Nilingon siya nito. Mukhang nainis sa pagmumura niya. "The next time I hear cussing words from you, I swear I'm gonna punish those lips of yours."
"Bakit? Hahalikan mo 'ko? Naku, lumang tugtugin na iyan, Mr. Del Fuego!" bulalas niya sabay halukipkip. Gusto niyang ipakita rito na never siya nito masisindak.
Muli itong tumawa sabay iling. Nag-umpisa na rin kasi silang umandar at tinatahak na ang daan papuntang Quezon kung nasaan ang Rancho.
"Hahalikan? Hah! Of course not. Paiinumin kita ng holy water. Mga isang galon para tumalab diyan sa bibig mong walang pakundangan!" angil nito na may kasabay pang pagturo sa bibig niya.
Tinabig niya ang kamay nito. "Eh kung ikaw kaya painumin ko ng eskelan para tumibay naman iyang mga tuhod mo na lalamya-lamya!" ganting angil niya rito. Ramdam niya ang pag-iinit ng bunbunan niya sa antipatikong lalaki na ito.
Ngumisi ito habang nakatuon ang mga mata sa daan. "Matibay pa ang tuhod ko. Gusto mo ba subukan?" tugon nito sa nang-aasar na tono. Pilit niyang hinahagilap ang bakas ng kabaklaan nito ngayon, pero wala siyang maaninag. Ang nakikita niya lamang ay ang mapang-asar nitong mukha na nakakagat sa labi.
Mukhang naramdaman nito ang pagtataka sa mukha niya kung kaya't lumingon ito at nahuli ang pagtitig niya. Bigla nitong hinawi ang buhok habang nakatikwas ang daliri. "Oh, huwag mo sabihin na naiinggit ka sa kagandahan ko? Sorry ka na lang, hindi kita bibigyan," sambit nito habang winawasiwas ang buhok na hindi naman mahaba.
Naiiling na lang siya at itinuon ang pansin sa labas ng bintana. Baka maibalibag niya pa ito sa labas kapag hindi siya nakapagpigil. Ginugulo nito ang isip niya. Ang daming side ng katauhan nito na hindi niya mahulaan alin ang totoo at alin ang hindi.
Ilang oras na silang bumabiyahe ng basagin nito ang katahimikan sa paligid nila. "Hindi ka ba nagugutom?" tanong nito.
"Nagugutom. Saan tayo kakain?"
"Drive-thru na lang tayo. Baka gabihin pa tayo sa daan," sagot nito.
"Okay lang. Sige."
Nang makaorder ay diretso sila sa biyahe. Mabilis niyang binuksan ang hamburger na inorder at lalo siyang ginugutom sa amoy nito. Ngunit hindi pa siya nakakakagat ng mapansin na diretso lang ang lalaki na nakatingin sa daan habang nagmamaneho.
Ibinaba niya ang burger at kinalabit ito. "Hindi ka ba muna kakain?" tanong niya.
"Mamaya na lang. I'm driving," tipid na sagot nito.
Naawa naman siya rito at alam niyang gutom na rin ito sa haba na ng naibyahe nila. Naisip niya na kung siya nga na nakaupo lang ay napagod na, ito pa kaya na nagda-drive.
Inangat niya ang hamburger at dinala sa bibig nito. "Oh, kumagat ka na. Baka mahimatay ka pa riyan sa gutom kapag hindi ka kumain."
Sandali itong natigilan bago tila sinusupil ang ngiti sa labi na ngumanga at kumagat. "Mabait ka rin naman pala ano?" wika nito habang ngumunguya.
Inirapan niya ito pero ngumiti rin. Kinuha ang isang burger at binuksan para siya naman ang kumagat.
"Mas bagay sa iyo ang nakangiti. Hindi ka mukhang nakakatakot," turan nito matapos matitigan ang mukha niya.
Agad naman naglaho ang ngiti sa labi sa tinuran nito. "Ako? Nakakatakot?"
"Oo. Mukha kang leader ng kulto na namumugot ng ulo kapag seryoso ang mukha mo," pang-aasar na turan nito.
Sumimangot ang mukha niya habang tinatanggalan ng balot ang burger at iniangat muli sa bibig nito. Pero dahil naiinis siya ay sinalaksak niya ang halos kalahati ng burger sa bibig nito.
"Kulto pala ha!"
Nanlaki ang mga mata nito pero hindi naman makapalag dahil hawak nito ang manibela. Tumingin ito sa mukha niya habang nakangiti ang mga mata, pero siya naman ay nakalapat ang mga ngipin at tila nanggigigil ang itsura.
