By Your Side (Yanna’s POV)

1033 Words
“Huwag kang aalis.” Hindi ko alam kung pakiusap ba ’yon o utos. Hindi ko alam kung kanino mas delikado....sa kanya, o sa’kin. Nanatili akong nakatayo sa harap niya, sa pagitan ng malamlam na ilaw ng balcony at ng lungsod na parang walang pakialam sa bigat na bumagsak sa pagitan naming dalawa. Tahimik si Kairo. Hindi ’yung uri ng katahimikang sanay ako...hindi ’yung malamig, kontrolado, may distansyang katahimikan niya kapag nagsusuot siya ng maskara. Ito ay ibang klase. Ito ay katahimikang may bitak. May lamat. May hinihinging pansin. “Hindi ako aalis,” sagot ko, mababa ang boses ko. “Pero hindi rin ako mananatili dahil sinabi mo.” Tumikhim siya, parang may tinatanggal sa lalamunan... o baka sa dibdib. Hindi niya ako tiningnan agad. Nakatuon ang mga mata niya sa malayo, sa ilaw ng mga gusali, sa mga bintanang puno ng buhay ng ibang tao. Mga buhay na mukhang buo. Mga buhay na mukhang hindi takot. “Hindi ka dapat nandito,” sabi niya kalaunan. “Hindi sa ganitong oras. Hindi sa ganitong estado.” “Hindi rin dapat ikaw,” sagot ko. “Pero nandito ka.” Lumingon siya. Doon ko nakita ang itsura niya...hindi ang Kairo Valencia na kilala ng mundo, hindi ang lalaking kayang patahimikin ang isang silid sa isang sulyap. Ang nakita ko ay isang lalaking pagod. May aninong mas malalim kaysa sa ilaw sa paligid. May galit na hindi na galit...kundi sugat na hindi gumagaling. “Alam mo ba kung bakit ayaw kong may nakakakita sa’kin ng ganito?” tanong niya, walang ngiti, walang yabang. Umiling ako. “Dahil kapag may nakakita,” sabi niya, dahan-dahan, “may nakakapasok.” Hindi ako umusog. Hindi rin ako umatras. Hindi ko rin siya nilapitan. Nasa pagitan lang ako ng dalawang desisyon....lumayo para protektahan ang sarili ko, o manatili para makita ang totoo. “Hindi kita pinapasok,” sagot ko. “Nandito lang ako.” Parang nasaktan siya roon. O baka natakot. Hindi ko alam alin ang mas nangingibabaw sa mga mata niya. “Walang ‘nandito lang,’ Yanna,” sabi niya. “Lahat ng nandito, may hinihingi. May inaasahan. May kukunin.” “Hindi ako kukuha,” sagot ko agad. “Hindi rin ako mangangako.” Isang maikling tawa ang lumabas sa kanya....mapait, walang saya. “Kaya ka delikado.” “Hindi,” sagot ko. “Kaya ako totoo.” Humakbang siya palapit. Isang hakbang lang, pero sapat para maramdaman ko ang presensya niya—mabigat, mainit, parang hangin bago ang bagyo. Inangat niya ang kamay niya, parang aabot...pero huminto. Nanatiling nakabitin sa ere ang pagitan ng mga daliri namin. “Kapag may nagiging mahalaga sa’kin,” sabi niya, halos pabulong, “may nawawala.” “Hindi lahat ng nawawala,” sabi ko, “ay dahil may mali.” Sa wakas, tiningnan niya ako nang diretso. At doon ko nakita...hindi galit, hindi yabang. Takot. Hubad at walang depensa. “Ang tatay ko,” bigla niyang sabi, parang tinutulak palabas ang salita bago niya pa mabawi, “ginawang negosyo ang tiwala. Ginawang armas ang pagmamahal. Lahat ng lumapit… ginamit.” Tahimik akong nakinig. Hindi ako umupo sa tabi niya. Hindi ko hinawakan ang kamay niya. Hinayaan kong lumabas ang mga salitang matagal niyang ikinulong. “Akala ko,” patuloy niya, “kung magiging malamig ako, kung magiging untouchable, walang makakasakit. Walang makakapasok.” “Pero may pumasok,” sabi ko. Tumango siya. “Ikaw.” Hindi ko alam kung anong isasagot. Dahil sa totoo lang, hindi ko rin alam kung paano nangyari ’yon. Hindi ko ginusto. Hindi ko rin pinlano. Pero nandito ako. At nandito siya. “Hindi kita sinasalba,” sabi ko sa wakas. “Pinipili lang kitang makita.” Parang tinamaan siya ng mas malakas kaysa sa anumang sigaw. Umurong siya ng kalahating hakbang, parang kailangan niya ng espasyo para huminga. “’Yan ang mas masahol,” sabi niya. “Mas madaling itulak ang galit kaysa sa paningin.” “Hindi kita kinakaawaan,” dagdag ko agad. “At hindi rin kita hinahangaan. Tao ka lang sa harap ko ngayon.” “’Yan ang ayokong maging,” sagot niya, mabilis. “Tao.” “Pero tao ka,” sabi ko. “Kahit ayaw mo.” Saglit kaming natahimik. Sa katahimikang iyon, may kung anong gumagalaw...hindi pagnanasa, hindi romansa. Isang uri ng koneksyon na mas nakakatakot. Mas totoo. Mas mahirap sirain. “Kung hindi kita tinulak,” tanong niya bigla, mababa ang boses, “aalis ka ba?” Huminga ako nang malalim. Hindi ko pinalambot ang sagot ko. Hindi ko rin pinatigas. “Hindi ko alam,” sabi ko. At doon ko nakita kung paano siya nabasag. Isang kisap lang. Isang iglap. Pero sapat para makita ko kung gaano kalaki ang takot niya sa sagot na ’yon. Hindi sa pag-alis ko...kundi sa posibilidad na manatili ako nang walang garantiya. Bigla siyang tumawa. Mabilis. Malamig. Parang may isinuot na jacket sa gitna ng tag-init. “Ayan na,” sabi niya, bumabalik ang pamilyar na tono. “Late-night drama. Nakakahiya.” “Kairo...” “Huwag,” putol niya. “Huwag mo akong tingnan na parang may dapat ayusin.” “Huwag mo ring itulak ang sinabi mo,” sagot ko, ramdam ang kirot sa dibdib ko. Lumapit siya nang kaunti, sapat para maramdaman ko ang init niya, pero hindi sapat para maabot ko siya. “Pity is the fastest way to disrespect someone,” sabi niya. “At masyado akong mahalaga para kaawaan.” Ngumiti siya...’yung ngiting ginagamit niya para manalo, para mangibabaw, para magtago. “Mas mabuti pang manatili ka sa papel mo. Mas ligtas ’yon para sa’tin.” May kung anong pumutok sa loob ko. Hindi galit. Hindi lungkot. Isang malinaw na desisyon. Humakbang ako palayo. Hindi ako lumingon. Hindi ko siya binigyan ng huling tingin. Dahil alam kong kapag ginawa ko, baka manatili ako. Huminto ako sa may pintuan. “Kung papel lang ’to sa’yo,” sabi ko, malinaw ang boses ko kahit nanginginig ang dibdib ko, “huwag mo akong sisihin kapag natutunan kong gumanap.” Tahimik ang sagot niya. Hanggang sa marinig ko ang boses niya, mababa at matalim, humahabol sa’kin sa dilim... “Siguraduhin mong hindi ka masasaktan sa sarili mong eksena.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD