Apat na araw na ang lumipas ngunit hindi pa rin mawala sa isip niya ang engkwentro nila ng Lindt na iyon. Palaging dumadaan sa isip niya ang mukha nito na may pilyong ngiti at ang talaga naman na nakakaakit na katawan nito. Ipokrita na lang ang hindi maaakit dito. Marami na rin naman siyang nakitang abs at dibdib ng lalaki pero iba ang hatak ng karisma ng lintek na iyon!
Ngunit agad din na mapapangiwi kapag naalala ang matinding takot nito sa ipis at pagtatanong ng shade ng lipstick niya at beauty regimen. Napapalatak siya.
Sa likod ng isip niya ay matindi ang panghihinayang kung tuluyang magiging bakla ito. Mukha pa naman malaki ang armalite nito base sa naramdaman ng puson niya ng tunusok ito. Sayang ang lahi!
Pinilig niya ang ulo. Bigla siyang nahiya sa sarili niyang kahalayan!
"Stop it, Katara! Maghunos-dili ka!" Pagkausap niya sa sarili na tila nababaliw.
Maya-maya ay muling natigilan ng maalala ang palugit na ibinigay ng ama sa kanya. "Sh*t! Tatlong araw na lang ang meron ako!" wika niya habang pumapadyak pa.
Katok sa pinto ang nagpabalik sa ulirat niya.
"Come in," sagot niya.
Niluwa ng pinto si Ivan. "Oy, hanap ka ni pops at ni lola," sambit nito habang nakangiti.
Inirapan niya ito bago tumango. "Sabihin mo susunod na 'ko."
"Mag-gown ka. Mukhang ibebenta ka na," Nakangisi ito ng mapang-asar.
Marahas siyang lumingon sa gawi nito. "Ano 'ko baboy? G*go ka ano'ng ibebenta?" Hindi na rin niya napigilan ang pagkunot ng noo. Inabot niya ang jacket at isinuot iyon.
"May bisita si Lola na dalawang matanda at isang lalaki. Kausap ang mga ito nila pops. Mukhang nabenta ka na," nakangiti ito ng sinambit iyon pero may naramdaman siyang sarkasmo at inis na kalakip sa tinuran nito.
Dinampot niya ang unan at ibinato sa mukha nito. "Siraulo ka talaga! Baka kahit mag-gown ako mas mukha pa rin akong lalaki doon sa kasama nila," pabiro niyang sambit.
Tumawa naman ito at mabilis na nasalo ang unan niya. Inamoy nito iyon at muling gumuhit ang pilyong ngiti sa labi. "Kailan ba huling nilabahan itong punda mo? Amoy laway ng dragon!"
Naningkit ang mga mata niya at sinugod niya ito sabay pasan sa likod at pabirong hinigpitan ang pagkakapulupot ng braso niya sa leeg nito para masakal ito ng bahagya.
"Dragon pala ha! Van Gogh ka talaga! For your information, malinis lagi ang punda ko! Baka nga mas malinis pa 'yan sa pagkatao mo!" Nakalabas ang ngipin niya habang hinihigpitan ang braso sa leeg nito.
Siya namang pasok ni Bogart sa kuwarto niya at naabutan sila sa ganoon na itsura. Halata ang dismaya sa mukha nito.
"Hinahanap na kayo sa baba," iritable ang boses na wika nito. Tumalikod na ito ngunit bigla muling pumihit paharap. "Katara, kapag naging asawa na kita, you are not allowed to do that anymore. Kahit pa kapatid-kapatid pa ang turing mo!" asik nito sabay tinignan ng masama si Ivan at tumalikod na paalis.
Nagkatinginan sila ni Ivan. Ang lalaki ay nagkibit-balikat lang na tila hindi naman apektado.
"Ang possessive ng future husband mo," pang-aasar na wika nito.
"Eww...! Over my beautiful balingkitan body!" Inikot niya ang mga mata sabay nagmwestra na tila nasusuka na ikinatawa naman nito.
Ginulo nito ang buhok niya habang tumatawa at sabay na silang lumabas at bumaba.
Nang makarating sa opisina ng ama ay naabutan niya ang kanyang Lola na nakaupo sa sofa katabi ang ama niya habang nasa katapat naman na couch ay sila Lola Mila na nasa gitna at nasa magkabilang gilid nito si Lola Edel at Lindt.
Hmmm... Ano meron? Tanong ng isip niya.
Napakurap siya ng makita na may sugat ang labi ng lalaki at may pasa sa kaliwang pisngi.
"Kit, Hija. Halika at maupo ka," tawag sa kanya ni Dona Ofelia. Tinanguan niya si Ivan at mabilis na rin itong lumabas. Bago tumalima at umupo sa tabi ng kanyang Lola.
"May problema ho ba?" tanong niya sa mga ito.
"Anak, kailangan ng mga Del Fuego ang tulong natin," panimulang sambit ng ama niya.
Kumunot ang noo niya. "Bakit po?" Bumaling ang kaniyang tingin kay Lindt na dumukwang sa lamesa para abutin ang tasa ng kape.
Napataas ang kilay niya dahil nakatikwas ang hinliliit nito ng iangat ang tasa at dalhin sa labi para higupin habang direktang nakatingin sa mga mata niya. Ang mga binti nito ay naka-cross. Tipikal naman na nakikita niya sa mga kdrama ang ganoong posisyon ng pag-cross-legs sa mga lalaki pero ewan ba niya at muli nanaman nabubuhay ang pagkadismaya niya sa mga kilos nito.
"I'm in trouble," maikling tugon ni Lindt na lalong nagpairita sa kanya.
"O tapos? Baka gusto mong ikwento ng diretso ano para magkaintindihan tayo rito?" iritableng turan niya habang nakairap.
"May nakabangga na gang si Lindt kagabi, kaya ayan ganiyan ang mukha at puro pasa," tugon ni Dona Mila.
"Sino'ng gang?" tanong niya.
"Blood Gang," singit ng ama niya.
"Oh f*ck!" mahinang napamura siya ng marinig ang pangalan ng isa sa notorious na gang sa buong bansa at mortal na kalaban ng gang nila. Napapikit siya at hinilot ang pagitan ng mga mata niya.
Ang Blood gang ang kilalang nagpapasok ng malaking bulto ng droga at illegal ammunition sa bansa. Mortal na kaaway ito ng grupo nila, hindi dahil nagbebenta rin sila ng droga kundi ito ang grupo na kinabibilangan ng kaniyang ina matapos nitong iwan sila noong limang taong gulang siya.
Sa kabilang banda ay pinagmamalaki niya ang Pops niya dahil kahit gangster sila, pinipilit pa rin nitong baguhin ang imahe ng gang sa bansa. Pumapatay sila pero sa mga taong nararapat lamang. Hindi sila kumakanti ng mga inosente at walang laban.
Muling lumukob ang lungkot at galit sa kalooban niya ng muling magbalik sa alaala ang nakaraan na pilit niyang kinakalimutan at binaon sa limot.
Naramdaman niya ang palad ng ama na nasa likod niya. Tila naramdaman nito ang pagragasa ng emosyon sa kanya. Nginitian niya ito at muling bumaling sa mga kausap.
"Anong plano?" nang makahuma ay muling tanong niya.
"Kailangan magtago ni Lindt. Pero kailangan niya rin ng poprotekta sa kanya. Kaya sasamahan mo siya, apo," sagot ng lola niya na nagpaawang sa labi niya.
"Ho? Bakit po ako? Marami po tayong tauhan na pwede natin ipadala para protektahan siya!" puno ng pagpoprotesta ang tono niya.
Tila naman gusto niya bawiin ang sinabi niya ng makita niya ang malungkot na reaksiyon ni Dona Mila ng marinig ang tinuran niya. Nangbibigla naman kasi!
Si Lindt naman ay sumandal sa sofa at humalukipkip. Blangko ang emosyon na na nabanaag niya rito. Tila may bundol ng awa siyang naramdaman.
Sh*t! Bakit ba 'ko naaawa sa kumag na' to! Maktol ng isip niya.
"Anak, you know how Blood works. Hindi natin pwede ipaubaya sa kung kanino lamang. Alam mo na walang kaluluwa ang mga iyon. Besides, they are your lolas amigas. Matitiis mo ba na hayaan na lang sila?" Pangungumbinse ng ama niya.
There! The magic words... Hays! Alam na alam ng ama niya kung paano siya kukunsensiyahin.
Napapikit siya ng mariin bago muling dumilat at bumuga ng hangin. "Okay. Saan ho ba magtatago pansamantala?" sambit niya na may pagsuko sa tono.
"Sa Rancho Del Fuego."