Kabanata 04

2956 Words
“ Kuya! Wala ka na talagang mapipiga sakin, Lahat ng pera ko ay naipadala ko na sa inyo pasensya ka na,” paghingi ni Nouer ng paumanhin sa kausap. “Neng, hindi naman ako nanghihingi sayo kung wala talaga, ang sakin lang eh baka naman may kilala kang nagpapautang tulungan mo naman ako sige na. Maghanap ka ng Lending Investment, okey lang kahit hulog hulugan ko na lang ,”  marahipit na pagmamakaawa ng lalaking nakaupo sa sopa. “Utang na naman! Kuya, kaya nga tayo nagka problema dahil d’yan sa lintik na utang na yan. Kung bakit kasi hindi agad sinabi ni Tatay satin yan!” Napataas tuloy ang tono ng dalagang kanina pa paroo’t-parito sa harap ng kausap, habang magka-krus ang mga braso sa dibdib. “Ineng wag mo ng sisihin si tatay, ayaw niya lang siguro na mag-alala tayo,” malumanay na sagot ng kapatid. Pasalampak siyang umupo sa sopa sa tabi ng kausap na muling ibinalik ang pagkakahalukipkip.  “Ayaw mag-alala tapos ngayong problema na tayo ang nahihirapan, Saan ako kokotkot ng ganyang kalaking pera ng biglaan?” Pa ismid na reaksyon ng dalaga.    “Sige na naman Ineng gumawa ka ng paraan. Isang buwan pa naman ang palugit eh.  Maiilit ang bukid kapag hindi tayo nakabayad sa bangko.”  “Eh saan naman tayo kukuha ng pambayad kung saka sakaling makakautang nga tayo?”  Sapo ang ulong napayuko ang binata kasunod ng malalim na buntunghininga bago muling bumaling sa kapatid at kalmadong nagwika. “Baka mayroon ka diyan kahit magkano lang pandagdag lang sana, hindi ko man matubos eh baka pwedeng mapakiusapan ko yong bangko na tubo muna ang babayaran ko at saka para makabili ulit ako ng binhi, at mga pataba, malay...” “Binhi na naman!” Pinandilatan ng dalaga ang kausap na tila ba rinding-rindi na siya sa palaging dahilan nito. “Neng sige na wag na tayong magtalo, Alam mo naman kung bakit tayo naghihirap ng ganito diba? Iyong kinita ko sa huling-ani kakarampot paano ko ba iyon pagkakasyahin? Wala na ngang natira sa ipon ko naubos na sa pang-gasolina ng Traktora.” “Hay naku Kuya! Nandiyan na naman tayo. Sinabi ko ng ng ibenta n’yo na yong lupa na iyon at maghanap ka na lang ng trabaho. Mag abroad ka na lang kaya, total naman wala ka pa namang asawa. Imagine! License Civil Engineer ka binuburo mo ang sarili mo sa pagsasaka dapat nag-Agricultural Engineer ka na lang kung ganyan din pala ang babagsakan mo.” Mahabang pagtatalak ni Nouer na hindi na maitago ang pagkadismaya sa kapatid dahil sa tuwing dadalaw ito sa kanya ay problema sa sakahan nila ang dala-dala nito. “Ineng, wag mo namang menusin ang kuya mo, nakaka-pangontrata naman ako paminsan-minsan sa atin kapag tapos na akong magsaka. Kaunting tiis na la-ang Ineng, sige na huling pangungulit ko na ito sayo.” “Ah sige bahala na. Magpuputa ako para matapos na iyang problema mo. Kapag naka-tyempo ako ng milyonaryo tubusin mo na yang lupa na yan para wala ka ng sakit ng ulo.” Napamulagat ang kapatid sa kanyang pagbibiro. “Wag namang gay-on Ineng. Aba! eh hindi magandang biro iyan, keysa magputa ka e ibebenta ko na la-ang aring isang bato ko,” Madamdaming wika ng lalaki habang dinudutdot ng mga daliri ang tagiliran. Tumayo ang dalaga at lumapit sa balumbon ng mga tela sa gilid na bahagi ng living room. Gusto na niyang tapusin ang matensyon nilang usapan ng kapatid. Alam niyang wala namang pupuntahan ang pag-uusap na ito, sa bandang huli hindi rin siya makakatiis na hindi tulungan ang kanyang kapatid. “Ay siya kuya! Tama na ‘yang usapan natin sumasakit na ang ulo ko sayo. Sige bahala na, gagawa ako ng paraan kung saan ako makakahanap ng pera.’ “Hindi ko naman sinabing maghanap ka ng pera sabi ko lang ihanap mo ako ng mauutangang lending pinahaba pa ni Ineng.” Bubulong bulong na wika ng binata.  “Paki dala mo na nga pala itong mga pinabili ni Nanay na tela kasya pa yata.” Anang dalaga ng balikan ang kapatid bitbit ang ibat ibang klase ng tela. “Opo,” Matipid na sagot ng binata, tumayo ito at gumawi sa maleta sa gilid upang ilagay ang mga tela. “Ineng kasya naman kaya la’ay   hindi kaya ako’y makantiyawan sa atin na galing abroad, Aba! Ay kalaki naman pala naring maleta mo. Ah, ay lasa ko’y  pag-aagawan wari ari ng mga istibador sa pyer.” Konot noong baling ng binata sa dalaga. “Alah Eh! Nagreklamo pa si manong ay sa wala tayong unti. Iyong abili natin ay idagdag mo na la-ang sa pamilite mo sa bapor, Ay, hindi na tayo mayaman ako nga eh baka ibenta ko na rin ang aking kutsi at magje-jeep na la-ang ako.” Panggagaya ni Nouer sa punto ng salita ng kapatid na may halaw sa punto ng mga Batangenyo na hinaluan pa ng punto ng taal na salita ng mga taga isla ng Lubang sa Mindoro na tila patula kong mangusap. Napansin niyang  napabunghalit ng tawa ang kanyang kuya. Kahit papano ay nabawasan ang tensyon sa kanilang pag-uusap kanina at nabago niya ang tyempo. “Ano ga ang nakakatawa sa sinabi ko manong at bunghalit ka na diyan, Akala mo baga’y ako’y hindi na probinsyana?” Susog ng dalaga sa inaasal ng kapatid habang nakahawak ang mga kamay sa magkabilang beywang. “Aba’y Ineng! Ako ga’y pinagloloko mo? Ako’y inapatawa mo akong maigi. Saan ka naman nakakita ng Head of Deparsmen, Isang sikat na modelo na nag de-dyep na la-ang?  Baka naman  ika’y sumabit pa sa istrebo,  sabay takbo. A  ay pamihadong atikabong hagaran kayo ng driver niyan.” Napasimangot ang dalaga sa ganting pagbibiro ng kapatid na ang salita ay isinasatinig narin  ngayon sa punto na hindi niya mawari kung bulakenyo o taga Lubang Island. “Ay nga pala, kumusta na baga kayo ni Ector?” dagdag na tanong pa nito sa kanya na nakangiti sabay kumikindat kindat pa na halatang nang-uuyam. “Kuya naman , Nang aasar ka po baga?” Tanong ni ni Nouer na napakonot noo at nakapamewang pa rin habang ipinapasag sa carpeted na flooring ang paa.  “Ala! Eh ‘wag mo namang isama sa usapan ang taong nanahimik,” dagdag pa ng dalaga na medyo kalmado ang boses na waring naisahan siya ng kapatid. “Abay ikaw ang nag-umpisa ng uriraan. Nagtatanong la-ang naman ang tao wag mo sanang masamain hani! Muntik ko ng makaligtaan na pinakukumusta ka nga pala niya sa akin. Araw gab-i  daw ay laman ka pa rin ng kanyang puso’t isipan, nanabik na daw siya na ika’y masilayan. Kung nakalimutan mo na daw ang daan pasa atin ikaw ay kanyang gagabayan hani!” Anang binata na kumukumpas kumpas pa ang mga kamay. Napabunghalit ng tawa ang dalaga sa paraan ng pagsasalita ng kapatid.  “Manong ha, hindi ko na mawari kung ikaw ay Bulakenyo o Batangenyo?  Paki sabi mo na la-ang sa hodeyong iyon na wala pa akong balak mag-asawa. Kung mahal niya ako hintayin niya muna akong yumaman. Dahil ako’y nangangamba na kung tatanggapin ko ang kanyang iniluluhog na pag ibig, ay baka ako’y sumbatan ng kanyang pamilya na salapi lamang nila ang gusto ko sa kanya. Kung hindi siya kamo makahintay ay ibaling na lamang niya ang kanyang pagtingin sa iba.” Mahabang salaysay ng dalaga. “Hindi naman matapobre ang angkan nila ah,” Sagot ng binata na tila ipinagtanggol ang kaibigan na matagal na niyang alam na pumoporma sa kapatid. “At saka bakit ineng, mahirap ba tayo? Abay, hindi ako papayag dahil hindi pa naman tayo sumasala sa oras ng pagkain. Nakakabili pa naman tayo ng gusto nating ulam at hindi naman ako mag-aalangan na ikasa sa kaniya ang aking kapatid. Aba’y kaganda niyan kahit mukhang Mangyan. Saan ka pa? Iyan ang probinsyanang naging modelo,” dagdag pambubuska pa ng binata na hindi kumporme sa tinuran ng kapatid. “Teka teka! Bakit sakin napunta ang usapan? Bakit kaya hindi ikaw ang maghanap na ng makakataling puso at ng may tagalaba naman ng iyong  karsunsilyo. Tumatanda ka na pong binata! Baka nakakalimutan mo Bente-Otso ka na sa susunod na birthday mo wala ka pang ipinakikilala sa amin,” balik niya sa kapatid habang humakbang papalayo. “Hindi naman ako nagmamadali. Ala! Ay sa gwapo ng kuya mo aba’y aantayin ko na la-ang na ako ang ligawan nila.” Sagot naman ng binatang medyo nagyayabang sa kapatid na tapos na ang pag-ga-gayak ng maleta. “Kahit po anong gwapo mo manong kung hindi ka manliligaw tatanda ka na lang na binata sa ka kukotkot diyan sa bukid mo.” “ Bakit si Adan natulog la-ang pag gising may Eva na. Malay mo naman may itinakda na pala sa akin ang Diyos nasa tabi-tabi la-ang hindi pa la-ang n’ya ako nakikita.”  “Ay oo nga kuya! Baka ngani may nakatakda na sayo, Malamang yan iyong matandang dalaga na tindera ng palamig sa bayan. ‘Di baga’y patay na patay sa iyo iyon. Malamang siya nga ang Eva mo, pansinin mo na kasi siya.” Pambubuskang bawi ng dalaga habang kumukuha ng tubig sa kanyang refrigerator sa kusina. “ Ay s’ya! Tama na nga ‘yang kulitan natin Ineng at baka kung saan pa mapunta, Ako’y duguan na saiyo e, hindi ako maka-isa. Abay ginagamitan mo ako ng pagiging lakambini mo ng Centro.” “Bakit, asar-talo na ba ang Raja ng Kagapnit?” Dagdag pang-a-alaska pa ni Nouer habang humagalpak ng tawa. Iiling-iling na napakamot na lang sa ulo ang kanyang kuya. Para silang nagbalik sa asaran noong mga nagbibinata at nagdadalaga pa  lamang. Lagi siyang tinutukso ng kanyang kuya na napulot lang at inampon dahil kayumangi ang kanyang balat at anak daw siya ng bombay na nagpapautang ng kulambo at kumot sa kanila. Malayo ang mukha nilang magkapatid dahil nagmana siya sa side ng kanyang ina at kamukha daw siya ng kanyang lola na sa larawan na lang niya nakita. Nakaisip lang siya ng pambawi sa pang-aasar dito ng minsang nagsasalita ito sa entablado sa bayan noong Sk Chairman pa ito at pagkaguluhan ng mga babae sa pangunguna ng sinasabi niyang matandang dalaga na nagtitinda ng palamig. Na hindi na talaga yata nag-asawa dahil sobrang obsess sa kanyang kuya. “Siya nga pala kuya ikaw ba’y hindi na magpapapigil? Kaluluwas mo lang kamo kaninang madaling araw ngayong gabi ay aalis ka na rin agad.” Seryosong urirat ni Nouer sa kapatid na kasalukuyang tinatantiya ang bigat ng maleta. “Hindi nga ako pwedeng magtagal, sayang ang araw ko. Dinaanan lang kita.  Nagbakasakali la-ang kasi ako kung may pera na si pareng Luke kaya ako lumuwas. Singkwenta pa sana yong kokobrahin ko sa kanya  kaso walang-wala rin pala siya ngayon. Pero Inabutan naman ako ng sampung libo, idagdag ko na la-ang daw sa pambili ng krudo.” Paliwanag ng binata habang ipinapakita sa kapatid ang hinugot na pera mula sa bulsa ng polo Shirt nito. Nahulaan ng dalaga na may pamasahe pala ang kapatid, kung nagkataon ay dadaan na naman sila sa pinakamalapit na ATM machine bago niya ito ihatid sa sakayan. “Ay siya, sige ayusin mo na yan at ihahatid na kita sa terminal kung hindi ka na mag-papapigil.”  ======= “HELLO! Sistah, nasaan ka na?” “Nandito lang sa bahay nagluluto.”  “Ah sige sarapan mo ang luto ha diyan na ako maghahapunan. Wala naman tayong pasok bukas kaya tamang tama diyan na rin ako matutulog.” “Saan ka na naman ba mag-gagala?” Usisa ng binata sa kapatid ng ma-i-off na nito ang latest model android Phone nito. “Wag kang mag-alala kuya babae ang kausap ko." Nang ma-i-lock ang pinto ng kanyang condo unit bumaba na ang magkapatid. Tinalunton ang parking lot sa basement kung saan nakaparada ang latest model na Kia Cerato ng dalaga na wala pang isang buwan mula ng nabili.  “Wow! Bago ang tsikot mo tol, tented pa. Kailan ko kaya mapapalitan iyong aking bulok na owner?” Nanlalaki ang matang palatak ng kanyang Kuya ng mapansin ang biglang tumunog at umilaw na sasakyan malapit sa kanilang harapan ng pindutin ng dalaga ang hawak na maliit na remote. “Kapag hindi ka na magsasaka.” matipid na sagot ng dalaga.. Walang kibong binuksan ng binata ang trunk ng kotse at isinilid ang maleta. “Ewan ko sayo kuya, binuburo mo ang sarili mo sa bukid pwede mo namang ipaasikaso iyon sa iba.” Pasimangot na wika ng dalaga ng talikuran ang kapatid at lumigid na sa sasakyan papunta sa driver side. “Hay naku Ineng! Insulto na naman ba ang ipapabaon mo sakin?” Anas ng kapatid kasabay ng malalim na buntong-hininga. Hindi na kumibo ang dalaga sa tinuran ng kapatid. Bagamat naiinis subalit naawa din siya dito dahil alam niyang matindi ang tinitiis nitong hirap at pagpapakasakit. May narinig pa siyang balita na muntik na raw itong magbuwis ng buhay dahil sa bukid na iyon pero hindi na niya inalam pa ang detalye.  Ngayon naman para  itong namamalimos sa paniningil ng perang pinaghirapan niya sa konstruction upang maisalba at huwag maremata ng bangko ang kanilang lupain. Kung tutuusin maraming maimpluwensyang tao sa kanilang bayan ang pwede nitong mahiraman ng pera; Mga mayayamang pulitiko. Pero dahil sa pag-aalala nito na baka samantalahin ng iba ang utang na loob na iyon ay mas minabuti nito na hindi tumangap ng pabor sa ibang tao. Habang binabagtas nila ang kahabaan ng Edsa papuntang Buendia LRT kung nasaan ang terminal ng mga bus na biyaheng Calabarzon Area, napatitig ang dalaga sa binata habang nakahinto ang sasakyan dahil pula ang ilaw ng stop light. “Alam mo kuya gwapo ka pala, pwede kang artista. Bakit ngayon ko lang napansin?” Nakangiting basag ng dalaga sa katahimikan habang manaka-nakang sumusulyap sa kapatid. Binigyan niya ito ng papuri dahil gusto niyang makabawi sa ginawa niyang pang-iinsulto dito kanina.  “Natural kapatid mo ako eh. Ineng wag mo na ako bolahin magmaneho ka na la-ang at baka tayo’y mabanga. Go na!  Sabihin mo na la-ang din ng diretso kung may gusto kang hinging pabor at wag ka nang magpaligoy-ligoy pa.” Matalim ang tinging baling sa kanya ng kapatid na parang hindi nito nagustuhan ang kanyang pagbibiro. “Wala naman, sinabi ko lang yong totoo. Kuya! Pwede bang ibahin mo naman ‘yang lifestyle mo puro ka na lang bukid eh. Naaawa na ako sayo sa totoo lang. Napapag-iwanan ka na. Wala kang social life,  hindi mo na-eenjoy ang kalakaran ng totoong buhay sa mundo,” Ma emosyonal na wika ng dalagang pasulyap-sulyap sa kapatid habang nakikipag sabayan na sa mga sasakyang humaharurot sa kalsada. “Edukado ka. Matalino  pero itinali mo ang sarili mo sa lupa,” may diing dagdag pa ng dalaga.  Naramdaman ni Nouer na  nagkibit balikat na lang ang kapatid, Tanda na ayaw na nitong makipagtalo pa sa kanya. Marahil manhid na ito sa palagi niyang sinasabi dito na iwanan na lang ang bukid at ipagkatiwala sa iba kung ayaw nilang ipagbili ang ilang bahagdan nito. Palagi na lamang natatapos sa ganito ang kanilang usapan. Napansin rin niya na minabuti na lang nito na itutok ang pansin sa mga nadadaanan nilang mga signage, mga naglalakihang billboard at nagtataasang modernong gusali. Hindi niya mawari kung pinag-aaralan nito kung paano iyon nagawa o naiingit ito sa mga nasasaksihan. Hindi niya talaga maintindihan kung bakit halos buong oras nito ay inuubos nito sa pag-aasikaso ng kanilang malawak na lupain na may kabuuang sukat na halos isang daang ektarya kung susumahin. Kakahuyan, Kaparangan at ang malaking bahagdan nga ay taniman ng palay na siyang pangunahing pinagkakakitaan ng mga tao sa lugar nila dati noong hindi pa napipinsala. Marahil nahubog ng makalumang ideolohiya ang pagkatao nito, alinsunod na rin sa pinanghahawakang prinsipyo at pananaw sa kalakaran ng buhay.  Natatandaan niya na sinagot siya nito noong una sa hindi niya maintindihang katwiran nito na 'Kapag daw lahat ng tao ay mawalan ng kagustuhang magtanim sino pa ang magpapakain sa iba?' Parang gusto niya itong sagutin na 'Kung wala ka ng kapatid na hihingan mo ng tulong kanino ka pa lalapit? ' Kung hindi lang talaga siya naawa dito ay  gusto na niya itong tiisin upang matauhan at maging praktikal na rin sa buhay baka sakaling mag-concentrate na ito sa kanyang propesyon. Hindi naman siya nagrereklamo na tulungan ang kanyang pamilya subalit nakakapagod na rin naman na palagi na lang na kasalatan sa pera ang palaging paksa ng kanilang usapan ng kapatid kapag nagkikita. Wala siyang matandaan kailan man na dinalaw siya nito upang yayaing mamasyal at mag-relaks naman paminsan minsan. Magkalayo na nga sila ng agwat ng kapatid, Nagsikap siya upang makasabay sa kalakaran ng mundo at ngayo’y isa na siyang  makabago at modernang Pilipina, Samantalang ang kapatid ay nanatiling makalumang binatang probinsyano na binuburo ang sarili sa pagsasaka. Sa Bus Terminal;  ”Kuya ikumusta mo na lang ako sa kanila ha,” tagubilin ng dalaga sa kapatid. Bahagyang yakap at isang patagilid na halik sa pisngi ang ipinabaon ng dalaga sa kanyang Kuya. Malungkot na tumango na lamang ang binata at walang imik na tumalikod, naglakad upang sumampa na sa isang nakaparadang bus na may naka-signboard na Batangas Pier.  Napailing na lang ang naiwang  si Nouer habang pinagmamasdan ang kapatid dahil mukhang wala sa sarili ang kanyang kuya.  Alam niya na nag-isip na naman ito kung saan na naman ito maghahagilap ng pera upang maisalba ang kanilang bukirin? 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD