LALA'S POV
"HOY, LALA! Gumising ka, hoy!" Naulinigan kong sabi ni Jelaine. May mga kamay ding nakahawak sa tiyan ko na parang dumidiin dahilan para mahirapan akong makahinga nang maayos.
"Lala, wake up!" Natigilan ako nang maulinigan ko rin ang nag-aalalang boses ni Mich. May tumapik sa binti ko. "Lala, hoy!"
"Excuse me." Anang hindi pamilyar na boses. Naramdaman kong lumayo ang dalawa sa akin. Nawala kasi ang kamay na nakadagan sa tiyan ko at nakahawak sa binti ko.
Naramdaman kong may malambot na kamay na tumapik sa pisngi ko. Pasimple kong ibinukas ang isang mata ko at pasimpleng sumilip at gano'n na lamang ang panunuyo ng lalamunan ko nang makita kung gaano ito kaguwapo. Muli kong isinara ang isang mata ko. Ngunit bago iyon ay nahagip ng mata ko si Matt. Nakatayo ito sa likuran ng lalaking nasa harapan ko.
"Miss? Hey, Miss, did you hear me?" Muli kong naramdaman na tinapik nito ang pisngi ko. Lalong nanuyo ang lalamunan ko nang maramdaman ko ang hininga nitong palapit nang palapit sa mukha ko.
Hala, anong gagawin niya? Piping usal ko sa isip ko.
"Anong gagawin mo sa kaibigan ko? Hey!" Boses ni Jelaine.
"CPR." Maikling sagot ng lalaki at nang silipin ko ito ay sobrang lapit na ng mukha nito sa mukha ko. "Hindi pa bumabalik ang malay-tao ng kaibigan mo. At mamamatay siya kung lahat tayo'y nakatunganga lang sa harap niya para panuorin siyang mamatay." Langhap na langhap ko ang suwabeng amoy ng bibig nito.
Pinigilan ko ang sarili ko na huwag magmulat ng mga mata kahit bumalik na ang malay tao ko. Hinihintay kong kumilos si Matt at gamitan ako ng CPR ngunit mukhang balak niya akong hayaang mamatay. Mabuti pa ang lalaking nasa harap ko, hindi ko kaanu-ano pero mas may concern pa sa akin.
Nagmamaktol ang kalooban ko dahil sa tuod na Matt na ito. Walang puso ang buwisit! Kung hindi naman dahil sa hari niya'y hindi ako mahihimatay.
"Stop!" Malakas na sabi ng boses na iyon at kilalang-kilala ko kung kanino iyon.
Siyempre, nabuhayan ako ng pag-asa na siya ang gagawa ng CPR sa akin. Kagaya sa mga palabas sa TV, iyong magseselos kasi hahalikan ako ng iba. Kinilig naman ako dahil do'n.
"Why?" Anang lalaki. Naramdaman kong umalis ito sa tabi ko at napalitan iyon ng pamilyar na amoy.
"Ako na. You may leave now," ani Matt.
Ay iba! Possessive mas'yado ang baby Matt ko. Piping sabi ng malanding isip ko.
"But--"
"Go. Kami na ang bahala sa kaniya." Pagtataboy ni Matt sa lalaki.
"I'm a doctor," anang lalaki.
"To hell I care."
"She needs CPR." Giit pa ng lalaki.
"I don't think so."
Ano ba naman ang mga 'to! Mamatay na't lahat inuna pa ang pagtatalo kung sino ang mag-CPR. Hindi puwedeng pang-emergency ang mga unggoy na 'to. Jusko!
"What do you mean, Kuya?" ani Mich.
"Mamamatay siya kung hindi gagamitan ng first aid."
"Go. You don't need here! Just go and bring your dog with you." Angil ni Matt sa lalaki. "Make sure na nakatali ang aso mo."
"Mamamatay ang kasama n'yo!"
"Hindi mamamatay 'yan kaya umalis ka na."
"How do you know? Can't you see? She's unconscious right now."
"Kaya nga, Kuya, kailangan nang gamitan si Lala ng CPR," segunda ni Mich.
Ay putik! Sige magtalo-talo pa kayo, mga lintik. Gustong-gusto ko ng pagsisipain ang mga ito dahil sa halip na tulungan ako ay nagtalo-talo pa talaga.
"Go! Kami na ang bahala rito sa kasama namin." Pagtataboy muli ni Matt.
"Fine! Make sure na buhay 'yan." Sabi pa nito bago ko narinig ang mabibigat na yabag papalayo sa amin.
Mariin kong ipinikit ang mga mata ko sa pag-aakalang hahalikan na ako ni Matt. Base sa hininga nito ay sobrang lapit na ng mukha nito sa mukha ko ngunit gano'n na lamang ang gulat ko nang hawakan nito ang leeg ko at kilitiin.
Pinigilan kong huwag mapahiyaw para patuloy na magkunwaring walang malay kahit kiliting-kiliti na ako. Sobrang lakas kasi ng kiliti ko sa leeg at paa. Mariin kong itinikom ang bibig ko ngunit hindi ko na kinaya. Kusang lumabas ang hagikhik sa lalamunan ko at para akong bulateng inasinan. Nagpagulong-gulong ako sa kalsada habang malakas na humahagikgik sa sobrang kiliti.
"Tama na! Matt, tama na!" Pagmamakaawa ko habang tumatawa pa rin. Nanlalambot na ako dahil hawak pa rin nito ang leeg ko. "Matt!" Hagikhik ako nang hagikhik dahil sa ginagawa ni Matt.
Pagulong-gulong na ako para lang makawala rito habang ang kaibigan ko naman ay mauutas din sa pagtawa kasabay ni Mich.
"Walang malay pala, ha?" Pang-aasar nito at muling kiniliti ang leeg ko. "Wala ka na talagang maisip na matino."
"Tama na! Matt, please, tama na.." Nanghihina na ako, naluluha na rin ako dahil sa kakatawa. Mukhang naawa naman ito sa akin dahil tinigilan na ako nito.
Habol ang hiningang umupo ako at inilibot ang tingin sa paligid. Nag-init ang mukha ko nang makitang may mga tao palang nakatingin sa amin at nanunuod sa kalokohan ko.
Sa halip na mapahiya ay isa-isa ko silang kinawayan at matamis na nginitian. "Pasensya na po, hehe, kalalabas ko lang po kasi sa mental," sabi ko dahilan para magtawanan sila maliban kay Matt na iiling-iling na nakatingin sa akin. Nginisihan ko ito. "Peace!"
"Baliw!" Angil nito at tumayo na. Hinarap nito si Mich at Jelaine. "Isama n'yo na pauwi 'yan, mukhang hindi na naman nakainom ng gamot niya." Iyon lang at umalis na ito.
Habol ko siya ng tingin at bigla akong napahagikhik nang maalala ko ang nakita ko kanina. Mas nakakahiya yatang mahubuan kaysa magbaliw-baliwan. Muli akong natawa sa naisip ko. Hindi ko naman sinasadyang sa panjama siya mahawakan at lalong hindi ko alam na maluwag iyon kaya nahila agad pababa.
"Paano kaya kung napasama sa paghila ko 'yong brief niya?" Muli akong napahagikhik sa naisip ko. "Cute kaya 'yon? Sayang hindi pa napasama--,Aray!" Napadaing ako nang may humila sa buhok ko. Si Jelaine. "Bakit?"
"Anong bakit? Baliw ka talaga! Napagtripan mo na naman si Matt."
"Totoong nahimatay ako, Jel, ano ka ba? Nagulat kasi ako, ang laki ng ano..." Sinadya kong bitinin ang sasabihin ko. Natawa na naman ako dahil naisip ko na naman ang nakita ko. Parang tuta kasi ang dala-dala ni Matt.
"Ng ano?" anito.
"Ng tuta-este ng aso, Jel. Ang laki ng aso, 'di ba?" Tumayo na ako at muling ngumiti sa mga tao. Umalis na rin naman sila kapagkuwan dahil tapos na akong magbaliw-baliwan.
Naiwan kaming tatlo nina Mich at Jel. Naglalakad na kami palabas ng subdivision na iyon nang may humintong kotse sa tapat namin. Bumukas ang bintana sa gawing driver's side. Sumungaw doon ang guwapong mukha ng lalaking nakita ko kanina.
"Hey! Are you okay?" Mababakas ang pag-aalala sa boses nito nang tanungin ako. Ngumiti pa ito at lumabas ang mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin. May biloy din ito sa kaliwang pisngi, na lalong nakadagdag sa angking kaguwapuhan nito.
"Hey, are you okay? Gusto mo bang dalhin kita sa clinic ko?" Parang natauhan naman ako sa tanong nito.
Tumikhim ako at napakurap-kurap. "Hindi na po. Maayos na po ako. Maraming salamat na lang po."
"You sure?"
"Hindi po-, aray!" Impit akong napadaing nang kurutin ni Jelaine ang tagiliran ko sabay angil sa akin. Nginisihan ko lang ito at muling binalikan si Doc. "Ayos na po ako, salamat po."
"Okay. Saan ba ang punta ninyo?" Kapagkuwa'y tanong nito at bumaba pa sa kotse nito. Tiningnan kami nito isa-isa at tumigil sa akin ang mga mata nito. "Get in, ladies. Ihahatid ko na kayo sa pupuntahan ninyo." Offer nito sa amin.
Nagkatinginan naman kaming tatlo.
"Naku, 'wag na po, malapit lang naman po ang pupunta-"
"I insist," putol nito sa sasabihin ko. "May atraso ako sa 'yo dahil kay Lander, so, ihahatid ko na kayo." Tukoy nito sa asong humabol sa akin.
Nang pumayag si Mich ay pumayag na rin kaming dalawa ni Jelaine. Lulan ng sasakyan nito na inihatid kami sa tapat ng bahay nina Mich. Naunang bumaba ang dalawa, naiwan pa ako sandali para magpasalamat dito dahil naging mabait ito sa akin.
"Maraming salamat po, Sir."
Ngumiti na naman ito dahilan para lumabas ang biloy. "Pasensya ka na kay Lander, ha? Pinapaliguan ko kasi siya kanina nang biglang tumakbo. Muntik ka pang makagat."
"Ayos lang, Sir, ang mahalaga po buhay pa ako." Aniko at tumawa.
"Caleb." Nangunot naman ang noo ko sa sinabi nito.
"Ho?"
"My name is Caleb. You can call me Caleb." Nang ilahad nito ang kamay ay tinanggap ko iyon kahit medyo nahihiya ako dahil hindi naman malambot ang kamay ko.
"Ako po si Lala, pero La sa iba at Myla po sa birth certificate ko. Wit po ang apilyedo ko. So, ako po si Myla Wit." Napangiti ako nang bumunghalit ito ng tawa. Nakakatuwa lang dahil ang dali niyang patawanin, hindi kagaya ni Matt na ang hirap hulihin ng kiliti.
Pulang-pula ang mukha nito nang tumigil sa pagtawa. Maluha-luha rin ito nang tumingin sa akin.
"You're cute." Malawak ang ngiting sabi nito. "Sana madalas kitang makausap. To be honest, ngayon lang yata ulit ako tumawa nang ganito."
"Thank you, Sir. Pero mukhang malabo po yata iyong madalas tayong magkita."
"Bakit naman?" Mababakas ang disappointment sa boses nito. Mukhang malungkot din ang buhay ng isang ito dahil kailangan ng clown.
"Bukas po uuwi na ako sa Batangas. Binisita ko lang po ang kaibigan ko kaya narito ako sa Maynila."
"Doon ka nakatira?" Muling sumigla ang boses nito.
"Hindi po, doon po ako nagtatrabaho, Sir."
"Call me Caleb."
"Sige."
"Anong work mo sa Batangas?" Usisa nito.
"Checker po pero dati taga linis ako ng mga silid. Medyo pinalad kaya checker na ngayon, tapos may sideline ako. Taga-alaga ng lumpong masungit, guest sa Resort na pinagtatrabahuhan ko kaya ayon puno ang schedule ko."
Nalibang ako sa pakikipagkuwentuhan dito dahil walang bakas ng pagyayabang sa kaniya. Masarap siyang kausap sa totoo lang. Hindi kagaya ni Matt at Sir Martin na palaging masungit sa akin. At sa totoo lang magaan ang loob ko kay Caleb kahit ngayon ko lang siya nakausap. At sa ilang sandaling pag-uusap ay marami akong nalaman tungkol sa kaniya. Na Doktor pala talaga ito at mag-isang namumuhay dahil nasa ibang bansa ang mga magulang at dalawang kapatid nito.
Naputol lang ang chickahan namin nang may sunod-sunod na katok mula sa labas ng bintana sa gawi ko. Ang nakasimangot na mukha ni Sir Matt ang nalingunan ko.
"Kaanu-ano mo siya? Siya 'yong lalaki sa subdivision kanina, hindi ba?"
"Oo, boss ko 'yan." Napa-ohh naman ito. "Sige, ha? Bababa na ako, salamat sa paghatid, Caleb."
"You're welcome. Sana magkita tayo, soon." Nakangiting sabi nito.
Ngumiti lang ako at binuksan ang pinto sa gawi ko. "Thank you." Pasalamat ko rito bago tuluyang bumaba. Sumalubong sa akin ang maasim na mukha ni Matt.
Awtomatikong gumuhit ang ngiti sa mga labi ko nang maalala ko na naman ang eksena kanina. Ngiting nagkaroon ng tunog na lalong ikinaasim ng mukha ni Sir Matt.
"Lala!" Nagbabantang asik nito. "Pinagtatawanan mo ba ako?"
"Hindi. Bakit ko naman gagawin iyon?"
"Bakit ka tumatawa?"
"Aww, alangan namang umiyak ako, eh, wala namang nakakaiyak."
"Namumuro ka na sa akin, ha? Baka nakakalimutan mong nasa pamamahay ka namin at wala kang karapatang magsama ng kung sino rito." Gigil na sabi nito.
Napaawang ang mga labi ko sa tinuran nito habang napasinghap naman si Jel at Mich. Medyo nasaktan ako sa sinabi nito pero keri lang.
"Nakikituloy ka lang dito, tapos nagpahatid ka pa sa bahay namin? Paano kung masamang tao pala 'yan, ha? Eh, 'di napahamak ang pamilya ko? Minsan gamitin mo rin 'yang utak mo. At ilugar mo ang sarili mo--"
"Kuya!" Saway ni Mich sa kapatid nito.
"Totoo naman ah! Dapat alam niya kung saan niya ilulugar ang sarili--"
"Matt.." Malumanay na sayaw ni Jel dito. "Bisita ko si Lala. Alam kong hindi pa kami kasal ng Kuya mo pero pumayag naman ang mga magulang ninyo na tumuloy si Lala dito."
"Ate Jel.." Parang bigla naman itong natauhan. Humarap ito sa akin na parang sising-sisi ang mukha. "Lala.. I didn't mean--"
"Okay lang." Pasimple kong iniiwas ang tingin ko rito at bumuntong-hininga. "Si Mich ang pumayag na magpahatid kay Caleb. Alam kong baliw ako madalas, pero alam ko naman kung saan ilulugar ang sarili ko." Hindi ko maiwasang maluha.
"Lala.." Parang gusto ako nitong hawakan.
Ngumiti ako. "Pasensya na kung nakituloy ako sa bahay ninyo. Na-miss ko lang kasi ang kaibigan ko eh. Hayaan mo, aalis na rin ako." Si Mich at Jel ang hinarap ko. "Uuwi na ako, Jel, Mich."
"I'm sorry, Lala." Ani Mich.
Nginitian ko ito kahit naiiyak na ako. Ngayon lang kasi ako nanliit nang ganito sa tanang buhay ko. "Okay lang ako. Magpapaalam lang ako sa mga magulang ninyo, tapos aalis na ako. Salamat, Mich, ha?"
"Lala."
"Okay lang. Tama naman ang Kuya mo na nakikituloy lang ako rito sa inyo." Ewan ko kung naitago ko ba ang pagdaramdam sa boses ko.
"Papasok lang ako sandali sa loob, okay lang po ba, Sir Matt?" paalam ko rito. Nang wala akong nakuhang sagot mula rito ay kay Mich ako nagpaalam na papasok lang sandali sa bahay nila para magpaalam sa kanilang mga magulang.
"Bakit mo pinagsalitaan nang ganoon si Lala, Kuya? Kailan ka pa natutong mang-mata nang ganiyan? Kapag nalaman nila Mommy at Kuya ang ginawa mo sa kaibigan ni Ate Jel, lagot ka." Narinig ko pang sabi ni Mich sa kapatid nito bago kami makalayo ni Jelaine.
Mapait naman akong napangiti.