Chapter 18

2696 Words
HABANG nasa daan ay kinukulit ako ni Matt. Pero totoong hindi ko siya trip kausap ngayon at wala rin ako sa mood magpatawa gayong mabigat ang loob ko. Hinayaan ko siyang dumaldal nang dumaldal sa tabi ko. Nang mapagod siguro ito sa pangungulit ay tumigil na rin naman. Nang mga sumunod na sandali ay pareho na kaming walang kibo. Hanggang sa makarating kami sa harap ng kanilang resort. "Lala," tawag nito nang buksan ko ang pinto sa gawi ko at tangkang bababa na sana. Natigilan ako nang maramdaman ko ang kamay nito sa kanang braso ko. "Salamat sa paghahatid," hindi tumitinging sabi ko. Hinawakan ko ang kamay nitong nakahawak sa braso ko at inalis iyon. "Ingat at pasensya na sa abala." Pagkasabi ko niyon ay bumaba na ako. Hindi na siya nagsalita kaya tuloy-tuloy na akong pumasok sa loob ng resort. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo nang humabol si Matt. Kunot-noong tiningnan ko siya. "Nakalimutan mo," anito sabay abot ng isang paper bag. Hindi ko kinuha iyon dahil ang laman niyon ay ang cell phone na ibinalik ko sa kan'ya. "Lala." "Hindi akin 'yan, Sir Matt." Napatiim-bagang ito sabay kamot sa ulo. "Lala, please?" Muli niyang inaabot ang paper bag pero hindi ako kumilos para kunin 'yon. "This is yours, Lala." "Hindi ko matatanggap 'yan." "Pero bayad 'to sa cell phone mo na sinira ko the other day." "Hindi na, salamat na lang pero kaya ko namang mabuhay ng walang cell phone." "But--" "Sige na, Sir Matt. Hindi ko talaga matatanggap 'yan dahil alam ko kung gaano kamahal ang cell phone na 'yan at 'yong sinira mo magkano lang naman 'yon kumpara riyan." "I insist, Lala." "Hindi mo ako mapipilit na tanggapin 'yan, Sir Matt." Bumuntong-hininga ito nang hindi niya ako napilit na kunin iyon. Nang iwanan ko ito ay hindi naman na siya sumunod. Habang naglalakad papunta sa kuwarto ko ay hindi ko maiwasang hindi mapayakap sa sarili ko nang sumimoy ang malakas at malamig na hangin. Dalawang araw lang akong nawala pero sobrang na-miss ko ang resort. Kaya sa halip na pumasok na sa kuwarto ko ay nagbago ang isip ko. Sa dalampasigan ako dinala ng mga paa ko. Tumambay muna ako sa tambayan namin ni Jelaine noon at nagmuni-muni. Hindi ko mapigilang balikan sa isip ko ang mga sinabi ni Matt kanina. Nasaktan ako sa mga sinabi niya, totoo iyon. Pero hindi ko hahayaang makita niyang nasasaktan ako dahil doon. Ayaw kong ipakita sa iba ang kahinaan ko dahil takot akong gamitin nilang bala iyon para mag-take advantage sa akin. Sa tanang buhay ko, kanina lang yata ako napaluha nang sabihin ni Matt ang mga sinabi nito kanina. Ilang sandali pa akong nagtagal sa dalampasigan at nang mas'yado ng lumalamig ay nagdesisyon akong pumunta na sa kuwarto ko. Hindi na ako nag-abalang magpalit ng damit basta na lang akong humilata sa kama ko. Dahil na rin siguro sa pagod ay mabilis akong nakatulog. KINAUMAGAHAN, maaga akong nagising dahil balik trabaho na ako. Sa opisina ni Ma'am Deina ako unang pumunta para mag-report. As usual, nakipag-chickahan muna ako sa kan'ya bago magsimula sa aking trabaho. Pinilit kong iwinaksi sa isip ko ang tungkol kay Matt at sa nararamdaman ko para sa kan'ya. Yes, gusto ko na siya kaya naman ginawa ko ang lahat para alisin siya sa isip at sistema ko. Ngayon pa lang alam ko nang walang patutunguhan ang nararamdaman ko sa kan'ya kaya dapat ko nang pigilan ang paglago niyon. Hindi naman mahirap gawin iyon lalo na kung desidido kang gawin ang isang bagay. Ilalaan ko na lamang sa trabaho ang buong atensyon ko. ______ SA PAGLIPAS ng mga araw ay mas naging abala na ako kaya lalo na akong nawalan ng oras para isipin ang nararamdaman ko kay Matt. Si Sir Martin ang pinagtuunan ko ng pansin ng mga nakaraang araw dahil palala nang palala ang ugali nito. Ilang beses siyang nagtangkang kitilin ang sariling buhay dahil sa bigat ng kaniyang pinagdadaanan ngayon. Kung lumala ang ugali niya, mas lumala rin ang pagiging loka-loka ko para lang mapasaya siya. Ngunit sadyang mahirap pasayahin ang mga taong mas pinipiling magpakalunod sa sakit kaysa ang tulungan ang sariling makabangon muli. "Kalalaking tao pero ang hina-hina ng loob. Tss!" Naisatinig ko habang naglalakad papunta sa kuwarto ni Sir Martin. Ilang hakbang na lang ang layo ko mula sa kuwartong kinaroroonan nito nang makarinig ako nang sunod-sunod na kalabog. Napatakbo ako nang wala sa oras at madaling pumasok sa loob. Nadatnan ko si Sir Martin na nagwawala na naman. Pinagbabato na naman nito ang mga bagay na mahagilap ng mga kamay nito. Wala akong choice kun'di ang ilagan ang mga bagay na lumilipad sa loob ng kuwarto nito. Dasal ako nang dasal habang umiilag sa mga nagliliparang gamit nito. At laking pasasalamat ko nang dinggin ni Lord ang panalangin ko. Nakahinga ako nang maluwag nang tumigil na si Sir Martin at kapagkuwa'y umiyak na naman na parang umaatungal na baka. "Napakahinang nilalang ng halimaw na 'to, jusko!" Bulong ko habang nililigpitan ang mga gamit nitong nagkalat sa kung saan-saan. Hinayaan ko siyang umiyak. Tahimik kong inayos ang kuwarto nito. Sabi kasi nila kapag inaalo lalong aarte kaya hinayaan ko siya. "Mapapagod din naman 'yan, for sure." Bulong ko ulit. At hindi nga ako nagkamali dahil pagkaraan ng ilang sandali ay kusa siyang tumigil sa pag-iyak. Napatitig ako sa kan'ya nang marinig ko siyang humikbi na parang bata. Kusang gumalaw ang mga paa ko para lumapit sa kan'ya at idinantay ko ang kamay ko sa likod nito. Marahan kong hinaplos 'yon para iparating sa kan'ya na hindi siya nag-iisa. Nakaramdam ako ng simpatya para rito nang mahina siyang humikbi. Bigla kong naisip na may lalaki pa palang ganito kung magmahal. Hindi ko alam kung ano ang sumapi sa akin. Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na nakayakap kay Sir Martin at hinayaan siyang umiyak sa dibdib ko. Kusang tumaas ang kamay ko para haplusin ang buhok nito. "Tulungan mo ang sarili mo, Sir." Mahinang sabi ko rito. Sumigok naman ito at pagkatapos ng ilang sandali ay tumahan na rin. Pinakawalan ko siya at parang nahihiya siyang tumingin sa akin dahilan para mapangiti ako. Iyong ang laking tao pero napakaiyakin, jusko. "Okay ka na?" Kapagkuwa'y tanong ko. Tango lang ang nakuha kong sagot mula rito at hindi man lang nagtangkang tumingin sa akin. "Tubig gusto mo?" "Yes, please?" Mahinang sagot nito ngunit sapat na para marinig ko. Iniwan ko siya sandali at kumuha ng tubig. Nang iabot ko sa kan'ya ang baso ay kaagad nitong ininom ang laman niyon. "Thank you," pasalamat nito na hindi pa rin makatingin sa akin. "You're welcome." Napapangiti ako dahil parang hiyang-hiya siya sa akin na nasaksihan ko kung paano siya umatungal kanina. "Puwede bang iwan mo muna ako?" Pakiusap nito. Nang hindi ako magsalita ay doon na siya nag-angat ng tingin at tiningnan ako. "Please?" "Hindi puwede," sagot ko na may kasama pang iling. "I want to be alone for a while. Please?" "Makikinig ako kung kailangan mo ng kausap, Sir. Hindi kita huhusgahan, makikinig lang ako, promise." Pangungulit ko rito. "Hindi mo ako maiintindihan." "Try me, Sir." Paghahamon ko rito. Nakipagsukatan ako ng tingin sa kan'ya at hindi ako nagbawi ng tingin. Kahit may naramdaman akong awa sa kan'ya ay hindi ko ipinakita iyon. "Wanna try me?" "Anong nakain mo?" Napanganga ako sa tanong nitong iyon. "Bakit biglang naging seryoso ka yata ngayon?" "Loka-loka pa rin ako, ano ka ba? Pero dahil kailangan mo ng matinong kausap ngayon kaya magpapakatino muna ako. Isang araw lang 'to kaya samantalahin mo na dahil bukas balik na ako sa dating Lala." Napangiti ako nang mahina siyang tumawa. Ibang level na 'to dahil tumawa na siya kahit saglit lang. "So, ano? May expiration ang pagiging matino ko kaya samantalahin mo na. Promise, gagaan ang pakiramdam mo kapag inilabas mo 'yan," pangungumbinsi ko. "Fine--" "Yes!" Tuwang bulalas ko at kaagad itong inalalayan para makaupo sa wheelchair nito. "Hindi ko na kailangang umupo riyan, Lala." "Of course kailangan mo, unless gusto mong gumapang palabas ng kuwartong 'to." Nagtatakang tiningnan niya ako. Nakuha ko naman ang ibig niyang sabihin. "Sa dalampasigan tayo, para fresh air. Huwag kang mag-aalala sa trabaho ko, off ko ngayon kaya iyong-iyo ako today-, I mean iyong oras ko hindi ako," biglang bawi ko. Umasim kasi ang mukha nito. "So, tara na?" Pagyayaya ko. Tumango ito at hinayaan akong alalayan siyang makaupo sa wheelchair. Mayamaya pa ay nasa labas na kami. Sa tulong ulit ni Kuya Henry ay nadala namin sa dalampasigan si Sir Martin. Sa lugar na hindi mas'yadong marami ang nakatambay. Hinayaan ko muna siya sa kan'yang pananahimik. Alam kong bumubwelo pa siya para magkuwento sa akin. At sa mga panahong nakilala ko siya, alam kong hindi madali sa kan'ya ang mag-open up sa ibang tao. May alam na ako tungkol sa pinagdadaanan niya dahil sa ina nitong si Ma'am Liza, pero iba pa rin kapag si Sir Martin ang nagsabi. "Sobrang gago ko." Narinig kong sabi ni Sir Martin pero hindi ako nagkomento. Nanatili sa dagat ang mga mata ko. "Lala!" Napaigtad ako sa biglang pagsigaw nito. "Ha? Ano iyon? Teka, nagsisimula ka na bang magkuwento?" "Akala ko ba makikinig ka?" Nakasimangot na saad nito. "Ay oo naman, makikinig ako. Sige na, magkuwento ka na," aniko at umupo sa buhanginan sa tabi nito. Tumikhim muna ito bago nagsimulang magkuwento sa akin ng mga nangyari sa kan'ya kung bakit siya nalumpo. At habang nakikinig sa kuwento nito ay damang-dama ko ang sakit at hinanakit sa dibdib niya para sa babaeng minahal niya nang sobra-sobra. Nakakahanga ang pagmamahal na mayro'n ito para sa babaeng iyon. Ang kapal ng mukha niya at may umusbong na inis sa puso ko para sa walang pusong babaeng iyon. Base sa kuwento nito ramdam ko kung gaano niya kamahal iyong babae. Wala akong mahapuhap na sasabihin nang makita kong umiiyak na naman siya habang nagkukuwento at naglalabas ng saloobin. Hindi ko maiwasang malungkot sa nangyari sa kan'ya. Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na yakap ko si Sir Martin dahil ang mahinang hikbi nito ay nauwi sa malakas na hagulhol. Manhid na lang ang hindi maaawa sa kan'ya. Niyakap ko siya at inalo hanggang sa kumalma na siya. Muli siyang nagkuwento at nang matapos ay tumutulo pa rin ang mga luha nito. Nakaluhod na ako sa buhanginan para mayakap siya nang maayos. Tahimik na siyang umiyak sa mga bisig ko. Hindi ko alam na ganito kabigat ang dala-dala niya. Nalaman ko kasing hindi lang pala siya isang beses niloko ng ex-wife niya. Pero pinatawad niya kasi mahal niya. Gano'n siguro talaga kapag mahal mo talaga, kahit paulit-ulit kang saktan tatanggapin mo pa rin sa buhay mo. Pero ang mas hindi ko kinaya ay ang sinabi niya na bago siya iwan ng babae, nalaman niyang buntis ito sa anak nila pero pinalaglag pala ng ex-wife niya. Ganito pala kalalim ang pinanggagalingan niya na hindi niya masabi sa iba, maski sa ina nito. Bigla akong natakot magmahal, mabuti na lang din dahil iyong pagmamahal ko para kay Matthew ay hindi kasingsidhi ng klase ng pagmamahal ni Sir Martin para sa ex-wife nito. Nang tuluyan ng kumalma si Sir Martin ay kumalas na ito mula sa pagkakayakap ko. Nginitian ko siya nang magtama ang mga mata namin. "Kumusta ang pakiramdam mo? Gumaan naman ba?" Nagulat ako nang gumanti siya ng ngiti sa akin. Isang tunay na ngiti. "Gumaan ba ang dibdib mo?" Nahihiya siyang tumango. "Yeah. Nawala iyong parang batong nakadagan sa dibdib ko. Salamat sa pakikinig." Senserong pasasalamat nito. Tinapik ko ang braso nito. "Sabi ko sa iyo, magaling akong makinig eh. At naiintindihan ko na kung ganiyan ka kalugmok ngayon. Pero sana magawa mo nang pakawalan ang sakit na nararamdaman mo. Hindi naman iyan instant na mawawala, pero sana tulungan mo rin ang sarili mo na makabangon ulit. Tulad ng sabi mo, mag-iisang taon na mula nang mangyari ang mga nangyari. Siguro naman hindi kalabisan kung bibigyan mo ng chance ang sarili mo. H'wag kang mag-stay sa sakit, kailangan mong umalis diyan kasi walang puwedeng gumawa niyan para sa iyo kun'di sarili mo. May pamilya ka, ang Mommy mo, habang nakikita ka nilang ganiyan nasasaktan din sila, Sir Martin." Hindi ito umimik. Nakatanaw lang siya sa dagat. "H'wag mong hayaang talunin ka ng sakit. Masarap mabuhay, Sir." Tumanaw rin ako sa dagat. Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. "Naranasan mo na bang magmahal?" Basag nito sa katahimikan. "Oo naman, pero hindi kasingsidhi ng klase ng pagmamahal na nararamdaman mo. Mahal ko siya pero mas mahal ko ang sarili ko." Pag-amin ko. Mas madali pala talagang umamin sa taong hindi mo kilala. "Kilala ko ba siya?" Napalingon ako rito at ngumiti. "What?" "Tsismoso ka rin pala," tudyo ko rito na ikinatawa nito. "Gusto mong makitsismis sa buhay ko, 'no? Pero sorry ka, hindi ako mahilig magkuwento ng mga bagay tungkol sa buhay ko." "Tapos ako pinilit mong magkuwento sa iyo. That's unfair," himutok nito. Hindi ko napigilang matawa nang manghaba ang nguso nito. Feeling close na pinalo ko ang braso nito. "At least gumaan ang dibdib mo dahil sinabi mo sa akin ang lahat. Ako kasi, kaya ko namang dalhin ang mga pinagdadaanan ko. At isa lang ang sigurado ako, hindi ako magmamahal nang kagaya ng sa iyo. Mas pipiliin ko pa ring unahin ang sarili ko kaysa sa ibang tao," sabi ko. Mapait itong ngumiti at umiling. "Hindi mo masasabi iyan dahil kapag nando'n ka na sa sitwasyong iyon hindi mo na kontrolado ang puso at isip mo. Magugulat ka na lang na alipin ka na pala ng pagmamahal mo para sa kan'ya," makahulugang sabi nito. "At hindi mo napansin na nagpapakatanga ka na pala dahil sa pagmamahal na iyon," dugtong pa nito. Lalo akong natakot. Parang hindi ko ma-imagine na mangyayari sa akin iyon. Tumagal ang kuwentuhan namin ni Martin. Yes, Martin na lang dahil matapos ang pag-uusap namin ng ilang oras ay gusto niyang Martin na lang ang tawag ko sa kaniya. Na-realize kong mabait pala talaga ito, naging halimaw lang dahil sa ex-wife nito. Pero ramdam kong unti-unti siyang babalik sa dati dahil nasabi na niya ang mabigat na dala-dala. Nang dumami na ang mga tao sa puwesto namin ay nagyaya na akong bumalik sa hotel. Muli kaming tinulungan ni Kuya Henry. Sa halip na bumalik sa kuwarto ay nagyaya si Martin na sa isang restaurant muna kami tumuloy para kumain. Hindi naman ako tumanggi. Masaya kaming kumakain ni Martin. Masaya ako dahil nakikita kong marunong na siyang ngumiti at kaya na niyang sakyan ang kabaliwan ko. Habang masayang kumakain ay naramdaman kong tila may mga matang nakamasid sa akin. Nag-angat ako ng tingin para hanapin ang nagmamay-ari niyon at hindi sinasadyang napatingin ako sa may entrance, sa bandang gilid. Si Matt. Natigilan ako habang nakatingin sa kan'ya. Ngayon ko lang ulit siya nakita pagkatapos niya akong ihatid noon mula sa bahay nila. Isang linggo na ang nakakaraan. Nagtama ang mga mata namin ni Matt. Nakita ko ang pagdaan ng iba't ibang emosyon sa mukha nito ngunit hindi ko kayang pangalanan ang mga iyon. Nagbawi ito ng tingin. Sinundan ko ang tingin nito at nakita kong kay Martin na pala ito nakatingin, na ngayon ay nakaumang ang hawak na kutsara para isubo sa akin. "Martin.." Nag-atubili akong tanggapin iyon lalo pa't sa gilid ng mga mata ko ay nakita kong nakatingin pa rin si Matt. "Ahh." Inilapit nitong lalo ang kutsara sa bibig ko. "C'mon, open your mouth." Hindi pa rin ako kumilos. "Ah." Nakita kong pinagtitinginan na kami kaya para h'wag siyang mapahiya ay tinanggap ko na rin ang isinubo nito. "Good girl," anito habang nakangiti. Gumanti ako ng ngiti o baka nga ngiwi. "Damnit!" Sabay kaming napabaling ni Martin sa pinanggalingan ng boses na iyon. Si Matt. Padabog itong tumayo dahilan para lumikha ng ingay ang upuan nito. Sinipa pa nito ang upuang iyon bago nagmamartsang umalis. Nagkatinginan naman kami ni Martin. Nagkibit-balikat lamang ito at nagpatuloy sa pagkain habang ako ay natigilan at hindi malaman kung paano magre-react sa inakto ni Matt. Anong nangyari do'n? Piping usal ko sa isip ko. Mayamaya nama'y ipinagkibit-balikat ko na lang din. Baka badtrip lang siya kaya mainit na naman ang ulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD