Chapter 10

2231 Words
Lala's POV KANINA PA nakaalis si Sir Matt pero tawa pa rin nang tawa ang magpinsang Deina at Mich. Habang ako naman ay panay ang himas sa ilong ko, na ayon kay Sir Matt ay pango raw. "Hindi naman ako pango ah," wala sa loob na sabi ko habang sinasalat ang matigas na buto sa ilong ko. "Hindi ako pango." Naghihimagsik talaga ang kalooban ko dahil sa sinabing iyon ni Sir Matt. Natigil ako sa paghilot sa ilong ko nang marinig kong lumakas ang hagikhik ni Ma'am Deina at Mich. "Hindi ka naman talaga pango," natatawang sabi ni Ma'am Deina. "Pero hindi rin naman katangusan ang ilong mo," segunda ni Mich. Napangiwi naman ako. Heto na naman ang mga ito pauulanan na naman ang panglalait. Hmp! Piping paghihimagsik ng kalooban ko. "At least legit 'tong ilong ko, 'no? Kahit sampal-sampalin ako hindi tatabingi ang ilong ko," sabi ko sabay salat ulit sa ilong ko. "'Di bale ng hindi katangusan ang ilong basta nakakahinga." Sabay namang tumawa ang dalawa. "Nagbibiro lang kami, ah," si Mich. "Nakakatuwa kang magbiro, Mich, tagos sa atay." Tumatawang hinampas nito ang braso ko. "Joke lang iyon, maganda naman talaga ang ilong mo, inaasar ka lang ni Kuya Matt." "I agree with you, cous, maganda naman talaga si Lala medyo kulang lang sa suklay." "Aw, awat na. Lalaitin n'yo na naman ang buhok kong nananahimik lang," ingos ko. "Pumayag ka na kasing ipaayos ang buhok mo," pangungulit ni Mich na sinegundahan naman ni Ma'am Deina. "Kaya nga. Kung gusto mong mapansin ni Matt dapat ayusin mo naman iyang buhok mo." "Hindi naman ako nagpapapansin kay Sir Matt, 'no? Natutuwa lang ako sa kaniya kasi palagi siyang pikon." "Oh, really? Eh bakit parang kumikinang ang mga mata mo sa tuwing makikita mo si Kuya Matt?" May halong panunudyo ni Mich. Pabebe iniligay ko muna sa likod ng aking tainga ang ilang hibla ng aking walis tambo, saka nagpa-cute. "Gano'n talaga kapag diyamante, kumikinang." Sabay namang tumawa ang dalawa. "Ibang klase talaga ang mga banat mo, Lala. Kaya halos mautas si Kuya Matt sa 'yo eh. Parang gusto na kitang ampunin, Lala. Gusto ko sa opisina ko ang kagaya mo. Masayang kasama at feeling ko hindi ako magkaka-wrinkles kapag tayong dalawa ang magkasama." "Magagalit sa 'yo si Marco kapag ginawa mo iyan. Magaling na empleyada si Lala rito, at tiyak na malaking kawalan siya rito kung dadalhin mo sa Manila," kaagad na kontra ni Ma'am Deina kay Mich. "Hindi iyon, ako ang bahala kay Kuya Marco." "Ang tanong papayag ba ang Kuya Matt mo?" "Oh, bahala siya sa buhay niya. Sa opisina ko naman si Lala at hindi sa opisina niya, 'no?" Giit ni Mich sa pinsan nito. "Baka lalong mapadali ang buhay ng kapatid mo kapag isinama mo si Lala sa Manila. Kita mo namang pikon na pikon ang kapatid mo sa kaniya, lalong magwawala ang isang iyon." "Akong bahala, wala naman siyang magagawa kapag kasama ko na si Lala eh." Siyempre habang nagkokontrahan ang dalawa, ako naman ay tahimik lamang sa isang tabi habang pangiti-ngiti. Naiisip ko pa lang na sa Manila na ako magtatrabaho ay isang malaking hamon sa akin iyon dahil wala akong alam sa Manila. Pero kung papalarin ay hindi ko tanggihan ang gusto ni Mich, pagkakataon ko na iyon. Habang nagkokontrahan pa ang dalawa ay pasimple na akong nagpaalam para bumalik sa trabaho ko. Pagkaalis ko sa opisina ni Ma'am Deina, sa isang room na katabi ng room ni Sir Martin ako dumiretso. Iyon kasi ang sunod kong iche-check. Nasa kinse minutos lang naman ang itinagal ko roon, at dahil malapit na rin ang breaktime, napagdesisyunan kong silipin na rin si Sir Martin, kung ano ang ginagawa ng damuhong na iyon. Dalawang katok ang ginawa ko bago iyon bumukas. "Hija." Nakangiting bungad sa akin ng ina ni Sir Martin. Gumanti ako ng ngiti rito. "Hi, Ma'am. Kukumustahin ko lang po si Sir Martin." Niluwagan nito ang bukas ng pinto. "Pasok ka muna." "Salamat po." Nagpaunlak naman ako dahil may trenta minutos akong breaktime at kay Sir Martin ko inilalaan iyon. "Kumusta po siya?" "Hindi pa lumalabas mula sa kuwarto niya." "Ano pong plano n'yo? Ibabalik n'yo na po ba siya ng Manila?" Nakita ko ang pagdaan ng lungkot sa magandang mukha nito bago tumingin sa akin na parang nakikiusap. "Ma'am." "Kapag bumalik ba kami ng Manila, sasama ka? Kahit triplehin ko ang sahod mo, hija. Ang gusto ko kasing mag-aalaga sa kaniya iyong kagaya mo na hindi nasisindak sa isang sigaw lang niya. Iyong mgq dati niyang Nurse isang sigaw lang iiyak na, ayaw na kaagad kasi masama raw ang ugali ng anak ko, kaya gusto ko sana iyong kagaya mo, Hija." Nakaramdam ako ng awa sa ginang nang makita ko ang labis na lungkot sa mukha nito. "Gusto kita kasi kaya mong pasunurin ang anak ko. Kapag sinisigawan ka niya hindi ka umiiyak sa halip sinisigawan mo rin siya." Napangiwi naman ako. "Sorry po, Ma'am." "No, it's okay. Actually, I like it. Mas gusto ko the way you treat my son. Hindi mo siya tinatratong may kapansanan, I mean kahit nakaupo siya sa wheelchair hinahayaan mo siyang linisin ang sarili niyang kalat. Kahit sigawan ka niya hindi ka nagpapatalo sa kaniya. At natutuwa ako na palaging ikaw ang nagwawagi sa argumento ninyong dalawa. To be honest, ikaw pa lang ang nakakagawa niyon sa kaniya, Hija. Kaya kahit magbayad ako ng triple, gagawin ko basta sumama ka sa amin if ever na bumalik na kami sa Manila. I will give you everything you want, Hija." Kiming ngumiti naman ako. "Hindi n'yo naman po kailangang gawin iyon, Ma'am. Hindi po ako lumaking mayaman, pero hindi naman po ako abusado. Kung sakaling tanggapin ko po ang offer n'yo hindi po iyon dahil sa pera at mga bagay na maaari ninyong ibigay sa akin kun'di dahil gusto ko pong tulungan si Sir Martin. Naniniwala po kasi akong hindi siya masamang tao, nagkataon lang na biktima siya ng isang taong mapagsamantala kaya nagbago ang ugali niya. Idagdag pa po ang nangyari sa kaniya. Mahirap po kasi talagang tanggapin na dati kang matikas tapos biglang nagising na lang isang araw na wala na pala siyang kakayahang maglakad." Nakita kong nangilid ang luha nito. "Maraming salamat, Hija dahil ganiyan ang pananaw mo sa buhay. Sana'y pumayag ka sa gusto ko, Hija." "Pag-iisipan ko po muna. Maganda po ang alok n'yo pero hindi ko naman po basta puwedeng iwanan ang trabaho ko. Malaki rin po ang utang na loob ko sa trabaho ko ngayon kaya hindi po ako basta makapagdesisyon sa ngayon." Tumango-tango naman ito. "Naiintindihan ko, Hija. Desperada na kasi akong mapapayag ka kasi alam kong ikaw ang kailangan ni Martin ko. Kaya pasensya ka na sa akin, ha?" "Naiintindihan ko po, Ma'am. Nanay po kayo at sobrang naiintindihan ko po kayo." "Maraming salamat, Hija." "Walang anuman po, Ma'am." Ilang sandali pa kaming nag-usap. Nang ilang minuto na lang ang natitira sa breaktime ko ay tumayo na ako. "Oh, siya silipin mo na si Martin para makabalik ka na sa trabaho mo. Naabala na kita." Tila nahihiya nitong sabi. "Wala po iyon, Ma'am. Silipin ko lang po si Sir Martin." Mabagal kong pinihit ang seradura ng pinto ng kuwarto nito, saka maingat na itinulak iyon pabukas. May awa akong naramdaman para rito nang makita ko itong nakatalikod sa gawing pinto. Nakaharap ito sa nakabukas na bintana. Dahan-dahan akong lumapit dito. Mukhang hindi man lang nito namalayan ang pagpasok ko kaya't nakaisip na naman ako ng kalokohan. Sinadya kong ibuhaghag ang buhok ko, saka bahagyang ikinalat sa may mukha ko. Lihim akong napangisi dahil sa kalokohan ko. Pigil ang tawang dahan-dahan kong inilapit ang kamay ko, sabay tapik sa balikat nito. "Sir Martin-" "Pvtangina ka!" Malakas na sigaw nito. "Pvtangina ka rin!" Gulat na ganting sigaw ko. Sapo ang dibdib na napaatras ako, kahit nakita kong namutla ang mukha nito sa gulat ay hindi ko nagawang tumawa dahil maging ako ay nagulat sa pagsigaw nito nang makita ako. Napangiwi ako nang makita kong bumukas ang inis sa guwapong mukha nito. "Papatayin mo ba ako?!" Asik nito. "Patay agad? Hindi ba puwedeng comatose muna?" Dinaan ko na lang sa biro ang nerbiyos na nararamdaman ko. "Ano na naman ba kasing ginagawa mo rito sa kuwarto ko?!" "Wala, tsinek ko lang kung buhay ka pa." Nag-isang guhit naman ang kilay nito sa inis. "Nakita mo na akong buhay pa kaya makakalabas ka na!" "Sungit naman. Check natin BP mo, okay lang?" "No, just get out of my room! Ayo'ko ng mukhang mangkukulam sa kuwarto ko." "Aw at sinong mukhang mangkukulam?" "Malamang ikaw, alangan namang ako. Tingnan mo nga iyang hitsura mo? You look like a witch!" Napalabi naman ako. "Maka-witch ka naman diyan. Guwapo ka tsong? Guwapo?' "I am." Napairap naman ako rito. "Guwapo nga, lumpo naman." Pabulong-bulong na sabi ko. Masama ang tingin na bumaling ito sa akin. "What did you just say?" "Wala, sabi ko guwapo ka naman talaga sana kaso tukmol ka." Umasim naman ang mukha nito. "Get out." "Check ko muna BP mo, Sir." "No need, just get out and don't let me see your face. Ever again." "Mangyayari lang po iyan kapag nabulag ka." Pabulong na namang sabi ko. Kitang-kita ko naman ang pagkainis ang guwapong mukha nito. "What?!" "Wala, sabi ko ang cute-cute mo." "Get out, now!" Itinuro pa nito ang daan palabas. Hindi ko naman ito pinansin, sa halip ay kinuha ko ang stethoscope. "Anong gagawin mo riyan?" "Isasaksak ko sa puwet mo. Hala, tuwad!" "Lala!" Naglabasan ang mga litid sa leeg nito sa sobrang gigil sa akin. "Get out!" "Nyay, Nanay ko!" Wala sa loob na napatakbo ako nang mahablot nito ang lata ng beer at tangkang ibabato sa akin. Sa pader tumama iyon. "Get out, Lala! I'm warning you, woman!" "Sorry na." Biglang kambiyo ko nang makita kong hindi na talaga ito nakikipaglokohan sa akin. "Sorry na, nagbibiro lang po ako." Nanlilisik pa rin ang mga mata nito. "Bati na tayo, Sir, sige na oh. Promise lalabas na ako pagkatapos kong i-check ang BP mo." Nang hindi pa rin ito kumibo, dahan-dahan akong naglakad palapit sa drawer at kinuha ang sphygmomanometer. "Seryoso na ako, Sir. Check ko lang BP mo tapos alis na ako, ha?" Dahan-dahan kong inabot ang braso nito, medyo alisto pa ako dahil baka bigla na lang umigkas ang kamao nito at mag-landing sa mukha ko. Mahirap na. Sa kabila ng nerbiyos ay natapos kong i-check ang BP nito, saka lumayo na rito dahil ang asim pa rin ng mukha nito habang nakatingin sa akin. "Alis na ako, Sir." Hindi naman na ako nito pinansin, sa halip muli itong humarap sa may bintana at tumanaw na naman sa malayo. Naiiling na tuluyan na akong lumabas, nadatnan ko sa maliit na sala si Ma'am. Tumayo ito nang makita ako. "Kumusta ang anak ko, Hija?" "Okay na okay naman po, Ma'am." "Thank you for taking care of him. Masaya ako na sa tuwing nariyan ka nagpapakita siya ng iba't ibang emosyon. Mas gusto ko iyong nagagalit o naiinis siya at least alam kong normal pa ang anak ko." "Walang anuman po, Ma'am. Magpapaalam na rin po ako, tapos na po ang breaktime ko eh." Hinatid naman ako nito hanggang sa labas ng pinto at hindi maubos-ubos ang pasasalamat nito sa akin. Panay ngiti lang naman ang isinagot ko rito. "Maraming salamat, Hija." Pahabol na sabi nito nang naglalakad na ako palayo. "Walang anuman po, Ma'am." Kumaway pa ito sa akin kaya't kumaway rin ako pabalik. Naglalakad na ako papunta sa room na sadya ko nang mamataan ko si Sir Matt. Nasa hallway ito habang may kausap na isang napakagandang babae. At base sa pag-uusap nila, mukhang matgaal ng magkakilala ang mga ito. Wala sa loob na napaismid ako nang makita kong humawak sa braso ni Sir Matt iyong babae. Hindi naman inalis ni Sir Matt iyon, sa halip ay ngiting-ngiti pa ang hudyo. Hindi ko maintindihan, pero biglang binundol ng matinding inis ang dibdib ko. Ni minsan kasi hindi ako nginitian nang gano'n ng hudyong iyon dahil palagi siyang nakasimangot kapag nakikita ako pero ngayon, kulang na lang makita ang ngalangala nito sa sobrang pagtawa. "Masakit?" Mabilis akong napalingon sa nagsalita mula sa likuran ko. "Selos ka, 'no?" "Hindi ah." Mabilis na tanggi ko, sabay irap kay Kuya Henry. "Bakit naman ako magseselos?" Tiningnan niya ako nang may halong panunudyo. "Nangangamoy selos ang ale." "Hindi, 'no." "Hindi raw pero halatang-halata naman." "Hindi nga!" "Halatang-halata ka, Lala. Tss. Iyan na ang sinasabi ko sa 'yo, huwag na huwag ma-in love kay Sir Matt dahil hindi ikaw ang tipo niyang babae. Sopistikada ang gusto ng kagaya ni Sir at hindi--" "Hmp! Bahala ka nga riyan." Mabilis kong tinalikuran si Kuya Henry, naglakad ako papunta sa direksyon ng mga haliparot. Habang paliit nang paliit ang distansiya ko sa kanila ay mas nararamdaman ko ang pagwewelga ng puso ko. Hindi ko maipaliwanag iyong inis na nararamdaman ko habang nakikita ang matamis na ngiti ni Sir Matt sa babae. Nasa tapat na nila ako nang maramdaman ko ang pagtingin sa akin ni Sir Matt. "Amerikanang pango." Tawag nito sa akin nang lumampas ako sa kanila. Narinig ko pa ang pagtawa ng babaeng kasama nito dahil sa itinawag sa akin ni Sir Matt. Sa halip na lingunin ay hindi ko siya pinansin at tuloy-tuloy lang na umalis. First time kong makaramdam ng inis. At hindi ko maintindihan kung bakit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD