CHAPTER 8: HELEN SECOND LIFE

1411 Words
TAHIMIK na nakaupo si Elena sa tabi ng kama, nakatitig sa payat at mahina ang hitsura ng babaeng nakahiga roon. Hindi niya mapigilan ang maawa. Sira-sira at luma ang suot nito, bakas ang matinding paghihirap. Habang nakapikit at walang malay ang babae, ramdam ni Elena ang bigat ng mga pinagdaanan nito. Marahan niyang hinaplos ang buhok ng dalaga bago siya tumayo at kumuha ng malinis na damit mula sa aparador. Isa iyong simpleng bestidang puti na matagal na niyang nakatago. Maingat niyang hinubad ang maruming kasuotan ng babae at isinuot ang malinis na bestida. Sa bawat gasgas at pasang nakita niya sa balat nito, lalo siyang napapikit at napapailing. “Kawawa ka naman…” mahina niyang bulong. Nang matapos siya, tumayo si Elena at pinagmasdan ang babae. Kahit nakahiga pa rin at walang malay, tila mas maaliwalas na ang itsura nito. Isang hindi maipaliwanag na sabik ang naramdaman niya sa kanyang puso. Wala silang anak ni Manuel, at sa di-inaasahang dahilan, para bang napupunan ng presensiya ng dalaga ang matagal na niyang hinahangad. Pumasok si Manuel sa silid at nakita ang asawa na abala sa pag-aasikaso sa babae. Lumapit siya at tumingin din sa natutulog na dalaga. “Manuel,” ani Elena, halos may kislap sa kanyang mga mata. “Mukhang tama si Senyor. Mukhang napakabait ng batang ito.” Umupo si Manuel sa gilid ng kama, malalim ang tingin. “’Yan din naman ang iniisip ko, Elena. Pero nagtataka pa rin ako. Bakit siya napunta sa ganitong kalagayan? At bakit pinaghahanap siya ng mga pulis?” Umiling si Elena. “Baka nadamay lang siya sa isang pangyayari. Baka may kasalanang isinabit sa kanya na hindi naman niya ginawa.” Napabuntong-hininga si Manuel. “Sana nga. Pero hindi lahat ng maamong mukha ay tunay na malinis. Minsan, sa likod ng maamong anyo, may tinatagong lihim.” Tumitig si Elena sa asawa, mariing umiling. “Hindi, Manuel. Ramdam ko dito,” inilagay niya ang kamay sa kanyang dibdib, “na inosente siya. Hindi ako nagkakamali.” Hinawakan ni Manuel ang kamay ng asawa. “Alam kong matagal mo nang inaasam na magkaroon tayo ng anak. Ramdam ko rin ang pangungulila mo. Pero huwag mong hayaang pumanig sa atin ang damdamin. Baka tayo rin ang mapahamak.” Nangilid ang luha sa mata ni Elena, ngunit hindi niya tinanggal ang titig sa babae. “Kung totoo man ang sinasabi ng pulis, oras na lang ang makapagsasabi. Pero hangga’t wala pa tayong naririnig mula sa kanya, gusto kong protektahan siya. Kasi pakiramdam ko kailangan niya tayo ngayon.” Sandaling natahimik si Manuel. Pinagmasdan niya ang mukha ng dalaga, bago muling bumaling kay Elena. “Sige. Hihintayin natin siyang magising. Pero, Elena…” bahagya niyang pinahigpit ang tono, “kung sakaling delikado siya, kailangan din nating handaang ipagtanggol ang ating sarili.” Tumango si Elena, mahina ngunit mariin. “Oo, Manuel. Pero umaasa ako na hindi tayo nagkakamali sa kanya.” Naghari ang katahimikan sa silid. “Ang mabuti pa ay silipin mo na muna si Sir Dimitri sa kanyang kwarto,” ani Manuel habang nakatitig pa rin sa babaeng walang malay na nasa kanilang harapan. Tumango si Elena, saka marahang lumakad palabas ng silid. Nasa ikatlong palapag ang kwarto ni Sir Dimitro. May elevator naman ang mansyon kaya hindi siya nahihirapan na umakyat… Sa bawat hakbang ay ramdam niya ang bigat ng alaala tungkol kay Dimitri. Ang batang iyon ay hindi na talaga bata, isang binata na—ngunit nanatiling tila isang kaluluwang nakakulong sa nakaraan. Pagdating niya sa tapat ng kwarto ni Dimitri, dahan-dahan niyang itinulak ang pinto. Bumungad sa kanya ang malamlam na liwanag mula sa bintana, at sa gitna ng katahimikan ay nakita niya si Dimitri, nakaupo sa silya malapit sa bintana, nakatitig lamang sa kawalan. Gwapo pa rin ito matangos ang ilong, matipuno ang katawan kahit walang exercise, at may mala-prinsipeng tindig—ngunit ang kanyang mga mata ay wala nang kislap. Ilang taon na ang lumipas mula nang aksidenteng kumitil sa buhay ng kanyang ina at kapatid, ngunit para bang nanatili siya roon, nakabaon sa araw na iyon at hindi na muling nagsalita pa. Sa pagkaalala niya ay 17 years old ito noon ng maaksidente at ngayon ay 30 years old na ito. Napakatagal na at nawawalan na sila ng pag-asa na gagaling pa ito kahit na pinagamot na ito ng senyor. “Dimitri…” mahinang tawag ni Elena. Alam niyang hindi ito sasagot, pero umaasa pa rin siya sa bawat pagkakataon na maririnig niya itong magsalita. Walang kibo ang binata. Nanatiling tikom ang labi, nakapako ang tingin sa labas. Lumapit si Elena, maingat na inilagay ang kamay sa balikat ng binata. “Kumain ka na ba?” Hindi pa rin ito kumibo. Isa, dalawang segundo, wala pa ring reaksyon. Sanay na siya. Ngunit kahit ganoon, hindi niya maiwasang masaktan. Kahit din alam niyang hindi ito sasagot ay kinakausap niya pa rin ito. Noong nasa mansyon nakatira ito at ang ina ay likas na mabait ito. “Alam mo ba, may bago kaming bisita dito sa mansyon,” nagpatuloy si Elena, sinusubukang ibaling ang atensyon ng binata. “Isang batang babae mukhang napakabait niya. Sugatan, pero ligtas na siya. Baka, kapag gumaling na, ay makilala mo rin siya.” Bahagyang gumalaw ang mga daliri ni Dimitri, tila may naalala, ngunit muling bumalik sa pagiging walang galaw ang kanyang anyo. Napabuntong-hininga si Elena. Sa isip niya, bumalik ang alaala ng kwento ni Senyor, kung paano ibinigay kay Dimitri ang kanyang pangalan. Hindi lang basta tungkulin ang pagkupkop dito, kundi isang uri ng pagbabayad-sala sa nakaraan. Ang ina ni Dimitri ay minsang naging pinakamahalagang babae sa buhay ng kanilang Senyor. At ngayong wala na ito, si Dimitri na lang ang natitirang alaala. “Anak…” mahina niyang bulong. “Sana… sana ay bumalik ka na sa amin. Kahit isang salita lang, Dimitri. Kahit isang tingin na nagsasabing naririnig mo kami.” Ngunit nanatiling tahimik ang silid. Ang tanging sagot ay ang mahina at malamig na hangin na pumapasok mula sa bintana. Sa pintuan, sumilip si Manuel at nakita ang asawa. Nilapitan niya ito at marahang hinawakan sa balikat. “Wala pa rin?” Umiling si Elena. “Wala. Pero ramdam ko, Manuel… isang araw, babalik din siya sa atin.” Sandali silang nanahimik, kapwa nakatingin kay Dimitri. Ang binatang gwapo at matikas, ngunit ilang taon nang tulala at tila bihag ng nakaraan. Ilang taon na sila sa mansyon na ito at halos dito na sila tumanda na mag-asawa. Tahimik silang nakatingin kay Dimitri nang biglang bumulong si Elena, puno ng pag-aalala ang tinig. “Manuel…” hinigpitan niya ang hawak sa braso ng asawa. “Ano na lang ang mangyayari kay Dimitri kapag nawala si Senyor? Ngayon pa na may sakit siya?” Napatingin si Manuel sa asawa, saka muling lumingon kay Dimitri. Kita sa kanyang mukha ang parehong bigat ng katanungan. Hindi siya agad nakasagot. Ilang sandali muna siyang natahimik, saka marahang umupo sa gilid ng kama malapit sa binata. “Alam mo, Elena,” mabigat ang boses ni Manuel. “Si Senyor ang tanging haligi na pinagkukunan ng lakas ng batang ‘yan. Hindi man siya magsalita, hindi man niya ipakita, pero alam kong ramdam ni Dimitri na may isang taong buo ang pagtanggap sa kanya at hindi siya sinukuan.” Naluha si Elena. “Pero kapag wala na si Senyor sino na ang masasandalan niya? Wala siyang ibang pamilya. Wala siyang ama, wala na ring ina at kapatid. Tayo na lang, Manuel pero sapat ba tayo?” Lumapit si Manuel sa asawa, hinawakan ang kamay nito. “Sapat tayo, Elena. Kung hindi man ngayon, darating ang panahon na mararamdaman niya iyon. At hangga’t kaya natin, hindi natin siya pababayaan.” Napatingin si Elena kay Dimitri, na nanatiling nakatingin lamang sa labas ng bintana, para bang hindi naririnig ang lahat ng kanilang pinag-uusapan. Ngunit sa kanyang puso, umaasa siya. “Hindi ko alam, Manuel,” bulong ni Elena, nanginginig ang tinig. “Parang anak na rin ang turing ko kay Dimitri. At kapag nawala si Senyor baka tuluyan na siyang hindi gumaling. Baka hindi na talaga siya makabalik sa dati.” Napabuntong-hininga si Manuel. “Kaya nga kailangan nating maging matatag. Kung sakali mang dumating ang araw na iyon tayo na ang tatayo bilang pamilya niya.” Umiling si Elena, pinahid ang luha. “Sana nga----sana bago pa man mawala si Senyor, makita natin ang pagbabago kay Dimitri. Sana ay may dumating na dahilan para bumalik siya sa atin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD