Riza and Roi - 6

2632 Words
MADILIM ang mukhang hinarap ni Roi ang ina. “Iuuwi ko si Angel, Mama.” Tumiim ang anyo nito, hindi nagustuhan ang narinig. “Follow me, Roi. Mag-usap muna tayo.” Hindi na ito naghintay ng tugon at kagyat nang tumalikod. Walang kibong sumunod siya. He was thankful at hindi sila nagsagutan ng ina sa harap ng yaya ng anak. Alam niyang mauuwi sa sagutan ang argumento base sa ekspresyon nito. Sa master’s bedroom ito pumasok. Sadya nitong iniwang nakabukas ang pinto. “Roi, you can’t bring your son home.” Pormal ang tinig nito, nasa tono na hindi mababali ang sinabi. Ngunit parang wala siyang narinig. “Of course, I can. Anak ko si Angel. Nasa akin ang karapatan.” “Do you think inaalisan kita ng karapatan? Hindi, Roi. Ang inaalala ko lang ay si Angel. Sa ngayon ay hindi ko siya mapapayagang iuwi mo.” “Iuuwi ko si Angel, Mama. Kahit na anong mangyari,” mariin niyang wika. Malungkot na ngumiti ang kanyang ina. “See? Nag-aapura kang iuwi ang anak mo for no reason at all—” “I don’t need any reason!” padabog na putol niya. “He’s my son and I want to bring him home!” “Kung naipakita mo lang sa akin na kaya mong alagaan ang anak mo, why not? Roi, hindi ko ipagkakait sa iyo ang anak mo. Ang kaso ay ni wala kang panahon para sa sarili mo. Inuubos mo ang oras mo sa pagmumukmok. Paano maalagaan nang husto ang apo ko?” Tumaas ang sulok ng kanyang mga labi. “Ipinamumukha mo ba sa akin na naalagaan dito nang husto si Angel?” paasik na tanong niya. Naglapat ang mga labi ng ina. Sa ilang sandali ay dumaan ang katahimikan sa pagitan nila. “I’m still your mother, Roi. Huwag mong kakalimutan iyan.” “Mama,” aniyang nagbaba ng tono. “Please, payagan mo akong iuwi si Angel. I’m missing him so much.” Pinagmasdan nito ang kanyang anyo. Alam nitong nagsasabi siya ng totoo. Ngunit tila mas matimbang pa rin ang pag-aalala nito sa apo. He might be missing his son ngunit hindi kasingkahulugan iyon na kaya na niyang gampanan ang pagiging ama niya sa anak. He was still grieving for Carmela at wala pa siya sa puntong kaya nang arugain nang husto ang anak. Marahil ay nakikita ng ina na ipapasa lamang niya sa katulong ang pag-aalaga sa anak. Gayunpaman, hindi naman maaaring ipagkait ng kanyang mama ang apo sa tunay nitong ama. Napabuntung-hininga ito. “All right, Roi. But on one condition.” “What?” Hindi pa man naririnig ay bumakas na ang pagtutol sa mukha niya. “Roi, gusto ko lang matiyak ang kalagayan ni Angel kapag iniuwi mo.” Marahas siyang napabunot ng hininga. “My God, Mama! Wala kayong tiwala sa akin samantalang ako ang mismong ama?” “It’s not that—” “Come on,” naniningkit ang mga matang sansala niya. Unti-unti ay humuhulagpos na naman ang kanyang pagtitimpi. “I think I was cheated! Hindi ko inaasahang sa yaya rin ang bagsak ng anak ko rito!” May sundot ng panunumbat sa tono niyang iyon. Ngunit mas pinili ng kanyang inang magpakahinahon. “Hindi ko basta iniaasa na lang sa yaya ang anak mo. At hindi rin basta-bastang yaya ang kinuha ko. She is a nurse by profession. At nagagampanan niyang mabuti ang pag-aalaga sa anak mo.” “Mama, ang alam ko ay kayo ang mag-aalaga kay Angel kaya pilit ninyong kinuha sa akin. Kung yaya rin lang ang mag-aalaga ay kaya ko ring kumuha ng yaya. At isa pa, kilala ba ninyo ang babaeng iyon?” “She was referred by a trusted friend. At sa buong dalawang linggo na naririto siya ay wala siyang ginagawang hindi maganda. Ni hindi nga niya inaabuso ang magandang pagtrato namin ng papa mo.” “You don’t understand, Mama. She was the nurse on duty at the hospital.” “Of course, I know. I saw her there.” “Hindi iyon ang punto ko. She was the one who called Carmela.” It was always a pain to remember na ang babaeng nag-aalaga sa anak niya ang isa sa mga huling taong nakausap ni Carmela. “So? Roi, she wouldn’t call your wife kung walang nag-utos sa kanya.” “Mama,” daing niya. Hindi maikukubli ang hapding gumuhit sa mga mata niya. “Kung magsalita kayo ay parang walang halaga sa inyo ang asawa ko.” “Roi,” anitong pilit na nagpapakahinahon. “Akala mo lang na hindi importante sa akin si Carmela. Of course, I loved her, too. Dahil mahal mo siya at lahat ng mahal mo ay mahal ko na rin. And one thing more, she was the mother of my grandson.” Was. Panibagong sakit ang hatid niyon sa puso niya. Mula nang gabing iyon, everything about Carmela became a thing of the past. Nagpatuloy ito. “It’s unfair na isisi mo sa ibang tao ang nangyari kay Carmela. Alam ko, hindi naman kailangang pahabain pa ang paliwanag tungkol doon. You know that already, son. Ang hinihintay lang namin ay matanggap mo nang maluwag sa loob mo ang nangyari. Carmela is gone. Gaano man katindi ang gawin mong pagdadalamhati, hindi na niyon maibabalik pa ang asawa mo.” Mas mahirap ilarawan ang hapding bumalatay sa kanyang mukha. He made one glance at his mother saka walang kibong lumabas. Mabibigat ang mga hakbang na bumalik siya sa nursery. NASA crib na si Angel at payapa nang natutulog. Si Riza ay nakaupo sa tabi at binabantayan ito. “Isasama ko ang anak ko,” anunsiyo ni Roi. Napatitig siya rito. She knew he was not kidding. Ang problema ay nahahati ang isip niya kung ibibigay rito ang anak o hihintayin si Mrs. Ortega. Eksakto namang sumunod sa nursery ang ginang. “Ihanda mo ang gamit ninyong dalawa ng bata. Sasama kayo kay Roi sa bungalow.” Magkasabay silang napatingin dito. Si Roi ang unang nakakibo. “Mama, ang sabi ko ay isasama ko ang anak ko. Hindi kasali ang yaya.” Umangat naman ang kilay niya. Hindi niya tinangkang itago iyon sa lalaki bagaman nakabuti marahil na hindi nito iyon nakita. He was indeed furious at malamang na mapatulan na siya nito. Subalit bakas sa tinig nito ang indignasyon. “Hijo, that’s the one condition that I was about to say a while ago. Kaya lang ay hindi mo ako pinakinggan nang husto. Hindi ako matatahimik kung basta mo na lang kukunin ang bata. Isa pa, sanay na siya...” Umismid ito. “Kaya nga gusto ko nang kunin. Mas sanay pa ngayon si Angel sa ibang tao kaysa sa akin. Hindi ako magtataka kung halimbawang nabalam pa ng isang linggo ang pagpunta ko rito ay hindi na ako kilala ng anak ko.” Napailing na lamang ang ginang. Siya ang binalingan nito. “Sige na, pack your things.” Naroroon na naman ang pagtutol ni Roi. “Mama—” “Please, Roi. Huwag na nating pagtalunan ang bagay na ito.” Muli siya nitong binalingan, isinenyas na kumilos na. Noon pa lang siya tumindig. Tila atubili pa siyang kumilos dahil bukod sa hindi siya nakahandang sumama sa paglipat ay alam niyang labag sa loob ni Roi na kasama siya. Subalit sumunod siya sa utos ni Mrs. Ortega. Ito ang kinikilala niyang amo kaysa sa ama ng alaga niya. Mabilis niyang naempake ang gamit. Iilan lang naman iyon. Ang iilang toiletries ay inilagay niya sa bulsa ng traveling bag. Ang suot niyang damit ay maayos naman. Nagpasya siyang huwag nang magpalit ng damit. Iginala niya ang paningin sa buong silid. Nakagamayan na niya ang kuwartong iyon at ngayon ay parang gusto niyang maging sentimental. Sa silid na iyon siya nagkaroon ng ganap na privacy dahil sa bahay niya, kahit na sa sarili niyang kuwarto ay labas-masok ang boarders niya. Sa silid din na iyon niya naranasan ang ginhawang pinapangarap niya noon. Aminado siyang ambisyosa siya. Katwiran niya ay wala namang bayad mangarap. Tutal ay palagi naman niyang ipinapaalala sa sarili na kaya siya naroroon ay dahil sa serbisyo niya. Hindi siya katulad ng ibang parang langaw na natuntong sa kalabaw, sabi nga ng iba. At hindi lang marahil sa silid na iyon kung hindi sa buong mansion. The huge house gave her luxury and comfort for the whole two weeks. Hindi niya makakalimutan iyon. Ngayon ay may kaba siyang nararamdaman sa dibdib. Maaaring katapusan na rin ng trabaho niya kung patitigasan ni Roi na hindi na kailangan ang kanyang serbisyo. It would be hard for her. Una ay hindi naman madaling humanap ng trabaho. Pangalawa ay mababale-wala ang pag-iwas niya kay Bill. At ang mas grabe pa, baka lalo ngayong ipagpilitan ni Nanay Lucy na magpakasal sila ng anak nito. Bill was an accountant in a chemical company. Stable ang trabaho nito at kayang bumuhay ng pamilya. Ang problema ay ang damdamin niya rito. At problema rin na ayaw unawain ni Bill na ayaw na niya. Pinuno niya ng hangin ang dibdib at tiniyak na wala na siyang gamit na naiwan. Pansamantala ay iniwan niya ang bag sa ilalim ng kama at bumalik sa nursery. Magkatulong ang mag-ina sa pag-aayos ng iba pang gamit ni Angel. Dalawang linggo lang doon ang bata ay halos napuno na ng mga bagong laruan ang nursery. Inakala ng ginang na makakasama nito nang matagal ang apo kaya ipinamili nang maraming mga gamit. Lahat ng iyon ay isa-isang ineempake. Namalayan siya nito. “Pakiayos mo iyong dede ni Angel. Wala nang reserba.” Tumalima siya. “Mrs. Ortega, kasama ho ba talaga akong lilipat?” lakas-loob na tanong niya rito. Hindi niya inaasahang si Roi ang sasagot. “Whether I like it or not, kasama ka.” Nagsalita ito nang hindi siya tinitingnan. Kaya hindi na lang siya kumibo. Kahit na gusto niyang irapan man lang ito ay hindi rin niya nagawa. Inabot pa sila ng kalahating oras bago naihanda ang lahat ng gamit ni Angel. Noon lang din dumating si Mr. Ortega. “I’m getting my son back, Papa,” sabi ni Roi sa ama. Malungkot itong tumango. “I just hope na nagkaintindihan kayo ng mama mo.” Buntunghininga ang itinugon ni Roi. WALA silang kibuan habang magkatabi sa kotse. Puno ng gamit ni Angel ang car trunk at backseat. At dapat lang na sa passenger’s seat siya umupo kahit na naging bakante ang backseat. Tulog na tulog pa rin sa mga bisig niya ang sanggol. Nabibingi na siya sa sobrang katahimikan. At kahit na gusto niyang pangahasang i-on ang car audio para magkaroon man lang ng ingay sa pagitan nila ay hindi naman niya magawa. Ipinako niya ang tingin sa labas. At pilit na inaliw ang sarili sa nakikita sa dinaraanan. Ngawit na ang leeg niya. Ngunit patitigasan niyang ipaling ang leeg sa labas ng windshield. Hindi niya gustong igawi ang tingin sa direksiyon ng lalaki at baka mabulyawan lang siya. Wala talaga itong planong kausapin siya. Tila nalulon nito ang dila. At kahit marahil abutin sila ng maraming oras sa pagbibiyahe ay hindi siya nito pag-aaksayahan ng panahong kausapin. Narating nila ang kanilang destinasyon. Hindi na kinailangan ni Roi na bumusina dahil mukhang nag-aabang ang maid na nasa terasa. Maliksi pa ito sa pagbubukas ng gate na hanggang dibdib lang ng tao. Inayos niya ang pagkakakarga sa bata para hindi na siya magmukhang helpless sa pag-ibis ng sasakyan. Eksaktong huminto ito ay kumilos na siya sa pagbaba. May pagtataka ang katulong na tiningnan siya. Sa itsura nito ay tila kaedad lang din niya. Ngunit bago pa ito makapag-usisa nang husto ay sinenyasan na ito ni Roi na ibaba ang mga gamit. Hinintay niyang papasukin siya ni Roi. Ngunit ito man ay dumampot ng mga gamit para hakutin. Nagkataon pang bag niya ang dinampot nito. Gusto niyang pigilan pero ayaw niyang matapunan lang ng paismid nitong tingin. Tuluy-tuloy itong pumasok sa bahay na tila hindi siya nakita. O maaari ding sadya siyang hindi pinansin. Nagkibit siya ng balikat at sumunod na lamang sa pagpasok. Parang gusto niyang manlumo nang makapasok sa bahay. Indeed a house and not a home. There was no warmth that welcomed her but another set of forsaken silence. Ipinilig niya ang ulo at pilit na inalis sa sarili ang ganoong pakiramdam. Iginala niya ang tingin sa paligid. Malinis na malinis naman ang buong bahay. Bungalow iyon at may common toilet and bath na nasa pagitan ng dalawang silid. Ang kusina na abot-tanaw niya ay makintab na makintab ang lababo. Parang alaga ng maid sa disinfectant. Ang mga kurtina at throw pillows ay maaayos din ang pagkakaterno. Iyon nga lang, ramdam niya ang kalungkutang bumabalot sa bahay na iyon. Hindi kaya maayos ang pagsasama ng mag-asawa? Maluwang ang pagkakabukas ng isang pinto ng kuwarto. Natanaw niya ang malapad na kama at sa headboard ay nakapatong ang larawan ng mag-asawa. That must be the master’s bedroom, naisip niya. At doon din ipinapasok ni Roi ang mga gamit. Pati ang gamit niya. De bale, aniya sa isip. Mamaya na lang niya iyon kukunin kapag naibaba nang lahat ng mga gamit. Naupo na siya sa sofa kahit walang pumapansin sa kanya. Nangalay na ang kanyang mga binti at mabigat din naman si Angel sa normal na pitong buwang sanggol. Ilang balik din sina Roi at ang katulong bago natapos maghakot ng gamit. Si Roi na lang ang lumabas mula sa silid at naiwan ang katulong. Hula niya ay inutusan na itong mag-ayos doon. “Dalawa lang ang kuwarto dito. Share na lang kayo ni Dely sa kabila. At sa kuwarto lang namin may aircon. Pagtiisan mo na lang ang ceiling fan.” Pormal ang tinig nito kaya pormal din siyang tumango. Tiningnan nito ang natutulog na anak. Nasa mukha nito ang kagustuhang kargahin si Angel subalit tila nagpigil na lamang. Tumalikod na ito at dumiretso sa kusina. Nag-check ito ng ipaluluto at pagkatapos ay bumalik sa kuwarto. Matagal din itong nasa loob bago bumalik ulit sa kanya. “Maayos na iyong dati niyang crib. Ibaba mo na doon si Angel at baka ngalay ka na.” Tumayo siya at wala pa ring kibo na sumunod. Patapos na rin si Dely sa pag-aayos ng gamit ni Angel. Ang bag niya ay natanawan niya sa paanan ng kama. Nakita marahil nitong hindi naman iyon gamit ng bata. Habang inaayos niya ang higa ni Angel ay lumabas na ng kuwarto si Dely. Narinig niyang inutusan ito ni Roi na maghanda ng hapunan. “May extra mattress sa kabila. Pansamantala ay iyon muna ang gamitin mo. Bukas na bukas ay bibili ako ng kama para sa iyo,” sabi ni Roi. “Salamat,” tipid na wika niya. Tinapik pa niya ng bahagya ang mga hita ni Angel bago tuluyang umunat ng tayo. Nasulyapan na naman niya ang litrato sa ibabaw ng headboard. “Nasaan nga pala ang asawa mo?” pangahas na tanong niya. Parang napigil ang paghinga ng lalaki. “She’s gone,” anitong tila napipilitan lang na sumagot. It aroused her curiousity. “Hiwalay na kayo?” Tiningnan siya nito. Wala ang galit na inaasahan niyang tatambad doon sa pagiging usisera niya. Munti mang iritasyon ay wala rin. At ang totoo ay ni wala siyang mabakas na damdamin doon. Parang wala kahit na ano. He made a deep sigh. At doon niya natukoy ang labis na kalungkutang ni hindi na nakuhang umabot sa mga mata. “She’s dead.” Nabigla siya at ngayon ay gusto niyang kastiguhin ang sarili sa kapangahasang magtanong. Napalunok siya bago niya sinabi ang nasa isip. “I’m sorry,” she said in her most sincere tone. Halos hindi tuminag ang ulo nito sa marahang pagtango. Ang ginawa niya ay humakbang at dinampot ang bag saka tahimik na lumabas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD