LALA'S POV
HINDI sumusukong muli kong sinubukan na balikan ang lugar kung saan ako nanggaling kanina ngunit hindi ko talaga makita kung saan na ako napunta. Sinubukan kong lumabas sa isang exit pero sa isang makipot na eskinita ako napunta kaya't wala akong cloice kun'di ang bumalik sa puwesto ko kung saan ako napagkamalang namamalimos. Na gusto ko na yatang totohanin na lang para magkaroon ako ng pera para makabalik sa Resort, nang sa gayon ay may pamasahe ako. Dalawang oras na yata akong pabalik-balik, pasalamat na rin ako dahil hindi lang ako ang mukhang ewan na nagpapauli-uli.
Palinga-linga ako sa puwesto ko, nagbabakasakali akong may makitang kakilala na puwedeng makatulong sa akin. Hindi naman ako mangmang, sad'yang hindi ko lang talaga kabisado ang Manila dahil hindi pa naman ako nakakapunta rito. Baka ang huli ay bata pa ako at kasama ang mga magulang ko.
"Ano bang gagawin ko? Teka, tawagan ko kaya si Jelaine na sunduin ako rito--" kusa rin naman akong napatigil sa pagsasalita dahil wala nga pala akong cell phone.
"Walang cell phone, walang pera. Paano ko s'ya matatawagan nito? Pambihira talaga oh, peste talaga ang Matt na 'yon, hmp!" Pabulong-bulong na wika ko.
Nagpupuyos ang kalooban na nagsimula na naman akong maglakad, walang mangyayari sa akin kung tutunganga lang ako sa puwesto ko kanina. Hindi naman ako si Juang Tamad na maghihintay na lang sa pagdating ng grasya. Baka disgrasya ang matamo ko dahil wala talaga akong alam sa lugar na 'to.
Tumawid ako sa kabilang kalsada, unti-unting umusbong ang pag-asa sa dibdib ko nang makakita ako ng karinderya. Malalaki ang hakbang na tinungo ko 'yon.
Ngiting-ngiti nilapitan ko ang nagtitinda pero mukhang hindi maganda ang araw ito dahil ang sama ang timpla ng mukha.
"Kakain ka?" Masungit na tanong nito.
"A-Ah hindi po--"
"Hindi naman pala, bakit nakatayo ka r'yan? Hindi mo ba nababasa ang karatula, bawal ang tambay dito." May kalakasan ang pagkakasabi nito kaya nakatawag ito ng pansin ng mga kumakain sa karinderyang 'yon.
Sa kabila ng hiyang nararamdaman, nagawa ko pa rin ngumiti sa mga taong nakatingin sa akin.
"Sa iba ka tumambay, bawal dito." Ulit ng babae.
"Makikiusap lang po sana ako na baka puwedeng makigamit ng telepono o cell phon--"
"Wala." Pambabalewala nito sa akin, saka hinarap ang bagong dating ng kakain yata.
Napapailing na napabuntong-hininga na lamang ako, saka umalis sa harap ng karinderyang 'yon. Nakakalungkot, may mga tao pala talaga na walang balak mag-abot ng tulong.
"Sana pala tinanggap ko na lang 'yong 50 kanina na binibigay sa akin." Naisatinig ko.
Sa paglalakad ko may nakita akong maliit na tindahan, lakas-loob akong lumapit sa taong naroon.
"Mawalang-galang na po," aniko. May kausap kasi itong isa pang babae.
"Ano iyon?"
"Nawawala po ako rito sa Manila, Ma'am. Hihingi lang po sana ako ng tulong-"
"Pasensya na pero wala pa rin akong benta. Saka kita mo namang napakaliit ng tindahan ko, kasya lang sa amin ang kinikita ko." Anang may-ari siguro ng maliit na tindahan.
"Naiintindihan ko po, hindi naman po pera ang hihingiin ko, Ma'am."
"Ano pala?"
"Magbabakasali lang po ako na baka may cell phone po kayo, makikitawag po sana ako-"
"Wala akong cell phone eh kung gusto mo doon ka pumunta sa kabilang kalsada, may payphone roon." Tinuro nito ang sinasabi nito.
"Wala po akong ibabayad kung sakali, Ma'am."
"Pasensya na pero wala rin ako. Pinoproblema ko nga ang pambili ng kakainin namin mamayang hapon eh."
Nakakaunawang tumango-tango naman ako. Gets ko naman s'ya. Nanlulumong umalis na ako sa harap ng tindahan nito. Nang makakita ng bakanteng upuan, umupo muna ako roon dahil nananakit na ang mga binti ko.
Iniisip ko kung paano ako makakabalik ng Batangas. Sa labis na pag-iisip, hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako sa kinauupuan ko. Naalimpungatan lamang ako nang may mahinang tapik sa pisngi ko.
Dahan-dahan akong nagmulat ng aking mga mata, kaagad akong napatuwid ng upo nang makita kong isang lalaking marahil ay kaedad lang ng Papa ko ang gumising sa akin.
"Miss, bawal matulog dito. Baka mamaya damputin ka ng mga Pulis." Mabait na paalaala nito habang nakamasid sa akin. "Nawawala ka ba?"
Mabagal akong tumango. Nakita ko ang awa sa mukha nito.
"Saan ka ba uuwi?"
"Sa Batangas po ako eh."
"Paano ka naman napadpad dito?"
Biglang nagtangis ang mga ngipin ko nang maalala ang taong dahilan kung bakit ako nawawala ngayon at nagmumukhang kawawa.
"Miss?" Untag nito.
Napakurap-kurap naman ako. "Ah, eh kasama ko po ang boss ko," aniko at ikinuwento rito kung bakit ako nawala.
"Gusto kitang tulungan kaso wala pa akong pera rito eh. Katunayan n'yan magsisimula pa lang akong magtinda ng mga paninda ko." Sinundan ko ng tingin ang itinuro nito.
Nakita ko ang isang fishball cart na nasa di-kalayuan sa amin.
"Tindero ako ng mga fishball at kung anu-ano pa, 'yan ang hanap-buhay ko sa araw-araw."
Ibinalik ko ang tingin dito. "Puwede po akong makisali? Tapos hihingi na lang po ako ng pambayad sa payphone para matawagan ko po ang kaibigan ko na narito sa Manila."
"H-Ha?"
"Sige na po, Kuya maawa na po kayo at mahabag sa aking kagandahan," matinding pakiusap ko. "Kailangan ko lang po talaga ang pantawag sa kaibigan ko. Wala pong gustong magbigay sa akin eh kaya patulungin n'yo na lang po ako, please?"
"Baka naman lalong walang bumili sa akin, matakot sa buhok mo."
"Kuya naman eh, promise makakabenta tayo. Wala po akong balat sa puwet kaya siguradong ubos ang paninda n'yo."
"Sigurado kang walang balat?"
"Ay oho naman. Gusto n'yo pa po ba ng pruweba?"
Natawa naman si Manong at pabirong hinila ang buhok ko. "Kung anak kita, nakurot ko na 'yang singit mo."
"Ampunin n'yo po muna ako ngayon, please? Kahit ilang oras lang po."
"Sigurado ka ba na marunong kang magtinda?"
"Ay oho naman, tayo na po't inyong subukan."
"Kapag walang nabenta, wala kang makukuha sa akin."
"Oho sige, deal. Huwag po kayong mag-alala, magaling po akong magtinda, promise." Itinaas ko pa ang aking kanang kamay na animo nanunumpa.
"Sige na, pero manuklay ka muna baka wala tayong mabenta dahil d'yan sa buhok mo."
Awtomatikong napasimangot ako sa tinuran nito, saka sinuklay 'yon gamit ang mga daliri ko. Nang maglakad ito papunta sa cart ay sumunod ako. Dagli ring napatigil nang humarap ito sa akin.
"Bakit po?" Tanong ko.
"Ano bang pangalan mo?"
"Ay Lala po, La for short." Nakangiting sagot ko.
"Ako si Greg."
"Salamat po Tatay Greg."
Tumango lang naman ito, saka muling naglakad. Sabay kaming napatigil nang biglang may sumulpot na dalawang lalaki sa harap namin tila may humahabol sa mga ito.
"Ano na namang gulo 'to?" Naisatinig ko. Nang umiwas si Tatay Greg ay umiwas din ako sa nagtatakbuhan.
"Lala, may bato!" Hiyaw ni Tatay Greg.
Nataranta ako. "Lala, ang bato!"
"Darna-, ahh!" Malakas akong napahiyaw nang may kung anong tumama sa noo ko. Kaagad kong kinapa ang noo kong nasaktan, naramdaman kong unti-unting humahapdi 'yon.
"Lala! Ano ka ba namang bata ka!" Alalang sita ni Tatay Greg nang makalapit sa akin. "Masakit?"
Sa halip na sumagot, dahan-dahan kong inalis ang kamay kong nasa noo. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong may pulang likidong nakamatsa sa palad ko. Muli kong hinawakan 'yon. "Ang sakit.." Daing ko.
Inalalayan ako ni Tatay Greg na makalapit sa cart nito at doon ininspeks'yon ang noo ko.
"Masakit po, 'Tay.."
"Masakit talaga 'yan. Ikaw ang tamaan ng bato sa noo. Sabi ko kasi sa 'yo may bato, ikaw namang si gaga sa halip na umiwas itinaas mo pa 'yang kamay mo at sumigaw ng Darna." May halong inis at pag-aalala sa mukha nito.
Na-touch ako nang kumuha ito ng panyo sa dala nitong bag. "Itali natin sa ulo mo para huwag tumulo ang dugo pero spray-an muna natin ng alcohol."
Hinayaan ko s'yang lagyan ng alcohol ang sugat ko sa noo. Nang matapos si Tatay Greg, itinali na nito ang panyo sa noo ko.
Nagsimula na itong mag-ayos ng mga paninda habang ako ay nakatingin lang sa mga ginagawa nito.
"Ano pong maitutulong ko?"
"Okay ka na ba? Makirot pa?"
"Ayos na po, kayang-kaya pa po."
"Siya alukin mo sila, sabi mo magaling ka, 'di ba?"
Muling nanghaba ang nguso ko. "Ba't parang hindi ho kayo naniniwala na magaling ako?"
"Mamaya na ako maniniwala kapag nakaubos na tayo para magkaroon na tayo ng pera." Hindi tumitinging wika nito. Abala ito sa paghahalo ng nilulutong mga kung anu-ano.
Hindi muna ako nag-alok, dumukhang ako at sinipat ang relong pambisig na suot ni Manong. Lalo akong nag-alala dahil alas tres na pala ng hapon.
Matagal ba akong nakatulog? Piping tanong sa isip ko. Wala naman akong nakuhang sagot kaya sinimulan ko nang mag-alok.
"Bili na po kayo! Kikiam, fishball, kwek-kwek! Masarap po ang kwek-kwek namin, may sauce na manamis-namis mayro'n ding maalat-alat at maasim-asim!" Habang nag-aalok, mas ginandahan ko ang aking mga ngiti.
"Dito po kayo mga suki! The best po ang kwek-kwek dito!"
Tuwang-tuwang naman ako nang lumapit ang grupo ng mga binatilyo at kan'ya-kan'yang tuhog. Mas ginanahan akong mag-alok sa mga dumadaan.
"Bili na kayo! Bili na kayo, sosyal po ang kwek-kwek namin dito!"
"Paano naman naging sosyal eh itlog din naman ng pugo 'yan!" Anang tindera sa kabilang cart.
Ngumiti lang ako at muling nag-alok. "Bili na kayo! Kwek-kwek, kwek-kwek kayo r'yan! Itlog po ito ng pogi, opo itlog po ito ng pogi not pugo! Bili na kayo mga suki!" Kahit kumikirot ang noo ko, hindi ko ininda 'yon.
"Bili na kayo, mayro'n din kaming samalamig para sa mag-jowang nanlalamig!" Napangiwi ako nang makita kong may tila magkasintahang tinamaan, masama ang tingin sa akin. "Joke lang!"
Mas lalong natuwa si Tatay Greg dahil halos ilang ulit na s'yang nagsalang ng mga fishball at kung anu-ano pa sa kaniyang kawali.
Sobrang nalibang ako sa ginagawa ko kaya't hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras. Nag-enjoy ako sa pagtitinda.
Inutusan ako ni Tatay Greg na balatan ang natitirang itlog pugo. Bukas sa loob na sumunod naman ako. Habang nagbabalat ng itlog biglang sumagi sa isip ko si Matt. Nabuhay ang inis at ngitngit ng kalooban ko, buong araw akong tumira sa kalye dahil sa kan'ya. Sa sobrang ngitngit, ang kawawang itlog ang napagbalingan ko.
"Kapag nakita kita, dudurugin ko 'yang itlog mong kulubot, buwisit ka! Lalamasin ko 'yan sa asin at tutuhugin na parang fishball! Tutustahin ko ang kulubot na itlog mong Matthew ka! Ipapatikim ko sa 'yo ang lahat ng dinanas ko sa lansangan, nimal ka! Impakto!" Gigil na gigil na sambit ko.
"Lala, may naghahanap sa 'yo--"
"Huwag mo akong hahawakan, Matthew Impakto!" Pagdadrama ko at mahinang tinabig ang kamay Tatay. "Tutuhugin ko 'yang itlog mo! Ang yabang-yabang mo, kulubot naman 'yang itlog pogi mo!" Patuloy na litanya ko, hindi ko pinansin ang pagkurot ni Tatay sa braso ko.
"Huwag kang hahara-hara sa harap ko, hindi kita mapapatawad sa pang-aabandona mo sa akin!"
"Lala!" Naririnig kong muling tawag ni Tatay Greg.
"Yabang mo, hindi ka naman guwapo kasi kuwago ka, kuwago!"
"Lala, may naghahanap nga sa 'yo! Maawa ka sa itlog na 'yan, ano ka ba?"
Natauhan ako nang kunin ni Tatay sa akin ang stick na hawak ko at ang kaawa-awang itlog pugo na hindi ko napansin na nilamas ko na pala. Iiling-iling na inilayo ni Tatay 'yon sa akin.
"Pambihira ka, sino bang kaaway mong bata ka at pati itlog idinamay mo?"
"Iyong boss ko ho, 'Tay! S'ya ang may kasalanan sa mga nangyari sa akin ngayon. At kapag nagkita kami, gagawin ko sa itlog n'ya ang ginawa ko sa pugo na 'yan. Dudurugin ko 'yon sa mga kamay ko para hindi na mapakinabangan ng iba--" nabitin sa ere ang mga sasabihin ko pa nang may tumikhim.
"S'ya nga pala, Lala may naghahanap sa 'yo kanina pa." Ani Tatay Greg habang nakaangat ang tingin sa kung sino.
"Sino po?" Nang wala akong nakuhang sagot mula rito, dahan-dahan akong nag-angat ng tingin at sinundan ang tinitingnan nito.
Awtomatikong napaawang ang mga labi ko, saka mabilis na itinakip ang mga palad sa bibig ko nang makita ko kung sino ang taong nakatayo sa harap ng cart ni Tatay Greg. Si Matt. May dalawang Pulis sa tabi nito.
Hindi ko mabasa ang nakapaloob na emosyon sa mga mata nito. Basta nakatingin lang s'ya sa akin.
"S'ya ba ang hinahanap natin, Sir?" Anang isang Pulis.
Tumango si Matt. "S'ya nga ho. Salamat po sa tulong n'yo para mahanap ang babaeng 'yan, mga Sir." Halata ang inis sa boses nito nang banggitin ang salitang babaeng 'yan.
"Paktay! Narinig kaya n'ya 'yong mga sinabi ko?" Bulong ko habang nakatungo. Pasimple kong siniko si Tatay at bumulong. "Kanina pa po ba s'ya rito, 'Tay? Sa tingin n'yo ho narinig n'ya ako?"
"Kung maayos naman ang pandinig n'ya, malamang sa malamang narinig n'ya ang lahat ng sinabi mo. Nagsisimula ka pa lang sa pagbabalat ng itlog nakatayo na s'ya riyan. Nagulat ako dahil ipinakita n'ya sa akin ang cell phone n'ya tapos ando'n ka. Kung kilala raw kita, kaya tinawag kita kaso busy ka sa panggigigil sa mga itlog." Napapakamot sa ulong wika nito.
"Patay.." Bulong ko na sapat na para marinig ni Tatay.
"Patay ka talagang bata ka."
Napapangiwing napakamot na lang din ako sa aking ulo at hindi magawang tumingin nang diretso kay Sir Matt, na ngayon ay tapos ng makipag-usap sa mga Pulis. Nakatutok na sa akin ang mga mata nito.
"Tatay, salamat po sa pag-ampon sa akin, ha? Promise po, babalikan ko po kayo kapag nagawi ako rito sa Manila, ha?"
"Ingat ka. Salamat din dahil makakauwi ako nang maaga dahil sa 'yo."
Nginitian ko lang s'ya, saka mabagal na lumapit kay Sir Matt. "Mabuti naman ho at hinanap n'yo ako."
Umasim ang mukha nito. "Na sana hindi ko na lang ginawa kung alam ko lang na pinapatay mo na pala ako sa isip mo. Pati nananahimik kong itlog pinakikialaman mo? At paano mo nasabing kulubot? Nakita mo na ba?" Sunod-sunod na tanong nito sa mahinang boses.
"Hindi."
"See? Paano mo nasabi?" Angil nito.
"Nakakita na ako no'n at gano'n ang hitsura. May pagkakaiba pa ba 'yon eh pareho namang itlog 'yon? Unless--"
"Unless, what?" Lalong umasim ang mukha nito.
"Wala!" Inis na turan ko at nilayasan na ito. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo nang hablutin nito ang kanang braso ko. " Bakit ba?" Asik ko nang humarap dito.
Hindi nakaligtas sa akin ang pagdaan ng pag-aalala sa mukha nito nang mapatingin sa noo ko.
"Anong nangyari sa noo?"
"Concern?" Patuyang tanong ko. Nabanas na naman ako sa kan'ya nang maalala ko ang nangyari sa akin sa buong maghapon.
"Anong nangyari sa noo mo?" Ulit nito.
"Tinamaan ng ligaw na bato."
"Malaki ba ang sagot?"
"Wow, kailan ka pa nagkaroon ng paki sa akin?"
"Lala! Look, I'm sorry for breaking your phone. I'm just-"
"You're just tarantado that's why."
"Hey, I'm just trying to be nice here.
"Nice, nice, bigyan mo ako ng pera para makauwi na ako sa Batangas." Pinalis ko ang kamay nitong nakahawak sa braso ko ngunit muli lang niyang hinawakan 'yon. "Bakit ka ba hawak nang hawak, ha?"
"Because I'm worried about you! Did you get it? I've been worried about you all day! I thought... fvck!" Frustrated na turan nito at hinilamos ang dalawang palad sa sariling mukha.
"Akala ko kung ano na ang nangyari sa 'yo. Buong araw akong naghanap kasama ang mga Pulis, Lala."
Medyo nabawasan ang inis ko rito nang makita ko ang pag-aalala sa mukha nito habang nakatingin sa akin.
"Yes, buwisit na buwisit ako sa 'yo pero hindi kakayanin ng konsensya ko na mapahamak ka because of me. Fvck! Damn it!" Napangiwi ako sa sunod-sunod na pagmumura nito. "Bakit ka ba kasi umalis? Ang sabi ko sa kotse ka lang, 'di ba? Para kang bata na ang hirap sabihan, Lala." Muli itong napahilamos dala ng inis sa akin.
"Ihing-ihi na ako, ang tagal-tagal mong bumalik. Hindi mo naman siguro gugustuhin na sa kotse mo ako umihi, 'di ba? Sana kasi isinama mo na rin ako, sana hindi mo 'ko iniwan sa kotse mo.." Sumbat ko rito. Pumiyok ang boses ko habang sinasabi 'yon dahil sa mga kinasangkutan ko buong araw.
"Lala.."
"Sana hindi mo sinira ang cell phone ko para sana natawagan kita o kahit sino.." Nag-init ang sulok ng mga mata ko. Tumungo ako upang ikubli ang pamumuo ng luha ko. "Kasalanan mo 'to eh.."
"I'm sorry.." Literal na tumigil ang paghinga ko nang maramdaman ko ang matitipuno nitong braso na yumakap sa beywang ko. "I'm sorry.."
Lalo akong nanigas nang maramdaman ko ang masuyong haplos nito sa buhok ko kasabay ang paulit-ulit na paghingi ng sorry.
Parang ang sarap mawala lagi, char. Piping usal ng maharot na bahagi ng utak ko.