Malaikah’s PoV
“Babe, okay na ako rito,” nakangiting sabi ko kay Angelo dahil hindi ito makaalis sa aking tabi. Nasa loob kami ng banyo sa may gilid lamang ng guest room. Mas malaki pa ang banyo sa dating inuupahan kong bahay sa San Juan.
“Hindi mo na ako kailangan?” nag-aalalang tanong pa nito.
“Oo, okay na ako. Puntahan mo na lang ang Tito mo, babe. Nakakahiya kasi kung pinaghihintay natin siya ng matagal. Alam mo tama ka nga, mabait siya.” Kahit na cold ang impression ko kay Uncle Trex ay masasabi ko na mabait nga talaga ito.
“Mabait talaga si Uncle Trex, babe. Sa kanya ako lumaki kaya kilalang-kilala ko na siya. Malas nga lang niya sa pag-ibig dahil niloko siya ng babaeng minahal niya.” Sumandal pa ito sa may pinto ng banyo.
Kumunot ang aking noo sa sinabi nito. “Grabe naman.”
“Sige na, sa apartment na lang natin iyan pag-usapan, babe. Sumunod ka sa dining area pagkatapos mo rito, okay?” Hinatak pa ni Angelo ang bewang ko at hinagkan niya ako sa may noo.
“Oo na po,” parang batang sagot ko rito.
Tuluyang lumabas ng banyo si Angelo at naiwan ako. Ini-lock ko ang pinto at saka sinimulang tanggalin ang dress na suot ko. Silicon bra na lamang at cycling short ang suot ko habang kinukuha ang t-shirt at pants na nasa bagpack ko.
Nang maisuot ang mga iyon ay tumingin ako sa malaking salamin. Tumingala din ako sa may kisame at doon ko lang napansin ang kumikislap na pulang ilaw. Hindi ko na pinansin pa ang bagay na iyon. Itinupi ko ang dress na inalis ko at inilagay iyon sa aking bag. Mabuti na lang talaga at girls scout ako at palaging handa.
Muli akong tumingin sa malaking salamin. Tinapik ko rin ang aking magkabilang pisngi. Habang nakatingin sa aking sarili ay naisip ko si Uncle Trex. Pakiramdam ko kapag tinitigan niya ako para akong nahihipnotismo. Siguro dahil talagang guwapo lang siya kahit na may edad na at maganda ang pangangatawan. Hindi ko lang ma-explain kung bakit ganito ang aking nararamdaman. Hindi ko rin mapigilan ang aking sarili na humanga rito dahil mabuti itong tao.
Hindi niya ako hinusgahan sa kabila ng aking katayuan. Mahirap lang ako at si Angelo lang ay tanging mayroon ako. Nagtapos ako ng kolehiyo pero wala naman akong naging matinong trabaho. Kung sa ambag nga ng kasal namin ni Angelo, ganda lang yata ang mayroon ako.
Muli akong tumingin sa salamin. “Kakapalan ko na lang ba ang mukha ko?” mahina kong tanong habang nakatingin sa aking sarili sa salamin.
Bumuga ako nang malalim at malungkot na lumabas ng pinto.
Nagtungo ako sa dining area at naabutan ko sina Angelo at Uncle Trex na nag-uusap tungkol sa pagpapatakbo ng negosyo.
“Take your seat, Malaikah.” Inilahad ni Uncle Trex ang kamay nito sa bakanteng upuan sa tabi ni Angelo. Twelve seaters ang haba ng lamesa. Sa ibabaw no’n nakapatong ang mga crystal na bowl at pinggan na kinalalagyan ng mga ulam. May decoration din ang lamesa at makikita mo talaga na mayaman ang may-ari ng bahay dahil puro babasagin ang mga gamit nito sa kusina.
“Graduate ka pala ng Business Communication, Malaikah. Bakit hindi ka nagtrabaho sa Villa Conde katulad ni Angelo na isang Marketing Strategist sa company?”
Nakaupo na ako nang sumagot ako kay Uncle Trex. “Ayoko naman po kasi na samantalahin ang pagkakataon dahil lang boyfriend ko si Angelo. Gusto ko kasing magsikap na tumayo para sa sarili ko nang hindi na ako makarinig ng masakit na salita galing sa ibang tao,” seryosong sagot ko rito.
“Minsan mas mabuti rin na ibaba natin ang pride natin, ‘di ba?” nakangising pang tanong nito sa akin.
Sinasabi ba nito na mali ako?
“Desisyon mo naman iyan kaya dapat na irespeto. Kumain na tayo at baka mawalan pa ng lasa ang nakahandang pagkain,” nakangiting sabi na nito sa amin.
Siniko ko si Angelo at tumingin naman ito sa akin. Umiling na lamang ito at saka ngumiti. Alam na nito na medyo naiinis na ako sa tiyuhin nito na kung makapangaral, walang ginawang pagkakamali.
“Pagkatapos ng wedding, ano ang plano mo, Angelo?” muling tanong ni Uncle Trex sa boyfriend ko.
“Gusto ni Malaikah na magtrabaho muna kami para makapag-ipon. Ang balak kasi namin, uncle, mag-travel abroad at doon na hanapin ang kapalaran naming dalawa.”
Ngumiti lamang ito pero bakas naman sa mukha ang hindi nito pagsang-ayon. Mukhang wala na lang itong choice kun‘di tanggapin ang desisyon namin ni Angelo.
“Buhay naman ninyo iyan. Kung ano ang gusto ninyo para sumaya, gawin ninyo. Para hindi ninyo pagsisihan bandang huli.”
Tumawa nang malakas si Angelo sa sinabi ng tiyuhin nito. Hindi ko maintindihan kung bakit pero natawa din si Uncle Trex.
“Akala ko pa naman nag-iba ka na ng motto, uncle,” naiiyak sa tawa na sabi pa ni Angelo.
“Sinabi ko na iyan noon sa sarili ko kaya naging motto ko na rin. May bakante pa na position sa company, magsabi ka lang Malaikah kay Angelo. Hindi naman siya ang magiging boss mo kun’di ako.”
“Uncle Trex, talaga. Baka mamaya mainis na nang tuluyan si Malaikah, e. Hindi na naman ako pansinin.” Inakbayan ako ni Angelo at saka hinagkan sa pisngi. “Joke lang iyon, babe.”
Ngumiti na lamang ako at itinuon sa pagkain ang aking mga mata. Hindi naman ako pikunin at mas lalong hindi naman ako manhid. Kaya pala tinanong ni Uncle Trex kanina kung ano ang trabaho ko dahil gusto nito na dapat may trabaho din ako. May kaya ang pamilya ni Angelo at mukhang gustong sabihin nito sa akin na baka pera lang ang habol ko kaya minamadali namin ang pagpapakasal.
“Habang inaasikaso natin ang wedding, magtratrabaho na muna ako, babe. Tama si Uncle Trex, para sa future nating dalawa. Mas maraming ipon, mas masaya.”
Ngumiti na lamang sa akin si Angelo. Hindi naman kumibo si Uncle Trex na may ka-chat sa hawak nitong cellphone. Mukhang nag-iba din ang timpla ng mukha nito habang nakatingin sa screen ng cellphone nito.
“Angelo, may importante akong pupuntahan. Pasensiya na kung hindi ko na natapos ang lunch natin. Kumain lang kayo ni Malaikah diyan, okay? Sabihin na lang ninyo kay Aling Wes kung ano ang kailangan ninyo,” nagmamadaling umalis si Uncle Trex. Kinuha nito ang susi ng sasakyan at sumigaw habang may ibinibilin kay Aling Wes tungkol sa bisita nito na parating mamayang gabi.
Pangalan iyon ng babae na tinawag nito na Shaney.
Nang maiwan kami ni Angelo sa dining table ay nawalan na ako ng gana.
“Oh, hindi na naman maipinta ang mukha mo, babe. Hayaan mo na si Uncle Trex, ganoon talaga iyon lalo na kung tungkol sa akin ang usapan. Kung tutuusin hindi ko naman talaga kailangan na magtrabaho dahil may malaking pera na ako sa bangko. Kaya nga lang mapilit si Uncle Trex at gusto nito na hindi ko dapat bawasan ang savings na iniwan sa akin ni Daddy. Gagamitin ko na lang daw iyon sa future kapag may sarili na akong pamilya.”
“Naiintindihan ko naman ang point niya babe. Hindi ko lang talaga maiwasan na mainis. Mahirap din kaya na humanapnng trabaho. Ayoko rin naman na mapasama ka dahil sa akin kaya hindi ako pumayag na magtrabaho sa company ninyo.” Nakahalukipkip na ako habang nakaharap sa lamesa.
“Tapusin na natin ang pag-uusap na ito, okay? Ang mabuti pa kumain na lang ulit tayo. Hindi na ito kakainin ni Uncle Trex mamaya kaya iuuwi na lang din natin. Maarte si Uncle Trex, hindi na siya kumakain ng mga tirang ulam.”
Tumaas ang sulok ng labi ko sa sinabi ni Angelo. Napakahusay magpayo tungkol sa trabaho pero aksaya naman pala sa pagkain.
“Babe, dito ka lang muna ha. Sasabihin ko lang kay Aling Wes na ilagay sa tupper ware ang mga natirang pagkain.” Pagpapaalam nito sa akin patungo sa kinaroroonan ng matanda na nasa kusina.
Tumayo naman ako at nagsimulang tumingin sa mga picture frames na nasa ibabaw ng book shelves. Karamihan sa mga larawan mga lumang pictures ni Angelo na kasama si Uncle Trex. May isang poster din akong nakita, kuha iyon ng isang sikat na under wear brand. Naka-brief lang si Uncle Trex, nakataas ang kamay at kita ang mga pandesal nito sa katawan. Napalunok pa ako nang magawi ang aking mga mata sa nakaumbok na p*********i nito. Kahit na sa picture ako nakatingin masasabi ko na malaki talaga iyon.
Nang marinig ko ang boses ni Angelo ay mabilis akong naglakad patungo sa display ng mga kotse-kotsehan na laruan. Mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki. Sa isang malaking glass cabinet naka-display ang mga collection nito ng laruan.
“Sa tingin mo ilang piraso kaya ito?” malakas kong tanong kay Angelo.
“Noong huli nasa one thousand sixty na, e. Hindi ko lang alam kung bumili pa ulit si Uncle Trex ng mga bago, babe,” sagot naman ni Angelo habang tinutulungan nito si Aling Wes na ilagay sa baunan ang mga natirang ulam.
Marami pa akong napansin sa loob ng bahay ni Uncle Trex. At ang isang bagay na nakakuha ng aking atensiyon ay ang kuwarto sa second floor. Iba kasi ang design ng pintuan at mayroon din iyong security lock.
Hindi kaya nakatago doon ang vault ng pera ni Uncle Trex? O may iba pa itong itinago?
Bigla akong nagkaroon ng interest na alamin ang tungkol sa bagay na iyon.