Lala's POV
MAKAILANG ulit na akong napabuga ng hangin dahil sa inis na nararamdaman ko. Kanina pa ako wala sa mood, kanina pa mainit ang ulo ko sa hindi ko malamang dahilan. Hindi ako mapakali, kanina ko pa sinisipat-sipat sa harap ng salamin ang kabuuan ko.
"Pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako?" Pagdadrama ko sa harap ng salamin. Nasa isang kuwarto ako na huli kong i-che-check ng araw na iyon.
"Pangit ba ako, ha? Kapalit-palit ba ako?" Muling tanong ko sa imahe ko sa harap ng salamin.
"Sumagot ka!"
"Oo! Ang pangit-pangit mo!" Napangiwi ako sa sarili kong sagot. "Bakit gano'n, masakit pala talagang marinig ang katotohanan."
"Lord, nasaan po ba si Mama noong magsabog Kayo ng kagandahan? Bakit ganitong mukha lang po ang napunta sa akin? Sagad na sagad na po ba ito? Baka naman po puwedeng humirit pa kahit kaunti, Lord."
Sunod-sunod na buntong-hininga na lang ang ginawa ko, saka pabagsak na umupo sa malambot na kama. Nang medyo makaramdam ng pagod ay tuluyan kong inilapat ang likod ko sa kama. Ginawa kong unan ang mga braso ko, saka tumitig sa kisame.
Muling nanikip ang dibdib ko nang maalala ang eksenang sumalubong sa akin kanina. Wala sa loob na napahawak ako sa tapat ng dibdib ko. Habang nakatitig sa kisame ay napaisip ako.
"Bakit parang nasasaktan ako?" Tanong ko sa aking sarili.
"Kasi gusto mo na siya."
"Hindi ko siya gusto!" Parang gagang kinakausap ko ang sarili ko. Muli akong napabuntong-hininga, saka pumikit. Nang makaramdam ng antok ay hinayaan kong tangayin ako niyon.
Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na nakatulog. Basta nagising na lamang ako dahil sa pakiramdam na parang may mga matang nakamasid sa akin. Napabalikwas ako ng bangon, saka iginala ang tingin sa paligid.
"Baka guni-guni ko lang iyong pakiramdam na may nakamasid sa akin." Tuluyan na akong umalis sa kama at tahimik na nilisan ang kuwartong iyon.
Medyo nagulat pa ako nang paglabas ko ay bumungad sa akin ang madilim na paligid.
"Gabi na pala? Ang tagal din pala ng tulog ko?" Wala sa loob na sambit ko habang naglalakad patungo sa quarter ko.
Ilang metro pa ang layo ko mula sa quarter ko nang matigilan ako. May isang bulto ng tao na nakatayo malapit sa pinto niyon.
"Sino iyon?" Mabagal akong naglakad papunta roon para alamin kung sino iyon. Muli akong natigilan nang makita kong si Matt pala ang taong iyon.
Napakunot ang noo ko nang makita kong masama ang tingin nito sa akin. Sabagay, wala naman ng bago roon.
"May kailangan ka po ba, Sir?" Walang ganang tanong ko.
"Saan ka galing?"
"Diyan lang po sa tabi-tabi. May kailangan pa po ba kayo?" Hindi ko alam kung anong sumapi sa akin ng mga sandaling iyon dahil bigla akong nawalan ng ganang makipag-asaran sa kaniya.
Pakiramdam ko kapag nilait-lait niya ako ngayon, hindi ko na magagawang tumawa. Siguro dahil alam kong kapag si Matt ang nagsabi walang preno ang bibig nito.
"May kailangan pa po ba kayo, Sir?" Muling tanong ko.
"Wala naman. Gusto ko lang sabihin sa 'yo na kailangan mong gumising nang maaga bukas dahil isasabay kita papunta sa Manila."
Aaminin kong nagulat ako sa sinabi nito. "Anong gagawin ko sa Manila? Wala akong alam sa Manila kaya hindi ako sasama sa 'yo." Iyon lang at tinalikuran ko na ito.
Tangka kong isasara ang pinto nang iharang nito ang sariling katawan para huwag iyong sumara.
"Sir, magpapahinga na po ako--"
"Be ready at six o'clock in the morning." Putol nito sa sasabihin ko. "Six o'clock, Lala. Ayo'ko na pinaghihintay ako dahil mahalaga sa akin ang bawat minuto."
"Hindi ako sasama kaya hindi mo ako kailangang hintayin, Sir. Good night!" Walang pasabi na basta ko na lang itinulak pasara ang pinto.
"Lala, six o'clock in the morning!" Malakas na sabi nito mula sa likod ng nakasarang pinto.
"Hindi ako sasama!" Ganting sigaw ko, saka kinuha ko ang earphone sa loob ng drawer at basta na lang isinalpak sa tainga ko.
Nilakasan ko ang volume niyon para hindi ko marinig ang boses ni Matt. Pabagsak akong nahiga sa kama ko habang nanunulis ang nguso. "Tss. Nunka akong sasama sa 'yo. Baka mamaya iligaw mo pa ako."
Nagmamaktol ang kalooban na pinilit kong ituloy ang naudlot kong tulog. Wala na akong balak maghapunan dahil tinatamad na talaga akong lumabas para kumain. Pinatay ko ang earphone nang maramdaman kong tahimik na sa labas ng kuwarto ko. Ibinalik ko sa drawer iyon, saka naglinis ng katawan at muling bumalik sa aking kama.
Nagsisimula na akong makaramdam ng antok nang mag-ring ang cell phone ko. Unknown number iyon kaya hindi ko sinagot kaagad. Hindi kasi ako ang tipo ng tao na pinapaalam sa kung sino-sino ang personal kong numero. Sa katunayan, pamilya ko lang ang nasa contacts ko at si Jelaine, Kuya Henry at si Gian.
Nang tumunog ang cell phone ko sa pang-apat na pagkakataon ay napilitan na akong sagutin iyon sa pag-aakalang baka importante iyon.
"Why you took so long to answer your phone?!"
Literal na napangiwi ako nang umalingawngaw sa tainga ko ang malakas na boses ng hudyong si Matt, siya pala ang tumatawag.
"Bingi ka ba? Kanina pa ako tumatawag ah--" hindi ko na narinig ang sumunod nitong sinabi dahil mabilis kong inilayo sa aking tainga ang cell phone.
"Do you hear me? Hello, Lala, hello!" Rinig kong sabi nito nang dahan-dahan kong ilapit sa tainga ko ang cell phone.
"Hello!"
"Sir, bakit po?" Walang ganang tanong ko.
"Kanina pa ako tumatawag sa 'yo, hindi mo ba naririnig?" Bakas ang pagkairita sa boses nito.
"Tapos na po ang working hours ko, Sir. Puwede po bang bukas n'yo na lang ako utusa--"
"Hindi kita uutusan, okay?"
"Bakit po kayo tumawag? May kailangan po ba kayo? At kanino n'yo po nakuha ang number ko?" Sunod-sunod na tanong ko.
"Ipapaalala ko lang sa 'yo na six o'clock in the morning ang alis ko bukas, huwag mo akong paghihintayin, maliwanag?"
"Hindi nga kasi ako sasama--"
"Kung gano'n tawagan mo si Ate Jelaine at ipaalam mo sa kaniya na hindi ka sasama."
"Pero--, ano ba kasing gagawin ko roon?"
"Malay ko."
Napaismid naman ako sa sagot nito. "Sige na ibaba mo na, tatawagan ko na ang kaibigan ko."
Hindi naman na ito nagsalita at basta na lang pinatay ang tawag. Naghihimagsik ang kalooban na ibinagsak ko sa ibabaw ng kama ang aking cell phone. "Bastos, walang modo, hmp!"
Muli akong bumalik sa pagkakahiga ko nang muling mag-ring ang cell phone ko. Kaagad kong sinagot iyon nang makita kong si Jelaine ang caller ko.
