito. Hindi ko na siya hinintay na sumang-ayon dahil tumalikod na ako para umalis.
"Lala." Natigil ako sa paglabas nang tawagin niya ako.
"Yow? May kailangan ka pa?" Aniko nang humarap dito.
"Nothing, I just wanna say thank you for being here with me. It means a lot to me." Senserong pahayag nito.
Napangiti ako sa sinabi niya. Marunong pala siyang mag-thank you at maka-appreciate? Nice, nice. Piping usal ko.
"Hey, nakikinig ka ba?" Untag nito sa akin.
Napaayos naman ako ng tayo. "Oo naman. Walang anuman, Mr Halimaw."
Mahina itong tumawa. "Hindi ako malimaw."
"Yeah?"
"Yes."
"Okay sabi mo eh. Sige na, labas na ako. Magpahinga ka na." Binuksan ko na ang pinto ng kuwarto nito. Nakakadalawang hakbang pa lamang ako nang tawagin na naman ako nito.
Napapairap na humarap akong muli sa kan'ya. "Bakit na naman?"
"Off mo, right?" Tumango ako bilang sagot. "May gagawin ka ba after mo rito?"
"Bakit?"
"Wala lang, gusto ko sanang hilingin na dito ka muna." Napansin kong lumungkot ang boses nito.
"Bakit?"
Nagkibit-balikat ito. "Gusto ko pa sana ng kausap."
Bumalik ako sa paanan ng kama nito at mataman siyang tiningnan, at kapagkuwa'y tumango. Nakita kong lumiwanag ang mukha nito.
"Thank you, Lala. Don't worry, babayaran ko ang additional hours ko sa iyo."
Ngumisi naman ako. "Nice, hindi ko na pala kailangang sabihin sa iyo ang tungkol diyan eh. Alam mo na, wala ng free sa panahon ngayon."
Mahina itong tumawa. "Alam ko namang sasabihin mo na mahal ang talent fee mo kaya nagkusa na ako."
"Good. Akalain mo iyon, kilala mo rin pala ako kahit papaano." Nakangising sagot ko at umupo sa upuan na nasa may paanan ng kama nito.
Nagkuwentuhan kami ni Martin ng mga kung anu-ano tungkol sa buhay nito. At habang nakikinig sa kaniya, mas lalo kong napapatunayan na mabuti siyang tao. Na hindi talaga masama ang ugali niya kagaya nang una kong pagkakakilala sa kaniya. At sa paglipas ng mga oras na kausap ko siya, mas lalong gumaan ang loob ko sa kan'ya.
"Wala kang planong magpa-therapy? Sabi sa akin ng Mommy mo, isang buwan ka na raw hindi bumabalik sa Doktor mo. Bakit?" Kapagkuwa'y usisa ko rito.
Nagkibit-balikat ito. "Well, para sa akin wala ng halaga ang buhay ko. Pakiramdam ko pinarusahan Niya ako kahit buong buhay ko naging mabuting tao naman ako. Nagmahal lang ako, Lala." Ramdam ko ang pait sa boses nito.
"Hindi naman siguro gano'n iyon, baka lang nakalimutan mo na Siya kaya sinubok ka Niya."
Natigilan ito sa sinabi ko.
Hindi ito nagkomento bagkus ay nawalan na ng kibo.
"Martin." Tawag ko rito.
"Hmm?"
"Sabi ng Mommy mo, puwede ka pang makalakad, ayaw mo bang ituloy ang therapy mo?"
"Para saan pa?"
"Para sa sarili mo. Ayaw mo bang makalakad ulit?" Muli itong natigilan, sinamantala ko iyon at muling nagsalita. "Kung ako sa iyo, magpapagamot ako para kapag nagkita ulit kayo ng babaeng iyon makikita niya kung ano at sino ang sinayang niya." Pangungumbinsi ko rito.
"Hindi ko na siya gustong makita kailanman." Nagngalit ang mga ngipin nito.
Kinabahan ako nang makita kong nakakuyom ang mga kamao nito. Bahagya akong napaatras, mahirap na baka ako ang mapagbalingan.
"I hate her. So much. Hindi ko siya mapapatawad na nagawa niyang patayin ang sarili kong anak."
Sunod-sunod na lunok ang ginawa ko nang makita kong dumilim ang awra nito.
"A-Ah, Martin. Hm, ano, puwede na ba akong lumabas?" Mayamaya ay sabi ko.
Tila natauhan naman ito at naging maamo na ulit ang mukha.
"Sure, go ahead. Thank you sa time."
Tumayo na ako. "Wala iyon, bayad iyon, ano ka ba?" Nakangiting sabi ko at tinungo na ang pintuan. "Lalabas na ako, ha? Pag-isipan mo iyong sinabi ko, ituloy mo ang therapy mo para makalakad ka na ulit."
Nang hindi na ito sumagot ay lumabas na ako nang tuluyan.
Napatda ako nang paglabas ko ng unit ni Martin ay sumalubong sa akin si Ma'am Liza. At hindi ko inaasahang makikita rito ang taong kasama nito ngayon.
"Caden?"
"Myla Wit?" Magkapanabay na sambit namin sa pangalan ng isa't isa.
Natawa ako sa pangalang itinawag nito sa akin. Maging si Ma'am Liza ay napatawa rin.
Tinawag ba naman niya akong Myla Wit, hindi ko alam na seseryosohin niya ang pagbibiro ko.
"Magkakilala kayo ni Doc. Caleb, Lala?" Tanong ni Ma'am Liza nang balingan ako. Nakangiting tumango ako sa kan'ya. "Wow! Really? How?"
Sinabi ko sa kan'ya kung paano kami nagkakilala ni Caleb.
"Wow, that nice. Small world, isn't it?" Nagpalipat-lipat sa amin ni Caleb ang tingin nito.
"Oo nga po eh, hindi ko rin po in-expect na magkikita kami ni Caleb dito."
"Anyway, let me personally introduce you to each other. Doc. Caleb, this is Lala, my son's personal nurse. And Lala, this is Doc. Caleb, my son's doctor."
Nagkatinginan kami ni Caleb at kapagkuwa'y sabay na napangiti.
"Nice to see you here, Lala not Myla Wit," anito habang nakangiti. Tinanggap ko ang nakalahad nitong kamay. "Nice to see you, Caleb."
Matapos ang sandaling kumustahan ay pumasok na sila sa loob. Bago pumasok nagbilin si Caleb na ituloy namin ang kumustahan mamaya after niya kay Martin.
Nang umalis ako sa labas ng unit ni Martin ay sa aking quarter ako dumiretso. Medyo napagod ako sa pakikinig sa kan'yang hinaing sa buhay.
Marahil dala ng pagod ay nakatulog ako.
______
NAPABALIKWAS ako ng bangon nang maalalang may usapan nga pala kami ni Caleb na makikipagkwentuhan ako sa kaniya. Pero napasarap ang tulog ko kaya hindi ko namalayan ang paglipas ng oras.
Nagkukumahog akong nag-ayos ng sarili bago nagmamadaling lumabas ng quarter ko. Para lang tumambad sa akin ang papadilim ng paligid.
"Maggagabi na pala. I'm sorry, Caleb." Naisatinig ko.
Sa room ni Martin ako dumiretso sa pag-aakalang naroon pa si Caleb ngunit si Ma'am Liza ang nagbukas ng pinto.
"Good evening, Ma'am Liza." Magalang na bati ko rito.
"Yes, Hija? Do you need anything?" Anito at niluwagan ang bukas ng pinto at inanyayahan akong pumasok pero tumanggi ako. At nalaman ko rito na nakaalis na pala si Caleb, bumalik na raw ito ng Maynila kanina.
"Ayaw mo bang pumasok muna?"
"Naku, h'wag na po, Ma'am. Si Doc. Caleb po talaga ang sadya ko sana pero 'di bale na ho at umalis na pala siya."
"Okay sige, gusto mo bang kunin ang numero niya?" Alok pa nito.
Kukunin ko sana iyon pero naalala kong wala nga pala akong cell phone.
"Hindi bale na ho, Ma'am. Baka naman papasyal pa siya rito sa susunod," aniko at nagpaalam na rito.
Nakakailang hakbang pa lamang ako nang tawagin ako ni Ma'am Liza.
"Ma'am?" Pagharap ko sa kaniya ay ang nakangiting mukha nito ang sumalubong sa akin. Lumapit ito sa akin at hinawakan nang mariin ang kamay ko.
"Ma'am, bakit po?" Mula sa liwanag ng ilaw na nasa tapat namin ay nakita ko ang pagkislap ng mga mata nito. "Ma'am?"
"Thank you so much, Lala. Hindi ko inaasahan na ganito mo kadaling mababago ang pananaw sa buhay ng anak ko. Alam mo bang pumayag na siyang magpa-therapy?" Bakas ang katuwaan sa mukha nito.
"Talaga po?"
"Yes. Pumayag na siya, Hija at alam kong isa ka sa dahilan kung bakit pumayag na siya. Maraming salamat sa iyo, ha?"
Nginitian ko ito. "Wala ho iyon, Ma'am." Pinisil ko rin ang kamay nito. "Masaya po akong malaman na gusto na niyang gumaling."
"At hindi ko alam kung ano ang ginawa mo sa anak ko para mapapayag mo siya nang ganoon kabilis."
"Naku, wala ho akong ginawa, kinausap ko lang po siya at pinaunawa sa kaniya na wala pong ibang mag-aalis sa kaniya sa sitwasyon niyang iyon kun'di siya rin po mismo," sabi ko.
Walang katapusang pasasalamat ang ginawa nito sa akin ng mga oras na iyon. Napapangiting nagpaalam na ako sa kan'ya na babalik na sa kuwarto ko.
At dahil busog pa naman ako sa dami ng kinain ko kanina, hindi na ako pumunta sa canteen para kumain. Muli akong nahiga at nagmuni-muni sa nangyayari sa aking buhay.
"Bente otso na ako, Lord. Hindi naman po sa nagrereklamo ako o nagmamadali pero kailan po ang dating ng the one ko? Baka po magsara na ang bahay-bata ko bago pa dumating iyon." Usal na dasal ko.
"May gusto po ako pero ayaw ko pong siya ang para sa akin. Sobrang sama naman po kasi ng ugali niya eh."
Parang baliw na nagsasalita akong mag-isa habang sinasabunutan ang sarili.
"Umalis ka sa isip ko! Lumayas ka, Matthew El Greco!" Minsan ko pang sinabunutan ang sarili ko bago tinigilan iyon at umayos na ng higa.
Naging mailap sa akin ang antok ng mga oras iyon.
______
KINABUKASAN, nagkukumahog akong naligo at nag-ayos ng sarili dahil tinanghali ako ng gising.
"Kasalanan mo 'to, Matthew! Kasalanan mo!" Para na namang gaga na kinausap ko ang sarili ko habang sinusuklay ang buhaghag kong buhok.
"Makisama ka namang buhok ka, leche!" Masakit na ang anit ko pero hindi pa man lang naaayos ang buhok ko.
Sa sobrang gigil ko ay kinuha ko ang gunting sa drawer ko at tumungo. Inilagay ko lahat sa harap ko ang buhok ko at basta na lang ginupit iyon. At pagkatapos niyon ay nagmamadali na akong lumabas para magsimula sa trabaho ko.
Pagsapit ng break ay pumunta ako sa canteen dahil nagugutom na ako.
Nangangalahati na ako sa kinakain ko nang makita ko si Martin. Nagulat pa ako nang makita siya.
"Good morning, Lala." Maaliwalas na bati nito.
"Good morning din. Sinong kasama mo?"
"Si Mommy, nasa restroom lang siya."
"Oh, kain ka." Alok ko.
"Thank you. Bakit mag-isa kang kumakain?"
"Nasa duty pa siguro iyong mga katrabaho ko." Nagpatuloy ako sa pagkain habang si Martin naman ay patuloy akong kinukulit.
"Martin!" Nagulat ako nang hawakan nito ang gilid ng mga labi ko. Pasimple kong inilibot ang tingin ko at napansin kong pinagtitinginan na kami.
"May sauce ka sa labi," balewalanng sabi nito.
"Ako na lang," nag-iwas ako ng tingin dito.
Nagugulat ako sa mga ginagawa ni Martin. Hindi ako sanay. Naiilang ako.
"Bakit mo ba ako tinitingnan nang ganiyan?" Hindi napigilang tanong ko nang mahuli ko siyang nakatingin sa akin.
"Nothing. Masama bang magandahan ako sa iyo?"
Nabitin sa ere ang kutsarang isusubo ko dahil sa sinabi nito. Matapos makabawi ay napahagalpak ako ng tawa dahilan para mapasimangot ito.
"What's funny?"
"Ikaw. Mukhang lumabo na yata ang vision ng mga mata mo eh." Muli akong natawa.
Isang tikhim mula sa likuran ang nagpatigil sa pagtawa ko.
"Break time pa rin ba?" Nagkatinginan kami ni Martin, at hindi nakaligtas sa akin ang pagtaas ng gilid ng labi nito.
"Ang dami pang trabaho pero inuuna mo pa ang pakikipagtawanan sa guest dito. Puwede bang mamaya na kayo magkulitan kapag tapos na ang work hours? Puwede ba?"
"Hey! Relax, dude. Mas'yado pang maaga para uminit ang ulo mo." Ani Martin.
"Don't dude me. Hindi tayo tropa," mahina ngunit mariing sabi ni Matt.
Naramdaman ko ang tensyon sa pagitan nila kaya hindi ko na tinapos ang pagkain ko at tumayo na ako.
"Hey, Lala. Where are you going?" Si Martin.
"Babalik na ako sa trabaho ko."
"What? Why? Hindi ka pa tapos kumain."
"Busog na ako." Matapos kong sabihin iyon ay lumabas na ako ng canteen at malalaki ang hakbang na pumunta sa room na ichi-check ko.
Pagpasok ko ay nagulat ako nang makita si Matt sa likuran ko at ini-lock ang pinto.
"Sir! Ano pong ginagawa ninyo rito?" Kinabahan ako sa madilim na mukha nito.
"Nobyo mo na ba ang lumpong iyon?" Tanong nito at lumapit sa akin. Napaatras ako. "Sir."
"Tell me, kaya ba umiiwas ka sa akin dahil sa lumpong iyon?"
"H-Ha? Ano bang pinagsasasabi mo?"
"Nobyo mo ba siya?!" Nagulat ako sa pagtaas nito ng boses.
Biglang nag-init ang ulo ko dahil ang pinaka ayaw ko sa lahat ay iyong sinisigawan ako dahil hindi naman ako bingi.
Marahas kong itinulak ang dibdib nito. "Ano naman sa iyo kung boyfriend ko siya? May paki ka ba?"
Natigilan ito kaya sinamantala ko iyon. "Kung anuman ang estado ng personal kong buhay, labas ka na roon."
"May pakialam ako dahil nakukumpormiso na ang trabaho mo dahil diyan sa pakikipaglandian mo sa oras ng trabaho mo."
Napaawang ang mga labi ko sa sinabi nito. Nagpantig din ang tainga ko.
"Anong sabi mo?" Mariing tanong ko. Nanginginig ang buong kalamnan ko dahil first time kong masabihan ng malandi.
"Lala.." bigla itong naging maamong tupa.
"Ano bang problema mo sa akin? Bakit parang palagi mo akong pinag-iinitan, ha?"
"Lala.."
"Ang sakit-sakit mo ng magsalita, ha. Hindi ka na nakakatuwa, baka akala mo. Hindi porke't boss kita puwede mo na akong pagsalitaan ng mga ganiyan, ha." Matapos kong sabihin iyon ay lumabas na ako para itago ang nagbabadya kong luha.
"Lala, wait!" Humabol ito ngunit tumigil din nang masama kong tingnan.
"Huwag kang susunod, baka hindi kita matantya at makalimutan kong El Greco ka."
"I didn't--"
"Heh! You didn't you didn't, puro ka you didn't. Sa susunod, bantayan mo 'yang talas ng dila mo, ha?"
"Lala!"
"Tse!" Asik ko rito. "Napakayabang, akala mo naman hindi kulubot ang itlog, hmp!" Nagngingitngit ang kalooban na iniwanan ko ito.
"Ayo'ko na talaga sa iyo, buwisit ka. Napakasama ng ugali, hmp!" Pagmamaktol ko habang naglalakad papunta sa ibang kuwarto na ichi-check ko.
"Ayo'ko na sa iyo! Ayo'ko na sa iyo!" Paulit-ulit na sambit ko at pinagdiskitahan ang mga gamit sa kuwartong iyon.
Habang nagchi-check ng mga gamit ay desidido na akong pakawalan ang pagsintang purorot ko kay Matthew.