''BAKIT bigla atang bumait sayo si Jaden?'' bulong na tanong ni Sabrina kay Ysa.
''Ewan. Nagtataka na nga ako eh. Baka nawala na iyong sungay niya!'' pabulong na sagot ni Ysabel habang tinitingnan ang papalapit na si Jaden dala ang mga pagkain nila.
''Oh, baka naman nagkaka crush na iyang amo mo sayo!'' may halong panunudyo sa boses ni Sabrina.
''Sira! Hindi iyan magkakagusto sa akin.Hindi naman ako Senyorita na tulad mo. ''Pero sa kaibuturan ng puso ni Ysabel ay parang umaasa siya na totoo ang sinasabi ni Sabrina.
''Malay natin sa ganda mong iyan ay napapaamo mo na pala ang leon,'' nakangiting sabi ni Sabrina. ''Tsaka ano ka ba--- Hindi naman siguro hadlang para kay Jaden kung hindi ka man mayaman.''
''Shhhhh, marinig ka! Nakakahiya, mapahiya pa tuloy ako niyan,'' saway ni Ysabel malapit na kasi si Jaden.
''Nagbablush ka, bes! May crush ka na sa amo mo noh?''
Pinanlakihan ng mata ni Ysabel si Sabrina para tumigil na ito. Laking takot niya talaga at baka magpakamatay siya sa hiya kapag narinig ni Jaden ang mga pinagsasabi ni Sabrina.
Natahimik naman si Sabrina lalo na ng tuluyang makalapit na sa kanila si Jaden.
''May sinasabi ba kayo? Parang narinig ko yata ang pangalan ko,'' tanong ni Jaden na nakakunot pa ang noo habang ibinababa ang mga pagkaing nasa tray.
''W-wala! Tutulongan ka sana namin kaso mukhang kaya mo naman,'' agad na salo ni Ysabel at pasimple pa pinandilatan si Sabrina para sang-ayunan ang sinasabi niya.
''Oo nga tutulungan ka sana namin kaso naisip kong kaya mo na yan,'' pakikisakay ni Sabrina.
Nagkibit nalang ng balikat si Jaden kahit nagdududa siya kung iyong nga ang pinag-uusapan ng dalawa. Nakita niya kasi ang pamumula ng mukha ni Ysabel nang makalapit na siya ngunit hindi nalang siya nag-usisa.
---
"OH, Ysabel anak, ano pang ginagawa mo riyan? Gisingin mo na ang alaga mo at nang makapag-almusal na. Naihanda mo na ba ang bihisan niya?" Pagpasok ni Ysa sa kusina ay iyon agad ang sinalubong ng mama niya habang abala naman ito sa pagluluto.
Bigla naman napasimangot si Ysa. Pinaka ayaw niya sa lahat ay ang paggising sa amo araw-araw. Mantika kasi ito kung matulog. Nakaligo na siya at bihis na rin ngunit ang kanyang Senyorito ay naghihilik pa.
"Kako naihanda mo na ba ang bihisan ng alaga mo?" pag-uulit ng mama niya ng mapansin na hindi siya sumunod.
"Opo Ma. Kagabi ko pa po inayos iyo," sagot ni Ysabel sa ina. Siya na kasi ang namamahala pati bihisan ng alaga niya. Ang mama niya kasi na siyang dating gumagawa niyon ay inilipat ni Senyora Beatrice sa kusina. Nagkasakit kasi ang dating cook at total marunong magluto ang mama niya ay ito nalang ang ipinalit. Siya naman ay full time yaya na ni Jaden. Sa kanya nalang ibinibigay ang dapat na sahod ng isa pang katulong maliban pa sa allowance niya sa pagpasok sa eskwela.
"Eh, di gisingin mo na at anong oras na. Baka mahuli na kayo sa klase!"
"Opo, ma pupuntahan ko na po." Mabigat ang paa na tumalikod si Ysabel at tinalunton ang daan papunta sa kwarto ng alaga.
Hindi naman sa nagrereklamo siya sa trabaho niya ngunit napakahirap talagang gisingin ng alaga niya. Mula ng araw na nagdrama itong kunwari ay patay na ay pinaka inaayawan na niya ang paggigising dito. Hindi niya makakalimutan na muntikan na siyang inatake sa puso dahil sa kagagawan nito.
Pero kahit ayaw ni Ysa ay wala siyang magawa. Kailangan niyang gawin ang trabaho niya. Siya rin naman ang maapektuhan kung hindi niya ito gigisingin dahil hindi naman siya pwedeng maunang pumasok sa eskwela. Kailangan sabay sila nito pumasok at umuwi. Iyon ang mahigpit na bilin ni Senyora Beatrice sa kanya. Kaya naman kahit nagmumukha siyang tanga sa kakahintay dito sa hapon ay wala siyang magawa.
Pagdating sa kwarto ng amo ay dahan-dahan muna siyang kumatok, ngunit walang sumasagot. "Ay nako Ysabel anong inaasahan mo? Kumatok ka pa talaga eh noh? Alam mo namang tulog pa iyon," kausap ni Ysabel sa sarili.
Pinihit niya ang door knob. Isa sa ipinagpapasalamat niya ay hindi naglolock ng pinto si Jaden. Kung inilolock pa nito ang pinto ay baka mamuti na ang mata niya sa kakakatok sa pinto nito kada umaga.
Pagpasok niya sa kwarto nito ay agad siyang lumapit sa kama kung saan ito naroon at natutulog. Gigisingin niya na sana ito ng matigilan siya. Napakapayapa ng tulog nito na parang baby. Kahit naman madalas itong nakasinghal sa kanya ay hindi naman iyon nakakabawas sa kagwapuhan nito. Parang mas lalo pa nga itong gwapo sa paningin niya kapag nakasimangot ito sa kanya.
Kaya nga niya natagalan ang kasungitan nito dahil kung noong una ay takot siya dito habang nakakasanayan niya ang kasungitan nito ay nakyukyutan na siya dito kapag nanlalaki ang butas ng ilong nito sa inis sa kanya. Pakiramdam nga niya ay nagkaka crush na siya sa amo niya. Ngunit lagi niyang pinapaalala sa sarili na hindi niya ito pwedeng magustuhan. Kahit nga ang pangarapin manlang ito ay hindi maaari. Napakalaki ng agwat ng pamumuhay nila. Amo niya ito at yaya naman siya nito.
Ilang minuto niya pang pinagbigyan ang sarili sa pagtitig dito. Saka siya nag desisyon na gisingin na ito.
"Señorito gising na. Baka mahuli na naman tayo sa klase." Sinabayan niya pa iyon ng mahinang pag-alog sa balikat nito. Ngunit walang naging tugon mula sa lalaki.nMas lalo niya pang pinagbuti ang paggising dito lalo na at nasulyapan niya ang oras sa alarm clock sa may side table ng kama nito.
Walang hiyang alarm clock iyan, walang silbi! Kaganda-ganda hindi naman pinapatunog ng alaga niya para gisingin ang sarili nito kada umaga di sana hindi na niya ito kailangan puntahan at kailanganin pang gisingin.
"Senyorito gising na po! Mahuhuli na naman tayo sa klase eh..." patuloy na inaalog ni Ysabel si Jaden ngunit daig pa nito ang mantikang nalamigan. Ni hindi manlang ito gumagalaw. Tumuwid ng tayo si Ysabel at namaywang. Iniisip kung paano gigisingin ang gwapong alaga.
"Halikan nalang kaya kita tingnan lang natin kung dika magising!" makulit na bulong ng puso niya.
"Loka! Sa kalsada kayo pupulutin mag-ina kapag malaman ni Senyora Beatrice na pinagnanasaan mo ang unico hijo niya," bulong naman ng isip niya.
"Diyos ko Ysabel mahuhuli na kayo sa klase kung anu-ano pang kabalbalan ang iniisip mo!" Halos batukan ni Ysa ang sarili.
Napangiti si Ysabel nang maalala ang balahibo ng manok na inilagay niya sa bulsa kanina. Napulot niya iyon sa palengke ng minsan na sumama siya sa mama niya. Shinampoo pa nga niya iyon para mabango kapag ginamit niya iyon na pang gising sa alaga niya.