"Hi, Besh," bungad nito sa kabilang linya.
"Hmm."
"Nasabi ba sa 'yo ni Matt na isasabay ka niya bukas papunta rito?"
Napaupo naman ako, saka sumandal sa headboard ng kama. "Ano ba kasing gagawin ko riyan, Jel?"
"Wala, miss na kita eh. Hindi mo ba ako nami-miss?" Paglalambing nito.
"Nami-miss siyempre, pero alam mo namang super hate ako ni Sir Matt baka kung saan niya ako dalhin eh o kaya ibenta niya ako riyan sa Manila."
Narinig ko namang tumawa ito sa kabilang linya. "Bakit naman niya gagawin iyon? Hindi naman masamang tao si Matt eh." Pagtatanggol pa nito sa future bayaw.
"Ah, basta. Ayo'kong pumunta riyan, ikaw na lang ang pumunta rito, besh. Pahatid ka kay Giantot mo," ungot ko pa rito.
Tawa lang naman ang isinagot nito sa akin. "Hihintayin kita, ha? Ipapasyal kita rito."
"Jel, ayo'ko nga. Natatakot akong sumama kay Matt baka iwala niya ako riyan sa Manila eh. Hindi ko alam ang pasikot-sikot diyan."
"Hindi niya gagawin iyon, paranoid ka lang mas'yado kasi alam mong iniinis mo siya madalas."
"Hindi ah!"
"Alam ko, 'no? Palaging binibida ni Mich sa amin ang mga kalokohan mo sa Kuya niya."
"Seryoso?"
"Oo kaya."
"Basta, ikaw na lang ang pumunta rito--"
"Hihintayin kita, Lala." Putol nito sa sasabihin ko. "Magtatampo ako sa 'yo kapag dumating si Matthew bukas na hindi ka kasama."
"Blackmail iyan, Jel." Nanunulis ang ngusong sabi ko.
"Miss lang kita. Basta maghihintay ako sa 'yo bukas, ah." Hindi na ako nito hinintay makasagot, basta na lang nitong pinutol ang tawag na hindi man lang nagpapaalam sa akin.
Umayos ako ng higa, saka natulog. Bahala na si Batman bukas.
--------
KINABUKASAN nagising ako sa malakas na kalampag sa labas ng pinto ng aking kuwarto. Papungas-pungas akong bumangon para tingnan kung sino ang kumakalampag sa labas ng kuwarto ko.
Napatda ako nang makita si Sir Matt na siyang nabungaran ko. Walang modong basta na lang nitong itinulak pabukas ang pinto at walang pakundangan na pumasok sa loob ng kuwarto ko.
"Sir, bawal po kayo--"
"Shut up," pigil nito sa pagsasalita ko. "Sinabihan na kita kahapon na ayo'ko na pinaghihintay ako, hindi ba?"
"Sir, pasensya na po-"
"Pasensya-pasensya. Sinasayang mo ang oras ko, Lala." Mariing sabi nito habang masama ang tingin sa akin.
Awtomatikong umatras ang mga paa ko nang makita ko siyang palapit sa akin na para bang gustong-gusto akong tirisin. Sa kabila ng kaba ay nagawa kong aninagin ang orasan na nakapatong sa bedside table ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong alas syete y medya na pala ng umaga.
Nakangiwing dahan-dahan akong nag-angat ng tingin. "S-Sorry po, S-Sir, napasarap po ang tulog-"
"To hell I care! Just fix yourself para makaalis na tayo."
Kinakabahang naglakad ako papunta sa banyo, saka dali-daling naghilamos at nag-toothbrush. Baka amoy laway pa ang bibig ko dahil kagigising ko lang. Paglabas ko, dumiretso ako sa cabinet ko para kumuha ng susuotin.
"Nevermind. Let's go," anito at basta na lang akong hinila palayo sa cabinet.
Nanlaki naman ang mga mata ko. "Seryoso ka, Sir?"
"Mukha ba akong nagbibiro?" Angil nito.
"Pero, Sir-"
"Let's go. Stop wasting my time, Lala. Makikisabay ka na nga lang nang-aabala ka pa."
"Sir, magpapalit lang po ako ng damit, puwede?" Pigil ang boses na sabi ko. Gustong-gusto ko na itong bulyawan dahil ang aga-aga manigaw.
"No need. Let's go." Hinila nito ang braso ko, wala man lang kapino-pino ang kilos nito sa akin.
"Sir, sandali naman po-,aray!" Malakas akong napadaing nang sumabit sa pinto ang isang paa ko. "A-Aray ko naman, Sir, nang-aano ka na ah."
"Ang bagal mo kasi." Paninisi pa nito.
Hindi naman ako umimik, umupo ako para tingnan ang na-murder kong paa. "Nakakainis!" Pabulong-bulong na sabi ko, saka dahan-dahang tumayo. Nagulat ako nang sumalubong sa akin ang nag-aalalang mukha ni Sir Matt, pero sandali lamang iyon dahil muling naging maasim ang mukha nito dahilan para mapaismid ako.
"Let's go. Don't change your clothes, hindi ka naman magko-commute." Tangka niyang hihilahin ang braso ko pero mabilis akong nakaiwas. Patakbo akong lumapit sa kama, saka dinampot ang cell phone, kinuha ko na rin ang suklay ko dahil buhaghag pa ang buhok ko, malamang dahil kagigising ko lang.
Nagmamadali na akong sumunod kay Sir Matt, kahit nakapantulog pa ang suot ko. Nasa hallway na kami nang biglang umasim ang mukha ko. Paanong hindi aasim, tumigil sa tapat ng nakasarang pinto si Sir Matt, at kapagkuwa'y lumabas doon ang babaeng kasama nito kahapon.
"Matthew!" Maarteng bulalas ng babae, sabay yakap sa braso ni Sir Matt. Tumingkayad pa ito para mahalikan si Sir Matt sa pisngi.
Nag-alburuto naman ang puso ko sa eksenang iyon. Muli kong naramdaman iyong kirot na naramdaman ko kahapon nang makita ko silang dalawa.
"Let's go," pag-aaya ni Sir Matt, saka ikinawit ang isang braso sa beywang ng babae.
Nasa hulihan nila ako kaya kitang-kita ko ang sweet na gesture ni Sir Matt sa babaeng kasama nito.
Iba talaga kapag maganda, iingatan ka. Kapag kagaya kong pang-nobody lang ang hitsura, nganga. Himutok ng isang bahagi ng isip ko.
Maganda ka, Lala. Tandaan mo maganda ka sabi ni Mama. Bulong naman ng isang bahagi ng isip ko.
MAKAILANG ulit kong pinilig ang ulo ko para alisin ang kung anong naiisip ko. Maganda naman ako, hindi nga lang kasingganda ng kasama ni Sir Matt pero at least maganda pa rin naman.
Habang nakasunod sa dalawang naglalandian sa unahan ko, inalis ko na lang ang atensyon ko sa kanila. Tinawagan ko na lang si Sir Martin para magpaalam na mawawala ako ngayong araw.
"What?" Paasik na sagot nito sa kabilang linya.
"Hi, good morning!" Masiglang bati ko.
"There's no good in the morning."
Sa halip na ngumiwi sa pag-asik ni Sir Martin ay malawak akong ngumiti nang makita kong tumigil si Sir Matt sa paglalakad at lumingon sa akin. Nakita kong nagsalubong ang mga kilay nito.
Lalo kong ginandahan ang pagkakangiti ko na animo nakikita ako ni Sir Martin, na malamang natuktukan na ako kung talagang nasa harap ako nito ngayon.
"Yes, honeypie, don't worry babalik naman ako." Ibig kong matawa nang marinig ko ang malutong na mura ni Sir Martin sa kabilang linya.
"Ikaw talaga, hindi pa nga ako nakakaalis gusto mo na akong bumalik kaagad."
"What the hell are you talking about?"
"Yes, honeypie. Babalik ako, promise."
"Lala!"
"Mag-iingat naman ako, babalik ako na buo para sa 'yo, honeypie." Pigil-pigil ko ang mapangiwi dahil sa pagmumura ni Sir Martin dahil sa mga pinagsasasabi ko. Nakita kong lalong nagsalubong ang mga kilay ni Sir Matt.
"Yes, buo pa rin. Walang labis walang kulang. Hindi ako magpapaligaw, ikaw talaga." Hindi ko na napigilan ang mapahagikhik nang sunod-sunod na mura ang pinakawalan ni Sir Martin. Kung kaharap lang ako nito, malamang nasakal na ako.
"Crazy woman!" Palatak nito.
"I think I love you na rin--" hindi ko natapos ang sasabihin ko nang biglang may humablot sa cell phone ko. "Sir Matt.."
Literal na nanlaki ang mga mata ko nang basta na lang nitong ihagis ang cell phone ko dahilan para magkahiwa-hiwalay ang kaha niyon.
"Bakit mo tinapon?" Mahina ngunit mariin kong tanong.
Umismid lang naman ito, saka ako tinalikuran at bumalik na sa tabi ng babaeng kasama nito.
Masama ang loob na dali-dali kong pinulot ang cell phone ko, saka humabol sa mga ito. Nang makarating sa labas ng resort ay kaagad silang lumulan sa kotseng naroon. Lalong naghimagsik ang kalooban ko nang pagkatapos ipagbukas ng pinto ni Sir Matt ang babae ay basta na lang din itong sumakay.
Naiwan akong nakatingin lang sa mga ito.
Bumukas ang pinto sa gawi ni Sir Matt. "What are you waiting for? Get in, Lala!" Utos nito.
Hindi naman ako kumilos. Nanatili akong nakatayo, masama kasi ang loob ko sa pagsira niya sa cell phone kong matagal kong hinulugan.
"I said, get in, Lala."
Naninikip ang dibdib na binuksan ko ang passenger seat, saka pabalibag na isinara ang pinto.
"Sisirain mo ba ang kotse ko?" Asik nito.
Masama ang loob na tumingin ako rito. "Sinira mo nga ang cell phone ko, may narinig ka ba sa akin?" Nakita kong natigilan ito. "Hindi ako mayaman na kayang bumili ng gamit anumang oras na gustuhin ko. Pinagpaguran ko ang ibinili ko sa cell phone kong sinira mo, Sir."
Nawalan naman ito ng kibo, saka nag-iwas ng tingin sa akin. Walang salitang binuhay nito ang makina at mabilis na pinasibad iyon. Buong biyahe ay tahimik lang ako sa likuran ng dalawang hudyo na walang ginawa kun'di ang magharutan.
Makailang buntong-hininga ang ginawa ko para kalmahin ang sarili ko. Naiiyak ako sa tuwing titingnan ang cell phone kong basag-basag ang screen.
Nag-angat ako ng tingin nang huminto kami sa tapat ng isang Mall. Lumingon sa gawi ko si Sir Matt.
"Stay here, may bibilhin lang ako sa loob," anito.
"I'll go with you, darling," anang babae, saka nauna pang bumaba ng sasakyan.
"Mabilis lang kami, huwag kang aalis dito, okay?" Hindi naman ako sumagot. "Lala, I'm talking to you, did you hear me?"
"Hindi naman ako bingi." Naiinis na sagot ko.
Napabuga naman ito ng hangin. "Wait for me, mabilis lang ako." Paalam nito, saka tuluyang bumaba ng sasakyan.
Naiwan akong naghihimagsik ang kalooban. Kahit inip na inip na sa loob ng sasakyan ni Sir Matt ay hindi ako bumaba. Una, nakapangtulog pa ako. Pangalawa, wala akong alam sa lugar na kinaroroonan namin.
Ilang sandali na ang nakakalipas pero hindi pa rin bumalik ang dalawa. Hindi na ako mapakali dahil bukod sa inip na inip na ako, ihing-ihi na rin ako. May kalahating oras pa akong naghintay, nang hindi na ako nakatiis ay bumaba ako ng sasakyan para magtanong kung saan ang ihian. Ihing-ihi na kasi talaga ako at parang sasabog na ang pantog ko.
Palinga-linga ako, at tinandaan kung saan naka-park ang kotse ni Sir Matt. Ilang ulit kong ginawa iyon bago lumapit sa isang grupo ng mga tricycle driver, saka nagtanong.
Mababait namang itinuro nila sa akin kung nasaan ang restroom, dali-dali akong pumunta para umihi. Hindi naman nagtagal ay lumabas na rin ako. Pabalik na sana ako sa pinanggalingan ko nang makita kong tila may nagkakagulo. Nagtatakbuhan ang mga tao na papunta sa gawi ko.
Literal na nanlaki ang mga mata ko nang tatakbo na rin sana ako nang makita ko ang lalaking tumatakbo na may dalang patalim. Awtomatikong umatras ang mga paa ko, saka kumaripas ng takbo, nakisabay ako sa nagkakagulong mga tao.
"Bilisan mo, Anak." Anang isang ginang na kaagapay kong tumatakbo. Hila-hila nito ang batang nasa edad siyam siguro.
Lumingon ako, lalo akong natakot nang ilang metro na lang ang layo nito sa amin. Nakaumang pa rin ang patalim na hawak nito.
"Miss, takbo!" Hiyaw ng isang lalaki. Wala akong sinayang na sandali, muli akong kumaripas ng takbo. Tumigil lamang ako nang marinig ko ang wangwang ng sasakyan ng mga pulis. Hingal na hingal na napaupo ako sa isang sulok. Awtomatikong napahawak ako sa dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag iyong takot ko dahil akala ko katapusan ko na.
Umihi lang naman ako pero nasabak pa ako sa gulo. Himutok ko habang sapo pa rin ang sariling dibdib. Pero kaagad din akong natigilan nang maalala na hindi ko alam kung saang lupalop ako napunta.
Napatayo ako, saka nagpalinga-linga. "Sh!t, nasaan ako?" Umalis ako sa kinatatayuan ko, saka nagsimulang hanapin ang kotse ni Sir Matt.
Naiiyak na ako dahil nakailang pabalik-balik na ako pero hindi ko makita ang kotse ni Sir Matt. Hindi ko na rin makita iyong palatandaan ko kung saan nakaparada ang sasakyan niya.
Napapagod na sumandal ako sa isang gilid ng pader. "Lord, nasaan na po kaya ako?" Naisatinig ko.
Isa ko pang problem, wala akong cell phone para sana matawagan ang Matt na iyon.
"Sinabi ng wala akong alam sa Manila eh, lecheplan ka talaga, Matt!" Napahilamos na lamang ako sa aking mukha. Ilang sandali akong nasa ganoong posisyon nang may magsalita sa tabi ko.
Nag-angat ako ng tingin.
"Miss, pasensya ka na kung ito lang ang nakayanan ko, sana makatulong sa 'yo," anito habang may iniaabot na singkuwenta pesos.
Napaawang naman ang mga labi ko.
"Kunin mo na, Miss, sana makatulong kahit maliit na halaga lan-"
"Sandali lang po, Ate, ha. Pero hindi po ako pulubi. Nagpapahinga lang po ako kaya nakatayo ako rito."
Napaawang din ang bibig nito. "H-Hindi ba, naku pasensya ka na akala ko kasi nanglilimos ka, Miss."
"Hindi po ako pulubi pero salamat na rin po." Pigil ang ngiwing sabi ko.
Napapahiyang umalis naman ang babae habang ako naman ay hindi malaman kung matutuwa sa pagmamagandang loob nito o maiinsulto. Mapagkamalan ka ba namang pulubi.