NASA covered court sila ng eskwelahan. Hinihintay ni Ysabel si Jaden habang naglalaro ito ng basketball. Kailangan kasi sabay sila laging umuwi iyon ang bilin ni Seyora Beatrice. Nagulat si Ysabel nang may tatlong babaeng lumapit sa kanya.
"Syota ka ba ni Jaden?" tanong ng isa sa kanya.
Nabigla si Ysabel sa tanong sa kanya. Hindi niya talaga inaasahan na ganoong bagay ang pakay sa kanya ng mga lumapit sa kanya. Ni wala pa nga sa isip niya ang mga kabalbalan na ideya na magkaroon siya ng boyfriend lalo pa kaya ang maging syota si Jaden the evil.
''Hindi ko siya kasintahan, kaibigan ko lang siya,'' sagot niya sa tanong ng mga ito.
''Mabuti naman kung ganun! Crush kasi namin siya,'' mataray na pag-amin ng isa sa tatlo.
Napailing nalang si Ysabel. Kay babata pa crush na agad ang mga nasa isip nito. Ganoon ba talaga ang mga anak mayaman? Kay babata ay mga crush na ang inaatupag?
''Bakit magkasabay kayo lagi pumasok at umuuwi?'' tanong naman ng isa. Mukhang hindi ito kumbinsido na magkaibigan lang sila ni Jaden.
''Wala kayong mga pakialam kung magkaano-ano sila! Magsialis na nga kayo. Wala kaming mga pakialam kung crush niyo si Jaden. Eh di lapitan nyo kung pansinin kayo,'' mataray na sita ni Sabrina na nakalapit na pala sa kanila.
Nagulat naman ang tatlo ng marinig ang boses ni Sabrina. Akala nila ay mag-isa lang si Ysabel kaya naglakas loob silang lapitan ito.
''Nagtatanong lang naman kami ah. Masama bang magtanong?'' Mukhang palaban ang isa.
''Pwes hindi kami information desk para sagutin ang mga tanong niyo. Magsialis na kayo at nakakaistorbo kayo sa amin. Kung crush niyo ang mga kaibigan namin wala kaming pakialam. Swerte nyo kung patulan kayo! Kaso hindi sila pumapatol sa mga pangit lalo kung kasing pangit ng mukha ang ugali!'' Ngumiti pa si Sabrina ng nakakainsulto.
''Nang iinsulto ka ba?'' Tanong ng palaban na isa.
''Nako, natamaan ka ba? Hindi ka kasi umilag nasapol ka tuloy... Minsan ilag-ilag din pag may time,'' pang-iinis pa ni Sabrina.
Hinawakan naman ni Ysabel sa braso si Sabrina baka kasi mapaaway ito. Nakita niya kasing palaban ang isa sa tatlo at mukha pang susugod kay Sabrina inawat lang ng dalawa.
''Tara na, Kara alis na tayo...'' sabi ng isa at hinila na paalis ang kasama.
Dinilaan naman ni Sabrina ang mga ito bilang pang-iinis.
''Bakit mo naman pinatulan? Muntik na tuloy tayong mapaaway,'' si Ysabel ng makaalis na ang tatlo.
''Naku malalandi ang mga iyon elementary palang kami umaaligid na yan sa mga kaibigan ko. Kahit hindi pinapansin sige parin sa pagpapacute. Nakakabanas ang babata pa ang lalandi na.''
''Hinayaan mo nalang sana.''
''Ay nako Ysa kung hihina-hina ka, aapihin ka ng mga iyon. Kita mo nga lumapit lang sila sayo ng inakala nila na nag-iisa ka lang at wala ako. Ilang beses na kaya akong pinagtatangkaan awayin ng mga kiri na yan. Hindi lang nila ako kaya kasi nilalabanan ko sila.''
''Bakit ka naman nila inaaway?'' nagtatakang tanong ni Ysabel sa kaibigan.
''Dahil sa limang boys na iyan.'' Inginuso ni Sabrina ang mga kaibigang lalaki. Naiinggit ang mga girls sa akin dahil mga kaibigan ko sila. Minsan pinagseselosan pa ako,'' paliwanag ni Sabrina.
Pinagmasdan ni Ysabel ang limang kalalakihan na naglalaro ng basketball. Bawat isa sa mga ito ay may kanya kanyang karisma at taglay na kagwapuhan. Si Bryan ay singkit at tisoy. Si Austin ay nakakabighani kung tumingin ang kulay asul nitong mga mata. Si Nathan ang matatawag na pretty boy. Samantalang si Adam ay napakalakas ng s*x appeal. Si Jaden ay nakakaakit naman ang biloy nito sa pisngi at ngayong nakikita niya itong nakangiti at hindi galit, napaka gwapo pala talaga nito. Kumpara sa lima pang kalaban nito ng basketball ay mas pinagtitilian din ito ng mga kadalagahan na nanunuod sa laro ng mga ito.
''Umpisa palang ang tatlong babae na lumapit sayo kanina. Tingnan mo sa susunod na mga araw ay parami ng parami ang mga iyon. Kaya ngayon palang ihanda mo na ang sarili mo,'' babala ni Sabrina.
''Paano kung malaman nilang yaya lang ako ni Senyorito Jaden?''
''Naku huwag na huwag mo ipapaalam sa kanila yan dahil lalo ka nilang aapihin. Hindi naman lingid sayo na anak mayaman ang mga nag-aaral dito at karamihan sa mga iyon ay mata pobre. Siguradong ibubully ka nila.''
Kinabahan naman si Ysabel. Naranasan na niyang mabully dahil putok daw siya sa buho dahil nga wala naman siyang ama. Kailan lang natigil iyon ng medyo lumalaki na siya. Napalitan ng paghanga sa ganda niya ang mga panunukso sa kanya. Madalas siyang umiyak noon. Sobrang sakit kaya ng mabully, halos nga hindi na siya lumalabas ng bahay para makipaglaro dahil iniiwasan niya ang panunukso ng mga kabataang kasing edad niya. Ngayong malaki na siya ay nagbabanta na naman siyang mabully ulit. Hindi pa nga maganda ang trato sa kanya ni Jaden tapos baka madagdagan pa ang suliranin niya. Ang hirap naman ng kalagayan niya. Maraming kailangan tiisin para lang matupad ang mga pangarap niya at maiahon sila ng ina niya sa kahirapan.
Napansin naman ni Sabrina ang pananamlay at takot sa mukha ni Ysa. ''Huwag kang mag-alala. Hindi naman ako papayag na may mang api sayo. Saka hindi sila kakampihan ng mga boys. Mamatay sila sa inggit sa atin,'' nakangiting wika ni Sabrina.
''Sana ipinanganak rin akong mayaman noh? Baka naging kasing tapang mo rin ako,'' wala sa loob na nasabi ni Ysabel.
''Ano ka ba! Pinapahanga mo nga ako eh. Sa batang edad mo ay katulong kana ng mama mo maghanap buhay. Kung ako siguro ang nasa kalagayan mo baka hindi ko kaya. Saka hindi naman mayaman si Daddy. Yumaman lang siya dahil sa pagsisikap. Kaya naniniwala akong darating ang araw matutupad mo rin ang mga pangarap mo.''
''Sana nga. Kaya importante sa akin ang makatapos ng pag-aaral dahil iyon lang ang paraan na alam ko para makaahon kami sa hirap ni Mama,” wika ni Ysabel.
“Matutupad mo ang mga pangarap mo sa buhay, Ysa. Sigurado ako doon dahil mabait at masipag ka.”
“Salamat!”