Kinaumagahan ay nagising ako nang wala na si Vaughn sa aming silid. Mukhang maaga talaga siyang lumabas upang makipagkita sa hari nang kahariang ito. Inilibot ko ang aking paningin at tulog pa ang tatlong diyos na kasama ko kaya naman minabuti ko nang bumangon at magbihis nang sa gayon ay hindi kami magunahang apat maya maya. Matapos magbihis ay ginising ko na rin ang iba kong kasamahan nang sa gayon ay maging handa na kami kung sakali mang makabalik kaagad si Vaughn. Mabuti na lamang at hindi sila nagreklamo at sumunod nalamang sa lahat nang sinasabi ko. Sinigurado ko ring nasa maayos na kalagayan na sina Aphrodite at Apollo upang hindi na kami matagalan sa aming misyon. Matapos ang halos dalawang oras ay nakapaggayak na kaming lahat at sakto namang pumasok si Vaughn sa loob ng silid.

