MALAMIG ang kilos na tinanggap ni Carmela ang paghalik niya. Ni hindi ito tumugon. Nang bumitaw ito sa kanya ay ibinalik ang atensiyon sa sanggol. Kinuha nito sa crib at kinarga.
Pinigil niyang mapabuntunghininga. Alam niyang ginawa lang ni Carmela na excuse ang pagkarga sa sanggol para hindi na siya nito ihatid sa garahe.
Hanggang sa huling sandali ay pinatigasan nitong hindi sasama sa pagdalo sa baby shower ni Bernadette.
Bumusina na lamang siya nang makalabas ng bakuran. Nasulyapan niya ang katulong na lumabas para isara ang gate.
Lumingon siya sa main door; hoping Carmela would come outside para ihatid man lang siya ng tingin. Ngunit nabigo lang siya.
Nang makalagpas sa bahay ay saka lang niya pinawalan ang malalim na paghinga.
Hindi niya maintindihan. Biglang-bigla na lang ay nagbago ang asawa. During their college days, walang araw na nagdaang makikitang dumilim ang mukha nito. Parang hinabi ang relasyon nila. Perpektong-perpekto.
They had petty quarrels ngunit mapalad nang abutin iyon ng limang minuto. Madalas ay nag-uunahan pa silang mag-sorry sa isa’t isa.
They had been going steady for three years nang isuko sa kanya ni Carmela ang sarili. Fourth year pa lamang sila noon at hindi maikakaila ang takot ng nobya bagaman mas nanaig ang pagmamahal nito sa kanya.
He loved her more. At ginawa naman niyang responsable ang sarili para huwag itong mabuntis nang wala sa panahon. They earned their degrees na walang sumulpot na problema.
Nakapasok siya sa J&V kasabay ng pagpasa niya sa board exam para sa mga engineers. Pareho sila ni Carmela. She also passed the board... lamang ay wala pa itong nakukuhang trabaho.
Ang usapan nila ay magpapakasal pagdating ng edad-beinte y singko. Tamang-tama iyon dahil nakatulong na si Carmela sa pagpapaaral sa mga kapatid nito.
Subalit nabuntis ito. Wala iyon sa plano at hindi rin niya maintindihan kung paano nakalusot sa kabila ng pag-iingat niya.
Maybe, Angel was meant to come to their lives.
Natural na kasal ang sumunod na mangyari ngunit ayaw siyang payagan ni Roselle hangga’t hindi nakakasal sina Juniel at Bernadette.
That was impossible at first. Paano magpapakasal ang dalawa gayong wala namang ibang relasyon na higit pa sa pagiging magkababata at magkabarkada?
Pinakasalan niya si Carmela sa huwes. Alam niya, dismayado ito. Hindi dahil umaasam ito ng en grandeng kasal kung hindi para sa ama nito. Lalo lamang naging mababa ang morale nito sa kaalamang kaya sila nagmamadaling magpakasal ay dahil kailangan na.
And what was worst was that after their wedding, nagkanya-kanya sila ng uwi sa bahay.
Ilang buwan pa ang lumipas bago nila natanggap ang blessings ni Roselle. At kung hindi pa natuloy ang kasal ng nakatatandang kapatid ay baka lumabo pa iyon.
Ikinasal sila. En grande na kagaya ng inaasam niyang ibigay kay Carmela. Alam niya, kahit na masama ang loob ng biyenan niyang lalaki ay nakabawas naman sa pagtatampo nito ang pagbibigay niya ng marangyang kasal sa anak nito.
Pero nagbago na si Carmela. She changed so much na halos hindi na niya ito kilala.
Sinikap niyang lawakan ang pang-unawa sa asawa. Una ay maselan ang naging pagbubuntis nito. Panga-lawa ay ang depression nito dahil hindi matanggap sa mga job opportunities na dumarating dahil sa kalagayan nito.
“Hindi mo naman kailangang magtrabaho.” Palagi na ay sinasabi niya rito kapag may dumarating na response ng mga kompanyang pinadalhan nito ng application letter.
“Sayang naman ang pinag-aralan ko kung hindi ko gagamitin.” Palagi na ay iyon ang isinasagot nito.
“I mean not yet. You’ll soon be giving birth... at mahirap namang iwan ang baby kung napakaliit pa. Wala ka namang dapat na ipag-alala. I could provide more than enough.”
Ngunit sa palagay niya ay hindi assurance ang naging dating niyon sa asawa. Madalas ay wala itong kibo. Parang laging malalim ang iniisip nito at tuwing tatanungin niya ay iling lang ang isasagot.
She had come back to her old self nang manganak ito kay Angel. Those were his happiest times. He was proud to be a brand new father at bumalik na rin ang lambing nito.
Subalit naglaho ang sigla nito matapos na i-release ito sa ospital. At naging mas tahimik pa ito sa dati.
“Postnatal distress” daw ang tawag doon, sabi ng doktor nang sekreto niya itong konsultahin. Tinanggap niya ang clinical na paliwanag nito bagaman naroroon pa rin ang pagtataka.
Why would she suffer that... kung lahat ng seguridad ay sinikap niyang ibigay sa asawa?
At nitong mga huling araw ay halata niyang pino-provoke siya nito. She kept on implying their financial differences. At sa lahat ng pagkakataon ay pinag-pasensyahan niya ito. Ngunit hindi niya maipa-pangakong palaging ganoon.
He also had his limits. At hindi niya gustong dumating ang sandaling masasagad iyon at magkakasagutan silang pareho na pagsisisihan din nila sa bandang huli.
“NAG-IISA ka.” Si Roselle na agad sumalubong sa kanya. Sadya itong naghihintay sa malawak na hardin.
“Hindi ho maiwan ni Carmela si Angel,” dahilan ni Roi. “Si Ate Princess?” Sadya na niyang iniba agad ang paksa upang huwag nang humaba pa ang pagtatanong nito tungkol sa asawa.
“Nasa loob. Halika at nang makakain ka muna. Mayamaya ay magbubukas na siya ng regalo.”
Tumango siya at kinuha sa backseat ang dalang regalo. Hindi man niya gustong isipin ay naalala pa rin niya. He was the one who bought the gift. Si Carmela ang inutusan niya subalit tumanggi ito.
“Baka hindi magustuhan ng hipag mo ang pipiliin ko. Langit at lupa yata ang pagitan ng taste namin.” Naalala pa niya ang resentment sa tinig nito.
Isa iyon sa mga pagkakataong pinalalagpas na lamang niya. Hindi niya maintindihan kung bakit malayo ang loob ni Carmela kay Bernadette.
She seldom addressed his sister-in-law by name. Palagi na ay “hipag mo.”
Nasasaktan siya sa bagay na iyon. Bernadette was a part of his family bago pa man ito naging asawa ng Kuya Juniel niya. Noong bata pa siya ay hindi iilang beses na nag-akala siyang kapatid niya ito.
Kaya naman umaasam siya na magkakasundo sina Carmela at Bernadette. Tutal ay wala namang problema sa hipag niya. Subalit si Carmela na mismo ang kusang naglalayo sa sarili kay Bernadette. Hanggang maka-kaiwas ay umiiwas itong makahalubilo ang partido niya.
Pawang masasayang mukha ang nakita niya sa maluwang na living room. Kilala niya ang mga pinsan ni Carmela sa litrato. At bawat isa naman sa mga ito ay bumati ng ngiti sa kanya nang mapansin ang kanyang presensiya.
Tumayo si Bernadette at sinalubong siya. “Where’s Carmela?” tanong nito.
Inaasahan na niya na iyon ang itatanong nito. “Hindi maiwanan ang baby.” Hinalikan niya ito sa pisngi sabay abot ng kanyang regalo.
“Thank you. Bahala ka na muna. I’ll check the table,” ani Bernadette at bumaling sa komedor.
Kinawayan siya ni Rei. All ears ang ngisi nito habang tila ipinagmamalaki sa kanya ang hawak na kopita. Nineteen na ito at hindi pa pinapayagan ng kanilang ama na masyadong mag-take ng alcoholic drinks. Ngayon ay isang holiday para dito na uminom ng hindi na kailangang magtago.
Lumapit siya kay Rei bagaman isa-isa muna niyang binati ang mga nakaumpok sa sala.
Kakuwentuhan ni Mariel ang mga pamangkin. Si Benedict ay nakaalalay sa asawa. Parang gusto niyang mainggit sa mga ito.
Kailan man ay hindi pa niya nakitang malamig ang tinginan ng mga ito sa isa’t isa.
“Nasaan ang asawa mo?” tanong ni Frederick sabay abot sa kanya ng isinaling alak.
Sa ikatlong pagkakataon ay gusto na niyang mapikon. Ngunit kapag ginawa niya iyon ay para na ring inihayag niyang may problema silang mag-asawa. Pinili niyang ulitin ang sagot sa ikatlo ring pagkakataon.
Dinala niya sa mga labi ang baso para anuman ang isusunod na tanong ng ama ay masuspindi.
Pero si Rei ang hindi agad na nakahalata. O maaaring nais lamang nitong mambuska. “Bakit naman hindi na lang ninyo isinama si Angel? Nakakotse ka naman.”
Matalim ang sulyap na ipinukol niya sa kapatid. “Shut up, Rei!”
Napatingin sa kanya ni Frederick. Nasa mga mata nito ang pagtatanong.
“Dinner is ready!” anunsiyo ni Bernadette.
He was saved by the bell.
Nagkakasayahan sila sa mesa. At pansamantala ay nakalimutan ni Roi ang problemang kinakaharap.
Si Queenie ang nagsuhestiyong sa living room na lamang kainin ang dessert. Ito ang pinaka-excited na buksan ang mga regalo para sa magiging baby.
“Cake, sherbet and wine. Parang hindi yata tama ang kombinasyon ng inihanda mo, Princess,” ani Jude at ito na ang nagdala ng cake sa sala.
“I guess the sweet is for the ladies. And the wine ay para sa inyo,” sahod ni Mariel.
“Excuse me, Tita,” ani Queenie. “I would prefer wine.”
“Tsk! Kahit talaga kailan...” amused na wika ni Tody at sinimangutan ang kapatid. Pagkatapos ay binalingan nito ang asawa. “Ikaw, sweetheart, stick to the sweets, ha?”
Matamis na ngumiti si Marra sa asawa at hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Roi. Nasasaktan siya dahil ang mga nasa paligid niya ay pawang masasaya at naglalambingan.
“Kanino ang regalong unang bubuksan?” tanong ni Juniel.
Nasa isang dulo ng mahabang sofa ang mga regalo. Nabale-wala ang inihandang mesa para sa mga iyon dahil halos lahat ay naglalakihang packages. Mahihinuhang mga laruan iyon.
“Palabunutan ang gawin natin,” suhestiyon ni Frederick.
“Call!” halos magkapanabay na wika ng lahat.
Unang nabunot ang dalang regalo ni Roselle. Nagkantiyawan pa dahil bukod ang regalo nito sa regalo ni Frederick.
“I guess hindi na naman kayo nagkasundo ng mama sa pagpili, ha, Papa?” kantiyaw ni Rei.
Natatawang umiling si Frederick. “Alam naman ninyo iyang mama ninyo... bihirang maging submissive sa akin.”
“Yellow?” kunwa`y reklamong wika ni Juniel nang mabuksan ang isa pang regalo. It was a set of cotton soft pillows and quilted blanket, puti ngunit lamang ang shade ng dilaw sa mga maliliit na disenyo.
“Para sigurado,” ani Roselle.
“I want blue,” giit naman ni Juniel.
“Bakit... Kuya? Sigurado ka bang baby boy ang ginawa mo?” kantiyaw ni Rei na ikinatawa ng lahat.
Nahawa si Roi. Nakisali siya sa kantiyawan. “Ako lang ang marunong gumawa n`on. See? Hindi pa nakaplano iyong sa akin nang lagay na iyon.”
“Walang pagtatalunan sa bagay na iyan. Lahat kayo ay mana sa akin. Walang marunong gumawa ng baby girl.”
“Tumigil kayo!” saway ni Roselle na pinandidilatan ang mag-aama.
Naghagikhikan naman ang iba.
“Let’s see the next,” ani Mariel. Ito ang bumunot sa maliliit na papel na inilagay sa isang crystal bowl.
Natural na puro baby things ang mga regalo. At natural din na bagaman pangkaraniwan ang mga regalo ay naiiba naman iyon sa uri. There was always a touch of class.
Hindi pa man naipapanganak ang baby nina Bernadette at Juniel ay napa-pamper na nang husto.
Pinakahuling bubuksan ay regalo ni Queenie. Ang lahat ay excited.
Sa harapang iyon ay kilala si Queenie na mapagtapon ng pera. She was born rich. At kahit kailan ay hindi naranasang maghikahos. And she was always generous.
Isang misteryo na ang regalo nito ay ang pinakamaliit na package. Tila iyon frame na sinlaki ng folder ngunit mas manipis pa roon.
May antisipasyong pinilas ni Bernadette ang wrapper. And it was really a folder.
Nagkatinginan sina Bernadette at Juniel. Sinimulan nilang buklatin iyon. At hindi maipagkakamali ang shock na gumuhit sa mukha nila.
“An educational plan?” magkasabay na wika ng mag-asawa.
Iisang direksyong pumako ang paningin ng lahat kay Queenie. Gayunpaman ay kalmante lang ito. “Hindi ninyo nagustuhan?”
Speechless pa rin ang mag-asawa.
“Why... thank you,” ani Bernadette pagkaraan ng ilang sandali.
“You’re welcome.”
“Care for another shot?” Dinunggol ni Jude ang siko ni Queenie. Iniabot dito ang isang kopita ng alak.
Lumuwang ang ngiti ni Queenie. “Thanks!”
“Ako rin!” singit ni Rei.
“Froilan Rei!” Naroroon na naman ang pagiging ina ni Roselle.
“Hayaan mo siya,” mahinang sabi ni Frederick. Ang ginawa nito ay si Roi naman ang inabutan ng alak.
Nang magkatinginan sina Roselle at Mariel ay napailing na lang ang mga ito. It was indeed a happy gathering.
Nang magsimula si Mariel na damputin ang mga punit-punit na wrappers ay nakiligpit na rin si Roselle.
Ang mga lalaki ay nagsimulang magkasama-sama minus Tody na kasama na ang asawa na umakyat sa silid. Si Queenie ang nakapansing may sinisikil na argumento ang dalawa, sinalo nito ang absence nito sa umpukan ng mga lalaki.
It was past midnight nang magdesisyon ang mga ito na tapusin ang inuman.
“May mga guest rooms, bakit hindi pa kayo dito matulog?” alok ni Juniel. Namumula na rin ito sa dami ng nainom.
“Nakakahiya kina Queenie, son. Naririto pa naman silang magkakapatid,” sabi ni Frederick.
“That’s not a problem, Tito. Marami pang bakanteng silid,” ani Queenie. Ito lang ang hindi mahahalatang uminom.
She knew when to stop drinking. Bagaman hindi ito umalis sa umpukan ay kanina pa ito tumigil sa pag-inom.
“Thanks, hija. I can manage to drive.”
“Oo nga naman,” ayon ni Roselle. “Isa pa ay ako mismo ang mag-i-insist na dito kami magpalipas ng gabi kung nakikita kong hindi na kaya ni Frederick na mag-drive.”
“How about you?” baling ni Juniel kay Roi.
Kanina pa napapansin ng kapatid ang pagiging matamlay niya. Kahit na pilit niyang pinasisigla ang kilos.
“Dito ka na matulog,” giit nito.
Umiling siya. “Maghihintay ang mag-ina ko.”
Tinungo na niya ang sariling sasakyan. Nauna pa siyang lumabas ng bakuran kaysa sa mga magulang.
Nagmamaneho na siya nang matanto ang oras. Alam niyang kanina pa naghihintay sa kanya si Carmela.
Napadiin ang tapak niya sa accelerator.