HINIHINTAY ni Ysabel na lumabas si Jaden mula sa locker room ng mga varsity players ng eskwelahan. Inip na inip na siya mabuti nalang at lumapit si Bryan at nakipag kwentuhan sa kanya. Hindi niya namalayan na nakalabas na pala si Jaden ng hindi nila napapansin.
''Bryan sigurado ka bang nasa loob pa si Senyorito Jaden?'' Patingin-tingin pa si Ysabel sa may pinto kung saan dapat lalabas si Jaden.
''Nang iwan ko siya kanina ay palabas na rin iyon, pero teka at titingnan ko.'' Pumasok si Bryan sa locker room. Hindi nagtagal ay lumabas ito. ''Ysa wala na si Jaden sa loob. Sabi nila Nathan ay kanina pa daw lumabas.''
''Ha? Bakit hindi natin nakita? Naku lagot ako nito kay Senyora Beatrice,'' nag-aalalang sabi ni Ysa at hindi alam kung saan hahanapin si Jaden. Hindi man lang ito nagsabi sa kanya samantalang sigurado naman siya na nakita siya nito kasi nakatayo sila ni Bryan malapit sa pinto ng locker room.
---
SAMANTALA nasa kotse na si Jaden. ''Manong Alan tayo na po,'' sabi nito sa driver ng makasakay na sa kotse.
''Senyorito, paano po si Ysa? Hindi po ba natin siya hihintayin?'' nagtatakang tanong ng driver.
''Hindi na po. Alam naman noon umuwi saka sanay naman iyon sumakay ng jeep,'' balewalang sagot ni Jaden.
Wala naman nagawa si Manong Alan kundi ang sumunod sa amo kahit nag-aalala siya sa dalagitang iniwan nila.
Kanina pa tumutunog ang cellphone ni Jaden ngunit hindi niya ito sinasagot lalo na ng makita kung sino ang tumatawag sa kanya. Pangalan iyon ni Bryan at siguradong itatanong lang nito kung nasaan na siya at sigurado siyang nalaman na ng mga ito na wala na iya sa locker room. Ilang ring pa at saka lang niya iyon sinagot.
''Jaden nasaan ka na ba? Kanina ka pa namin hinahanap at nag-aalala na sayo si Ysa,'' bungad na tanong ni Bryan.
''Nasaan na daw siya?'' Narinig ni Jaden ang boses ni Ysabel parang maiiyak ito. Nakonsensya naman siya ngunit ayaw niyang ipahalata. ''Pauwi na ako malapit na nga kami sa bahay eh,'' tinatamad na sagot ni Jaden.
"Bakit ka nang iwan? Paano uuwi si Ysa?'' inis na sunod-sunod na tanong ni Bryan kay Jaden.
''Bakit hindi na ba siya marunong sumakay ng jeep ngayon?'' Hindi na hinintay ni Jaden ang sagot ng kaibigan at pinindot na ang end call button.
Napailing si Bryan. Pinapairal na naman ng kaibigan ang kasutilan. Naniniwala siyang sinadya nitong hindi magsabi kay Ysabel noong lumabas ito sa locker room at sinadyang iwan ito.
Makikita naman sa mukha ni Ysabel ang pag-aalala. Hindi siya takot na sumakay ng jeep mag-isa dahil sanay naman siya doon. Ang ikinatatakot niya ay baka mapagalitan siya ni Senyora Beatrice kapag nalaman na hindi sila sabay umuwi ni Jaden lalo at medyo madilim na.
''Nasaan na daw siya?“ tanong niya kay Bryan ng maibaba nito ang cellphone.
''Nauna na daw siyang umuwi,'' imporma ni Bryan.
Nanlumo naman si Ysabel. Siguradong mapapagalitan siya ni Senyora Beatrice kapag nalaman nitong nahuli siya ng uwi sa amo niya.
Bagamat sa kabilang direksyon ng mansion ng mga Aragon ang bahay nila Bryan inihatid parin ni Bryan at ng driver nito si Ysabel. Hindi ito pumayag na uuwi si Ysabel mag isa gayong gabi na at mag-iisa itong sasakay ng jeep.
Hindi naman mapalagay si Ysabel sa kinauupuan. Nag-aalala siya na baka mapagalitan siya ni Senyora Beatrice.
''Relax, Ysa! Hindi ka naman siguro papagalitan ni tita Beatrice kung sasabihin mo sa kanya ang totoo na iniwan ka ni Jaden,'' Pagpapakalma ng kaibigan kay Ysabel.
Tahimik lang si Ysabel. Taimtim na hinihiling na sana nga ay pakinggan ni Senyora Beatrice ang paliwanag niya.
Sa mansion ay lalo naman nagngitngit sa inis si Jaden ng makita niya mula sa terrace ng kwarto niya na inihatid pa talaga ng kaibigang si Bryan si Ysa. Pakiramdam niya ay tinatraydor siya ng kaibigan at mas kinakampihan talaga nito si Ysabel.
Nang makapasok si Ysabel sa loob ng kwarto nila ng Mama niya ay agad siyang nilapitan ng ina niya.
''Ysa, anak bakit ngayon ka lang? Bakit hindi kayo magkasabay na umuwi ni Senyorito Jaden?''
''Ma, naiwanan po ako. Hindi ko po napansin na nakalabas na siya ng locker. Namalayan ko nalang umuwi na pala siya at naiwan ako,'' hindi sinabi ni Ysa na sinadya siyang iwan ng amo dahil wala naman siyang katibayan na sinadya siyang iwan nito.
''Nako pinatatawag ka ni Senyora Beatrice. Sinabi kasi ni Senyorito na hindi ka raw makita kaya nauna na siyang umuwi,'' nag-aalalang wika ng ina.
''Ho? Galit po ba si Senyora Beatrice, Ma?'' Hindi makapaniwala si Ysabel na gagawa ng kasinungalingan ang amo para lang mapagalitan siya ng Mommy nito.
''Puntahan mo na si Senyora Beatrice anak at magpaliwanag ka. Hindi naman siguro iyon magagalit kung magpapaliwanag ka ng side mo.''
''Sige po Ma. Magbibihis lang ako at pupuntahan ko na siya.''
''Sige maiwan na kita at tutulong pa ako maghain ng hapunan.''
Matapos makapagbihis ni Ysabel ay agad niyang pinuntahan si Senyora Beatrice.
''S-Senyora pasensya na po nahuli po akong umuwi,” nauutal na paliwanag ni Ysa. Nakayuko rin siya at nakahandag tanggapin kung mapapagalitan man siya.
''Kamusta ang trato sayo ng anak ko, Ysa?” malumanay na tanong ni Senyora Beatrice.
Napaangat ng tingin si Ysabel sa tanong nio. Hindi niya inaasahan na ganoon ang tanong nito. ''O-okay naman po,'' tanging naisagot niya.
''May palagay ako na sinadya kang iwanan ng Senyorito mo. Pagpasensyahan mo nalang at medyo lumalaking sutil ang anak ko.''
''W-wala po iyon Senyora. Maayos naman po ang trato niya sa akin ni Senyorito,'' pagtatakip ni Ysabel sa amo.
''Mabuti kung ganun. Kamusta naman sa eskwela si Jaden?''
''Maayos naman po at walang problema. Matalino rin po si Senyorito Jaden medyo tamad lang po minsan.''
''Sige Ysa maghapunan ka na rin at magpahinga.''
Hanggang makabalik si Ysabel sa kwarto nila mag-ina ay hindi siya makapaniwala na hindi siya pinagalitan ni Senyora Beatrice. Talagang napakabait nito sa kanya. Sana manlang ay namana ng anak nito ang mabuting asal, sa isip-isip niya.