Riza and Roi - 8

2425 Words
KAHIT hindi naman siya masyadong nakatulog ay magaan pa rin ang katawan niya nang bumangon kinaumagahan. Siguro ay dahil sanay naman talaga siya sa puyatan. Inako na niya kay Dely ang paghahanda ng almusal, tutal ay sigurado naman siyang tulog pa ang kanyang alaga. Matatapos na siya sa pagpipiprito ng bacon nang lumabas si Roi. Bagong paligo na ito ngunit pambahay ang suot na damit. Gusto niyang magtanong ngunit pinigil niya ang sarili. Sa halip ay inaya na lang niya itong kumain. “Bakit ikaw ang gumagawa niyan? Nasaan si Dely?” “Naglaba na. Ako naman ang nagprisinta dahil alam kong tulog pa si Angel.” Naupo na ito sa kabisera. Animan lang naman ang parihabang mesa. Taliwas sa mansion sa New Manila na tila laging may komperensyang gaganapin sa haba ng mesa. Mahirap na ngang mag-usap nang hindi halos nagsisigawan ang nasa magkabilang dulo. “Halika, sumabay ka na.” Humila siya ng silya. Sa New Manila ay sanay siyang kasabay sa pagkain ang pamilya Ortega basta naroroon ang mga ito. Hindi na niya inaya si Dely. Pinauna na nito kanina na hindi ito sanay na mag-almusal. Tahimik silang kumain. Hindi naman niya hinihintay na papurihan ni Roi ang inihanda niyang almusal. Para pritong itlog lang iyon at bacon. Ang loaf of bread ay hindi toasted dahil ganoon ang sabi ni Dely. May pinalamig na Welch’s juice. Iyon ang inilabas niya para inumin ni Roi. Ayon din kay Dely. Kagabi pa niya nakita ang saging sa ibabaw ng mesa. Naisip niya, malaki na si Roi. Kung gusto nitong kumain ng saging, de kumuha na lang ito. Hindi naman niya kailangang ialok iyon dahil baka nga ito pa mismo ang bumili niyon. “I filed for a leave today,” boluntaryong wika nito. Nasagot naman nito ang tanong sa isip niya. “I’ll buy you a bed kagaya ng sabi ko kagabi. Alam ko, bukod sa napuyat ka kagabi ay hindi ka rin komportable sa higaan mo.” Malumanay na malumanay ang tinig nito. Munti mang bahid ng kaarogantehan nito kahapon ay walang mababakas ngayon. At parang gusto niyang mahiya sa concern na ipinakita nito. Napatingin siya rito. May humahaba na itong balbas. Hindi niya alam kung sinadya nitong huwag ahitin iyon o nakalimutan lang. Ngunit presko pa rin itong tingnan, lalo at basa pa ang buhok. Siguro, paliligo lang ang sagot sa mainitin nitong ulo. Baka tinangay na ng tubig ang lahat ng sumpong nang nagdaang araw. “Wala namang problema sa kutson. Komportable na ako roon. Hindi mo na kailangang bumili,” totoo sa loob na tanggi niya. Bahagya itong umiling ngunit nasa ekspresyon na wala ring magagawa ang pagtutol niya. “I insist. At isa pa nga pala, ako na ang magpapasuweldo sa iyo. Iyong dalawang linggo mo sa New Manila ay ako na rin ang bahala.” “Kayo na talaga ang amo ko ngayon,” aniya na hindi na nag-iisip pa. “Bakit, ayaw mo?” “H-hindi. Wala naman akong ibig sabihin doon.” Biglang tumunog ang telepono. Siya na ang mabilis na tumayo at sumagot doon. “Ortega’s residence, hello?” Napalingon si Roi sa kanya. Hindi nito maiwasang pagmasdan ang yaya ng anak. She was wearing a decent housedress. Mababaw ang neckline at hanggang tuhod ang haba. “Riza, I know it’s you. You just can’t leave me. Tandaan mo iyan,” anang tinig ni Bill. Napasinghap siya. Sigurado siyang nakuha nito kay Katy ang numerong ibinigay niya. Kung sa pamamagitan ng pilit o pagmamakaawa ay hindi niya tiyak. Isa lang ang sigurado, alam na nito kung saan siya mako-contact. At hindi rin imposible rito na guluhin siya. “Puwede ba, tantanan mo ako?” asik niya. Gusto niyang ikubli sa pag-aalsa ng tinig ang nararamdamang takot dito. “Kapag naitanan na kita, Riza. Noon pa lang kita tatantanan,” parang nakaloloko pang wika nito. “s**t ka!” mariing wika niya at ibinagsak ang telepono. Nagmamartsa siyang bumalik sa hapag. Hindi kumikibo si Roi ngunit alam niyang narinig nito ang mga sinabi niya. At base sa pagtingin nito sa kanya, alam niyang naghihintay ito ng paliwanag niya. Huminga siya nang malalim. “He’s my ex-bofriend. Makulit. Nakikipagbalikan. Malas at nalaman pa ang number dito. Pasensiya ka na.” Parang hindi naman narinig ni Roi ang huling sinabi niya. “Ayaw mo na?” tanong nito. Hindi naman niya malaman kung ang tinutukoy nito ay ang dati niyang katipan o ang pagkain na iniwan niya. Pero hindi pa siya tapos mag-almusal. Tumusok pa siya ng ilang bacon strips. Nasa plato na niya iyon nang sagutin ang tanong nito. “Kaya nga ako pumasok na yaya para takasan ko siya. Ang kulit n`on. Hindi ako lulubayan. Worse, kapitbahay ko lang.” At bago natapos ang almusal niya ay naikuwento na niya kay Roi ang love story nila ni Bill. BAGO mananghali ay nasa tapat na ng bungalow ang delivery van na may dala ng kamang in-order ni Roi. Single bed din iyon kagaya ng kay Dely ngunit may bakal ang frame at napipintahan ng puti at maroon. Maganda iyon sa madaling salita. Ang mga unan ay pagkalambut-lambot. Tiniyak nitong komportable siya sa pagtulog. At parang gusto niyang mahiya sa ginawa nito. Dahil tulog si Angel ay magkatulong pa silang tatlo nina Dely na nag-ayos niyon. Si Roi ang nag-ayos sa dalawang kama. Si Dely ay naglabas ng bagong bedsheet at mga punda. Matatapos na sila nang tumunog ang telepono. Si Dely ang nasa may pinto kaya ito na ang sumagot. Mayamaya lang ay nagbalik ito. “Para sa iyo, Riza. Si Mrs. Ortega.” Maliksi siyang lumapit sa telepono. “Hello po?” “Hija, kumusta ka diyan? Ang apo ko, kumusta din?” magkasunod na tanong ng ginang. “Okay lang ho,” aniyang walang halong pagsi-sinungaling. “Mabuti kung gayon,” nasisiyahang wika nito. “Sa anak ko, wala ba namang problema?” Saglit lang na pumasok sa isip niya ang insidente nang nagdaang gabi na hindi ito nagising sa kabila nang pag-iyak ng anak. Ngunit mas matimbang ang nararamdaman niya sa kabutihang ipinamalas ni Roi ngayon. “Wala ho,” aniya at binanggit pa rito ang pagbili ni Roi ng mahihigaan niya. “Okay. Kung anuman ang magiging problema diyan ay itawag mo rito sa akin. At pati si Roi, isumbong mo sa akin. Si Dely ay masyadong loyal diyan. Kahit na ano ang itanong ko ay puro wala ang isinasagot.” “Eh, Misis, sabi ho ni Roi, siya na ang magpa-pasuweldo sa akin... pati na iyong dalawang linggo ko riyan.” Tumawa ito sa kabilang linya. “Kung iyon ang gusto niya. Basta inaasahan kong magre-report ka rin sa akin, ha?” “O-oho.” Pakiramdam niya ay ginawa pa siya ngayong spy ng ginang. Nang bumalik siya sa kuwarto ay tapos na ang gagawin doon. Si Roi ay nakasalubong pa niya habang papalabas ito. “Puwede pa pala akong mag-half day. Bahala na muna kayo rito.” Tango lang ang itinugon niya. Ang mga sumunod na sandali ay inubos niya sa pag-aalaga kay Angel. Nasa kuwarto siya ng mag-ama nang pumasok doon si Roi. Galing ito sa banyo at kapapaligo lang ulit. Tila nagulat pa ito nang makita siya. Ngunit nakapasok na ito sa kuwarto. Ang isang kamay nito ay nakahawak sa buhol ng tuwalyang nakatapis sa baywang. Siya naman ang naiilang sa sitwasyon. Iniiwas niya ang tingin at kinarga ang alaga. “Sa labas na muna kami.” Mabilis na nga siyang lumabas. HABANG nagbibihis ay napailing na lamang si Roi. Kapalit ng pagpayag niya sa serbisyo ni Riza bilang yaya ng anak niya ay ang kabawasan ng privacy. Ngayon ay hindi pupuwedeng basta na lamang siya maghuhubad. Mabuti na lang at hindi niya basta na lang hinaltak ang tuwalya kagaya ng ginagawa niya dati. Pero ano nga ba ang dapat niyang gawin? Aminado naman siyang tama lang na naroroon si Riza para sa anak niya. Hindi naman niya kayang arugain nang husto ang anak. He could provide his son with what he needed ngunit hindi kasali roon ang lahat ng oras niya. May trabaho siya. Alangan namang isama niya ang bata sa opisina. Mabilis din naman siyang nakapagbihis. At bagong ahit pa. Nang lumabas siya ay naka-slacks at long-sleeved polo na siya. Walang kurbata. Nakapaloob sa pantalon ang polo at nakalupi hanggang sa kalahati ng braso ang mga manggas. “IIWAN kong bukas ang kuwarto,” ani Roi. Tango lang ang itinugon ni Riza. Hindi naman niya gustong sabihin dito na dapat lang nga na ganoon ang gawin nito. Dahil lahat ng gamit ni Angel ay nasa kuwarto nito. Hindi naman puwedeng ikandado iyon komo aalis ito. Patungo na ito sa may pinto habang nilalaro sa daliri ang susi ng kotse nang tumunog ang telepono. Sadya nitong binagalan ang paglakad sa pag-aakalang para dito ang tawag. “Ikaw na naman?” iritadong sabi ni Riza nang mabosesan ang tinig. Nakatingin sa kanya si Roi. Base sa anyo nito ay alam na rin kung sino ang tumawag. Gayunman ay hindi pa rin ito umalis. “Tigilan mo na ako, pakiusap lang,” mataray na wika niya kay Bill. Ibinaba na niya ng telepono. “Ginugulo ka na naman?” ani Roi. “Ang kulit, eh,” nakasimangot na niyang sabi. Umiling lang ito at humakbang na uli. “Sige, aalis na ako.” Mayamaya ay pumihit ito. Nagsalubong naman ang mga kilay niya. Makakalimutin yata si Roi. “Hindi pa pala ako nagpaalam sa anak ko,” anitong lumapit. May guilt expression sa mukha. “`Bye, son.” Hinalikan nito sa pisngi si Angel. Nagpapasag naman ang bata kaya nabalam pa ng ilang sandali ang pag-alis nito. Kinuha nito sa kanya si Angel. Kinarga at nilaru-laro. He was rewarded by a burst of joyous, innocent laughter. Nakagaan naman iyon sa pakiramdam ni Riza. Parang naibsan ang mga hinagpis na tila permanente nang nasa mukha ng lalaki. Parang nagbibisekleta ang mga binti ni Angel sa pagtawa. At noon lang niya napansing lukot na rin ang damit ni Roi. Ayaw man ay lumapit na siya sa mag-ama. “Lukot na iyang damit mo,” aniyang hindi malaman kung paano kukunin dito ang bata. Parang ipinagkait niya rito ang kaligayahan kapag binawi niya ang alaga. “At saka baka ma-late ka na.” “Oo nga pala.” Maikling buntunghininga ang pinawalan nito. Halata sa itsura nito na gusto pang makipaglaro sa anak. Ngunit ipinasa na rin nito sa kanya si Angel. Their skin touched. Natural iyon dahil pareho silang nakaalalay na mabuti sa maliit na katawan ni Angel. Muling naramdaman ni Riza ang pamilyar na init sa pagdidikit na iyon ng kanilang mga katawan. Sigurado siya, hindi na sanhi iyon ng alak na ininom nito. Biglang-bigla ay nalito siya. Inatake siya kaagad ng surot ng budhi. Was she becoming attracted to Roi? Aminado siyang crush niya ito six months ago. Pero natural na sa kanyang magka-rush sa mga pasyente. But Roi was different. Amo niya ito. It was an unwritten rule not to fall in love with your master. NAPATITIG si Roi kay Riza and felt a familiar longing. Nangyari na sa kanila noon ni Carmela ang ganoong eksena. Holding Angel together. The feeling was overwhelming. Parang iyon na ang kakompletuhan sa lahat ng bagay sa mundo. Ngunit mas nakalilito ang pakiramdam niya ngayon. Walang malisya kung tutuusin ang pagpapasa niya sa anak sa yaya. But there was something wrong. Isang bagay na hindi niya malaman kung paanong ipaliliwanag sa pamamagitan ng salita. He heard a little voice inside him... wishing she was the mother of his child. No! protesta ng isip niyang patuloy na nagmamahal sa alaala ni Carmela. Parang napasong lumayo siya. Ang nangyari tuloy ay muntik na niyang mabitawan si Angel dahil inakala niyang nakaalalay si Riza sa bata. “Angel!” “Anak!” Magkapanabay pa nilang wika, parehong may panic sa tinig. “I’m sorry,” maagap na sabi ni Riza nang tingnan siya nito. At kaagad din naman niyang iniiwas ang mga mata. Bigla ay natakot siyang makita nito ang guilt doon. Hindi niya kayang ipaliwanag iyon kapag kinompronta siya nito. “I’ll go ahead.” Nang tumalikod siya ay sinabayan na rin niya ng paghagod sa polong bahagyang nalukot. AFTER office hours ay tumuloy si Roi sa memorial park. Mula nang mawala si Carmela, walang araw na hindi niya ito dinadalaw sa puntod nito. Kung hindi bago pumasok sa opisina ay sa hapon paglabas niya. Ibinaba niya ang biniling bulaklak. Every other day ay nagdadala siya rito ng bulaklak. Ang huling dinala niya ay maganda pa rin kahit na medyo lanta na ang mga dulo ng petals. Kinuha niya iyon at sinenyasahan ang caretaker ng sementeryo. Kilala na siya nito. Dito niya ibinigay ang pinagpalitan ng bulaklak. Nang mapag-isa ay saka niya pinalis ang mga tuyong dahon na nakakalat sa lapida. Malungkot na tinitigan niya ng nakasulat doon at saka nagpakawala ng buntunghininga. Ang totoo ay hindi naman niya kailangang basahin iyon. He knew it by heart. Kagaya ng lahat ng mga bagay na may kaugnayan kay Carmela. Sariwa pa sa alaala niya ang lahat ng iyon. Hindi niya ipinababago ang ayos ng bahay. Dahil si Carmela ang nag-ayos niyon. Hindi rin niya pinababago ang recipe sa almusal. Dahil palaging ganoon ang inihahanda nito para sa kanya. Ang gusto niya ay manatili ang presensiya ni Carmela sa bahay niya. At gusto niyang papaniwalain ang sarili na hindi pa ito patay. Na kunwari ay umalis lang ito at may pinuntahan. Pagkatapos ay babalik din. Napapikit siya. Tuwing kukumbinsihin niya ang sarili sa mga bagay na iyon ay siya rin ang nasasaktan. He knew it was foolish. Ngunit ayaw niyang kumawala sa alaala. He loved her. Ipinangako niya sa sariling kahit wala na ito ay patuloy pa rin niya itong mamahalin. He made a weary sigh. Tahimik na inihingi niya ng tawad sa puntod ni Carmela ang nagdaang gabi. Hindi niya ginustong mangyari na makaramdam siya ng kakaiba sa yaya ng anak. He knew it was attraction. s****l attraction to be specific. At ang gayong pakiramdam kay Riza o kahit na kaninong babae ay isang pagtataksil sa alaala ni Carmela sa paniniwala niya. Pero paano niya ihihingi ng tawad ang naramdaman niya kaninang bago umalis ng bahay? From a certain distance, he knew they looked like a family. And he wished it would come true. Isa pang buntunghininga ang pinawalan niya. It was an addition to his confusion na tila hindi niya maha-hanapan ng sagot. Nang magsimulang kumalat ang dilim ay kumilos na siya para umuwi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD