"PALAGAY mo magugustuhan ni Tita 'tong mga bulaklak?" Nakangiti kong tanong kay Liway habang pinapanuod namin ang pag-a-arrange ng florist sa mga white roses na binili namin.
"Oo naman. Paborito ni Mama ang mga puting rosas. Actually, lahat ng kulay ng rosas, gusto n'ya. Mahilig kasi talagang maghalaman 'yun kaya I'm sure na ma-a-appreciate n'ya 'yan, Love." Malumanay na sambit ni Liway kaya naman nakaramdam ng kapanatagan ang puso ko.
Ito ang unang beses na makikilala ko ang mama ni Liway kaya naman magkahalong kaba at excitement ang nadarama ko. Maraming nakuwento sa 'kin ang girlfriend ko na magagandang bagay tungkol sa mama n'ya kaya naman natutuwa ako.
Hindi ako sigurado kung ano ang magiging impresyon n'ya sa 'kin pero gusto kong maging karapat-dapat sa kan'yang paningin.
Mahal na mahal ko si Liway. Kaya mahalaga sa 'kin na magustuhan din ako ng mga taong malapit sa kan'ya, lalo na ang kan'yang magulang.
"Nagugutom ka ba, Isay? Gusto mong bumili muna tayo ng pagkain para kainin natin sa kotse habang nasa byahe?" Tanong n'ya sa 'kin, bagay na sinang-ayunan ko naman.
Hindi na nga kami nag-aksaya ng panahon, pagkagaling namin sa flower shop ay nag-drive thru kami sa paborito naming fast food chain para bumili ng pagkain. At tulad ng orihinal na plano, kinain namin 'yun sa sasakyan while on our way sa lugar na kinaroroonan ng mama ni Liway.
Habang daan, napatingin ako sa langit. Medyo makulimlim ang himpapawid pero hindi naman maulan. Malamig ang simoy ng hangin at payapa naman sa pakiramdam. Napangiti ako. Tapos naramdaman ko ang mainit na palad ni Liway nang hawakan n'ya ang aking kamay.
"Bakit nananahimik ang mahal ko?" Tanong n'ya sa 'kin bago ibinalik ang paningin sa kalsada.
"Wala naman. Nag-iisip kasi ako ng sasabihin sa mama mo, Love. Ayoko namang manahimik kasi baka isipin n'ya mahiyain ako." Sabi ko tapos nagkatawanan kami ni Liway.
"Ano ka ba? Wag mo masyadong alalahanin 'yun kasi hindi rin nauubusan ng kuwento ang mama ko. Madaldal din 'yun. Pero for sure, this time, ikaw lang ang babangka. Makikinig lang s'ya." Anya kaya napangiti ako.
"Excited na akong makita si Tita. Marami akong sasabihin sa kan'ya na magagandang bagay tungkol sa 'yo." Sabi ko.
"Baka naman pati kapilyahan ko ikuwento mo kay Mama, ha? Naku, baka batukan ako nu'n!" Biro ni Liway kaya nagkatawanan kami.
"Pero puera biro, gusto kong mag-thank you sa kan'ya kasi pinanganak ka n'ya. Kundi dahil sa kan'ya, wala akong maganda at mapagmahal na girlfriend." Nakangisi kong sabi kay Liway. Nakita kong natawa s'ya at kinilig.
Gosh, super cute!
Nagpatuloy lang ang kuwentuhan namin habang nagmamaneho Liway. Di nagtagal ay nakarating na kami sa lugar kung saan nakalibing ang mama n'ya.
Naghanap lang kami ng parking space tapos ay naglakad na kami papunta sa puntod ni Tita. Mabuti na lang hindi mainit ang panahon kasi may sa ilang dipa rin ang lokasyon ng pinaglibingan dito mula sa main gate.
Habang-daan, tiningnan ko si Liway. Ang aliwalas ng mukha n'ya na para bang hindi na ganu'n kabigat ang kan'yang damdamin simula nang ikuwento n'ya sa 'kin kung paano namatay ang mama n'ya.
Matagal-tagal na rin simula nang agawin ng sakit sa kanila ang mama n'ya. Bata pa noon si Liway, aminado s'ya na marami pa s'yang hindi nalalaman lalo na sa pagdadala ng buhay. Pero maaga s'yang natuto dahil kung hindi n'ya gagawin 'yun ay mapag-iiwanan s'ya.
Sa totoo lang, umiiyak ako habang pinakikinggan ang girlfriend ko sa pagkukuwento. Nandu'n kasi 'yung awa at lungkot pero mas nananaig ang paghanga dahil kinaya n'ya.
Lagi kong sinasabi kay Liway na proud ako sa kan'ya.
"Hi, Ma." Sabi ni Liway matapos alisan ng mahahabang damo ang lapida ng mama n'ya. Napangiti naman ako habang pinapanuod ang girlfriend ko.
"Kasama ko po pala si Isay, girlfriend ko. S'ya po ang lagi kong kinukuwento sa inyo. Excited na s'ya at kabado na makilala kayo."
"May dala po pala akong mga bulaklak. Sabi ni Liway, paborito n'yo po ang mga puting rosas kaya ito po ang binili ko. Sana magustuhan n'yo." Magiliw kong saad matapos kong ilapag sa gilid ng lapida ang mga bulaklak. Tapos ay niyakap ako ni Liway bago kami umusal ng mahinang panalangin.
"Siguardong natutuwa si Mama na makilala ka, Love. Gusto n'ya kasi ng isa pang anak na babae. Malamang, lagi-lagi tayong magba-bonding kung buhay pa s'ya." Sabi ni Liway dahilan para mapangiti kami ng malungkot.
"Siguro kung mas maaga tayong nagkita, nakilala ko sana si Tita ng mas maaga." Seryoso kong saad bagay na pinagtawanan ni Liway.
"Bata ka pa nu'n, baka nga hindi ka pa pinapanganak, mahal." Anya tapos natawa rin ako nang ma-realize ko ang sinabi ko.
Naku, Isay, minsan lutang ka rin. Ay, madalas pala. Hehe!
Nag-stay pa kami ng ilang minuto sa sementeryo habang nagkukuwentuhan ni Liway. Tapos nag-decide na kaming umuwi dahil nagsisimula nang dumilim ang langit at nagbabadya ang malakas na ulan. Mahirap kung maaabutan pa kami habang-daan, madulas ang kalsada, baka madisgrasya pa kami at maipit sa heavy traffic. Mabuti na lang dahil nakauwi na kami sa apartment ni Liway bago bumuhos ang ulan.
"Thank you, mahal ko, kasi nakilala ko na sa wakas ang mama mo. Sana hindi s'ya na-dissapoint sa 'kin." Sabi ko habang yakap-yakap si Liway.
"Bakit naman madidismaya si Mama sa 'yo? Alam mo, gusto ka n'ya. Ramdam ko 'yun. Saka lagi kong sinasabi sa kan'ya na gabayan n'ya tayo du'n sa langit." Sabi ni Liway kaya naman napanatag ang puso ko. Lalong humigpit ang yakap ko sa kan'ya at mas nagsumiksik sa leeg n'ya nang kumulog!
Takot ako sa kulog!
"Nu'ng nabubuhay si Mama, lagi n'yang sinasabi sa 'kin na piliin ko 'yung taong mamahalin ako at ipaparamdam sa 'kin na mahalaga ako. Nang makilala kita, nahigitan mo ang mga katangiang 'yun kasi hindi mo lang ako mahal at pinahahalagahan, lagi mo rin akong tinatrato ng tama, ini-encourage ng magagandang salita at sinusuportahan sa mga bagay na gusto ko basta hindi ito masama."
"Isay, hindi ko man kayang ipangako sa 'yo na maibibigay ko ang mundo, pero lagi't lagi ko namang ipaparamdam sa 'yo ang pag-ibig ko. Tandaan mo na kakampi mo ako." Anya dahilan para mag-umapaw sa labis na ligaya ang puso ko.
Hindi na ako umimik, hinalikan ko na si Liway sa labi bilang tugon tapos niyakap ko s'ya ng mahigpit.
Alam ko na tama ang desisyon ko na mahalin s'ya dahil hindi ko lang kasintahan si Liway, kaibigan ko rin s'ya.
S'ya rin ang pamilya ko at itinuturing na tahanan sa magulo, masalimuot at nakakapagod na mundong ito.