Unmasked Confession (Kairo POV)

774 Words
“Good night, Yanna.” Isinara ko ang pinto ng kwarto ko nang marahan, parang may takot akong mag-ingay kahit wala na siya sa hallway. Tahimik ang penthouse...yung klase ng katahimikan na hindi nakakapagpahinga, kundi lalong nagpapalakas ng ingay sa loob ng ulo ko. Huminga ako nang malalim. Isa. Dalawa. Tatlo. Walang nangyari. Walang sumabog. Walang gumuho. At doon ko mas lalong naramdaman. Napahawak ako sa batok ko, pinisil ang balat, parang kaya kong pigilan ang mga iniisip kung sasaktan ko lang ang sarili ko nang kaunti. Tinanggal ko ang jacket, hinagis sa upuan. Tinanggal ang relo...yung relong kayang kontrolin ang oras ng mga board meeting, pero walang silbi laban sa ilang segundo ng tingin ni Yanna kanina. “Lintik,” bulong ko. Lumapit ako sa salamin. Hindi ko agad nakilala ang lalaking tumingin pabalik sa’kin. Hindi ito ang Kairo Valencia na sanay akong makita...yung malamig, buo, may pader sa mata. Ito yung bersyon na may bitak sa pagitan ng kilay, yung may pagod na hindi galing sa trabaho. “Anong ginagawa mo?” tanong ko sa sarili ko. Hindi sumagot ang salamin. Tumawa ako...isang maikling, mapait na tawa. “Akala mo kontrolado mo.” Umupo ako sa gilid ng kama. Yumuko. Isinukbit ang mga siko sa tuhod. Doon ko naramdaman ang bigat...hindi sa balikat, kundi sa dibdib. Parang may kamay na unti-unting humihigpit sa paligid ng puso ko, hindi para pigilan ang t***k, kundi para ipaalala na buhay pa ito. “Hindi ito parte ng plano,” sabi ko, mas malakas ngayon. “Hindi ka pumasok dito para dito.” Pero kahit anong ulit ko, hindi nagbabago ang katotohanan. Yanna. Ang pangalan niya parang sugat na paulit-ulit kong binubuksan. Hindi dahil masakit...kundi dahil gusto kong siguruhing totoo. Napahiga ako sa kama, nakatingin sa kisame. Pumikit. At doon...walang filter, walang kamera, walang kontrata...sumugod ang mga alaala. Yung ngiti niya kanina sa coffee shop. Yung paraan ng paghawak niya sa tasa na parang ang init nun ang humahawak sa kanya pabalik. Yung boses niya kapag hindi siya nagtatanggol, kapag hindi siya lumalaban...kapag tao lang siya. “Hindi ka dapat ganito,” sabi ko sa sarili ko. “Hindi ka ganito.” Pero kailan pa ako naging tapat sa sarili ko? Tumayo ako bigla. Naglakad pabalik sa salamin. Pinagmasdan ang mga mata ko...at doon ko nakita ang kinatatakutan ko simula pa kanina. Takot. Hindi sa pagkawala ng kontrol. Kundi sa posibilidad na may isang tao...isang babae...na kayang pumasok sa lugar na hindi ko pinapasukan kahit sarili ko. “Pinapasok mo siya,” bulong ko. “Hindi lang sa buhay mo...kundi sa katahimikan mo.” Hinilot ko ang buhok ko, sinabunot ang sarili ko sa inis. “Bobo ka ba?” Dati, malinaw ang linya. Lahat may presyo. Lahat may kapalit. Ang damdamin, ginagamit...hindi pinapaniwalaan. Pero si Yanna… hindi siya sumusunod sa rules. At ang mas masahol? Ayokong pilitin siya. Napahawak ako sa dibdib ko, parang may hinahanap akong switch para patayin ang kung anong nag-iinit doon. Wala. Walang off. Walang escape. “Kung nalaman mo lang,” bulong ko, halos pabulong sa kwarto, “kung gaano kita pinipigilan.” Hindi para saktan siya. Para protektahan siya...mula sa’kin. Umupo ulit ako, ngayon sa gilid ng kama, nakaharap sa pinto ng kwarto ko. Sa likod nun...ilang metro lang ang layo...nandoon ang guest room. Ang kwarto niya. Ang espasyong sinasabi kong ligtas, pero alam kong kaya kong sirain kung gugustuhin ko. At doon ako mas lalong natakot. Hindi sa gagawin ko. Kundi sa ayaw kong gawin....kahit gusto ko. “Hindi ito love,” sabi ko sa sarili ko, mariin. “Hindi ito gano’n.” Pero ang boses ko… hindi na kasing tibay ng dati. Huminga ako nang malalim. Pinikit ang mga mata. At sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, hinayaan ko ang sarili ko na aminin...kahit dito lang, kahit sa dilim... Na may isang babaeng kayang magpatigil sa akin sa gitna ng galit. Na may isang tinig na mas pinipili kong pakinggan kaysa sa sarili kong utak. Na may isang pangalan na mas mabigat kaysa sa apelyido ko. “Delikado ka,” bulong ko, hindi ko alam kung siya ang kausap ko o ang sarili ko. “At hindi ko alam kung kaya kitang bitawan.” Binuksan ko ang mga mata ko. Tumayo. Lumapit sa pinto...hindi para buksan. Para ipaalala sa sarili ko na may hangganan pa. Inangat ko ang kamay ko, inilapat sa kahoy. Ilang pulgada lang...at magbabago ang lahat. Hindi ko ginawa. Sa halip, ibinaba ko ang kamay ko. Humakbang pabalik. At sa katahimikan ng kwarto ko, sinabi ko ang katotohanang kinatatakutan ko simula pa kanina... “Kung may masaktan dito… sana ako na lang.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD