NAGISING si Angel bago sila maghapunan. Ang nangyari ay nagsalitan sila ni Roi sa pagkarga sa bata para maayos na makakain ang isa.
Alam ni Riza na kapag ganoong alanganin ang naging gising ng bata ay mahirap na uli itong patulugin.
Alas-diyes na ay pinapatulog pa niya ulit si Angel. Naroon sila sa kabilang kuwarto at nakikipag-kuwentuhan siya kay Dely. Wala naman siyang ibang pupuntahan.
Si Roi ay nagkulong na sa kuwarto matapos ang hapunan. Ipinabahala na nito kay Dely ang pag-aasikaso sa kung anumang pangangailangan niya.
Mabait din naman ang katulong. Habang nagkukuwento ay ito na mismo ang nag-ayos ng higaan niya. Pang-isahan lang talaga ang kama. Hindi sila pupuwedeng magtabi roon.
“Kung gusto mo ay ako na lang sa kutson. Diyan ka na sa kama,” alok pa nito.
“Naku, hindi! Salamat pero okay lang naman sa akin sa mattress.”
“Tatlo lang ang unan,” anito habang nagpapalit ng mga punda. “Dalawa na ang sa iyo. Sabi naman ni Kuya ay ibibili ka ng kama bukas. Tiyak, pati unan, bibili na iyon kaya huwag ka nang mahiyang makigamit ng unan ko.”
Napangiti siya. “Salamat uli. Bakit ang bait mo?”
Ngumiti rin ito. “Kasi mukha ka namang mabait. Isa pa, sabik akong magkaroon ng kasama. Kung hindi nga lang maayos ang pasuweldo ni Kuya baka hindi na ako nakatagal dito. Baka namatay na ako sa lungkot.”
Tuluy-tuloy na ang kuwento nito. At dito lang din niya nalaman ang tungkol sa pagkamatay ni Carmela.
She was shocked. Hindi niya akalain na mismong araw na iyon mangyayari ang trahedya sa babae. Ang natatandaan niya ay hanggang sa umuwi siya matapos ang duty niya ay nasa ospital pa rin sina Roi at naghi-hintay sa asawa nito.
Parang gusto niyang makonsiyensiya. Siya ang tumawag kay Carmela. Nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ito na bagaman sandali lang dahil sinabi lang niya ang nangyari kay Roi ay nabakas niya ang pag-aalala sa tinig ng babae.
Ngayon ay nahahati ang isip niya kung dahil ba sa kanya kaya nangyari iyon kay Carmela.
Ngayon ay hindi na siya magtataka kung tuwing sa mahuhuli niyang nakatingin sa kanya si Roi ay tila naroroon sa mga mata nito ang panunumbat. Siguro nga ay may kasalanan din siya.
Pero agad niyang naisip, kasalanan ba niya kung siya ang nautusan? Sumunod lang naman siya sa ipinag-uutos.
“`Buti nga, nandito na ulit si Angel.” Narinig niyang nabago ang paksa ng kuwento ni Dely. Nakahiga na ito sa kama habang tuloy pa rin sa pagsasalita. “Noong ako pa ang nag-aalaga sa kanya, kahit na nahihirapan ako dahil hindi ako masyadong sanay mag-alaga ng bata, hindi ako nagrereklamo.”
“Masaya rin naman `pag may baby. Noon ngang kinuha siya ni Mrs. Ortega, parang gusto kong sabihan si Kuya na huwag pumayag. Wala naman akong nasabi, kasi katulong lang naman ako rito. Ay, tulog na si Angel!” anito na tinutop ang bibig.
“Ililipat ko na sa kabila,” sabi niya at saka pumihit.
Nakapinid ang pinto. Nag-alangan tuloy siya sa pagkatok, lalo at naalala ang dahilan ng pagkamatay ni Carmela.
Tinitigan niya si Angel. Hindi naman puwedeng itabi niya ito sa pagtulog. Isa pa ay hinihintay din ni Roi na dalhin niya sa kuwarto nito ang bata kapag nakatulog na.
Dalawang mahinang katok ang ginawa niya. Matagal din bago niya naramdamang may kumilos sa loob. At halatang galing sa pagmumukmok ang itsura ni Roi.
“Tulog na,” aniya at tiningnan ang karga.
Niluwangan nito ang pagkakabukas ng pinto at walang kibong tumalikod.
Pumasok siya at maingat na ibinaba ang bata. Dinampot niya ang mga bote nito at ipinaghanda ng reserbang dede. Nang matapos iyon ay saka pa lang niya binalingan si Roi.
Tila wala naman itong pakialam sa presensiya niya. Ang nasulyapan niya ay ang bote ng alak sa mesang katabi ng kama. Nakatakip naman iyon. At hindi rin naman niya nalanghap na amoy-alak ito. Siguro ay pinag-iisipan pa kung iinom nga.
“Babalik na ako sa kabila,” paalam niya at hindi na naghintay ng tugon dito. Tutal ay mukha namang walang narinig. Para siyang nakipag-usap sa hangin.
Pabalik na siya sa silid nang masulyapan ang telepono sa sala. Naalala niyang tawagan si Katy. Hindi pa nito alam na lumipat siya. Pero bago iyon ay lumapit siya kay Dely. Itinanong ang numero sa bahay para ibigay naman kay Katy.
Kalahati pa lang ng pangalawang ring ay may nag-angat na ng telepono sa kabilang linya. Si Katy. Mabilis niyang ipinaliwanag dito ang pagbabago sa trabaho niya.
“Sandali, wala akong pansulat,” anito at nakarinig siya ng kaluskos sa paghahagilap ng ball pen. Naulinigan din niya ang anasan ng iba niyang boarders. “Hello, Riza? Dali! Idikta mo na. Papunta rito si Bill.”
Mabilis niyang ini-recite ang numero. “Kuha mo ba?” tanong niya.
Mabilis ang naging pag-agaw sa telepono. “Where are you?” demand ng nasa kabilang linya na hindi na niya itatanong kung sino ang nagmamay-ari ng tinig.
Kilalang-kilala na niya iyon. Wala yata siyang duty noon sa ospital na hindi binulahaw ni Bill para itanong kung anong oras siya uuwi. Na para bang hindi nito talaga alam.
“I won’t tell you,” matigas na wika niya.
“Riza, hindi pa tayo tapos. You couldn’t leave me like that.” Sa pagitan ng pag-iigting ng galit nito ay alam niyang naroroon din ang pagsusumamong bumalik siya. Only, he was too proud na ipaalam iyon.
Si Bill ang tipo ng lalaking dadaanin sa authority ang lahat. Iyon nga lang, hindi iyon epektibo sa kanya.
“I already did, Bill. I’m free, you’re free. Bakit kailangang pahirapan mo ang sarili mo?”
“Hahanapin kita, Riza,” determinadong wika nito. “I know you couldn’t be married this soon. At bago mo magawa iyon ay titiyakin kong nabawi na kita.”
“I won’t allow you to find me,” matapang niyang wika bagaman gusto rin niyang kabahan sa bantang iyon. Ibinaba niya ang telepono nang walang paalam.
MABABAW ang tulog ni Riza. Hindi niya alam kung dahil nag-a-adjust lang siya sa bagong lugar o dahil sa banta ni Bill.
She had known him for years. At alam niyang kapag determinado itong makuha ang isang bagay ay nagagawa nito.
Kailangan niyang amining natatakot siya sa bantang iyon. Dahil baka wala siyang magawa sa bandang huli kapag ipinagpilitan nitong magkabalikan sila. Worse, iyong makikialam pa si Nanay Lucy.
She adored the old woman. Parang nanay na niya ito. At kung mapipilitan siyang magpakasal kay Bill, isang malaking konsolasyon na lamang dito. Ngunit si Bill naman ang konsumisyon niya.
Pero bakit ako papipilit na magpakasal? hamon niya sa sarili.
She may not be old enough para malaman ang lahat ng magagaling na bagay sa mundo pero beinte-uno na siya. Sapat na ang edad na iyon para patigasan niyang huwag magpakasal kung ayaw niya.
Kailangan lang ay patibayin niya ang dibdib. Lalo at darating ang pagkakataong gagamitan siya ng emotional blackmail ni Nanay Lucy. Hindi imposible rito na litanyahin sa kanya ang ginawa nitong pagsuporta sa kanya nang maulilang-lubos siya.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata para hagilapin ang antok. Para tuloy gusto niyang mainggit kay Dely. Himbing na himbing na ito at marahil ay nananaginip pa ng maganda.
Nang bumiling siya ay saka naman siya nakaulinig ng ingit mula sa kabilang kuwarto. Alam niya, si Angel iyon. Pinigil niya ang sariling bumangon at lumipat sa kabilang kuwarto.
There were no agreed rules... at alam niyang inako na ni Roi ang pag-aalaga sa anak sa oras ng pagtulog.
Natatapos ang trabaho niya sa paghahanda ng reserbang bote para sa mga ganoong dis-oras ng gabi.
Lumakas ang iyak ni Angel. At habang naririnig iyon ay hindi siya mapakali. Baka naninibago ang bata sa sariling ama.
Baka nahihirapan si Roi na patahanin ang anak.
Bumangon siya at sumalampak sa mattress. Hindi siya mapeprente nang higa kapag ganoong naririnig niya ang iyak ni Angel. At mukhang hindi iyon titigil. Minuto na ang lumipas ay lumalakas pa lalo ang iyak nito.
Nagpalipas pa siya ng dalawang minuto. Kapag hindi iyon tumigil sa pag-iyak ay kakatok na siya sa kabila.
Ngunit hindi siya nakatiis at hindi na pinatapos ang dalawang minuto. Tumindig na siya at kumatok sa kabila.
Nang wala kaagad nagbukas ay saka pa lang niya naisip na baka ni hindi nabulahaw ang tulog ni Roi. Nilakasan niya ang katok at hindi nilubayan ang pinto hangga’t walang nagbubukas.
Kamuntik pa niyang makatok ang dibdib ni Roi nang pabiglang magbukas ito ng pinto.
Tama ang hinala niya. Mas nagising pa ito sa walang tigil na pagkatok niya kaysa sa palahaw ng anak. On instinct ay umangat ang isang kamay nito at nabuksan ang switch ng ceiling lamp.
Wala nang salitang pumasok siya sa loob. Halos balyahin pa nga niya ang pagkakabara nito sa pinto. Mabilis niyang nilapitan si Angel.
Nalaman niya agad ang dahilan ng pag-iyak nito. Puno na ang diaper. Nakalimutan niyang ibilin kay Roi na sa kalagitnaan ng gabi ay dapat nang palitan ang diaper ng anak. Normal itong kumokonsumo ng dalawang diapers sa magdamag.
Matapos palitan ay sinubuan na rin niya ng dede ang sanggol. Ipinaghele pa niya ito bago tuluyang napayapang muli.
At sa mga sandaling iyon ay nakamasid lang sa kanila si Roi. Hindi ito umaalis sa kinatatayuan. Parang namatandang nakatingin ito sa kanya.
ROI WAS indeed stunned. Hindi niya malaman kung ano ang iisipin sa yaya ng anak. Wala naman sa anyo nito na nang-aakit subalit ang suot nitong pantulog ay tila gayon ang pinalalabas.
Hindi naman manipis ang pantulog. Ang kaso ay satin iyon na humahakab sa katawan sa bawat pagkilos ni Riza. Panties lang ang pang-ilalim. Walang bra at dala marahil ng lamig ng aircon kaya mas lalong naging prominente ang mga dunggot ng dibidb nito.
Napalunok siya. He had been in celibacy for more than six months. Ang huli niyang natatandaang nagsiping sila ni Carmela ay noong bago pa ang kabuwanan nito kay Angel. After giving birth, she did not allow him yet.
Seeing the nanny of his son, nang-aakit man ito o hindi, ay isa lang ang epekto sa kanyang katawan. The mere sight of her was making him hard in almost an instant.
Damn! galit na mura niya sa sarili. Pakiramdam niya ay pagtataksil sa alaala ni Carmela ang nangyayari. Maybe... he could blame it on the whiskey.
Ipinako niya ang tingin sa lapag.
IBINALIK naman ni Riza sa crib si Angel. At walang kibo ring lalabas ng kuwarto nang pigilan siya sa braso ni Roi.
Nagitla siya. Naramdaman niya ang init sa kamay nito. At hindi niya matukoy kung dahil iyon sa pagkakatulog o marahil ay dahil sa ininom na alak.
Nalalanghap niya ang amoy ng alak na tila ibinubuga ng katawan nito.
Disgustado siyang napailing. Tama si Mrs. Ortega. He was not fit to be a father to his son. At least, not yet.
“Salamat,” mahinang wika nito at binitawan siya.
Odd... parang nanghihinayang siyang bumitiw na ito sa kanya. But why?
Bahagya siyang tumango. “I’m just doing my job.”
Hindi pa rin tumitinag ito sa kinatatayuan. Alam niya, mula kanina ay nanatiling nakabukas ang pinto.
Lumigid siya ng daan para makalabas na.
“Wait,” habol pa nito.
Nagtatanong ang mga matang nilingon niya ito.
“Ano nga pala ang pangalan mo?” he asked in half amusement and half disbelief.
“Riza...” aniyang hindi rin naiwasan ang pagngiti. “Clariza Amante.” Noon lang din niya natantong hindi pala nito alam ang pangalan niya.
Ang akala niya ay alam na nito. But that was only an assumption. At ngayon ay nagpapakilala siya sa kalaliman ng gabi.
“I’m Roi,” wika nito at inilahad ang palad sa kanya. Tinanggap niya iyon. She felt a firm handshake. Wala sa inaasahan niyang malamya iyon na kagaya ng anyo nitong inaantok. “Call me ‘Roi’ and not ‘Mr. Ortega’ na kagaya ng pagtawag mo sa papa ko.” Tumango na ito bilang banayad na pagtataboy sa kanya. “Thanks again. Bukas na lang tayo mag-usap uli.”
“Mamaya, rather.”
“Mamaya,” ayon nito. “Good night.”
“Good night.”