Dahil sa pagsalaksak niya ng burger dito ay kumalat ang dressing at sauce sa magkabilang gilid ng labi nito.
"Hey, clean me up! Mukha akong batang napabayaan ng nanay sa itsura ko oh!" nakangiting maktol nito.
Umirap muna siya bago padabog na kumuha ng wet wipes sa bag at walang pakundangan na pinunasan ang bibig nito. At dahil may katangkaran ito ay hindi niya maabot ang kabilang side kaya lumuhod siya sa upuan niya at dumukwang para aabot ang gilid ng mukha nito. Hindi niya namalayan na masyado na palang malapit ang mukha niya rito habang nasa kaliwang pisngi nito ang kamay niya. Natigilan siya dahil biglang naging seryoso muli ang mukha nito at makailang beses na lumunok.
Mabilis siyang bumalik sa upuan at nagkunwari na inaayos ang mga pinagkainan. Sh*t! Ang awkward!
Palubog na ang araw ng marating nila ang Rancho. Agad siyang nag-inat ng makababa ng sasakyan. Ang sakit ng pwet at likod niya sa haba ng byahe.
"Lindt!" Sabay silang napalingon sa matinis na boses na iyon na tumawag dito.
Napakunot ang noo niya ng makita ang isang babae na mukhang kawayan sa payat na tumatakbo palapit kay Lindt at agad na yumakap.
"Pat!" sambit naman nito sa babae na nangunyapit sa leeg nito.
"Mabuti naman at naisipan mo akong dalawin dito sa rancho," wika ng babae.
Tumaas ang kilay niya. Maka-arte ito akala mo jowa niya ang lalaki.
"Ang kati naman," mahinang sambit niya pero sapat para maagaw ang pansin ng dalawa. Pakunwari pa siyang kumakamot sa braso.
"Anong makati, little peach?" tanong ni Lindt.
Tila lumundag ang puso niya sa endearment nito pero naiinis pa rin siya sa babaeng kawayan na nakakapit na parang tuko rito.
"Mukhang maraming nagkalat na higad dito. Nangangati ako," kaswal na tugon niya. Pinaglapat ang bibig niya at matiim na nakatitig sa dalawa.
"Sino siya, Lindt?" tanong ng babae habang nakatingin sa kanya.
"Ako ang iyong sundo," sagot niya sabay irap. Si Lindt naman ay natawa sabay iling. Inalis nito ang pagkakayakap ng braso ng babae sa leeg nito.
"Pat, this is Kitkat. Kat, this is Patricia." Lumapit ang babae sa kanya sabay abot ng kamay. Tinignan niya muna ito bago inabot. Ramdam niya ang higpit ng kamay nito pero ipinagkibit-balikat na lang niya. Todo ngiti ito sa kanya samantalang siya ay ni walang bakas ng emosyon sa mukha.
Hindi niya maintindihan pero pakiramdam niya ay kumukulo ang dugo niya sa babae. Sarap balian ng leeg na kitang kita ang collar bone. Balingkinitan ito at morena. Pantay ang kulay at maganda ang tindig.
"Bakit nga pala kayo nandito, Lindt?"
"Sorry, we can't discuss that matter to you. It's highly confidential," sabat niya. Naglakad siya papunta sa sasakyan at nagsimula ng ilabas ang mga gamit.
"Hey, hayaan mo ng mga helper ang magbaba ng gamit natin." pigil sa kanya ni Lindt.
Si Pat naman ay tila nalilito ang mukha. "Ano'ng confidential ba iyon Lindt?" pangungulit na tanong nito.
Pero hindi pa rin niya hinayaan ang lalaki na makapagsalita.
"Baka ikamatay mo kapag nalaman mo. Kaya mabuti pa na manatili kang walang alam, okay?" pananakot niya rito.
Napatutop naman ito sa dibdib sa tinuran niya. "Lindt, sagutin mo ang tanong ko!" pamimilit ng babae.
Pumalatak siya at hinarap si Lindt. "Subukan mong magkwento, dalawa kayong isasabit ko ng patiwarik diyan sa poste!" banta niya rito habang tumuturo-turo ang daliri.
Naglakad na siya papunta sa mansiyon pero tumigil ng mapatapat sa babae pero hindi niya ito tinitingnan. Nakapamulsa siya habang ang mga mata ay nakatuon sa malayo.
"Alam kong lamang ang may alam, sabi ni Kuya Kim. Pero this time, mas makabubuti sa iyo na wala kang alam. Huwag ka ng magpumilit kung ayaw mong masaktan. Intiende?" Hindi na niya hinintay ang sagot at diretsong naglakad papasok ng bahay.