Riza and Roi - 9

2087 Words
“KUMAIN na tayo,” ani Dely. “Karaniwan nang gabi kung umuwi si Kuya. At madalas na hindi na iyon naghahapunan.” Kumain na nga sila. Matatapos na sila nang dumating si Roi. Parang gusto pa niyang ma-guilty dahil inabutan sila nitong kumakain. Obvious na hindi nila ito hinintay. Siya na ang tumayo at nagdagdag ng plato sa mesa. “I won’t eat,” anito nang makita ang ginawa niya. “Si Angel?” “Nasa kuwarto... maagang nakatulog,” aniya. Hindi niya malaman kung paano itutuloy ang pagkain samantalang si Dely ay patuloy sa pagsubo. Ni alok ay hindi nito ginawa sa amo. Parang bale-wala naman iyon kay Roi. Diretso na nitong tinungo ang kuwarto. “Sabi ko sa iyo, eh,” sabi Dely nang sila na lang uli. KAHIT na nahihiya siya sa pagbili ni Roi ng bagong kama, pabor naman sa kanya iyon. Komportable na siyang nahiga at agad na nakatulog. Likas nga lang na mababaw ang tulog niya. Nang makarinig ng iyak ni Angel ay agad siyang naalimpungatan. Nakiramdam siya habang nakahiga. Kagaya kagabi ay hindi agad ito tumahan. Hinagilap na niya ang tsinelas at tumungo sa kabila. Eksakto sa pagbukas ang dalawang pinto. Matapos ang saglit na pagpapalitan ng tingin ay walang kibong kinuha niya sa bisig ni Roi si Angel. Isinayaw-sayaw niya ito para patulugin uli. Ngunit sadya marahil na nagliligalig ang bata. Parang tuksong ayaw nitong tumahan. Naupo sa isang silya si Roi habang nakamasid sa kanila. Matagal bago niya napatahan ang alaga. Nang tumahan ito, groge na sa antok si Roi. Nasulyapan niya ito. Halatang antok na antok na ito ngunit hindi naman makahiga. He was wearing shorts and white sando. Wala sa loob na napatitig siya rito. Maagang na-develop ang muscles sa katawan nito at ngayon ay kabigha-bighaning tingnan. Kay Dely niya nalaman na hindi sila naglalayo ng edad ng lalaki. Maaga lamang itong nakapag-asawa. Sad to say, maaga ring naulila ng napangasawa. Sinulyapan niya ito. At parang gusto niyang maawa. Sa halip na relaxed ang mukha nito sa pagkakapikit ay malalim pa ang gatla roon. Halatang-halata iyon, lalo at tila matiim ang pagkakalapat ng mga labi nito. Tiniyak niyang maayos na uli si Angel bago siya nagpasyang bumalik sa sarili niyang silid. Wala na sana siyang balak na magpaalam. Roi was almost sleeping at hindi na niya gustong gambalain pa ito. Pero naisip niyang dapat ay lumipat na rin ito sa kama para komportableng makahiga. “Roi...” She fought the urge to touch him. Gayon man ay nagulat siya sa sariling madulas sa dila niya ang pagbigkas sa pangalan nito. Siguro ay dahil utos din naman nito iyon, katwiran niya sa sarili. Hindi ito tuminag. Nahimbing na nga sa ganoong posisyon. “Roi,” aniya sa mas malakas na tinig. Ungol ang isinagot nito sa kanya. “Roi!” ulit niya. Noon pa lang ito tila nagulat. “Tulog na uli si Angel. Bumalik ka na sa kama mo. Lalabas na ako.” Alam niyang gising na ito. Hindi na niya hinintay na kumibo at tumalikod na siya. Nang makabalik siya sa sariling higaan ay nahirapan na siyang magpaantok. Malapit nang mag-umaga nang makaagaw siya ng kaunting tulog. KUNG kailan naman maayos na ang higa ni Roi sa sariling kama ay saka naman siya hindi makatulog. May naglalarong ideya sa isip niya ngunit siya mismo ay hindi matiyak kung tama nga ba ang iniisip o hindi. Sa huli ay nagdesisyon na lang siyang sabihin pa rin iyon kay Riza. Kung tututol ito ay hindi niya ipipilit. Kung papayag, iyon ang problema. Hindi niya alam kung paano pakikibagayan ang kaakibat na konsekwensiya niyon. “MAY NAISIP ako,” ani Roi nang magkasalo sila sa almusal. Kagaya kahapon, si Riza pa rin ang naghanda ng pagkain. “Ano iyon?” sabi naman niya. Tiningnan muna siya nito. Parang iniisip nito kung tama nga ba o hindi ang sasabihin sa kanya. Nailang naman siya. Gusto niyang ma-conscious sa pagsubo ng tinapay. Parang hindi na tingin ang ginagawa nito sa kanya. He cleared his throat bago sinimulan ang sasabihin. Tila pinipili pa nito ang gagamiting salita. “As of now, I can’t provide my son a nursery. At hindi ko naman gustong sa tabi mo matulog ang anak ko. You see, sa gabi na lang kami halos magkasama.” Bahagya siyang tumango. She was listening at parang nahuhulaan na niya ang gusto nitong tukuyin. Ngunit hindi niya ito gustong pangunahan. Paano kung mali siya ng akala? Mapapahiya lang siya. “But I have to admit, hindi ko siya kayang alagaan nang husto. I don’t even know how to feed him. At kahit na medyo masakit sa akin, kailangan kong tanggapin na ikaw ang hinahanap ng anak ko.” Sandali itong huminto, parang nag-aalinlangan kung itutuloy pa ang sasabihin. Tumingin naman siya rito, ipinakitang nakikinig siya nang husto. “Riza, I suggest you move in to my room.” Kung hindi lang niya napigil ang sarili ay muntik na siyang pumalatak. Sabi na nga ba niya! Pero wala siyang sinabi. Ni hindi nga siya kumibo kahit katiting. Naghihintay si Roi ng isasagot niya. Nasa ekspresyon na nito ang inip at pagkailang. Hindi nga normal na proposal iyon ngunit hindi naman din niya malaman kung ano ang dapat na isagot. She could say “no”. Ngunit ayaw naman niyang isipin nitong malisyosa siya. She could not even say “yes”. Dahil ayaw din niyang isipin nitong para bang gustung-gusto niyang makasama ito sa kuwarto. Ano nga ba ang isasagot niya? Napatitig siya rito. Ngunit wala rin sa itsura nito ang kasagutan sa iniisip niya. Kaswal lang itong naghihintay ng isasagot niya. At hindi pa niya mahulaan sa ekspresyon nito kung ano ang inaasahang sagot niya. This is really confusing, aniya sa sarili. At hindi pa siya halos nakakapag-isip ng isasagot dito nang gulantangin sila ng tunog ng telepono. Malalim ang iniisip niya kaya halos mapalundag siya sa gulat. “Ako na,” aniyang nagmamadali pa sa pagtayo. Nahiling niyang sana ay makatalisod siya ng tamang sagot pagbalik niya sa mesa. “Ortega’s residence, hello?” “Riza—” “Ikaw na naman!” agaw niya. “Hindi mo ba talaga ako titigilan?” Awtomatiko ang paglingon sa kanya ni Roi. Sa tingin niya ay alam na rin nito kung sino ang nasa kabilang linya. “Alam ko na kung nasaan ka, Riza. Wait for me, pupuntahan kita riyan.” “How dare you!” Madilim na madilim ang mukha niya. At anyong ibabagsak na niya ang aparato nang tumayo si Roi at sumenyas sa kanya. Nang makalapit ito ay ipinasa niya rito ang telepono. “Hello!” anito sa maawtoridad na tono, bahagyang nagsalubong ang mga kilay. “Hello?” Tumingin ito sa kanya, pagkatapos ay ibinalik na sa cradle ang aparato. “Wala na. Ibinaba na siguro.” “Pasensiya ka na,” nahihiyang hinging-paumanhin niya. Nagkibit-balikat lamang ito. “I’m going.” “Paano iyong...” Hindi niya malaman kung paano babanggitin ang naputol na usapan nila kanina. “You have this whole day para pag-isipan iyon. Kung payag ka, puwede mo na ring ilipat agad ang gamit mo sa kabila.” Tumalikod na ito. Ganoon lang? tanong niya sa sarili habang tinitingnan ang pag-alis nito. “Nahihirapan ka bang magdesisyon, Riza?” Napalingon siya. Inililigpit na ni Dely ang pinagkainan nila. “Narinig mo?” Bahagyang tango ang ginawa nito. “Ayaw ko namang bigyan ng malisya. Naisip ko lang si Angel. Dalawang araw na kayo rito. Dalawang gabi na ring lumilipat ka sa kabila dahil iyak nang iyak iyong bata. Iyong itsura naman kasi ni Kuya, mukha talagang hindi kayang magpatahan ng anak.” Naupo siya at nangalumbaba habang pinapanood ang pagliligpit nito. “Napansin mo rin pala. Kaya lang, mahirap naman iyong magkasama kami sa isang kuwarto, `di ba? Parang hindi magandang tingnan.” “Hindi magandang tingnan kung masama ang isip ng mag-iisip. Kasi naman, dalaga ka, biyudo si Kuya. Pero malay mo, ma-develop kayo sa isa’t isa.” Nanunukso ang himig nito. “Dely!” Pakiramdam niya ay namula ang buong mukha niya. Iyon na nga ba ang ipinag-aalala niya. At hindi naman talaga imposibleng ganoon ang isipin ng sinumang makakaalam ng magiging setup nila kung sakali. Nagseryoso ang ekspresyon ni Dely. “Joke lang, huwag kang pikon. Huwag mo akong intindihin. Kung ano sa palagay mo ang tama... iyon ang ipasya mo. O kaya naman kung nahihirapan ka talagang mag-isip kung ano ang gagawin mo, bakit hindi ka tumawag kay Mrs. Ortega? Baka makatulong siya sa iyo.” “Hindi ba nakakahiya iyon?” “Bakit naman magiging nakakahiya? Mas mainam nga iyon. Iisipin ni Mrs. Ortega, hindi mo siya binabale-wala. At saka para kapag pumunta siya rito, hindi na siya magtataka kung bakit may ekstrang kama sa master’s bedroom.” Tapos nang magligpit si Dely. Bumalik na ito uli sa likod-bahay para ituloy naman ang paglalaba. HINDI pa rin siya makapagpasya. Sa huli ay pinili niyang sundin ang payo ni Dely. Tinawagan nga niya si Mrs. Ortega. Suwerte naman at natiyempuhan niyang nasa New Manila ito. Ang kaso ay hindi rin niya malaman kung paano sisimulan ang sasabihin. “Hindi ba namemerhuwisyo si Angel kapag gabi?” “M-medyo ho,” aniya. “Nagigising naman ho ako `pag umiiyak.” “Si Roi? Anong ginagawa niya sa kanyang anak?” “N-nagigising din naman ho. Kaso ho ay ako rin ang nakakapagpatahan. Eh, Misis, may sasabihin ho sana ako,” lakas-loob na niyang sabi habang iyon pa rin ang paksa nila. “Ano iyon?” Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa. Bagama‘t nahihiya ay nilakasan na rin niya ang loob at sinabi rito ang binanggit sa kanya ni Roi. “Wala akong nakikitang masama roon,” anang ginang matapos siyang marinig. “Agree with my son, Riza. Kaysa naman dumating ang oras na paos na ang apo ko ay hindi pa siya nagigising at nagkataong nahihimbing ka rin.” “Okay lang ho sa inyo?” paniniyak niya dahil hindi makapaniwala sa sinabi nito. “For my grandson, Riza.” Nang matapos ang pag-uusap na iyon ay pinakiramdaman naman niya ang sarili. She was still undecided ngunit nararamdaman naman niyang gusto rin niya ang setup na iyon. Ngunit hinintay pa niyang dumating si Roi bago inilipat ang mga gamit. “I guess you’re right,” aniya nang maupo ito sa sala habang nilalaro ang anak. Hindi ito nagtatanong ngunit alam niyang naghihintay ito ng sagot mula sa kanya. Tumingin ito sa kanya. Bahagya itong tumango bilang pagrekognisa sa desisyon niya. Ngunit base sa pormal na itsura nito ay hindi niya kayang hulaan kung nagustuhan nito ang kanyang pasya. Nagpatuloy siya. “At saka sabi ni Mrs. Ortega, mabuti nga raw iyon. Para twenty-four hours na nasusubaybayan ko si Angel.” Noon tila tumalim ang ekspresyon nito. “Itinawag mo sa mama?” Tumango siya. “I asked for an advice. Hindi ko kasi alam kung papayag ako o hindi.” “Oo’t hindi lang... hindi mo pa napag-isipang mag-isa,” mahinang wika nito. Nairita siya. “Hindi naman madali ang gusto mong mangyari. Let’s face it, pareho tayong mababawasan ng privacy. Ikaw ba, sa palagay mo, basta mo na lang magagawa iyong dati mong mga ginagawa kapag lumipat ako ng kuwarto mo?” “Wala naman akong ginagawang masama,” depensibong sabi nito. Bahagya ring tumaas ang tono nito. “Hindi ko naman sinasabing may ginagawa kang masama. Ang ibig kong sabihin, pareho tayong maninimbang sa isa’t isa. Kahit na nga ba sa oras lang tayo ng pagtulog magkasama.” Nakaharap siya sa dining area. Kasalukuyang naghahain si Dely at nahuli niyang nakikinig ito sa kanila. Tila amused pa nga ang anyo nito sa nakikitang pagsasagutan nila. Noon lang din naman niya naalala. Mula nang matapos ang insidente sa nursery sa New Manila ay hindi pa sila nagkaroon ng argumento. Ngayon lang uli. Padaskol siyang sumandal. Eh, ano ba kung nagsasagutan sila? Kahit na nga ba ito ang amo niya. Talaga namang hindi madaling lumipat ng kuwarto at makisalo sa kuwarto ng may kuwarto. “Kakain na,” wika ni Dely. Naunang tumayo si Roi. Inaasahan niyang ipapasa nito sa kanya ang bata ngunit nabigo siya. “Come on, let’s eat,” anito sa malamig na tinig. Magkakaharap sila sa hapag. Dahil sa argumento ay nagkaroon tuloy ng tensiyon sa pagitan nila. Wala namang pakialam sa kanila si Dely. Palipat-lipat lang ang tingin nito sa kanila. Nang minsang mahuli niya ay ngingiti-ngiti pa ang katulong!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD