Riza and Roi - 3

2323 Words
INAANTOK si Riza habang nasa nurse’s station. Kung hindi pa sa malakas na pakikipag-usap ng bantay ng pasyente na nakikigamit ng telepono ay baka nakatulog na siya. Mag-aala-una ng madaling-araw at natural na antukin ang sinumang tao sa mga oras na iyon. Mas lalo na siya. Pangalawang shift na niya iyon sa government hospital na pinapasukan niya sa Parañaque. Dapat ay kanina pang alas-diyes ng gabi siya nakauwi. Ngunit tumawag ang karelyebo niya at nagsabing hindi makakapasok. Hindi na iyon bago sa kanya. Alam niyang nag-a-apply ito ng trabaho sa abroad. At priority nito na magpunta sa agency kaysa mag-duty. Ganoon din sana ang gusto niya. Kaso ay wala siyang pambayad sa placement fee. Ang kakarampot na suweldo niya ay pilit niyang pinagkakasya sa sarili. Ulilang-lubos na siya noong kinse anyos pa lamang siya. Kinalinga siya ng kapitbahay na si Nanay Lucy, best friend ng nasira niyang ina. Ito ang nagpayo sa kanya na tumanggap siya ng boarders para magkaroon siya ng pantustos sa pag-aaral. Nagtapos siyang valedictorian noong high school at iyon ang naging passes niya para makapasok na scholar sa pamantasan. Pinili niya ang kursong Nursing dahil alam niyang in demand iyon sa abroad. Ngunit hanggang ngayon na dalawang taon na siya sa ospital na iyon ay wala pa siyang nagagawa para sa kanyang pangarap. “Hello?” inaantok na sagot niya nang mag-ring ang telepono. Sinadya niyang huwag banggitin ang pangalan ng ospital. Kadalasan, kapag ganoong dis-oras ay puro mga prank callers ang nakakaengkuwentro niya. “Kanina pa ako naghihintay sa iyo, iyon pala nandiyan ka pa. Hindi ka man lang tumawag para `di kami nag-aalala.” Bigla ay parang gusto niyang ibabang muli ang telepono. Nahiling niyang sana ay nakipagtelebabad pa ang naunang gumamit ng telepono. Humugot muna siya ng malalim na paghinga. “May gumagamit nitong phone kaya hindi ako nakatawag.” “Pati si Nanay, tinatanong ka.” Tila walang narinig ang nasa kabilang linya. “At saka may date tayo bukas. Dapat ay hindi ka pumayag na mag-extend ng shift. Hindi na naman tayo matutuloy niyan. Ikakatwiran mo na puyat ka.” Natural. Hanggang mamayang alas-sais pa ng umaga ang duty niya. Pagdating sa bahay ay matutulog siya ng ilang oras at magdu-duty na naman pagdating ng alas-dos. “Bill, may emergency,” kunwa`y wika niya para maputol na ang pag-uusap nila. Wala siya sa mood na pakinggan ang mga reklamo nito, lalo at inaantok siya. Pumalatak ito. “Mamayang two huwag ka nang pumasok. Last day na n’ong gusto kong panooring pelikula.” “Bill, kinakawayan na ako ng doktor. `Bye!” At ibinaba na niya ang telepono bago pa man ito makakibo. Boyfriend niya si Bill. Anak ito ni Nanay Lucy. At ilang taon din siyang niligawan nito. Kung hindi marahil sa makulit na pagbuyo ng matandang babae ay hindi niya ito sasagutin. Ngunit naisip na lang niyang wala siyang magiging problema sa magiging biyenan kung ito ang pipiliin niya. Mabait din naman si Bill. Demanding nga lang. Isa pa, sa pamilya nito ay hindi na rin siya iba. Ito na lang din ang itinuturing niyang pamilya. Kaya kahit na hindi niya maramdaman ang tindi ng pag-ibig sa lalaki ay sinagot na niya. At least, secured ang pakiramdam niyang hindi siya nito ipagpapalit sa iba. Mismong ina nito ang makakalaban ng lalaki kapag niloko siya. Sunud-sunod na ang naging paghikab niya. Gusto na niyang yumukayok sa counter. Ipinilig-pilig niya ang ulo at nagpasyang umidlip. Ngunit hindi pa pumipikit ang kanyang mga mata ay naagaw na ang pansin niya ng maingay na sirena ng ambulansya. Nabuhay ang inaantok niyang diwa. Inaayos niya ang nurse’s cap nang lumapit sa kanya ang kasamahan niyang on duty. “May aksidente na naman yata,” anito. Sinimangutan niya si Elie. “Baka manganganak lang iyan. I-ring mo si Doc.” At nauna na siya sa emergency room. Subalit tama ang hinala ni Elie. Aksidente nga ang dahilan ng emergency. Isinakay sa stretcher ang isang malaking lalaki. Lumagpas ang mga paa nito sa stretcher. At kahit medyo malayo pa ay kita na niya ang duguang mga braso nito. Sa bandang noo ay may tumutulo ring dugo. Maagap namang umasiste ang doktor na tinawagan. Naging alerto si Riza at inabangan ang ipag-uutos ni Dr. Rosales. Nakamasid lang siya. Mukhang minor accident lang ang inabot ng pasyente. May malay pa nga ito at nakatingin din sa ginagawang panggagamot ng doktor. Bata pa ang pasyente. Mukha pa ngang estu-dyante. He had black curly hair. Ang mga mata ay maiitim at malalantik ang mga pilik. Manipis ang mga labi nito na kitang-kita sa mariing paglalapat kapag tinitiis ang hapding nararamdaman. Nagustuhan niya itong tingnan. He was really a man though his face was boyish. Napangiti siya sa sarili. Ayan na naman siya, tinutubuan ng crush sa pasyente. Gayunpaman, alam niya kung papaano iyon itago at sarilinin. Umungol ito nang linisin ng doktor ang sugat sa noo. Tumama marahil iyon sa isang matigas na bagay. Ilang stitches din ang ginawa roon bago binigyan ng atensyon ang mga sugat sa magkabilang braso nito. May mga basag na salaming nakabaon. Mabuti na lang at mababaw at nakakayang bunutin ng doktor na hindi na kailangan ng operasyon. Itinaas nito ang isang kamay at may isinenyas sa doktor. Yumuko si Dr. Rosales at idinaiti ang tainga sa mga labi nito. Nang iunat ng doktor ang likod ay binalingan siya. “Miss Amante, pakitawagan mo raw ang misis niya.” Misis? She was shocked sa nalaman. Gayunman ay hindi siya nagpahalata. Ang pagkakaroon nito ng asawa ang huling nasa isip niya. May panghihinayang na sinulyapan niya ito bago kumilos. Isinenyas nito ang wallet sa likod ng pantalon. Lumapit siya rito at bahagyang iniangat ang puwitan. He was lucky though. Hindi grabe ang aksidente at hindi pa napagsamantalahan. Karamihan sa nagiging biktima ng aksidente ay nagiging biktima pa ng holdup. Wala namang maraming cash sa wallet nito. Ang nakita niya ay ilang ATM at credit cards. Isang company ID ang kinuha niya. He had a recent picture on it. Mabilis niyang binasa ang pangalan. Ferdinand Roi Ortega. Nice name, sa loob-loob niya. Sayang at may pinag-alayan na. Ibiniling niya ang ID at tiningnan kung saan dapat makontak ang asawa. Bago tumalikod ay iniwan niya sa palad ng pasyente ang wallet nito. IT WAS past midnight. Taliwas sa nahihimbing na sanggol ay gising na gising naman ang diwa ni Carmela. Naiinip na siya sa paghihintay kay Roi at parang gusto niyang magsisi na hindi pa siya sumama rito. Roi was right. Puwede naman niyang iwan si Angel sa katulong ngunit pinatigasan niyang maiwan sa bahay. At kahit nang aalis na lang kanina ang asawa ay tinikis din niya itong huwag ihatid sa paglabas. Tinikis din niya na huwag i-dial ang numero sa Alabang. She would have called Bernadette para manghingi ng paumanhin sa hindi niya pagpunta. Ngunit mas pinili niyang magkulong sa kuwarto kasama ang anak. Mabait si Bernadette kagaya ng sabi sa kanya ni Roi. Ngunit hindi pa rin lumalapat ang kanyang loob sa babae. Palagi na ay nginangatngat ng insecurity ang kalooban niya, lalo pa‘t nakikita niyang halata ang pagiging mas malapit ng biyenan dito kaysa sa kanya. Ngunit wala rin siyang magagawa sa bagay na iyon. Bernadette was a family friend. In fact, masyadong close ang mga ito sa isa’t isa. Kung hindi pagseselos at insecurity ang dahilan ng pangingilag niya sa sister-in-law ay hindi niya alam kung ano ang akmang itatawag doon. In fairness sa mga in-laws niya, wala namang masamang pagtrato ang ginawa ng mga ito sa kanya. They were always supportive, lalo na noong panahong nagdadalantao siya at hindi pa siya mapakasalan ni Roi sa simbahan. Ang kaso ay nagseselos siya sa sobrang atensyong ibinibigay ng mga ito kay Angel nang makapanganak siya. Natatakot siyang ma-spoil ang anak ngunit hindi rin naman maaaring ipagdamot niya ang anak sa mga ito. Alam niya, sooner or later, ay kakausapin siya ni Roi. An unseen wall was building slowly between them. Hindi nila iyon maaaring daanin sa pagsa-sawalang-kibo. At siya na ang nagdesisyong mag-ungkat sa bagay na iyon. Kaya nga tinalikuran na niya ang plano na tulugan ang pagdating ng asawa. Mag-uusap sila pagdating nito. Ngunit hindi pa dumarating si Roi. At hindi niya maunawaan kung bakit may kabang bumabalot sa kanyang dibdib. Napapitlag siya nang tumunog ang telepono. Maagap niya iyong iniangat upang huwag nang magambala ang tulog ng baby. “Ortega’s residence, hello?” Sa ilang pangungusap ay nasabi sa kanya ng nasa kabilang linya ang nangyari sa asawa. Bagama`t ipinagpauna nang maayos na ang kalagayan ni Roi ay nag-aalala pa rin siya. “Ano`ng address ng ospital na ito?” Tinandaan niyang mabuti sa isip ang idiniktang address. Nang maibaba ang telepono ay maliksi siyang nagbihis. Pupuntahan niya si Roi sa ospital. Ginising niya ang katulong at ibinilin ang anak. Nagulat ito nang malaman ang nangyari kay Roi. “Mag-lock ka ng pinto,” bilin niya. Aalis na lang siya nang bumunghalit ng iyak ang sanggol. Ilang saglit na napigil nito ang pag-alis niya. Ngunit lalo pa itong nag-iiyak nang kargahin niya. Ayaw man ay ibinalik niya ito sa katulong at lumabas na ng bahay. “Ate, bakit hindi ka magpasama kina Sir Frederick? Hindi pa ba nila alam?” “Hindi ko alam,” aniya. Gusto na niyang makita agad ang asawa at malayo sa Quezon City ang Parañaque. Pinili niyang umalis na kaysa tumawag pa sa telepono. Nilakad niya ang palabas ng subdivision. Imposibleng makakuha siya ng taxi sa oras na iyon kung hindi siya maglalakad. Beinte minutos na siyang nag-aabang ay wala pa siyang makuhang taxi. Walang katau-tao sa kalsada maliban sa kanya. Ngayon niya naisip na dapat ay tinawagan na lang niya ang biyenan. Kung tumawag siya sa mga ito ay baka nasa daan na sila ngayon patungong ospital. May humintong bakanteng taxi sa tapat niya. Mabilis siyang sumakay sa likod. “Sa Parañaque ho, Mama.” Tango lang ang itinugon ng driver at pinausad na ang sasakyan. Mayamaya ay para na silang sinisibat sa EDSA. Mabilis na mabilis ang pagpapatakbo nito komo solo nila ang daan. Mayamaya ay bigla itong lumiko. Carmela thought it was the shortcut route. Ngunit mayamaya lang ay hindi na pamilyar sa kanya ang kalyeng tinutugpa nila. Sinalakay siya ng matinding kaba. “Mama, sa Parañaque ho tayo,” paalala niya. Inihinto ng driver ang sasakyan. Deserted ang lugar at madilim. “Holdup ito, Miss.” Mabilis itong nakaikot sa backseat at itinutok sa kanya ang isang matalas na patalim. “DIOS MIO, Roi!” naghihisteryang wika ng kanyang mama nang dumating ito sa ospital. Ilang minuto lang ang pagitan ng dating ng sasakyan nito at ng kay Roi. They were caught in a heavy traffic jam at walang kamalay-malay ang mga ito na ang aksidente niya ang sanhi. Nagulat ang mga ito nang makitang ang sasakyan niya ang nakabangga sa isang malaking poste ng PLDT. Nag-panic na raw ang kanyang mama kahit na sinabi ng mga miron na buhay ang driver at maagap namang naitakbo sa ospital. “Mama, I’m okay,” mahinang sabi ni Roi. Nakabangon na siya mula sa stretcher. “Nasaan ba iyong nurse? Pakitanong kung natawagan na si Carmela?” Si Rei ang sinulyapan niya. Tumango ang bunsong kapatid para sumunod. “Si Papa?” “Nandoon pa sa highway. Siya ang nag-aasikaso ng sasakyan. Bakit ba kasi nagpilit kang magmaneho, hindi mo pala kaya?” Wala pa ring tigil sa pagsasalita si Roselle. Hindi na lang siya kumibo. Alam niyang iyon ang paraan ng ina para palisin ang nararamdamang tensiyon. Tinantiya niya ang sarili bago tumindig at lumakad. “O, saan ka pupunta?” sita ng mama niya. “Mama, hindi na ako bata,” nagpipigil na tugon niya rito. Natanawan niya si Rei at sinenyasang lumapit. “Ano, alam na ba ni Carmela?” “Sabi n`ong nurse, natawagan na raw niya. Pero tumawag din ako. Si Dely ang nakasagot. Umalis daw si Ate Carmela. Pupunta rito.” “What?” magkasabay pang bulalas nila ng ina. “Iyon ang sabi, eh. Nakaalis na nga raw.” Binalingan niya ang ina. “Mama, pakiayos mo ang bill. Hindi naman ako kailangang i-confine.” Pagkatapos ay hinarap niya uli ang kapatid. “Ano`ng oras daw umalis?” “Kalahating oras na raw.” Ang kanyang mama ang sumagot. “Hintayin na nating dumating bago tayo sabay-sabay na umuwi. Pero dapat hindi na siya nagpunta. Okay ka na naman.” Iritado na siya. “Nasaan ba iyong nurse? Baka kung anu-ano ang sinabi kay Carmela kaya nag-panic na sumugod dito.” At bago pa nila napigil ay sumigaw na. “Nurse!” KASWAL na lumapit si Riza. Sanay na siya sa mga iritableng pasyente. Hindi pa siya nakakapagtanong kung ano ang kailangan ay sinita na siya ng lalaki. “Ano ang sinabi mo sa misis ko? Baka tinakot mong grabe ako rito. Sumugod tuloy rito nang dis-oras.” Umangat ang kilay niya, nasa anyo ang hindi paiilalim sa kaharap. “Kung ano ang ibinilin ninyo na sabihin ko ay siya kong sinabi. Hindi ko kasalanan kung pumunta rito ang misis ninyo. Natural lang siguro iyon. Asawa siya, eh.” Napatitig si Roi sa kanya. Palaban ang nurse. Ni hindi nasindak sa pag-aalsa ng boses nito. Disimuladong lumayo si Rei. Tila alam na nito na ito ang mapagbabalingan ng kapatid sa pagkapahiyang iyon. “Kung wala na kayong itatanong, babalik na ho ako roon,” ani Riza. “Wala na,” sagot ni Roi na halos magtagis ang bagang. Bago ganap na tumalikod si Riza ay nakapalitan pa niya ng ngiti ang ginang mula sa cashier. The older woman had a sweet face. Hindi madamot ngumiti kahit na naghihisterya ito kanina sa nangyari sa anak. “The bill’s already settled. Hintayin na lang natin ang pagdating ni Carmela.” Bahagyang tango ang itinugon ni Roi. Malalim ang iniisip nito. At nakalilito ang hindi maipaliwanag na pag-aalalang nakadagan sa dibdib nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD