Chapter 2
_______
"A-anong hindi mo ibinenta? Kakasabi lang sa akin ng ating anak na si Lorelei, na ibinenta mo ang dalawa nating anak! Tapos sasabihin mo pinaalaga mo lang sa kakilala mo? Demonyo ka Rebecca!" sigaw na sabi ni Ramon.
'Di naniniwala si Ramon sa sinabi ng kanyang asawa na si Rebecca. Ang anak na niyang si Lorelei mismo ang nagsabi na ibenenta ng ina nito ang dalawa nitong kapatid na lalaki kapalit ang malaking halaga.
Nanlilisik ang mga mata ni Ramon na nilapitan ang kanyang asawa. Walang pagdadalawang isip na sang malakas na sampal ang ibinigay niya rito. Tinanong niya kung kanino nito ibinenta ang dalawa nilang anak?
"Ano ba Ramon! Ang sakit ng sampal mo sa akin! Kahit na saktan mo ako ay 'di mo na mababawi ang dalawa natin anak. Tsaka ano bang kinagagalit mo? Ayaw mo ba na meron mag-aalalagang mayaman na pamilya sa dalawa natin anak?" ngising sabi ni Rebecca.
Napahaplos na lang si Rebecca sa kanyang kaliwang pisngi kung saan sinampal siya ng kanyang asawa na si Ramon. Sanay na sanay na siya sa pananakit sa kanya ng kanyang asawa.
Dagdag pa ni Rebecca sa asawa niya ay mas mabuti pang wala sa puder nila ang dalawa nilang anak na lalaki dahil pabigat ang mga ito. Masyadong sakitin ang dalawa nilang anak na lalaki dahilan iyon para lalo silang mabaon sa utang. Hindi tulad sa panganay na anak nila na si Lorelei na malakas ang resistensya. Napapakinabangan pa nila ito kumpara sa dalawa nilang anak na lalaki na laging sakit ng ulo sa kanila.
Tuwing nagkakasakit na lang ang isa sa mga anak niyang lalaki ay hindi nila malaman ang gagawin nila? Kung saan sila hahanap ng pera para sa pampagamot? Wala silang magawa kundi umutang nang umutang hanggang mabaon sila ng utang. Pahirapan silang umutang dahil hindi na sila nakakabayad ng mga utang nila.
Noong isang linggo ay meron siyang nakausap na ka-session niya sa pagtira ng pinagbabawal na gamot. Sinabi nito sa kanya na meron isang mayaman na mag-asawa na naghahanap ng dalawang batang lalaki.
'Di niya masyado nakuha ang sinabi ng kanyang ka-session kaya nagtanong siya nang nagtanong tungkol sa sinabi nito. Ayon sa ka-session niya ay meron pala itong nakilalang isang mayaman na mag-asawa na 'di nagkakaroon ng anak dahil baog ang babae. Naghahanap ang mayaman na mag-asawa na magiging anak at gusto ng mga ito ay lalaki.
Bigla na lang pumasok ang kanyang dalawang anak na lalaking sakitin at walang pagdadalawang isip na sinabi niya sa ka-session niya na interesado siyang ibenta ang sarili niyang mga anak.
Pero noong nawala ang tama ni Rebecca ay bigla niyang binawi ang kanyang sinabi sa ka-session niya. 'Di niya pala kayang mawala ang dalawa niyang sariling anak na lalaki. Ngunit noong nakaraan araw ay sabay na nagkasakit ang dalawa niyang anak na lalaki.
Hindi na naman alam ni Rebecca ang gagawin niya. Sinabihan niya ang kanyang asawa na humanap ito ng pera para sa pampapagamot ng dalawa nilang anak na lalaki.
Sa kagipitan ng sitwasyon ay sinubukan niyang magtulak ng pinagbabawal na gamot para lang magkaroon ng pera at para sa pampapagamot ng dalawa niyang anak na lalaki. Kahit na takot na takot siya na baka mahuli siya ng mga pulis ay nagtulak pa rin siya para lang sa kanyang dalawang anak na lalaki.
Napagtanto ni Rebecca na mas gugustuhin pa niyang ibenta ang kanyang dalawang anak sa mayaman na mag-asawa. Kaysa naman na mamatay ang dalawa niyang anak sa sakit, gutom at kahirapan ng buhay na nararanasan nila ngayon. Alam niyang maaalagaan at maibibigay ng mayaman na mag-asawa ang pangangailangan ng dalawa niyang anak na lalaki.
"D-demonyo ka! P-paano mo nasikmura na ibenta ang sariling mong mga anak! Jusko Rebecca!" sigaw na sabi ni Ramon.
Hindi na napigilan ni Ramon na mapaiyak dahil sa nararamdaman niyang galit sa kanyang asawa. Napaluhod na lang siya sa harapan ng asawa niya at napapailing na lang siyang nakayuko rito. Parang mababaliw na siya sa ginawa ng asawa niyang si Rebecca.
Kung kailan siya nagbagong buhay ay tsaka naman dumating ang napakasakit na kaganapan sa buhay niya. Alam naman niya sa kanyang sarili na pabaya siyang ama pero alam ng diyos na mahal na mahal niya ang tatlo niyang mga anak.
Kahit kailan ay hindi niya naisip o pumasok sa isip niya na ibenta ang sarili niyang mga anak para lang magkapera. Napahagulgol na lang siya sa pag-iyak.
Kahit na lasenggero siya ay hindi niya kailanman pinagbubuhatan ng kamay ang tatlong niyang anak. Kahit na minsan ay napapagalitan niya ang mga ito ay lagi niyang sinisiguro na nasa mabuting kalagayan ang mga ito.
"Tumayo ka na dyan Ramon. Tama na iyang drama mo. Kumain na tayo," seryosong sabi ni Rebecca.
Inutusan ni Rebecca ang kanyang anak na si Lorelei na ihanda na ang lamesa dahil kakain na sila. Gutom na gutom na rin siya dahil malayo-layo ang biniyahe nilang dalawa.
Bukas na bukas din ay magbabayad na siya ng mga utang nila. Natutuwa siya dahil malaki-laki ang binigay sa kanya ng mayaman na mag-asawa kapalit ng dalawa niyang anak na lalaki.
_________________
"Ano ba iyan anak? Ano ba itong eksena natin sa isang madramang teleserye? Jusko tama na nga itong kadramahan natin," ngiting sabi ni Lorelei.
Gamit ang kanyang kanang kamay ay pinunasan na niya ang luha sa kanyang pisngi. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya na makitang muli ang kanyang dalawang nakakabatang kapatid na lalaki.
Araw-araw na nagdarasal si Lorelei sa panginoon na sana ay nasa mabuting kalagayan ang dalawa niyang nakakabatang kapatid na lalaki.
Sinabihan na niya ang kanyang anak na si Flora na ituloy na nito ang pag-iimpake para bukas ay handa na ang lahat ng kanilang mga gamit. Maaga pa naman sila susunduin ni Nelson bukas.
Napatingin si Lorelei sa pintuan ng kanilang kuwarto at nakita niyang bumukas ang pintuan. Napangiti siya ng makita niyang si Trixie ang pumasok sa kuwarto nila.
"Ate Lorelei, tuloy na tuloy na talaga kayo sa pag-alis," ngiting sabi ni Trixie.
Nakangiting lumapit si Trixie sa kinaroroonan na Flora at Ate Lorelei niya. Hindi na iba ang ang turing niya sa dalawang magagandang babae na nasa kanyang harapan. Sa ilang taon na pagsasama nila sa apartment na ito ay naging pamilya na silang lahat dito.
Sinabi naman ni Trixie sa kanyang Ate Lorelei noong isang araw na masayang-masaya siya para rito. Dahil alam niya na matagal na hinihintay ng Ate Lorelei niya ang pagkakataon na ito. Ang pagkakataon na meron isang tunay na lalaking magmamahal sa kanyang ate.
Isang lalaking alam ni Trixie na hindi lang basta mamahalin ang Ate Lorelei niya kundi aalagaan at mamahalin din nito si Flora bilang isang tunay na anak.
Siya ang nagpakilala kay Nelson sa kanyang Ate Lorelei. Pinagmamalaki talaga niya na siya ang naging tulay sa isang magandang pagsasama ng dalawa.
Hindi lang maiwasan ni Trixie na makaramdam ng kalungkutan dahil mapapalayo ang siya kina Ate Lorelei niya at kay Flora.
"Ate Trixie, hindi ba talaga puwede na sumama sa amin? Sige na please!" pagmamakaawang sabi ni Flora.
Muli na naman kumawala ang luha ni Flora sa kanyang magagandang mata. Umiiyak niyang niyakap ng mahigpit ang kanyang Ate Trixie at nakikiusap siya na sumama na ito sa kanila papunta sa bayan ng Angeles.