"ISAY, okay na ba ang hitsura ko?" Nakita kong natawa si Isay habang busy sa pag-se-set up ng camera sa tripod na gagamitin nila for video recording and documentation sa kasalukuyang "Kapon Project" event sponsored by our clinic and non-government organization for stray animals.
Hindi n'yo ako masisisi, nagpunta ang grupo ng girlfriend ko sa venue para mag-volunteer and at the same time ay gumawa ng documentary tungkol sa advocacy namin. Aside kay Doc, isa ako sa i-interview-hin nila. Ayoko naman magmukhang bakulaw sa camera, 'no? Kaya nga kahit haggard na haggard na ako kasi kanina pa kami busy sa pagkakapon ng mga participating dogs and cats sa community eh push pa rin ako sa interview. Saka pinakiusapan ako ni Isay dahil alam n'yang malaki ang pagpapahalaga ko sa adbokasiya namin.
"Maganda ka na, Love. Hindi mo na kailangan magpaganda." Sabi n'ya. Umismid naman ako habang sinusuklay ang buhok ko.
"Sinasabi mo lang 'yan kasi girlfriend mo 'ko." Tirada ko. Inismira n'ya ako bago lumapit sa 'kin, kinuha ang suklay at tinulungan ako para itali ang aking buhok.
"Oo pero maganda ka talaga. And ayoko nang kumontra ka kasi mag-aaway tayo." Pilya n'yang saad. Natawa na lang ako. Para talagang sira.
"Okay ka na ba? Puede ka nang isalang?" Tumango ako bilang pagsang-ayon tapos ay pumwesto na ako sa designated area kung saan nila ako i-interview-hin. Sakto, naka-break kami ngayon kaya sinamantala na ni Isay ang pagkakataon para mag-shoot. Nga pala, s'ya ang mag-i-interview sa 'kin.
"In three, two, one, camera rolling!"
Okay, game!
"Puede mo bang ipaliwanag sa 'min kung ano ang ibig sabihin ng kapon?" Panimula n'ya. Ngumiti muna ako sa camera bago sumagot ng natural.
"Ang kapon ay isang procedure ng pag-oopera sa mga hayop para alisin ang s*x organs nila upang hindi na sila mabuntis at makabuntis. Sa Ingles, kilala ito sa tawag na "neutered" kapag ang kakapunin ay mga lalaking hayop. At "spay" naman kapag babae." Buong pagmamalaki kong sabi. Tumango naman si Isay bilang pagsang-ayon.
"Bakit may ganitong klase ng procedure? Gaano ito kahalaga sa mga hayop at sa community?"
"Ang pagkakapon ay pagkontrol sa dumaraming populasyon ng mga stray cats and dogs na puedeng magkaroon ng harmful effect sa kanila at sa komunidad kung nasaan sila naroroon. Kaya bilang isang responsible pet owner, bukod sa mga bakuna at regular checkup sa vet, importante na ipa-kapon natin ang mga alaga nating hayop 'pag tama na ang edad nila upang maiwasan nila ang pagkakaroon ng unwanted pregnancy."
"Hindi ba delikado ang pagkakapon?"
"Hindi, kasi isinasagawa ito ng mga doktor at propesyunal."
"Pero, di ba, kapag kinapon natin ang mga hayop, parang tinatanggalan na natin sila ng kaligayahan at karapatan na magkaroon ng anak?"
"Hindi lahat sa mga alaga nating aso at pusa ay may maternal instinct katulad nating mga tao. Kaya kung napapansin n'yo, may mga bagong panganak na tuta o kuting ang inaabandona ng mga nanay nila. Ang tendency, puedeng mapahamak ang mga new born na 'yun na hindi na sana mangyayari kung kapon ang mga magulang nila. Kaya hindi natin inaalisan ng kaligayahan ang mga alaga natin 'pag pinapakapon natin."
"Alam n'yo ba na maraming magandang benepisyo sa kalusugan ng mga alaga nating hayop ang pagkakapon? Marami silang sakit na maiiwasan kapag hindi na sila nagbuntis at nanganak. Hindi na rin sila lalayas sa mga bahay natin para maglais. Karamihan kasi sa kanila naliligaw at nasasagasaan sa labas kapag umaalis sila sa mga bahay natin." Proud at nakangiti kong pagpapaliwanag. Nakita kong tumango si Isay at ngumiti sa 'kin. Alam kong sang-ayon s'ya sa mga sinabi ko.
"Kaya quarterly, meron kaming "Kapon Project" upang makatulong sa community. Alam naman natin na may kamahalan ang pagpapakapon sa mga vet kaya hindi ito nagagawa ng ilang pet owners. At the same time, gusto rin namin makapagturo tungkol sa kahalagahan nito at benepisyo sa 'ting mga alagang hayop para marami ang makaalam. Yun ang pangunahing adbokasiya ng aming grupo at clinic." Pagtatapos ko. Nagpalakpalakan ang mga kasama ni Isay, pati na ang girlfriend ko, matapos ang interview nila sa 'kin.
"Babe, okay lang ba mga sinabi ko?" Tanong ko sa kan'ya nang lapitan n'ya ako.
"Oo. Malinaw at ang daling intindihin. Salamat, Liway, kasi pinaunlakan mo ang interview na 'to. Siguradong marami ang matututo sa documentary na gagawin namin 'pagkatapos." Aniya kaya sumang-ayon ako.
"Proud ako sa 'yo, Langga. Kasi ang galing-galing mo. Kitang-kita ko ang dedikasyon mo sa ginagawa mo, hindi lang sa community kundi pati na rin sa mga hayop." Na-touch naman ako sa sinabi ni Isay kaya hindi ko na napigilan ang sarili kong yakapin s'ya.
"Salamat kasi nagvo-volunteer kayo rito ng mga classmates mo. Malaking bagay ang assistance n'yo lalo marami ang mga nagpapakapon." Ang totoo, tuwing may Kapon Project kami, laging nagvo-volunteer si Isay. Minsan ay nagsasama rin s'ya ng mga kaklase n'ya kaya na-appreciate ko talaga ng husto ang support ng girlfriend ko. Kitang-kita ko rin na interesado s'ya at masaya sa ginagawa namin na tinuturing ko na ring bonding namin.
"Ang lalim ng iniisip mo, ah? Nakatulala ka na naman kasi." Sabi ni Isay kaya natawa ako.
"Iniisip ko lang kung gaano ako ka-swerte kasi kasama kita sa mga ganitong event namin. Masayang-masaya lang ako." Pag-amin ko. Nakita kong lumambot ang ekspresyon ng mga mata ni Isay kaya masuyo n'ya akong hinaplos sa pisngi.
"Masaya rin ako na makasama sa mga ganitong ganap mo, Liway. At alam mo rin na hindi ako magsasawang suportahan ka sa mga advocacy mo sa buhay." Aniya kaya kulang na lang ay maluha ako kasi tagus-tagusan sa bone marrow ang mga sinabi n'ya. Hindi ko tuloy napigilan ang sarili ko na yakapin s'ya ng mahigpit.
"Thank you, Isay. Thank you, thank you, thank you so much!" Sabi ko. Natawa naman ang bebe ko bago hinimas-himas ang aking likod.
"Walang anoman, mahal. So, pa'no, game na? Tawag na nila tayo kasi proceed na raw."
"Sige, let's go." Masaya at determinado naming pinagpatuloy ang araw.
Sabi ko sa sarili ko, lahat magagawa ko basta nasa tabi ko s'ya at lahat mararating ko basta hawak ko ang mga kamay n'ya.